Kabanata 1

1071 Words
Kabanata 1 Pagkalabas ng convenience store ay agad sinindihan ni Peter Hamilton ang isang stick ng sigarilyo. Bitbit ang isang supot sa kanang kamay na naglalaman ng kaniyang hapunan ay tinahak niya ang madilim na daan ng kanilang barangay. Tapos na ang kaniyang trabaho sa araw na iyon kaya naman kailangan na niyang makauwi agad. Hindi pa niya natatapos ang nobelang sinusulat, at kapag hindi pa niya iyon nagawa agad ay tiyak na wala siyang matatanggap na sahod mula sa pinagtatrabahuhang publishing house. Hindi pa siya isang sikat na manunulat. Hindi pa ganoon kadami ang bumibili ng kaniyang libro. At sa tuwing may bibili ay doon lamang siya kumikita. Kaya kinailangan niyang magtrabaho sa isang convenience store upang may maipambayad sa kaniyang apartment. Kung hindi ay kakalampagin na naman siya ng landlady sa kalagitnaan ng pagtulog niya sa umaga. “Peter!” tawag sa kaniya ng isang lalaki. Sa isang tindahan kung saan nag-iinuman ang ilan pang mga lalaki ay naroon si Gibo, isa sa mga kaibigan niya noong nag-aaral pa sila. “Ang ganda ng bagong episode ng sinusulat mo! Kailan ka ulit mag-a-update?” Bahagyang lumapit si Peter sa kaibigan dahil sa lakas ng boses nito. Hindi niya maiwasang hindi pamulahan dahil kaunti lang ang nakaaalam na isa siyang manunulat. Kaya naman binatukan niya ito na ikinatawa lang ng mga kainuman niya. “Hinaan mo nga ‘yang boses mo, Boogie,” saway niya rito na may kasamang pang-aasar. “Alam mo namang ayokong ipaalam sa lahat ang ginagawa ko, ‘di ba? Kapag nakarating ‘to kina Aling Susan, tiyak na ilang minuto lang ay alam na rin ng mga magulang ko.” Napakamot sa kaniyang batok ang kaibigan. “Pasensiya na, na-excite lang masyado. Pero kapag hindi mo tinigilan ang pagtawag sa ‘kin ng Boogie, ako mismo ang magsasabi kay Aling Pasing!” Inakmaan pa niya ito ng suntok ngunit hindi naman tinuloy. “Oo na!” Hindi napigilan ni Peter ang matawa dahil halos umusok ang ilong ng kaibigan. Ayaw niya talaga sa palayaw niyang iyon noong mga bata pa sila. Pero kung sabagay, dalawampu’t pito na sila pareho at tumatanda na. Hindi na rin bagay ang ganoong palayaw. Pero epektibo pa rin naman iyong pang-aasar paminsan-minsan. “Ngayon ko pa lang itutuloy ang pagsusulat,” pagpapatuloy ni Peter matapos ang mapabuntonghininga. “Ilang araw na akong may writer’s block. Hindi ako makahanap ng inspirasyon.” “Ipamana mo na kasi kay Prince Chronos ang kaharian!” suhestiyon ng kaibigan. “Kapag talaga may iba pang nangyari at hindi mo pa binigyan ng ending, kukutusan na kita. May kakilala ako na gusto na rin malaman kung sino ang traydor sa kaharian!” “Ikaw na kaya ang magsulat, ‘no?” Pareho lang silang natawa dahil doon. Pinatagay muna niya ang kaibigan bago pinauwi at hinayaan. Alam naman niyang hindi palainom si Peter kahit noong high school pa lang sila. At isa pa, ayos na ang isang adiksyon at huwag nang dagdagan. Mahirap na. Nang makarating siya sa kanto kung nasaan ang kaniyang tinutuluyang apartment ay agad siyang lumiko sa eskinitang nadaanan. Tinapon niya ang hawak na sigarilyo at saka mabilis na tumakbo palayo dahil sa lalaking natanaw na nag-aabang sa harap ng kaniyang apartment. Hindi niya alam kung paano siya nito natunton dito sa maliit na barangay na ito pero isa lang ang nasa isip niya noong mga oras na iyon. Ang makatakas. Nang tumingin siya mula sa kaniyang balikat ay natanaw niya ang lalaking ayaw na ayaw niyang makita sa mga oras na ito. Tumatakbo na rin ito palapit sa kaniya kaya mas tinulinan niya ang ginagawang pagtakbo at hindi na muling lumingon pa. Napamura pa siya nang mabitiwan ang bitbit na supot na naglalaman ng instant noodles at instant coffee na tanging hapunan niya nang gabing ‘yon. Imbis na huminto at balikan ay hinayaan na lamang niya iyon. Mas mahalaga ang buhay niya sa mga oras na ito kumpara sa kaniyang hapunan. Hindi naman siya mamamatay kung isang gabi siyang hindi makakakain. Lumiko siya sa kaliwa nang makaharap ng isang malaking batong pader. Natapakan pa niya ang mga basurang nagkalat doon. May naramdaman pa nga siyang malapot sa kabila ng suot na tsinelas, ngunit imbis na tingnan kung ano at pandirihan ito ay hinayaan niya na lang din iyon. Isang malakas na alingawngaw ang narinig sa katahimikan ng buong lugar. Tiyak na magigising ang mga tao dahil sa lakas ng tunog ng putok ng baril na ‘yon. Baka sa ganoong paraan ay may makakita sa kanila at tulungan siya. Pero huli na dahil naramdaman niya ang unti-unting pagsakit ng kaniyang kanang balikat. Nang hawakan niya iyon ay agad niyang naramdaman ang isang malapot na likido kasabay ang pagtindi ng kirot na kaniyang nararamdaman. “s**t,” mahinang bulalas niya habang nakatitig sa kulay pulang likido. Iniwas niya ang tingin doon dahil nakaramdam siya ng pagkahilo, pero hindi iyon naging dahilan para tumigil siya sa pagtakbo. Tiyak na kapag nahabol siya ng lalaking ‘yon ay hindi lang balikat niya ang tatamaan ng bala. Ayaw na lamang niyang isipin kung ano pa. Ilang minuto pa ang nakalipas ngunit hindi na niya narinig pa ang boses ng lalaking humahabol sa kaniya. Hindi na rin ito ulit nagpaputok kaya naman napalingon siyang muli sa kaniyang likuran. Wala nang humahabol sa kaniya na nagpagaan kahit papaano ng loob niya, ngunit napakunot pa rin ang kaniyang noo. “Anong –“ Nilibot niya ang paningin sa buong paligid at halos malaglag ang kaniyang panga nang mapagtanto ang isang bagay. “Nasaan ako?” Muli pa niyang pinagmasdan ang paligid. Nasa isang eskinita pa rin siya, ngunit ang mga bahay sa paligid ay iba na. Imbis na mga bahay na gawa sa bato ang kaniyang makita ay halos gawa ang lahat sa kahoy. Makukulay ang ilan sa mga ito at matataas ang gable roofings. Hindi na patulis ang tuktok ng mga iyon o hindi kaya naman ay patag. Masyado nang komplikado ang mga disenyo nito at tiyak siyang wala nito sa Pilipinas kung saan siya nakatira. Muli pa niyang tinanaw ang kaniyang likuran at sinubukang bumalik pero ganoon pa rin ang kaniyang nakikita. At mas lalo pa siyang naguluhan at nahintatakutan nang makalabas sa eskinita. Imbis na mga sasakyan gaya ng motor at kotse ang kaniyang madatnan ay mga naglalakihang kabayo ang bumungad sa kaniya na may sakay na mga tao. “What the hell…”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD