Isang linggo na ang nakalipas simula noong umalis si Tita Cora at magtungo sa Cebu hanggang ngayon ay hindi pa rin siya umuuwi. Gusto ko sana siyang tawagan pero ayoko namang makaistorbo lalo na ngayon at nararamdaman ko na may pinagdadaanan ang Tita Cora ko. Inasikaso ko ang bakery ni tita at madalas din akong late na natutulog dahil kailangan kong masigurado na hindi ko napapabayaan ang bakery pati na rin ang pag-aaral ko.
Nandito ako ngayon sa park, mag-isa at pinapanood ang mga tao na nasa paligid ko. Nalulungkot ako at namimis ko na ang buhay ko sa Maynila. Kumusta na nga kaya si Tita Carol? Ang mga pamangkin ko at mga kaibigan na naiwan ko doon.
"P'wede bang makiupo?" mahinang tanong ng isang lalaki sa aking likuran.
Nilingon ko siya at nagtama ang aming mga mata. "I-ikaw?" nauutal kong tanong nang makita si Warren na nakatayo sa likuran ko.
"Hindi mo ako tinawagan at hindi mo rin ako iti-next. Talagang hindi mo nga ako gusto," malungkot na sabi nito habang umuupo sa tabi ko. Ibinaba nito ang dalang bag sa may damuhan. Iniangat nito kaunti ang suot na sumbrero at muling tumingin sa akin.
"Busy lang ako at hindi ko talaga ugali na makipag-usap sa mga taong hindi ko lubos na kilala. Lumaki ako sa Manila ngunit hindi ibig sabihin no'n liberated akong babae." Umakma akong tatayo na pero pinigil niya ako.
"Sorry, ini-expect ko lang na tawagan mo ako o i-text man lang. Gusto lang talaga kitang maging kaibigan, Shanta. Wala akong kamag-anak dito kaya naisip ko na makipagkaibigan sa iyo. Gusto ko lang sana ng taong mapagsasabihan ng mga problema ko sa mundo," malungkot na paliwanag nito sa akin.
Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng awa para kay Warren. Masiyado lang siguro akong naging mataray pagdating sa kanya. Iniisip ko kasi si Tita Cora at ang pagtitiwala niya sa akin. Guwapo si Warren at mukhang mabait pa, baka mamaya magustuhan ko siya.
Hay, ano bang iniisip ko?
Muli akong umupo sa tabi ni Warren. Pinapakiramdaman namin ang isa't isa.
"Hindi ka ba pumasok sa university?"
"Pumasok ako kaninang uwian dito na ako dumiretso. Pupunta pa kasi ako sa bakery ng tita ko. Sa ngayon kasi ako ang nag-aasikaso no'n habang wala pa siya. Ikaw bakit hindi ka na nagtratrabaho bilang security guard ng university?"
"Inaalagaan ko ang kapatid ko na may sakit. Babalik na ako sa trabaho dahil kailangan ko ng pera... kailangan ni ate ng malaking pera sa kanyang operasyon."
"Ganoon ba? Sana gumaling na ang ate mo kung gano'n."
"Sana nga, Shanta." Tumitig sa mga mata ko si Warren. "Sige, aalis na ako. Pupunta pa kasi ako sa bagong trabaho na pinasukan ko."
"Hindi ka na sa university magtratrabaho?" mahinang tanong ko sa kanya.
"Hindi na, Shanta. Papasok ako ngayon sa Alizares Company, bilang security guard at panggabi ang pasok ko. Mas malaki ang sasahurin ko kaysa sa University. Hindi na kita madalas na makikita at mabuti na iyon para hindi na kita naabala."
Medyo nalungkot ako sa sinabing iyon ni Warren.
"H-Hindi ko naman sinabing nakakaabala ka. I mean... sige na nga aalis na ako."
Ngumiti si Warren habang nakatingin sa akin. "Hindi ako magbabago ng number, kung sakaling kailanganin mo ako p'wede mo akong tawagan kahit na anong oras." Nauna itong naglakad palayo.
Napangiti rin ako dahil gusto pa rin niya akong makita kahit na pinipilit ko na pigilan ang nararamdaman ko dahil natatakot akong magkamali.
HINDI pa rin mawala ang ngiti ko nang makauwi ako sa bahay ni Tita Cora. Dito na ako dumiretso dahil wala naman akong pasok bukas. Si Audrey naman ang naka-duty bukas sa bakeshop kaya wala akong ibang iisipin kun'di maglinis sa bahay ni Tita Cora.
Sa susunod na buwan uuwi dito si Tita Carol at sa tingin ko kasama na nito si Tita Cora. Sana naman okay na sila ng kaniyang asawa. Mahal na mahal pa naman ni tita ang asawa nito.
Nagtungo ako sa kuwarto ni Tita Cora para sana maghanap ng mga larawan ng asawa nito ngunit natatakot naman ako na buksan ang aparador. Ayokong samantalahin na wala si tita.
Umalis din ako sa kuwarto ni Tita Cora at nagtungo sa aking silid. Mag-isa ako ngayon dito sa bahay at napakalungkot.
Nagpasya ako na magkape muna sa may terrace. Hawak ko ang cellphone ko at nakatitig sa numero ni Warren.
Huminga ako nang malalim bago nagsimulang mag-type ng message para sa kanya. Simpleng "Hi" lang ang sinabi ko at nagpakilala rito.
Mabilis naman itong nag-reply ng "Hello" ngunit bigla itong tumawag.
Nanginginig ang kamay ko habang hawak ang cellphone ko.
"Kailangan mo ba ng tulong ko?" mukhang masaya ang boses ni Warren sa kabilang linya.
"Hindi no. Kaya ko namang protektahan ang sarili ko. Sinabi mo kasi na hinihintay mo ang text ko kaya nag-text na ako sa iyo. I-save mo na lang ang number ko. Mukha kasing ikaw sng may kailangan ng tulong at hindi ako."
Narinig ko ang pagtawa nito sa kabilang linya.
"Prangka ka talagang magsalita, Shanta. Sa totoo lang kailangan ko talaga ng kausap ngayon pero hindi ako p'wede dahil may duty ako bukas."
"Gagawin mo talaga ang lahat para sa kapatid mo mo?" naalala ko na naman si Mama.
"Dahil siya na lang ang mayroon ako, Shanta. Mahal na mahal ko ang kapatid ko at gagawin ko lahat para sa kanya. Ganoon naman talaga ang may kapatid, 'di ba?"
Muli akong huminga nang malalim. "Wala akong kapatid dahil only daughter ako. Hindi ko alam ang pakiramdam na may kapatid pero may mga pinsan ako na tinuring ko na ring kapatid."
"Ganoon pala."
"Kaya nga ayokong mag-boyfriend dahil nangako ako sa tita ko na matatapos ako ng pag-aaral at hindi matutulad sa Mama ko. Ayoko rin na mapahiya ako sa tita ko kaya heto, focus ako sa pag-aaral ko."
Narinig ko na ito naman ang huminga ng malalim. "Masunurin ka pa lang pamangkin."
Mahina akong tumawa. "Medyo."
Humaba pa ang aming kuwentuhan ni Warren. Nag-usap kami tungkol sa mga magulang namin at pati na rin ang tungkol sa mga pangarap namin sa buhay. Gusto ni Warren na maging isang pulis ngunit hindi iyon nangyari dahil kailangan nitong huminto sa pag-aaral para ipagamot ang kapatid.
Humahanga ako kay Warren habang tumatagal napapalapit ang loob ko sa kanya.
Kaibigan lang... bilang isang kaibigan.