Kabanata 5

1069 Words
"Shanta, hindi ka ba papasok sa school ninyo ngayon?" tanong sa akin ni Audrey kinaumagahan pagkagising ko. "Dati kasi bago mag-alas singko ng umaga gising ka na at nakaligo ka na rin. May problema ka ba? Nandito ako handa akong makinig kung anuman iyan?" "Nag-aalala lang ako kay Tita Cora, hanggang ngayon kasi hindi pa siya tumatawag ulit. Malayo ba ang Cebu? Ilang oras ba ang biyahe mula roon hanggang dito sa Neva Ecija? Gusto ko siyang puntahan pakiramdam ko kasi hindi kaya ni Tita Cora na mag-isa sa pupuntahan niya." "Hindi ko alam... hindi pa naman ako nakakarating ng Cebu pero sa tingin ko aabutin ng ilang araw. Shanta, nangako ka sa tita mo na mag-aaral kang mabuti, hindi ba? Narinig ko ang usapan ninyo kagabi kaya sana naman iyon ang isipin mo. Hayaan mo na siya ang lumutas sa sarili niyang problema. Oo nga pala bago ko makalimutan, mamayang gabi baka wala ako rito sa bakery pupunta ako sa bahay. Aabangan ko kasi ang resulta ng board exam ko at sana makapasa ako dahil malaking tulong iyon sa amin nila tatay." "Mabuti ka pa, Audrey. Congratulations na kaagad dahil alam ko na makakapasa ka. Matalino ka at maabilidad. Nakikita ng Diyos kung gaano ka pursigido sa buhay. Sige, babangon na ako at maghahanda na ako para pumasok sa university. Salamat sa pagmamalasakit mo sa akin, ha. Alam ko na darating ang araw tuluyan ka na ring aalis dito sa bakery at iiwan mo ako para tuparin ang pangarap mo." "Ilang araw pa lang tayong nagkakasama pero ang lapit ng loob ko sa iyo, Shanta. Huwag kang mag-alala dahil palagi naman akong pupunta dito sa bakery. Malapit lang ang bahay namin dito kaya palagi pa rin tayong magkikita. Salamat sa pagiging mabuti mo sa akin." Oo nga pala, nakalimutan ko na sa kabilang kanto lang ang bahay nila Audrey. Habang naghahanda ako para sa pagpasok sa eskuwelahan hindi mawala sa isip ko si Warren. Simula noong araw na sinabi niya sa akin na gusto niya akong maging kaibigan palagi ko na siyang naiisip. Ang lakas talaga ng dating ng lalaking iyon sa akin. Napapaginipan ko pa siya simula noong araw na magkita kaming dalawa. Mas matanda nga lang siya kaysa sa akin. Sumakay ako sa tricycle ni Mang Teryong patungo sa school campus namin. Dumaan ako sa mga security guard at hindi ko nakita si Warren. "Ikaw ba si Shanta?" tanong ng isang security guard sa akin. May hawak ito kapirasong papel. "Ba-Bakit po, Kuya Guard?" kunot-noong tanong ko sa kanya. "May iniwan ditong sulat si Warren, ibigay ko raw sa iyo kapag nakita kita. Sige ha." Pagkabigay ng sulat ng security guard sa akin ay umalis na din ito. Habang naglalakad ako patungo sa pathway shed ay binubuklat ko ang sulat na galing kay Warren. Umupo ako sa cemented bench at binasa iyon nang tahimik. "Shanta, sorry kung hindi na ako personal na nakapagpaalam sa iyo. Hindi na ako magtratrabaho bilang security guard dito sa eskuwelahan. Kailangan ko kasing bumalik ng Manila para asikasuhin ang maliit naming negosyo doon. Mami-miss kita, Shanta. Palagi ka sanang mag-ingat." Naramdaman ko ang kirot sa aking puso. Biglaan naman yata na umalis si Warren. Kung totoo man na may aasikasuhin ito sa Manila dapat akong matuwa dahil hindi na niya ako guguluhin kahit kailan. Pero bakit ganito ang nararamdaman ko... nalulungkot ako. Nagtuloy na ako sa klase ko at itinapon ang sulat na galing kay Warren. Kailangan kong mag-focus sa pag-aaral ko at hindi sa ibang bagay. Nangako ako kay Tita Cora na mag-aaral akong mabuti para sa kinabukasan ko. Mabuti na siguro na umalis na si Warren para wala nang gugulo sa akin. *** "Warren, sigurado ka na ba talagang iniwan mo ang trabaho mo sa Nueva Ecija para lang alagaan ang kapatid mong may sakit? Nandito naman ako para magbantay kay Letty." Ngumiti ako kay Tita Lorna. "Obligasyon ko pong alagaan ang mga mahal ko sa buhay, tita. Aanhin ko ang pera sa aking trabaho kung nagkakasakit naman si ate. Hindi ko naman po siya kayang tiisin dahil noong maghiwalay ang mga magulang namin siya na ang tumayong Ina sa amin." "Kunsabagay, tama ka nga, Warren. Tumandang dalaga si Letty para sa inyong magkakapatid. Paano na pala ngayon ang maliit na negosyo ng mga magulang ninyo?" Malungkot akong tumingin dito. "Kung kailangan pong ibenta ang patahian para lamang maidagdag sa gastos ni Ate Letty ay gagawin ko po, tita. Kailangan na maipaopera ang kapatid ko sa lalong madaling panahon." "Sige kung anuman ang pasya mo ay gagawin natin, Warren. O, siya, tutuloy na ako at aasikasuhin ko ang pagbebenta ng patahian. Ikaw na muna ang bahala sa kapatid mo, Warren. Ibibilin ko sa nurse na palaging i-check ang kalagayan ni Letty. Huwag kang mag-alala, Warren. Nandito ako para tumulong sa mga ibang gastusin." "Maraming salamat, Tita Lorna. Hanggang ngayon napakabuti mo sa aming magkakapatid." "Ano pa bang silbi na naging pamangkin ko kayo kung hindi ko kayo tutulungan. O, siya, tutuloy na ako. Ayoko ng maraming drama dahil hindi ako tumitigil sa pag-iyak." Pinilit nitong ngumiti habang hawak ang kamay ko. Inihatid ko hanggang sa may pinto si Tita Lorna. Nang makaalis ito ay muli kong nilapitan ang aking nakakatandang kapatid na nakaratay sa kama. Mahimbing itong natutulog. Kailangan niyang maoperahan ang kaniyang magkabilang dibdib dahil sa tumor na nakita doon. Hindi ko alam kung magkakasya ba ang pera na naipon ko at ang perang mapagbebetahan ng patahian. Isa na lang ang alam kong solusyon sa problema ko. Ang gawin ang isang bagay na matagal ko nang dapat na ginawa. Habang nakatingin ako sa aking kapatid ay naalala ko si Shanta. Kumusta na kaya ang dalagang iyon? Nabasa kaya niya ang sulat ko? Hinihintay ko pa rin na tawagan niya ako dahil iniwan ko roon ang phone number ko. Si Shanta... hindi na siya naalis sa isip ko mula noong una ko siyang makita. Alam kong mali ang nararamdaman ko para sa kanya ngunit ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang labanan ang pagtibok ng puso ko para sa kanya. Hindi ko kayang pigilan ang nararamdaman ko. Huminga ako nang malalim at tumingin sa bintana ng hospital. Ilang buwan na akong nag-iisip kung ano ang dapat kong gawin. Mariin akong pumikit at bumuntong-hininga. Panahon na siguro para bumalik ako sa babaeng matagal ko nang iniwan. At kalimutan na lamang si Shanta... ngunit paano? Hindi siya mawala sa isip ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD