Nakasunod lamang ang mga mata ko sa kinaroroonan ni Shanta at ng mga kaibigan niya. Naiinis ako sa sinabi niya sa akin na huwag ko siyang pakialaman dahil wala akong karapatan.
Tama naman siya roon. Sino nga ba ako para makialam sa kanya? Hindi naman niya ako boyfriend at mukhang hindi niya ako kailangan. Siguro nga kailangan ko na talagang ilayo ang sarili ko sa kanya.
Si Vlad ang taong p'wedeng mahalin ni Shanta dahil kaya nitong ibigay ang lahat. Si Vlad ang nag-iisang anak ng boss ko at isang tagapagmana ng mga Alizares.
Nandito ako ngayon sa may parking area at nakaupo sa loob ng van. Gusto kong umalis para huwag na sanang makita si Shanta pero hindi ko naman sila p'wedeng iwan dahil sa akin inihabilin ni Sir Alfredo ang anak nitong si Vlad.
Bumuga ako nang malalim at saka muling tumingin sa gawi ni Shanta. Kausap na nito si Vlad na para bang inaaya ito na maglaro ng volleyball.
Kahit na malayo ako ay naririnig ko ang tawanan at tuksuhan ng mga ito. Naririnig ko rin ang malulutong na pagtawa ni Shanta. Alam ko na hindi naman talaga niya ako magustuhan. Labing anim na taon ang agwat namin sa isa't isa.
Siguro nga nakatadhana nang hindi na ako magmamahal dahil nasawi na ako sa unang babaeng minahal ko. May mga pagkakataon na nakikita ko kay Shanta ang mukha ng babaeng unang minahal ko.
Lumabas ako sa may driver's seat at nagtungo sa puwesto ng nagbebenta ng mga merienda. Bumili din ako ng isang yosi at sinamahan iyon ng isang malamig na soft drinks.
"P'wede po ba akong kumuha ng maliit na cottage diyan?" tanong ko sa matandang tindera.
Wala kasing sinabi si Vlad kung saan ako matutulog. Ngunit binigyan ako ng allowance ni Sir Alfredo kanina bago ako umalis sa trabaho.
"Bakit? Hindi ba driver ka noong mga college students na naroon?" sabay turo nito sa gawi nila Shanta.
"Eh, driver lang po ako." Nagkamot ako ng ulo pagkatapos sumagot.
"Ganoon ba? May isang bakanteng cottage sa may dulong bahagi nitong mga paupahan, iyon nga lang at medyo luma na. Sa amin iyon ng anak ko na caretaker dito. Siguro naman okay lang sa iyo na doon matulog," sabi ng matanda sa akin.
"Magkano po ang---"
"Huwag na... matutulog ka lang naman doon kaya hindi mo na kailangan pang magbayad. Ako nga pala si Laura, tawagin mo na lang akong Aling Laura, magkasing edad lang siguro kayong panganay kong anak." Gumuhit ang lungkot sa mga mata nito. "Maaga lang siyang kinuha sa akin."
"Aling Laura, nalungkot tuloy kayo dahil sa akin. Siguro guwapo din siya na katulad ko," pagbibiro ko sa kanya.
"Syempre guwapo ang anak ko at napakasipag. Pasensiya ka na at hindi ko lang mapigilan na magkuwento. Sige diyan ka na muna, iho at asikasuhin ko ang mga bumibili."
"Salamat po talaga, Aling Laura." Napakabuti ng matanda sa akin. Hindi ko tuloy maiwasan na ikumpara ito sa aking sariling ina.
Sumapit ang gabi at nagtungo sa may bonfire sila Shanta kasama ang mga kaibigan nito. Nagpasya naman akong maglakad-lakad sa paligid at dinadama ang sariwang simoy ng hangin.
Bumuga ako nang malalim habang nakatingin sa malawak na karagatan. Naalala ko ang aking kapatid, hindi pa rin mawala sa isip ko ang mga binitawan niyang mga salita bago siya namatay.
Ibinili nito sa akin ang asawa nito na si Cora at hindi ko man lamang nalaman na si Shanta pala ay pamangkin ni Cora. Hindi ko ngayon alam ang gagawin ko. Paano ko pupuntahan si Cora? Paano ko ipagtatapat sa kanya ang totoo? Paano ko ipapaliwanag kay Shanta na kakambal ko ang Tito Bernard nito?
Muli akong bumuga nang malalim. Hanggang ngayon magulo pa rin ang isip ko. Kailangan ni Letty ng pera para sa tuloy-tuloy nitong gamutan at si Cora lamang ang nakikita kong makakatulong sa akin para madugtungan pa ang aking buhay ng kapatid ko.
Naihilamos ko ang dalawa kong palad sa aking mukha. Kailangan ako ng kapatid ko para mabuhay ngunit ayoko namang saktan si Shanta dahil sa gagawin ko.
Kahit na panay ang overtime ko hindi pa rin sumasapat ang kinikita ko para sa gamot na dapat kong bilhin para kay Ate Letty. Hindi ko na alam ang gagawin ko para lamang kumita ng mas malaki pang pera.
Umupo ako sa papag na naroon sa tabi ng mga puno ng niyog. Walang tao sa gawing ito kung saan ako nakaupo. Karamihan kasi ng tao ay nasa harap ng bonfire at nagsasaya.
Humiga ako sa may papag at tumingin sa kalangitan. Napakaganda ng langit, maraming mga bituwin at napakaliwanag ng kalangitan.
Idinalangin ko na sana gumaling na si Ate Letty at bumalik na ang dating sigla nito.
Habang nakahiga ako ay hindi ko namalayan na nakatulog ako sa papag. Napabalikwas na lamang ako nang may marinig akong malalakas na tawanan. Natanaw ko sina Vlad kasama ang mga kaibigan nito patungo sa cottage na tutuluyan nila. Pasuray-suray ang mga ito sa paglalakad. Napailing na lamang ako dahil sa apat na case na beer na nakita kong iniinom ng mga ito kanina.
Natanaw ko rin si Shanta na kasama ang dalawa nitong kaibigan. Tumingin ako sa relo ko at mag-aalas dose na pala ng hating gabi. Ilang minuto pa akong nanatiling nakaupo lang sa papag hanggang sa magpasya na akong magtungo sa kubo na matutuluyan ko ng libre.
Hindi man lang inilam ni Vlad kung may matutuluyan ba ako o may kakainin ako? Tsk, buhay nga naman ng mga mayayaman.
Habang patungo ako sa kubo na tutuluyan ko ay sinalubong ako ni Shanta. Pasuray-suray din ang paglalakad nito palapit sa akin.
"Warren?" mahinang tanong nito na mukhang hindi pa sigurado na ako nga ang kinakausap nito.
"Bakit? Hinahanap mo ba ako?" malamig kong tanong dito.
"Ang sungit mo naman!" Lumapit pa ito sa akin at hinawakan pa ang mukha ko. "Huwag kang masu--- masungit, Warren. Kapag palagi kang ganyan mabilis kang tatanda." Pinisil pa nito ang pisngi ko.
Isang pulgada na lamang ang pagitan ng mukha naming dalawa. Naamoy ko ang beer na ininom nito pati na rin ang amoy sigarilyong kamay nito na nasa mukha ko.
Itinulak ko siya nang marahan at saka tinalikuran. "Bumalik ka na sa cottage ninyo. Hindi ka lang pala naglasing, nanigarilyo ka na rin. Hindi ko alam na ganyan ka pa lang klase ng babae." Napagtuloy ako sa paglalakad patungo sa kubo na natatanaw ko.