Nang magising ako kinabukasan ay mataas na ang sikat ng araw. Nakaayos na rin ang mga gamit ng mga kaibigan ko sa loob ng cottage namin.
Lumabas ako para lumanghap ng sariwang hangin at para na rin magtungo sa comfort rooms na nasa labas ng cottages.
Habang naglalakad ako patungo sa comfort room ay nakasalubong ko si Warren. Napayuko na lamang ako ng ulo nang makita ko siya at kaagad na tumakbo patungo sa bakanteng comfort room. Ayokong makita niya ako na ganito ang ayos at bagong gising. Hindi ko pa sure kung mabango pa ba ang hininga ko o kung maganda pa ba ang itsura ko ngayong umaga.
Nang makalabas ako ng comfort room ay nakasalubong ko naman sina Gyneth at Rosie.
"Bes, may emergency sa bahay kailangan ko na ngayong umuwi," malungkot na sabi sa akin ni Rosie.
"Ha? Okay sige. Ano ba ang nangyari?" nag-aalalang tanong ko rito.
"Lasing daw si Kuya Elmo kagabi at nag-away na naman sila ni papa. Naatake daw si papa dahil sa sobrang galit nito kay kuya. Pero okay naman na ngayon si papa, bes. Gusto ko lang na ma-sure na okay na nga talaga siya. Sorry, ha. Kailangan ko na ngayong umuwi, magpapahatid ako kay Gilbert."
"Sha, sasamahan ko si Rosie, ha. Okay lang ba na maiwan ka rito?" sabi naman ni Gyneth. Matalik na magkaibigan ang mga ito bago pa man nila ako nakilala kaya naiintindihan ko kung iiwan nila ako ngayon.
"Uuwi na rin ako. Ahm, tu-tumawag kasi si Tita Cora at pinapauwi na niya ako," pagsisinungaling ko.
Niyakap ako nina Rosie at Gyneth. "Sorry talaga, bes. Siguro next time na lang tayo mag-bonding? Sa birthday ko, pumunta tayo sa bahay," paanyaya ni Gyneth.
"Bes, Shanta. Okay lang talaga, ha?" ulit na tanong sa akin ni Rosie.
"Okay lang talaga ako, Rosie. Sige na pahatid na kayo kay Gilbert. Tawagan ninyo ako kapag nakauwi na kayo, ha. Siguro uuwi na rin ako mamaya... sasabay na lang ako kay Vlad."
Magkakasama kaming nagtungo sa cottage naming tatlo. Nakita ko na nakaimpake na ang mga gamit nina Gyneth at Rosie. Naroon na rin ang sasakyan ni Vlad na gagamitin ni Gilbert.
Hinanap ng mga mata ko si Warren ngunit hindi ko siya makita.
"So, masosolo na pala kita, love." Inakbayan ako ni Vlad at saka ngumiti sa akin.
"Love ka diyan!" Inalis ko ang kamay nitong nakaakbay sa balikat ko. "Uuwi na rin ako mamaya dahil nagbago ang isip ng Tita Cora ko, no!"
"Wala si Kuya Warren para maghatid sa atin pauwi. Inutusan siya ni Daddy... kaya naman masosolo na kita, love."
"Vlad, kapag may nangyari na masama kay Shanta ikaw ang isusumbong namin sa mga pulis!" pagbabanta pa ni Rosie dito.
"Bro, ako na ang bahala sa dalawang ito. Just enjoy!" Nginisihan pa ni Gilbert si Vlad at saka nakipag-apir dito.
Tinanaw namin ni Vlad ang papalayong van. May student license naman daw si Gilbert pero hindi pa rin ito dapat na magmaneho ng sasakyan.
"Ihahatid ba sila ni Gilbert hanggang sa Nueva Ecija?"
"Nope. Hanggang sa may terminal lang sila, love. Mapapagalitan ako ni Daddy kapag nahuli si Gilbert at tiyak ako na hindi na niya ako papayagan na gumala."
May takot din pala sa magulang ang playboy na ito.
"Eh... si Warren. I mean si... Kuya Warren? Babalik pa ba siya rito?"
Nagkibit-balikat ito sa akin. "I don't know. Sa tingin ko naman, oo. Siya ang private driver namin ni Daddy kaya for sure na babalik pa rin siya rito. Anyway, bakit mo nga pala siya tinatanong, Love? May problema ka ba sa kanya? I can fire him if you want." Sumeryoso ang mukha ni Vlad sa sinabi ko.
"Hindi naman sa ganoon, Vlad. Naitanong ko lang kasi parang ako na lang yata ang kasama mo rito."
Tinawanan ako nito at saka muling inakbayan. "Mas okay sa akin para masolo kita."
Dumistansya ako rito at saka ito itinulak. "Uuwi na rin kasi ako kaya mukhang wala kang kasama rito."
"I'm just kidding, Love. Breakfast na muna tayo para kapag dumating na si Gilbert, uuwi na rin tayo." Naunang naglakad sa akin ito patungo sa loob ng cottage namin.
Bumuga ako nang malalim at sumunod kay Vlad. Tinulungan ko si Vlad na mag-prepare ng pansit canton na siyang kakainin naming dalawa. Nagtima naman ako ng choco drink at saka ko iyon inilagay sa lamesa.
Magkaharap kami na nakaupo sa may cottage habang nakatingin sa magandang view ng beach.
"Gusto mo bang magtrabaho sa company namin kapag nakapag-graduate na tayo?" pang-aalok sa akin nito.
"Hindi ba nakakahiya?"
"Hindi naman... gusto kasi ni Daddy na ako na ang mag-handle sa company namin kapag nakapag-graduate na ako. At gusto ko sana na makasama ka sa trabaho. You will be my sexy secretary." Kinindatan pa ako ni Vlad.
"Gusto ko sana kaso ayokong maging secretary, Vlad. Ang gusto ko magkaroon din ng sariling business katulad ng sa Tita Cora ko. Naisip ko kasi na tulungan na lang ang Tita Cora sa negosyo niya at gamitin ang mga pinag-aralan ko para maging successful ang business niya. Pagkatapos magkakaroon din ako ng sariling bakeshop na ima-manage."
Tumaas ang sulok ng mga labi ni Vlad sa sinabi ko. "Papahirapan mo pa pala ang sarili mo, e. Nandito na ako para gawin ang lahat para sa iyo. Heto nga at pinagluluto pa kita ng pansit canton."
Natawa ako sa sinabi nitong iyon.
"May mga restaurants diyan pero mas gusto ko na ipag-prepare kita ng simpleng pagkain."
"Sus, ang sabihin mo tinatamad ka lang na umalis dahil walang sasakyan."
Mayaman ang pamilya ni Vlad at nag-iisa pa itong anak. Ngunit kahit na patay na patay sa akin ito ay hindi ko siya pinapansin. Ayokong isipin ng iba na ginagamit ko lang si Vlad para makuha ang lahat ng gusto ko at makuha ang mga luho ko.
Ginulo ni Vlad ang buhok ko at tinabihan ako sa pag-upo.
"Kaya kita gusto dahil prangka ka at mukhang kilala mo na ako."
"Vlad... gusto kong sabihin sa iyo na---"
"Huwag mo na iyang ituloy, Shanta. Hindi ko iyan matatanggap, hindi naman ako nagmamadali para magustuhan mo ako. Siguro ng iniisip mo na gusto lang talaga kitang makuha dahil nakilala mong playboy ako. Pero alam mo mula noong nakilala na kita hindi na ako tumingin sa iba. Sa iyo napako ang mga mat ko, Love."
Tumitig ito sa mga mata ko at tumingin sa aking mga labi.
"Sir?"
Baritonong boses na nanggaling sa aming likuran. Nasa labas na pala ng cottage si Warren na hindi namin napansin ni Vlad.
Napadiretso ako ng upo at itinuloy ang aking pagkain. Ayokong tumingin kay Warre dahil ayokong makita niya na namumula ang mga pisngi ko.
Tsk, Shanta!