Week 4: How to overcome writer’s block?

1253 Words
Chapter 1 “Pandesal! Pandesal kayo riyan!” “Diyaryo ho! Bili na po kayo!” “Mare, gulay baka gusto mo?” Umagang-umaga at ito na agad ang bumungad kay Joyce. Isang natural na pangyayari na ito sa kaniya at kapag wala ito, hindi buo ang kaniyang araw. Papasikat pa lang ang araw pero marami na ang nagtitinda. Ito ang kanilang lugar at nasanay na rin siya rito. Ang kanilang bahay ay isang maliit na barong-barong na gawa sa kahoy at yero na may butas ang bubong. Iisa lang ang kuwarto at ang kusina, salas, at kainan ay iisang silid lang din. May banyo sa likod, maliit lang ito na kubeta na at paliguan pa. Kung tutuusin ay mas disente pa ito kaysa sa bahay ng iba lalo na ang loob. Siyemre, maliban lang kung umuulan dahil halos bumaha sa loob. Maalaga sa bahay kasi ang kaniyang ina kaya palaging malinis ang kanilang bahay. Kahit rin si Joyce ay nakasanayan na ring palaging malinis ang loob dahil sa gabay ng kaniyang ina. Kung ayaw niyang masermonan ay kailangan niyang maglinis. “Joyce, sasama ka ba sa akin sa kanila, Ma’am?” sigaw ng kaniyang ina na nasa kusina. Ang tinutukoy nito ay si Ma’am Bernadette dahil sabado ngayon kaya maglalaba siya roon. Ito lang din ang pahinga niya dahil mula linggo hanggang biyernes ay nagtatrabaho siya sa isang grocery store sa malapit. Kahera siya rito at kahit papaano ay kasya naman ang kita para sa kanilang dalawa, pero hindi ito kasya sa pag-aaral ng anak na magkokolehiyo. “Sige po, ‘Nay.” Lumabas na rin si Joyce sa silid. Kanina pa siya gising, nakapaglinis na siya ng bahay at nakapag-ayos ng sarili. “Sabi nga rin po ni Ma’am na nandoon na ang resulta ng exam ko noong nakaraan. Mamaya ko malalaman kung nasama ba ako sa sampu na bibigyan ng scholarship,” dagdag pa niya. Kita ni Joyce na nagsasarado na ang kaniyang ina ng mga bintana kaya tumulong na rin siya. Uso pa naman ang nakawan sa lugar nila at kaunti nga lang ang gamit tapos kukunin pa. Kahit close nila ang mga tambay sa paligid, hindi pa rin maiiwasang may mga makakati ang kamay sa paligid. “Sarado na ba ang lahat?” tanong ng kaniyang ina, si Elsa Diaz. Apatnapung taong gulang na ito at mag-isa niyang pinalaki si Joyce kaya sobrang pasasalamat ni Joyce sa ina, at dahil dito ay nagsusumikap rin siya. “Opo,‘Nay. Ako na rin po ang magsasarado ng pinto,” presenta niya sa ina. “Sige. Hintayin na lang kita sa labasan.” Tumango lang si Joyce bago niya pinauna ang ina. Siya na nga ang nagsarado nang lahat bago siya sumunod. Sa daan ay nakita niya na naman ang mga tambay. Binati lang siya ng mga ito pero hindi na siya nagtagal kasi naghihintay ang kaniyang ina. Suot ang kupas na pantalon at itim na damit, marami pa rin ang napapalingon at bumabati sa kaniya dahil sa kagandahan niyang taglay. Mabait din siya kaya maraming mabuti ang pakikitungo sa kaniya. “Elsa, balita ko, kumuha raw ng exam si Joyce para sa scholarship. Kumusta? May resulta na ba?” Narinig ni Joyce na tanong ng may-ari ng tindahan dito sa kanto. Mabait naman ito pero minsan matabil talaga ang dila. “Ah, oo. Hindi pa nga lang namin alam kung nakapasa siya,” sagot ng kaniyang ina. “Naku! Siguradong pasok diyan si Joyce. Si Joyce pa ba, ang pinakamatalino rito sa atin?” Natawa na lang si Elsa sa sinabi ng may-ari. Si Joyce ang kakaisang yaman na kaya niyang ipagmalaki at natutuwa siya na napapansin iyon ng iba. Para sa isang magulang, kasayahan na nila ang maituring ng ibang tao na magandang impluwensiya ang kaniyang anak sa iba. “‘Nay, tara na po,” singit na sabi ni Joyce. “Sige.” Bumaling si Elsa sa may edad na babae para magpaalam. Bumati rin si Joyce at umalis agad sila. Nilakad lang nila ang daan at ilang sandali ay narating na rin nila ang bahay ng dating guro. Tulog pa raw ito kaya si Manang Ging na muna ang tumanggap sa kanila. Nagluluto ito ng almusal, kaya ang mag-ina ay tumuloy muna sa likod upang maglabas. Halos kakalagay pa lang nila ng sabon pagkatapos basain lahat, kasama punda, kumot, at kurtina, nang tinawag sila na kumain muna. Dito na rin sila nag-aalmusal kaya hindi na sila nag-ayos noong sa bahay pa lang. Pagpasok nila ay nandoon na ang dating guro at nakapag-ayos na ng sarili. Kahit nasa loob lang ito ng bahay, para ito palaging may lakad dahil sa mga ayos nito. “Good morning po, Ma’am!” sabay na bati ng mag-ina. “Elsa, Tisay, good morning din. Hali na kayo at nakahain na si Ging,” aya niya sa dalawa. “Sige po.” Nakisabay na nga silang kumain. Bali apat silang kumain ng sinangag, pritong itlog, pritong hotdog at ham, at may roon ding inihaw na isda na may kamatis. Masaya silang kumain habang si Joyce ay sinasabi ang kita niya noong nakaraang araw. Naubos kasi ang paninda niyang mga damit at pagkain kaya medyo malaki ang kita niya. “Oo nga pala. Pagkatapos ninyong maglaba ng nanay mo, buksan natin ang envelope kung nasaan ang resulta ng exam mo. Alam kong matutuwa ka roon.” Nakaramdam ng excitement si Joyce dahil pakiramdam niya ay good news ang sasabihin ng matanda. “Sige po," sabi ni Joyce. Iyon nga, tumulong siya sa kaniyang ina para matapos agad ito. Hindi naman mahirap dahil kaunti lang naman kaya lang kailangan hard wash ito dahil makaluma ang dating guro. Ayaw nitong gumamit ng kahit anong machine. Puwede namang si Manang Ging ang maglaba pero pinili ng guro na ibigay ito kay Elsa upang pandagdag kita rin. Matagal na rin kasing naglalaba si Elsa sa kaniya at dati niyang itong mag-aaral. Minsan naman kapag may importanting pupuntahan si Elsa, sa matanda niya iniiwan ang bata. Hindi siya nagtitiwala sa mga tao sa kanila at gusto rin ito alagaan ng guro. Hindi naman nagtagal at natapos silang maglaba. Dalawa na rin silang nagsampay at tamang-tama lang sa pananghalian. Kumain sila kasama ang guro at si Ging. Kinakabahan at excited si Joyce na makita ang resulta kaya naman hindi siya nakapagsalita habang kumakain. Hinayaan lang siya ng tatlo. Nang matapos na sila ay nagtipon ang tatlo sa salas habang si Manang Ging ay naghugas ng pinggan. Nanginginig ang kamay na inabot ni Joyce ang isang sobre na may laman ng resulta ng kaniyang exam. “Hindi ko pa ‘yan mabuksan kaya ikaw ang unang makakakita,” nakangiting sabi ng ginang. “Salamat po, Ma’am!” Dahan-dahan na pinunit ni Joyce ang sobre hanggang sa loob ay napaloob ang isang liham. Kinakabahan na inumpisahan ni Joyce basahin ito ng malakas. Sa lahat ng kaniyang binasa ay kaunti lang ang pumasok sa kaniyang isip. Passed at dean lister. Nakapasa siya sa scholarship nila at inaanyayahan na mag-apply bilang deal’s lister. Doon niya ring nalaman na entrance exam niya na rin pala ito. “‘Nay, nakapasa po ako!!” naiiyak na bulalas ni Joyce. “Congratulations, Tisay!” bati ng Ma’am Bernadette at nanay niya sa kaniya. “Salamat po!” Sa wakas, mag-uumpisa na naman ang bagong bahagi ng kaniyang buhay. Umpisa pa lang ito at hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng tadhana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD