Chapter 5
ELENA
Nakatayo ako sa gilid ng gate sa mansion ni Rafael. Madilim ang paligid at ang street lights lang ang nagpapaliwanag sa madilim na gabi. Naghihintay ako ng taxi na tinawagan ko. Pasado alas-otso na ng gabi at pinatapos ko lang pakainin si Rafael, saka pinatulog ko muna ito bago ako umalis. Hindi naman siguro niya ako paghihinalaan na umalis dahil hindi naman niya ako nakikita.
Ilang sandali pa dumating na ang taxi na tinawagan ko. Sumakay na ako at nagpahatid sa hospital.
Gusto ko hatiin ang oras ko kay Ate Miranda at kay Rafael.
Alam ko na magagalit si Ate kapag nalaman niya na iniwan ko pansamantala si Rafael para samahan siya. Gusto ko kasi habang nabubuhay pa si Ate ay nakakasama ko siya. Hindi na nga niya nakakasama ang boyfriend niya tapos hindi niya rin ako makakasama. Bahala na kung magalit siya sa akin. Gusto pa sana ni Rafael na sa labas kami kumain subalit nagdahilan na lang ako.
Pagdating ko sa hospital sakto naman na gising pa si Ate at kalalabas lang ng staff ng hospital na naghatid sa kaniya ng pagkain.
Medyo nagulat na naman siya ng makita ako.
"Elena, ano na naman ang ginagawa mo rito?" nangungunsumi na tanong ni Ate sa akin.
"Na miss kasi kita, Ate. Tamang-tama hindi pa ako nakakain. May baon akong pagkain Ate. Sabay na tayo," nakangiti kong sabi kay Ate at kinukubli ko lang ang lungkot na aking nararamdaman.
Hindi ako kumain sa mansion. Nagkunwari lang ako kay Rafael na sinasaluhan ko siya ng pagkain subalit ang totoo ay walang laman ang plato ko. Sinadya ko na hindi kumain at dalhan ng pagkain si Ate para makasali ko man lang siya sa pagkain.
Binulatlat ko ang pinaglagyan ko ng pagkain at ipinatong sa bed table ni Ate na de gulong.
"Ate may sinigang na hipon ako na dala. Paborito mo ito, hindi ba? Hali ka pagsaluhan natin," patay malisya ko na sabi kay Ate.
"Elena, hindi ba sinabi ko sa'yo na huwag mo iwanan si Rafael? Bakit ka pa pumunta rito?" malungkot na tanong ni Ate sa akin.
"Mamaya na natin pag-usapan 'yan, Ate. Kumain muna tayo. Mamaya mo na ako talakan at pagalitan hutom na kasi ako. Gusto ko kasi makasama ang maganda at mabait kong, Ate." Pilit ang mga ngiti ko na sabi kay Ate.
Ayaw ko ipakita sa kaniya kung gaano ako nasasaktan sa kalagayan niya.
"Hayzzz… Ikaw talaga ang tigas ng ulo mo. Pero, sige mamaya na kita papagalitan. Kumain na tayo," nakangiti niya ng pahayag sa akin.
Pinipilit ko na huwag umiyak. Nilagyan ko ng kanin ang plato ni Ate at nilagyan ko ng sabaw ng hipon. Ang binigay na pagkain sa kaniya ay adobo na baboy at adobong sitaw.
May tableta rin na nakalagay sa gilid ng plato niya para inumin niya pagkatapos niya kumain.
"Ate, hindi na natin matutupad ang pangarap natin na mag-tour sa ibang bansa na magkasama," sabi ko kay Ate habang kumakain kami.
"Matutupad mo pa rin iyon, Elena. Kapag nakapagtapos ka pwede ka na mag-tour. Kahit wala na ako tuparin mo pa rin ang mga pangarap natin. Lalo na ang pangarap ko na makapagtapos ka sa pag-aaral," wika ni Ate habang ngumingita ito.
Tipid ako na ngumiti sa kaniya.
"Ate, ano ba talaga ang sabi ng doktor? Ano kaya kung doon ka na lang magpagamot sa ibang bansa. Baka nagkamali lang ang doktor mo. Saka ano kaya kung sabihin na lang natin kay Rafael ang tungkol sa kalagayan mo?" pangungulit ko kay Ate.
"Ilang doktor na ang pinuntahan ko, pero iisa lang ang sinasabi nila. At huwag na huwag mo sasabihin kay Rafael ang tungkol sa kalagayan ko kung ayaw mo magalit ako sa'yo. Makinig ka naman sa akin, Elena. Ito lang naman ang hinihiling ko sa'yo. Hindi mo ba talaga ako kayang pagbigyan?" malambing niyang tanong sa akin na lalong napagpapa-konsensya sa akin.
"I'm sorry, Ate. Hindi ko kasi alam kung paano ko hatiin ang oras ko at sarili sa inyo ni Rafael. Ako ang lubos na nasasaktan para sa inyong dalawa. Hindi niya alam na gagamitin niya ang mga mata mo subalit hindi ka na niya makikita pa," maluha-luha kong sabi kay Ate.
"Masakit rin iyon sa akin Elena. Pero, hindi ko kaya na makita na nasasaktan si Rafael. Baka lalo lang siya panghinaan ng loob kapag nalaman niya ang kalagayan ko. Huwag ka mag-alala dahil araw-araw ako nag-iiwan ng mensahe sa kaniya sa video. Kapag nawala na ako, ibigay mo ang cellphone ko sa kaniya para mapakinggan niya ang mga paliwanag ko. Ano ka ba? Huwag na muna natin pag-usapan 'yan. Masarap itong sinigang mo. Kuhang-kuha mo ang panlasa ko. Pagkatapos natin kumain umuwi ka na, ha?" pagtataboy ni Ate sa akin.
Hindi ako umimik sa utos niyang iyon. Tumulo na ang luha ko sa sabaw at agad konrin pinunasan ang mga luha ko. Gusto ko sana maging memorable ang bawat pagsalo namin sa pagkain namin ni Ate. Na kahit mawala siya may masaya man lang akong pabaon sa kaniya.
Sunod-sunod ang pagsubo ko ng kanin, subalit nanginginig naman ang mga labi ko dahil hindi ko mapigilan ang emosyon ko.
Ang sakit-sakit na ang taong nag-iisa na lang na natira sa buhay mo ay mawawala pa.
"Dahan-dahan lang sa pagkain, hindi ka naman inaagawan. Sige, ka tataba ka niyan," malambing pang sabi ni Ate sa garalgal niyang boses.
Alam ko pilit niya lang din pinapalakas ang kaniyang loob. Hindi ako makatingin sa kaniya dahil baka humagulgol lang ako sa iyak.
Habang sumusubo ako ng kanin ay panay naman ang punas ko ng aking mga mata.
"Ayaw ko na kumain, Ate. Busog na ako," sabi ko na pilit na ngumingiti. "Ubusin mo 'yang nasa plato mo at pagkatapos inumin mo 'yang gamot mo. Tapos matulog ka na habang kinakamot ko ang likod mo," sabi ko habang pumapatak ang aking mga luha.
"Ayaw ko. Sanay na ako na hindi mo kinakamot ang likod ko. Mamaya mahirapan pa ako makatulog kapag walang nagkakamot sa likod ko. Ang mabuti pa pagkatapos natin kumain bunutan mo na lang ang kili-kili ko. Tamang-tama dahil ilang araw na ako hindi nag-shave," nakangiti na sabi ni Ate sa akin.
Ganoon kami noon. Minsan magpapakamot ako ng likod sa kaniya, minsan naman ako ang kumakamot sa likod niya hanggang sa makatulog na siya. Minsan naman pareho kami nagbubunutan ng kili-kili at minsan nakakatulog din siya.
Tapos bibigyan niya ako ng baon ko pagkatapos ko siya bunutan.
Si Ate Miranda na ang nagsilbing magulang ko dahil noong ipinanganak ako ng ina namin ay namatay ito noong pagsilang sa akin. Nasa dese-siete na ang edad noon ni Ate nang isilang pa ako ni Mama. Si Papa naman isang taon pa lang daw na patay si Mama ay namatay rin ito sa isang aksidente. Ang Lola namin ang naging katuwang ni Ate sa pag-aalaga sa akin, ngunit nang limang taon gulang ako ay namayapa na rin ito dahil sa katandaan. Mabuti na lang at nakapagtapos ng pag-aaral si Ate at nakapagtrabaho. Nang makaipon siya nagpatayo siya ng negosyo hanggang sa nakapag-aral na ako. Kaya ano ang karapatan kong tumanggi sa kahilingan ni Ate, gayong lahat-lahat ay ginawa niya para sa ikabubuti ko.
Pagkatapos namin kumain ni Ate ay binunutan ko siya ng kaniyang kili-kili.
"Gusto mo bunutan rin kita?" tanong niya sa akin.
"Huwag na po, Ate. Wala ka ng bubunutin dahil kaka-wax ko lang," tugon ko habang binubunutan siya.
"Okay, basta umuwi ka pagkatapos, ha? Baka hanapin ka ni Rafael," bilin naman biya sa akin. Tumango-tango lang ako.
"Elena?" muli niyang banggit sa pangalan ko.
"Bakit, Ate?"
"Wala ka bang boyfriend?" tanong niya habang nakapikit ang kaniyang mga mata.
"Wala, Ate. Ang sabi mo kasi kailangan ko muna magtapos bago mag-'boyfriend,'' sagot ko sa tanong niya.
"Mabuti kung ganoon. Kapag nag-boyfriend ka piliin mo ang lalake na kaya kang buhayin, ha? 'Yong iingatan ka niya katulad ng mamahaling crystal. 'Yong hindi ka niya ipagpapalit sa kahit ano mang bagay at sa babae. Huwag mo ibigay ang sarili mo hanggang hindi kayo kasal," bilin niya pa sa akin.
Tumango-tango lang ako sa kaniya. "Tandaan ko po lahat ng mga bilin mo Ate. Kapag nagkaroon ako ng anak na babae ipapangalan ko sa pangalan mo. Tatawagin ko siyang, Miranda," nakangiti kong sabi kay Ate.
"Ayaw ko ipangalan mo siya sa akin. Ang pangit-pangit ng pangalan ko. Gusto ko ipangalan mo sa kaniya Kaye o 'di kaya Kyla. Kapag lalake naman ipangalan mo Kent o Kenjay."
Napangiti ako habang binabanggit ni Ate ang pangalan na gusto niyang ipangalan sa magiging anak ko balang araw.
"Iyan ba dapat ang ipapangalan mo sa magiging anak ninyo ni Rafael?" panunukso kong tanong kay Ate.
Ngumiti siya ng malawak. "Oo, sana. Kaso hindi na mangyayari iyon. Kapag nawala na ako alam ko na marami ang mga babae na aaligid sa buhay ni Rafael. At sana makatagpo siya ng babae na mamahalin siya hindi dahil sa pera niya kundi 'yong mamahalin siya tulad ng pagmamahal ko sa kaniya. Tulad ng unconditional love.
At sana kapag nasa kaniya na ang mga mata ko makikita niya ang isang babae na katulad ko," nakangiting pahayag ni Ate sa akin.
Gusto ko man sabihin kay Ate na sana ako na lang ang babaeng iyon. Subalit malabong mangyari iyon dahil pagkatapos ng operasyon ni Rafael, aalis din ako at babalik ako sa dati kong buhay at ipagpatuloy ang pangarap ni Ate na makapagtapos ako sa aking pag-aaral.
"Ate, bakit hindi ka na lang nagpabuntis noon kay Rafael, para may anak kang maiwan sa kaniya?" tanong ko na hindi ko alam kung bakit ko naitanong iyon.
"Sira ka talaga. Hindi ba ang bilin ko huwag bumigay hanggang hindi pa kasal. Marami kasi ang nangyayari na kapag naisuko mo na ang katawan mo hindi pa kayo nagkatuluyan. At kawawa naman ang magiging anak namin kung nagkataon. Saka ikaw ang iniisip ko noon. Sabi ko hindi ako mag-aasawa hanggang hindi kita napatapos sa pag-aaral. Pero kahit nag-propose si Rafael sa akin noon pinangako naman niya na patapusin muna namin ang pag-aaral mo saka kani magpakasal. Kaso iyon nga at naaksidente siya at nabulag. Hanggang nalaman ko na malubha na rin pala ang sakit ko," wika ni Ate sa akin.
Hindi na ako nagsalita pa dahil parang may bumabara sa aking lalamunan. Ang bigat ng dibdib ko. Tahimik ko na binubunutan si Ate hanggang sa nakatulog na siya. Ilang minuto pa ang lumipas natapos ko na bunutan ang dalawa niyang kili-kili. Tiningnan ko sa relo alas-nuebe imidya na ng gabi.
Wala akong balak umuwi at gusto ko lang kasama si Ate. Tumabi ako ng higa sa tabi niya at niyakap siya ng mahigpit. Lihim na naman tumutulo ang aking mga luha.
"Paano ko harapin ang bukas na wala ka, Ate? Paano ako magsisimula na hindi ka kasama? Paano ko matutupad mag-isa ang mga pangarap natin gayong dalawa tayo ang nangarap?" mahina kong sabi sa kaniya.
Parang mas gusto ko na lang manatili sa tabi niya subalit hindi puwede dahil may pinangako ako sa kaniya na kailangan alagaan ko rin si Rafael.
Dumapit ang alas-kuwatro ng umaga nagising ako dahil nakaramdam ako ng pagka-ihi.
Agad akong pumasok sa banyo at umihi. Ilang sandali pa pagkatapos kong umihi nang marinig ko ang daing ni Ate. Binuksan ko ang pintuan ng banyo at kitang-kita ko kung paano siya mamilipit ng sakit sa kaniyang puson. Pinipindok niya ang emergency bell na nasa gilid ng kama.
Sumisigaw siya sa sobrang sakit. Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang ihakbang ang aking paa upang damayan siya. Ilan sandali pa ay dumating na ang kaniyang doktor at nurse.
Humihiyaw siya sa sobrang sakit. Sobrang nadurog ang puso ko sa aking nasaksihan.
"Dok, baka nariyan ang kapatid ko. Huwag niyo siyang papasukin. Ahhh! Ang sakit!" sigaw ni Ate.
"Huwag ka mag-alala dahil wala rito ang kapatid mo," sagit ng doktor kay Ate. Pinipigilan ko ang bunganga ko na huwag mahikbi. Sobrang sakit na makita ko ang Ate ko na nasasaktan.
Tinurukan siya ng doktor ng gamot. Para pansamantalang mawala ang sakit na nararamdama niya.
Napaupo ako sa bowl ng banyo at umiyak nang umiyak.
Sa kabila ng sakit na nararamdaman ni Ate ako pa rin ni Ate ako pa rin ang iniisip niya. Ang masakit lang ay nariyan ako, subalit wala akong magawa upang tulungan siya at pawiin ang sakit na nararamdaman niya.