Kabanata 4

1151 Words
Kabanata 4 Ang mga Murklin ay imortal, at nabubuhay sila sa pagkain ng mga negatibong emosyon. Hindi sila nakaaapak sa ilalim ng sikat ng araw dahil ikinahihina nila ito. Ito ang sumpa na ipinataw sa kanila dahil sa taglay nilang kakayahan. Mabilis na pagkilos, matalas na paningin, pang-amoy at pandama. Ilan lamang ang mga ito sa kanilang taglay na kapangyarihan. Kaya naman lagi silang may kasama. Lagi silang may kasunod na kung tawagin ay Titans. Isa si Kinro, and kanang kamay ng unang prinsipe, sa mga nilalang na ito. Bata pa lamang ay kailangan na nilang matuto kung paano gamitin at kontrolin ang kakayahan nila upang hindi magamit sa kasamaan at sa paraang hindi nila gusto. Ang mga bagong silang na Murklins ay walang kakayahan na kontrolin ang kanilang kapangyarihan. Ngunit madalas ay hindi sapat ang pag-eensayo lang para kontrolin ang pagkatakam nila sa emosyon. Kaya naman ang mga gaya nila ay nagtatago sa dilim. Sa lugar kung saan malayo sa mga mortal at sa mapang-akit nilang halimuyak. Sa tulong ng kadiliman ay mas nagiging malakas sila. Mas nagiging kontrolado nila ang kanilang mga sarili. Si Chronos Frederick ang susunod na hari ng Murklins Empire. Iyon ang plano ni Peter para sa kaniyang nobela. Ngunit bago pa man makuha ng kaniyang karakter ang trono ay kailangan niyang malaman kung sino ang traydor sa kaharian, ang lalaking pumapatay ng mga mortal na siyang malaking kasalanan sa mundo ng Izvor. Bilang manunulat, alam na ni Peter kung sino ito. Alam na niya kung paano mahuhuli ni Chronos ang kapatid na si Churchill matapos ang mga masasamang ginawa nito laban sa mga mortal. Pero hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Hindi pa rin siya makapaniwalang nasa loob nga siya ng kaniyang akda. Napapitlag siya nang may kumatok sa kaniyang pinto. Hindi pa rin siya lumalabas doon magmula nang dumating siya sa lugar. Tanging sina Kinro at ang kaniyang kapatid pa lamang ang pumupunta sa kaniyang silid para tingnan ang lagay niya. “Handa na po ang hapunan ninyo, Mahal na Prinsipe,” sambit ng isang katiwala sa likod ng magarbo niyang pinto. Napakagat na lang siya sa kaniyang ibabang labi dahil isa lamang ang ibig sabihin nito. Papasok na sa kaniyang silid ang kaniyang mga pagkain. Hindi niya alam kung ano ang dapat gawin. Hindi niya alam kung paano sasabihing hindi siya gutom nang walang nanghihinala sa kaniya. “Kinro,” sabi niya, “kailangan ko si Kinro. Ngayon din.” “Masusunod po, Mahal na Prinsipe.” Ilang minuto na siyang palakad-lakad sa kaniyang silid. Mabuti na nga lang at hindi nagtagal kanina ang kapatid niya sa loob para manghinala sa kaniya. Pero hindi magtatagal ay malalaman din nilang hindi siya ang tunay na prinsipe. Kahit na siya ang manunulat, malabo pa ring makuha niya lahat ng kilos ni Chronos at kung paano ito magsalita. “Ipinatawag niyo raw po ako, Mahal na Prinsipe.” Nakayukong pumasok si Kinro sa silid niya. Agad na isinara ni Peter ang pinto at hinila ang lalaki sa loob bago bumulong, “Alam mong hindi ako ang unang prinsipe, Kinro. Kapag pinapasok mo ang mga pagkain ko, baka malaman nilang hindi ako ang tunay na prinsipe. Ano ang gagawin ko?” Naramdaman ni Peter ang pagbilis ng t***k ng kaniyang puso kumpara sa normal. Sa sobrang bilis nito ay nagsimula na siyang hingalin dahilan para habulin niya ang hininga. Kumunot ang noo ni Kinro at sinipat ang lagay niya. “Anong nangyayari sa ‘yo?” Hindi agad nakasagot si Peter dahil miski siya ay hindi alam kung ano ang nangyayari. Bago lang ito sa pakiramdam at wala rin siyang sakit. Kaya ang abnormal na bilis ng t***k ng kaniyang puso ay kaniya ring ikinabigla. Napatigil si Kinro habang pinagmamasdan ang itim na usok na nagmumula sa paanan ni Peter. “Kung hindi ikaw ang unang prinsipe, bakit ka naglalabas ng itim na usok? Tanging ang mga gaya niyo lang na Murklins ang may kakayahang gawin ‘yan.” “Hindi ko alam,” sagot niya, habol-habol pa rin ang hininga. “Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa ‘kin.” “Naiintindihan ko.” Napatingin si Peter sa kaniya, nakakunot ang noo. “Oras na ng iyong hapunan at kapag hindi ka pa kumain, hindi natin magugustuhan ang maaaring mangyari.” “Pero gaya ng sabi ko, hindi nga ako ang prinsipe niyo. Imposibleng makakain ako ng emosyon ng mga mortal dahil isa rin akong mortal.” “Bakit hindi mo subukan? Pagkatapos ay saka tayo mag-usap kung ano talaga ang nangyayari sa ‘yo, kung sino ka, at kung nasaan ang tunay na prinsipe.” Nang magsimulang sumakit ang lalamunan ni Peter at unti-unting naglakbay ang sakit sa kaniyang dibdib ay wala na siyang nagawa. Pumayag siya sa suhestiyon ni Kinro at agad pinapasok ang mga pagkain niya. Habang pinagmamasdan ang tatlong pagkain niya ay gusto na lang niyang magising sa panaginip na ‘to. Hindi siya makapaniwalang kailangan niyang gawin ‘to sa mga mortal na gaya niya. Hindi siya makapaniwalang kailangan niyang pahirapan ang tatlong ito para lang masiyahan ang kaniyang kalamnan. Mariin siyang napapikit at mahinang napamura. At sa kaniyang pagdilat, nagbago ang kulay ng kaniyang mga mata. Naging itim ang mga iyon at nagsimulang magngalit ang mga ugat sa palibot nito. Hinayaan na rin niya ang kaniyang sarili na sumuko sa sensasyong nagpupumilit kumawala sa kaniyang loob. Kasabay ng pagkawala nito ay ang paggapang ng itim na usok papunta sa tatlong babae na nakatayo lang sa kaniyang harapan. Mula sa nakayapak nilang mga paa ay gumapang ang usok paakyat at palibot sa buo nilang katawan, tila niyayakap ang mga ito. Nahigit nilang tatlo ang kanilang mga hininga dahil sa nararamdaman. Ang kanilang mga mata ay naging purong puti at ang kanilang buong katawan ay nanigas na para bang may bumalot sa kanila na dahilan kung bakit hindi sila makagalaw sa kinatatayuan. Kalaunan ay naramdaman na rin ni Peter ang kakaibang sensasyon na nagsisimulang maglakbay sa itim na usok. Mula sa tatlong mga babae ay lumipat sa kaniya ang kakaibang enerhiya. Ang negatibong emosyon na nagmumula sa mga babae, ang kanilang kalituhan, pagkaligalig at pagkabahala. Hindi man tuluyang malinaw kay Peter kung bakit nangyayari sa kaniya ang bagay na ito ay wala na siyang pakialam. Ang tanging alam niya lang ay ang kakaibang sensasyon na naglalakbay mula sa kaniyang batok patungo sa lahat ng parte ng kaniyang katawan. Sa hindi malamang dahilan ay mahina siya natawa. Mayamaya ay lumakas ang kaniyang tawa na nauwi sa halakhak. Pinanonood lang ni Kinro ang nangyayari sa kaniya at hindi nagsasalita. Naguguluhan man sa nangyayari ay isa lang ang alam niya. Ang lalaking ito ay ang unang prinsipe na si Chronos Frederick Helios. Ngunit ang hindi niya maintindihan, bakit tila wala itong maalala? Bakit tila ibang tao na ito ngayon? Bakit nagbago ang pakikitungo nito sa mga tao sa paligid niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD