Kabanata 2

1102 Words
Kabanata 2 Nakanganga pa rin si Peter habang nililibot ang tingin sa paligid. Mahirap man para sa kaniya ang maglakad dahil sa bigla at pagkalito ay pinilit niya ang kaniyang sarili. Nagsisimula na rin siyang mag-isip ng mga posibileng sagot sa mga tanong niya at isa lang ang tanging resonable para sa kaniya. “May shoot bang ginagawa malapit sa lugar namin? Bakit hindi ako nasabihan? Magandang pantanggal ‘to sa writer’s block ko, ah?” bulong niya sa kaniyang sarili. Patuloy lang siya sa pagbulong hanggang sa may makasalubong siyang dalawang lalaki na nakasuot ng tila kasuotan noong unang panahon sa Europa. May pilak na helmet silang suot, may tig-isang sibat na para bang tunay dahil sa talim ng dulo nito, at ang pinakanakapukaw sa atensyon niya ay ang suot nilang pilak na armor na sa sobrang kintab ay nakikita na niya ang sariling repleksyon. Bago pa man makaalis ang dalawa ay nilapitan na niya ito. “Excuse me,” tawag niya sa mga ito. “May taping ba kayo? Anong palabas ‘to?” Ngunit imbis na sumagot sa kaniyang naging tanong ay nanlaki ang mga mata nito at dali-daling yumuko. Halos masubsob pa sila sa sahig dahil sa bigla at pagmamadali.  “Prinsipe Chronos!” Hindi lamang iyon. Dahil sa naging bulalas nilang dalawa ay napukaw nito ang atensyon ng ilan pang naroon. At isang saglit pa ay mga nakayuko na silang lahat sa kaniya at halos lumuhod pa sa sahig para lang magbigay-galang. Miski ang mga taong nakasakay sa kabayo habang naglalakad ay huminto para sa kaniya. Mas lalong hindi makasagot si Peter dahil sa nangyayari. Hindi na rin niya alam kung ano ang gagawin nang maramdaman niya ang muling pagkirot ng kaniyang sugat sa balikat. Hinawakan niya iyon at napagtantong hindi pa rin tumitigil ang pagdurugo ng natamong sugat. “Kamahalan!” bulalas ng isang lalaki habang mabilis na tumatakbo palapit sa kaniya. Mabilis ang paghinga nito na para bang nag-aalala siya sa kung anong bagay. “Anong nangyari sa ‘yo? Sino ang may gawa nito!” Ramdam niya ang galit sa tono ng boses ng lalaki na hindi naman pamilyar sa kaniya. Para bang siya pa ang mas galit sa taong bumaril sa kaniya kumpara sa kaniya.  Bago pa man siya makasagot sa lalaki ay sumigaw na siya sa malayo at kung ano-anong utos na ang ibinigay sa mga kawal. Dahil na rin sa panghihina, hinayaan niya na lang ang lalaki na dalhin siya sa kung saan. Nanlalabo na rin ang paningin niya dahil sa tinamong sugat. Kung hindi pa iyon maaagapan agad ay baka kakulangan sa dugo na ang ikamatay niya. Masyado pa siyang maraming pangarap para mamatay sa edad na dalawampu't pito. Habang nakahiga sa isang hindi pamilyar na sasakyan ay patuloy pa rin sa pagtatanong ang lalaki sa kaniya. Pero dahil sa panghihina ay napapikit na lang siya at nilamon na ng kadiliman. Sa pagdilat ng kaniyang mga mata, naramdaman niya ang lambot ng isang kama na tiyak siyang hindi kaniya. Ang kutson na nasa kaniyang apartment ay sobrang tigas na daig pa ang papag at ang malamig na sahig.  Nang makapa niya ang kaniyang kumot ay nanibago rin siya dahil sa dulas nito na para bang gawa ito sa silk. Sigurado siyang hindi sapat ang sweldo niya para makabili ng ganoong kalambot na kumot. Nang libutin ng tingin ang buong lugar, doon niya lang napagtantong wala nga siya sa kaniyang apartment. Napabalikwas siya sa pagkakahiga ngunit agad ding napahawak sa balikat. Doon niya napagtantong totoo ang naging engkwentro sa pagitan nila ni Tristan, ngunit hindi pa rin siya sigurado kung nasaan man siya. Bumukas ang pinto ng silid na kaniyang kinaroroonan at pumasok ang dalawang lalaki. Ang isa ay nakakulay puti at mahabang roba. May suot din siyang kung anong bagay sa kaniyang ulo na kulay pilak at hugis tatsulok. Para iyong sinuksok sa kaniyang mahabang buhok bilang headband. Ang lalaki namang nasa tabi nito ay ang lalaking tinawag siyang kamahalan bago siya mawalan ng malay. Suot pa rin nito ang makapal na pilak na armor. May espada ring nakasukbit sa kaniyang tagiliran na hindi niya alam kung totoo ba, at ang mas napansin niya ay ang kapa nito sa likod na kulay asul. Umaabot iyon sa likod ng tuhod nito. Doon niya napagtantong miski ang suot nitong sapatos o bota ay gawa rin sa pilak. “Kamahalan,” sabay nilang sambit bago yumuko. Ito na naman sila sa kamahalan, sa isip na lang ni Peter. Kahit nalilito man ay hindi na muna siya nagtanong. “Paumanhin sa biglaang pagpasok, kamahalan,” sabi ng lalaki na may espada. “Narito na ang doktor na titingin ng iyong sugat.” “Hayaan niyo po akong tingnan ang iyong sugat, Kamahalan.” “Ah, oh, sige.” Bahagyang kumunot ang noo ng lalaking may espada ngunit hindi nagsalita. Sa kabilang banda, dali-dali namang lumapit ang doktor at dahan-dahang ginawa ang kaniyang trabaho. Walang nagsasalita sa kanila habang ginagamot siya ng doktor ngunit panaka-naka ang naging pagtingin ng lalaki sa kaniya. Hanggang sa matapos ang doktor ay hindi pa rin nito inaalis ang tingin sa kaniya na ikinakamot niya ng batok. “Ito na siguro ang tamang oras para magtanong,” panimula niya. “Nasaan ako? At sino ka? Bakit niyo ako tinatawag na kamahalan?” Kumunot ang noo ng lalaki at bahagyang lumapit sa kaniya. “Wala ka pong naaalala?” Tumaas ang kilay ni Peter at sinabi, “Naaalala ko ang lahat. May humahabol sa ‘king lalaki, si Tristan, para sa utang ko sa kaniya. Pero dahil wala pa akong pambayad sa kaniya ay tumakas ako. Tapos bigla na lang ako napunta sa lugar na ‘to kung saan malayong-malayo sa kinalakihan ko. Tinatawag niyo pa akong kamahalan na mas lalong ikinagulo ko.” Umawang ang bibig ng lalaki ngunit kalaunan ay napabuntonghininga na lang din. “Marami rin akong tanong sa ‘yo, Ginoo. Totoo ngang kamukha mo ang aming prinsipe, pero sa tagal ko siyang kasama, alam kong hindi ikaw ang kaibigan ko.” Tumango-tango si Peter. “Si Gibo lang ang kaibigan ko sa pagkakaalala ko. At wala akong kaibigan na ganiyan manamit. Baduy manamit si Gibo pero hindi weird.” Ngunit bago pa man siya makatawa dahil sa sariling biro ay nahugot na niya ang kaniyang hininga. Nanlaki ang kaniyang mga mata at hindi gumalaw sa kinauupuan dahil sa espadang nakatutok sa kaniyang leeg. “Ngayon sabihin mo,” matalim na sambit nito, “sino ka at ano ang ginagawa mo sa lugar na ito? Nasaan ang unang prinsipe ng Murklin Empire na si Prinsipe Chronos?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD