Kabanata 5
Nakahilata lang si Peter matapos ang kaniyang hapunan. Hindi masama ang pakiramdam niya, bagkus ay buhay na buhay pa nga siya nang gabing iyon. Pero dahil sa nangyari ay para bang nanlumo na lang siya. Hindi siya makapaniwalang totoo ngang nangyayari ito sa kaniya.
Matapos ang isang araw na pamamalagi sa kaniya silid, matapos ang pangyayaring iyon kasama ang tatlong babae na ninakawan niya ng emosyon, alam niya sa sariling nandito na nga siya sa kaniyang kwento.
Pero masyado pa ring hindi kapani-paniwala ang lahat. Hindi pa rin niya maintindihan kung ano ang ginagawa niya rito at bakit. Hindi kapani-paniwala ang mga nangyayari kaya isa lang ang bagay na sigurado siya, maaaring isa lamang itong panaginip.
Bukod sa alam niyang panaginip lang ito, wala ng ibang eksplanasyon pa na hindi. Una, hindi siya nasasaktan sa tuwing kinukurot niya ang sarili. Kung hindi man ito panaginip, bakit hindi siya nasasaktan?
At kung panaginip man ito, kailan siya natulog? Ang huli niyang naalala ay tinatakasan niya si Tristan. Hindi niya naalalang humiga siya sa kaniyang kama at pumikit. Maliban sa hindi siya nasasaktan, wala na siyang mahanap na iba pang dahilan. Ang tanging magagawa na lang niya ay ang hintaying magising ang sarili mula sa panaginip na ‘to.
Isang katok mula sa pinto ang gumising sa kaniya mula sa malalim na pag-iisip. Alas dose na ng hatinggabi, ramdam niya.
“Pasok,” ani niya.
Bumukas ang pinto at iniluwa si Kinro na seryoso pa rin ang ekspresyon. Walang nababakas na kahit anong emosyon mula sa kaniya, gaya ng paglalarawan niya sa kaniyang akda.
“Handa na po ang lahat,” ani Kinro na ikinakunot ng kaniyang noo.
“Handa na ang alin? Akala ko ba ay mag-uusap tayo tungkol sa kung ano ang nangyayari? Hindi ko na kaya pang ipagpabukas ‘to.”
“Ngunit hindi rin pwedeng ipagpabukas ‘to. Makapaghihintay ang pag-uusap, pero marami tayong kailangang gampanan bilang tauhan ng Emperador.”
Napatigil saglit si Peter, inaalala kung ano ang mayroon sa kaniyang akda na hindi pwedeng ipagpaliban. Napaawang na lang ang bibig niya nang mapagtanto kung ano iyon.
“The Wild Hunt,” bulong niya.
“Hihintayin namin ang iyong presensiya sa baba, Mahal na Prinsipe.”
Hindi na nito hinintay pa ang sagot ni Peter at lumabas na ng silid. Mukhang kumbinsido na nga itong hindi siya ang prinsipe dahil hindi ito ang paglalarawan niya sa kanang kamay ng prinsipe sa kaniyang akda.
Malaki ang respeto niya kay Chronos dahil sa kanilang nakaraan. Ang tanging nagpipigil na lang sa kaniya ay ang katotohanang hindi nito alam kung nasaan ang tunay na prinsipe. Hindi rin alam ni Peter kung nasaan ito at kung bakit siya narito kaya pareho lang silang nangangapa.
Hindi niya rin naman nais na mapunta sa lugar na ‘yon. Pero kung talaga ngang panaginip lang ito, gagawin na lamang ni Peter kung ano ang sa tingin niya ang tama. Kung panaginip man ito, maaari niya itong gawing inspirasyon para sa pagtatapos ng kaniyang nobela.
Ang Wild Hunt ay sinasagawa tuwing madaling araw, kung saan hindi pa sumisikat ang araw. Ang mga Murklin ay nagsasama-sama upang maghanap ng mga kriminal, partikular ang mga mortal. Kasama ang kanilang mga Titan, kailangan nilang dalhin sa imperyo ang mga katawan nito at ikulong.
Madalas na kanilang hinuhuli ay ang mga mortal na pumapatay. Hindi na nila sakop ang mga krimen na pagnanakaw at iba pa. Nararamdaman nila kung sino sa mga mortal ang nakapatay na, isa sa mga kakayahan nilang Murklins.
Nang makapagbihis si Peter, agad siyang nagtungo sa kwadra kung nasaan ang kanilang mga kabayo. Naroon na ang iba pang makakasama niya sa Wild Hunt, ang mga kapatid ni Chronos Frederick.
“Mukhang nahuli ka yata ng gising, Kapatid,” ani Chelsea Kendrick, ang bunso. Gaya ng iba sa kanila ay kulay tsokolate rin ang kaniyang buhok na hanggang beywang ang haba. Nakangisi rin ito sa dereksyon niya na para bang nang-aasar.
“Ngayon ka lang na-late, ah? Masyado mo bang binusog ang sarili sa tatlong pagkain mo?” pabirong tanong naman ni Chloe Merrick, ang ikalawa sa pangay matapos niya. Malawak naman ang kaniyang ngiti na nang-aasar din.
Sa kanilang apat, si Chronos lang ang seryoso. Lahat sila ay laging nakangiti o nakangisi. Pero sa likod ng ngiti ng isa sa kanila ay nagtatago ang kadiliman na ni isa sa kanila ay walang kaalam-alam.
“Ahm… parang ganoon na nga,” ani Peter. Iniwas na lamang niya ang tingin at sumakay na sa kaniyang itim na kabayo.
Masungit si Chronos, masungit si Chronos. Paulit-ulit niyang binubulong ‘yon sa kaniyang sarili upang hindi makalimutan. Isang maling kilos lang ay tiyak na makahahalata ang kaniyang mga kapatid. Bata pa lang ay magkakasama na sila kaya isang pagkakamali lang ay mahuhuli siya agad ng isa sa kanila. Kailangan niyang maging maingat.
“Ha!” Sinipa niya ang tagiliran ng kaniyang kabayo at umalis na. Sumunod sa kaniya ang mga kapatid habang ang mga Titan ay tahimik lang na nakabuntot sa kanila.
Suot ang isang itim na maskara ay tinahak nila ang malawak na kagubatan ng Ered. Tanging ang ingay lang ng mga yapak ng kabayo ang maririnig sa kadiliman ng gubat. Maya’t maya rin ang tunog at huni na nanggagaling sa mga ibon at mga hayop ng kagubatan.
Tumatama sa kanilang braso ang mga ligaw na sanga ng mga puno. Ngunit sa tuwing humahampas ang mga ito ay tanging itim na usok lang ang lumalabas sa kanilang katawan imbis na magkasugat sila.
Nang lumagpas na sila sa kagubatan ay bumungad sa kanila ang karagatan ng Frigos. Sa kabilang dulo nito ay ang isla ng mga mortal. Ngunit walang kalsada o tulay na nagdurugtong sa kanila papunta sa kabila. Ang tanging paraan lang ay ang tahakin mismo ang tubig gamit ang kanilang itim na usok.
Agad na binundol ng kaba ang dibdib ni Peter. Hindi niya alam kung paano kontrolin ang kapangyarihan niya. Alam niya kung paano, pero hindi siya si Chronos. Hindi siya si Chronos na bata pa lang ay pinag-aralan na kung paano kontrolin ang kaniyang kapangyarihan. At kung hindi niya pinag-aralan kung paano gamitin ang usok, malabong makatawid siya sa lugar na ‘to.
Panakaw niyang tiningnan si Kinro na nasa kaniyang likuran. Agad niyang natukoy kung sino si Kinro sa apat pang mga nakasunod sa kanila dahil na rin sa kulay abo nitong kabayo. Agad lumapit ang kaniyang kanang kamay nang maramdaman ang pag-aalinlangan nito.
“Anong gagawin ko?” tanong ni Peter. Hininaan niya ang boses hangga’t maaari, takot na marinig ng kahit sino sa kanila.
“Tatawid tayo, Mahal na Prinsipe. At magagawa mo lang ‘yon gamit ang itim na usok.”
Napabuntonghininga si Peter. “Hindi ko alam kung paano.”
Kumunot ang noo ni Kinro. “Paanong–“ Hindi na niya naituloy ang tanong nang may mapagtanto. “–Ang unang prinsipe ang pinakamahusay sa paggamit ng itim na usok sa kahit anong paraan.”
“Pero hindi nga ako ang prinsipe.” Hindi niya maiwasang hindi manggigil. Ilang ulit ba niya kailangang sabihin ‘yon sa kaniya?
“Kung hindi ka makatatawid sa lugar na ‘to, malalaman nila ‘yan. At sinisigurado ko sa ‘yo, kung nasaan man ang prinsipe, hindi siya matutuwa kapag nabulilyaso ang plano niya.”
“Bakit? Ano ba ang plano niya?”
Huminga nang malalim si Kinro, halatang nauubusan na ng pasensiya sa dami ng kaniyang tanong at hinaing. “Ang paghuli sa traydor sa imperyo. Kailangan niyang maisiwalat kung sino.”
“Hindi niyo pa kilala?” tanong ni Peter.
“Kilala mo?” Nanlaki ang mga mata niyang nasa likod ng maskara. “Paanong–“
“Sinabi ko naman sa ‘yo, ‘di ba? Ako ang may akda ng nobelang ‘to. Alam ko kung sino ka, ang nakaraan niyo ng prinsipe, ang Emperador, lalong-lalo na ang traydor.”
Napatitig si Kinro sa kaniya, tila binabasa kung nagsasabi siya ng totoo. Tinitigan niya lang ito pabalik at nagkibit-balikat. Nagsasabi siya ng totoo. Nasa kaniya na lang kung maniniwala siya o hindi.
“Mauna na kayo, Kamahalan,” ani Kinro nang hindi tinatanggal ang pagkakatitig sa kaniya. “May kailangan pa kaming gawin ng Mahal na Prinsipe.”
Muling kinabahan si Peter sa kung ano ang pwedeng mangyari pero agad ding kumalma nang mapagtantong ganito nga pala talaga sila. Si Kinro nga pala ang laging nagsasalita para sa kanilang dalawa.
“Sige,” ani Chelsea, “pero sumunod kayo agad. Kung hindi, ako mismo ang magsusumbong kay Ama na tumatakas ka sa responsibilidad mo.”
Napaiwas lang ng tingin si Peter at hindi nagsalita. Nahagip ng kaniyang paningin si Churchill na nakatitig lang sa kaniya. Hinuha niya ay kanina pa ito nakatingin nang hindi niya namamalayan. Syempre, lahat ng ginagawa at gagawin ni Chronos ay pinanonood niya. Kailangan niya ‘yong gawin dahil ang panganay na kapatid ang balakid sa kaniyang plano.
Nauna nang umalis si Peter na agad sinundan ni Kinro. Pinanood lang ni Peter kung paano lumabas ang mga itim na usok mula sa kaniyang mga kapatid. Gumapang ang usok sa paanan ng kanilang kabayo at doon nagsimulang tumakbo nang walang kahirap-hirap.