Kabanata 6

1162 Words
Kabanata 6 Nang makaalis ang mga magkakapatid ay naiwan ang dalawa sa kadilim ng kagubatan. Mula sa kanilang kinalalagyan ay natatanaw pa rin nila ang asul na asul na karagatan. Ang bilog na buwan ay matingkad, nakatitig sa kanila na para bang pinanonood ang lahat ng kanilang mga kilos. Ang kalangitan ay para bang isang larawan na nanggaling sa isang libro. Hindi mawari ni Peter kung panaginip pa nga ba ito o tunay ngang nasa loob na siya ng kaniyang nobela. Para itong totoo, nakikita at nahahawakan niya. “Sa tingin ko,” sabi ni Kinro, “ito na ang tamang oras para magpaliwanag sa ‘kin, Ginoo. Kung hindi nga ikaw ang aming Prinsipe, sino ka? At nasaan ang Mahal na Prinsipe Chronos?” Napabuntonghininga si Peter. “Una, hindi ako ang prinsipe niyo. Gaya ng lagi kong sinasabi sa ‘yo, at paulit-ulit, ako si Peter Hamilton Sullivan. At itong mundong ‘to –“ Nilibot niya ang paningin sa paligid bago muling ibinalik sa kausap. “–ako ang sumulat nito. Ako ang sumulat sa ‘yo, sa prinsipe niyo, sa mga kapatid niya, pati na rin sa buong pamilya niya.” Saglit na napatitig si Kinro sa kaniya, nakaawang ang mga labi, at kinakalkula ang mga sinabi ng kaniyang kausap. Kalaunan ay yumuko rin ito at napabuga ng hangin. “Alam mo kung ano ang sa tingin ko kung sino ka?” Kumunot ang noo ni Peter. “Sino?” Inangat niya ang tingin bago ito sinamaan ng tingin. “Isa kang baliw na kailangan ng agarang gamot, kung hindi ay baka pati ako mahawa mo. Hindi ko alam kung sino ka talaga, pero hindi ako isang uto-uto. At hindi ako magpapauto sa isang baliw.” Tumalikod ito mula sa kaniya at nagsimulang bumalik malapit sa karagatan ng Frigos. Inaasahan naman niyang hindi ito agad maniniwala dahil kung siya man ang nasa lagay ng lalaki, mahihirapan din siyang maniwala kapag may nagsabi sa kaniyang isang libro lang ang kaniyang buhay. Isang kwento na gawa-gawa lang ng iba. Isang libro na binabasa ng iba. Napabuntonghininga na lang si Peter, wala nang ibang maisip na paraan upang makumbinsi ang lalaki maliban sa isa. “Kinro Fritz Kamaro, ang kanang kamay ng Prinsipe Chronos Frederick Helios.” Napatigil si Kinro dahil sa sinabi nito ngunit hindi lumingon.   “Nakilala ka ng mahal na prinsipe sa isang estero malapit sa baryo ng Fract. Kabilang ka sa tribo ng mga Vad, pero bakit sa tingin mo dinala ka ng isang prinsipe sa kanilang imperyo? Ano ang gagawin niya sa isang mortal na nanggaling sa pinakamababa at pinakakinamumuhiang baryo ng mga mortal? Dahil alam niyang hindi ka isang ordinaryong nilalang, isa kang Titan, isang imortal.” Nang lingunin niya si Peter ay nakakunot ang kaniyang noo. Mabilis din ang pagtaas-baba ng kaniyang dibdib na para bang galing sa isang marathon. “Paano mo ‘yan nalaman? Tanging ang mahal na prinsipe at kaniyang mga kapatid lang ang nakaaalam niyan.” Napairap na lang si Peter. “Paulit-ulit kong pinapaliwanag sa ‘yo, pero gaya ng pagkakasulat ko sa ‘yo ay hindi ka nga nakikinig sa iba maliban sa mahal na prinsipe. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil saktong-sakto ka sa pagsasalarawan ko o maiinis na lang.” Sinipa ni Kinro ang kaniyang kabayo sa tagiliran at dahan-dahang lumapit kay Peter. “Sino ka ba talaga?” “Hays!” bulalas ni Peter. Kinuyom na lang niya ang kaniyang mga kamay dahil sa pagkairita. Isa lang ang napagtanto niya, hindi niya magagawang matuwa dahil sa nakilala ang isa sa mga paborito niyang karakter. Mas lamang ang inis na nararamdaman niya ngayon dahil sa ginawa niyang personalidad ng lalaki. “Ang ibig kong sabihin,” ani Kinro, “ano ang ginagawa mo rito? Kung ikaw nga ang manunulat ng kwento namin, ano ang pakay mo sa ‘ming mga karakter mo? Sa mundong ginawa mo? Nasaan ang prinsipe, at bakit kamukha mo siya?” “Hindi ko alam kung bakit ako napadpad dito, at mas lalong hindi ko alam kung bakit kamukha ko ang prinsipe niyo. Totoo ang sinabi kong may tinatakasan akong pinagkakautangan kaya ako narito, tapos ay nabaril ako. Kung tama ang hinuha ko, malaki ang naging impluwensiya ng pagpasok ko sa nobela nang mabaril ako. Pero hindi ako sigurado. Mas lamang pa rin sa utak ko ang katotohanang isang panaginip lang ‘to.” Kung kanina ay seryoso lang si Kinro at tila walang makasisira sa kaniyang postura, ngayon naman ay tila mababaliw na ito. Paulit-ulit niyang ginulo ang kaniyang buhok, tinanggal ang itim na maskara at muntik pang maibato ito. Pinanood lang ni Peter ang lalaki na gawin ‘yon hanggang sa tingin niya ay kalmado na ito. “Anong nangyayari? May problema ba?” tanong niya sa lalaki. Malalim munang napahinga si Kinro bago nagsalita, “Kung hindi nga ikaw ang mahal na prinsipe, malaki ang problema namin. Pero dahil ikaw rin ang manunulat, sa tingin ko naman ay pwede mong ipagpatuloy ang nasimulan namin?” Hindi nakatakas sa pandinig niya ang pag-aalinlangan ng Titan sa kaniyang sinabi. “Bakit? Nasaan na ba tayong parte ng kwento?” “Pwede bang–“ Nalukot ang mukha ni Kinro dahil sa irita. “–Huwag mong ulit-ulitin na ipaalala na nasa isang kwento lang kami. Kasi sa totoo lang, hindi magandang malaman na isa ka lang karakter sa libro na sinulat ng isang mortal.” Napataas ang dalawang kilay ni Peter. “Una, hindi natin alam kung sino nga ba ako sa kwentong ‘to. Nakapaglalabas ako ng itim na usok gaya ng mga Murklin, kaya maaaring isa akong imortal. Pero hindi ko pa nasusubukan ang iba ko pang maaaring gawin. Posibleng isa akong Caleum, Cerise, Mauve, Titan, o hindi kaya naman ay lahat.” Napatitig si Kinro sa kaniya at muling umawang ang bibig nang may isang posibilidad siyang naisip. “O maaaring lahat dahil ikaw ang diyos sa mundong ‘to.” Napanganga siya sa tinuran nito at mabilis na napatango. “Pwede rin. Pwede. Ang galing mo. Saktong-sakto ka talaga sa karakter na ginawa ko. Pero nakakainis ka pa rin.” Iwinasiwas ni Kinro ang kaniyang kamay. “Hindi ito ang tamang panahon para alamin kung sino ka nga ba talaga. Kung ikaw ang may akda ng kwentong ‘to, sa tingin ko naman ay alam mo na kung anong problema ang kinahaharap namin o kahaharapin namin?” “Natin. Kasama na ako sa problema niyo mula ngayon.” “Sige. Natin. Kaya ano ang una nating dapat gawin?” “Nasaan na nga tayo?” “Ang pagpatay ng mga imortal sa mga mortal.” Naningkit ang mga mata ni Peter dahil sa tinuran nito. “Ilegal ang pagpatay sa mga mortal. Imortal sa mortal, o hindi kaya naman mortal sa mortal.” Tumango si Kinro. “At may mga Murklin na nagnanakaw ng emosyon ng mga mortal nang walang pahintuloy mula sa kanila.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD