Kabanata 7

1374 Words
Kabanata 7 Nahigit ni Peter ang kaniyang hininga nang umapak ang kaniyang kabayo sa tubig. Inaasahan niya talagang lulubog sila dahil hindi niya pa gamay ang kapangyarihan ng mga Murklin kaya napapikit siya. Pero imbis na maramdaman ang malamig na tubig ay isang malakas na hampas ng hangin sa mukha ang bumungad sa kaniya. Nang idilat ang kaniyang mga mata, napaawang na lang ang kaniyang mga labi nang mapagtantong tumatakbo ang kaniyang kabayo sa ibabaw ng tubig. Sa bawat pag-apak ng mga paa ay ang pagsunod ng itim na usok sa mga ito, dahilan upang hindi sila lumubog. Para bang ang itim na usok ang nagsisilbi nilang tulay. “Hindi ko alam kung paano ‘to nangyayari,” ani Peter sa titan na nakasunod sa kaniya. “Imposible ang mga ganitong bagay sa mundo namin kaya paano ko ‘to nagagawa?” “Dahil ikaw ang manunulat?” patanong na sagot ni Kinro, hindi inaalis ang tingin sa kanilang harapan. “Baka dahil ikaw ang may akda kaya natural lang na matutunan mo kahit hindi mo pa nagagawa sa sarili mo?” Tumango-tango siya kahit hindi nakatingin sa kaniya ang kaniyang kausap. “Maaari. Pero hindi pa rin ako makapaniwala.” Hindi na nagsalita pang muli si Kinro at mas binilisan na lamang ang pagtakbo ng kabayo. Mahaba ang karagatan ng Frigos. Halos hindi nila alam kung kailan matatapos ang paglalakbay lalo na kung unang beses pa lamang nararanasan. “Bakit hindi maaaring tumawid ang mga mortal sa karagatang ‘to?” tanong ni Kinro. Kung gusto lang niya ng kausap sa mga oras na ‘yon o talagang gusto niya lang malaman ang sagot, hindi alam ni Peter. “Bukod sa wala silang kakayahan, nilagay ko ang karagatang ‘to para maiwasan ang digmaan sa pagitan ng mga mortal at imortal.” Mahinang natawa ang titan, sapat lang para marinig ni Peter. “Digmaan? Sa tingin mo ay kaya kaming talunin ng mga mortal gayon at wala naman silang kakayahan para talunin kami? Tayo?” Napatingin si Peter sa kaniya na ngayon ay nakangisi na. Hindi niya rin maiwasan ang hindi mapangisi dahil sa tinuran nito. “Huwag mong maliitin ang mga mortal. Matatalino sila at kayang-kaya nilang gumawa ng paraan para malabanan ang mga imortal. At huwag na huwag mong maliitin ang katapangan nila.” “Ang katapang din na ‘yon ang tatapos sa buhay nila.” Hindi na nagsalita si Peter dahil may punto naman ito. Mahina nga ang mga mortal at walang kapangyarihan na maaaring gamitin laban sa kanila. Kaya nga madali para sa mga kriminal na murklins na ‘to na magnakaw ng emosyon at pumatay, samantalang wala namang magawa ang mga mortal upang ipaglaban ang kanilang mga sarili. Pero ang mali ni Kinro ay nang maliitin niya ang mga mortal. Kapag hindi nila napigilan ang ginagawa ng mga murklin, miski ng iba pang mga imortal, maaaring magrebelde ang mga mortal at gumanti. Hindi na lang niya gustong isipin kung ano ang mga gagawin ng mortal dahil minsan na rin niyang naisip ang ganoong takbo ng kaniyang kwento. Nang matawid nila ang karagatan ng Frigos, nakaramdam agad ng kakaiba si Peter. Tila ba sumakit ang kaniyang galagid at nangati ang kaniyang dila. Agad siyang huminga nang malalim upang pigilan ang sarili dahil alam niya kung bakit niya iyon nararamdaman. “Ayos ka lang?” tanong ni Kinro nang mapansin ang panginginig ng mga kamay nito. “Ang dami kong naaamoy. Bigla akong nagutom.” “Ganiyan din ang sinabi ng mahal na prinsipe noong una siyang mapunta rito sa baryo ng Fract. Ang naaamoy mo na ‘yan ay ang mga ligaw na emosyon ng mga mortal. Nagkalat sila panigurado dahil ito ang lugar kung saan nakatira ang pinakamababang uri ng mga mortal, ang mga mortal na walang kontrol.” “Hindi mo na kailangang ipaliwanag sa ‘kin ‘yan, ‘di ba?” Napatulala saglit si Kinro bago nagkibit-balikat. “Oo nga pala. Ikaw nga pala ang may akda ng mundo namin.” Hindi nakatakas sa pandinig ni Peter ang sarkastikong tono nito. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili na hindi naman niya ginustong mapunta rito pero hindi na lang niya pinatulan. Magigising din naman siya matapos nito. Tiyak na kapag tinulog niya lang ito, pagkagising niya kinabukasan ay nasa loob na siya ng kaniyang apartment ulit. Pwede ring hinahabol pa rin siya ni Tristan. Kung ano man sa dalawang ‘yon, papatulan na niya. Basta ba ay makaalis na siya sa lugar na ‘to. Pwede rin naman na dito na lang ako mag-stay dahil wala namang magandang nag-aabang sa ‘kin sa pagbalik ko maliban sa tambak na utang. Nagpatuloy sila sa paglalakbay. Imbis na sa pangunahing kalsada sila dumaan ay nagtungo sila sa silangan kung nasaan ang kagubatan. Masyadong maliwanag kung nasaan ang mga mortal at gising na gising pa sila kahit madaling araw na. Hindi sila maaaring magpakita sa mga mortal. Kailangan nilang magtrabaho nang walang nakaaalam. Nang makapasok sila sa kagubatan ay napangiwi na lang si Peter. Mas lalong lumala ang pagsakit ng kaniyang gilagid at ang pagkati ng kaniyang dila. Napalunok na lang siya para maalis ang sakit na nararamdaman sa bandang lalamunan niya. Kinailangan pa niyang kagatin ang kaniyang dila para lang mapigilan ang sarili sa kakaibang sensasyon na nararamdaman. “Kanina ka pa namin hinihintay.” Pag-angat ng tingin ni Peter ay bumungad sa kaniya ang mga kapatid ni Chronos at si Chloe na siyang nagsabi n’on. Nakatayo lang sila sa tabi ng kani-kanilang mga kabayo habang nagmamasid sa paligid. Bumaba rin sila ni Kinro at saka lumapit sa kinaroroonan ng mga ito. “Nararamdaman niyo ba ‘yon?” tanong ni Churchill habang nakamasid pa rin sa malayo. Para bang may nakikita siya roon na hindi nila alam. “Masyadong maraming emosyon ang nagkalat sa paligid,” sagot ni Chelsea, nakabusangot ang mukha. “Kung isang ordinaryong murklin nga ang mapunta rito ay tiyak na hindi kakayanin ‘tong amoy. Hindi na rin ako nagtataka pa.” “Pero ang tanong,” ani Chloe, “ano ang ginagawa ng isang ordinaryong murklin sa isla ng mga mortal?” Napabuntonghininga si Churchill. “Isang paraan lang ang dapat gawin para malaman. Hanapin ang murklin na ‘yon at tanungin siya mismo.” Tumango silang lahat bago sumakay muli sa kani-kanilang mga kabayo. Naghiwa-hiwalay sila upang mas malawak ang masakop sa paghahanap. Tiyak na mahihirapan silang maghanap sa paligid lalo na sa mga emosyon na nagkalat. Pero dahil hindi naman nararamdaman ng mga titan ang mga emosyon ay mas magiging madali para sa kanila ang maghanap. “Malapit na tayo,” ani Kinro at pinangunahan na ang pagtahak sa madilim na kagubatan. Sinundan lang siya ni Peter na tahimik lang na nagmamasid sa paligid. Masyado siyang nababahala sa naaamoy niya kaya kailangan niyang pigilan ang sarili na mawalan ng kontrol. Masyado nakahahalina ang amoy para sa isang gaya niya. Kahit na kakakain niya lang ng emosyon mula sa tatlong mortal ay para bang hindi pa iyon sapat. Kailangan niyang subaybayan ang sarili. Agad niyang nahila ang tali ng kabayo nang biglang huminto si Kinro sa kaniyang harapan. Napuno ang buong lugar ng halinghing ng kanilang mga kabayo ngunit agad ding pinatahimik ni Kinro. “Anong nangyari sa lugar na ‘to?” tanong ni Kinro. Hindi agad nakuha ni Peter ang ibig niyang sabihin kaya naman umabante pa siya nang kaunti. Nang makalapit ay nanlaki rin ang kaniyang mga mata at nagsimulang tumibok nang mabilis ang kaniyang puso. Muli niyang naramdaman ang kakaibang gutom na kanina pa niya pinipigilang kumawala. Pero sa pagkakataong ito ay masyado nang malakas ang emosyon na binibigay sa kaniya ng mga ito. Sa kanilang kinaroroonan ay tanaw nila ang mga naglalakihang kahoy na krus na nakatusok sa lupa. At sa tuktok nito ay mga mortal na walang malay, o wala ng buhay. Puno ng dugo ang kanilang mukha at mahina na lang na dumadaing ang iba sa kanila. “Sino ang may gawa nito?” tanong ni Peter, ngunit wala siyang nakuhang sagot. Isa lang ang alam niya, ang murklin na ito, o mga murklin, ay tiyak kumakain ng emosyon na nanggagaling sa takot ng mga mortal. At kailangan nilang matukoy kung sino ‘to.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD