Raziel Raffia Lynwood’ Pov
Mabilis kaming tumakbo pabalik sa bahay namin dahil sa malakas na putok ng baril na narinig namin mula sa labas.
At pare-pareho kaming magkakapatid na kinakabahan dahil alam naming marami ang nagtatangka sa buhay ni Daddy. Gusto nilang makuha ang pamumuno sa buong Human Society pero hindi nila iyon magawa dahil tanging ang pamilya Lynwood lamang ang binibigyan ng karapatang pamunuan ang mga tao.
Nang makapasok kami sa bahay ay agad kaming nagtaka dahil walang katao-tao sa loob.
Nasaan ang mga kasambahay namin? Wala bang ibang nakarinig ng putok ng baril na narinig namin?
Hindi ko na masyadong napagtuunan ng pansin iyon dahil agad kong sinabihan ang mga kapatid ko na i-check ang kabuuan ng bahay.
Sinabihan ko din sila na mag-ingat dahil maaaring isa sa amin ang makasalubong sa nagpaputok ng baril kanina.
Nang sumang-ayon ang lahat ay agad na akong pumunta sa second floor kung nasaan ang study room ni Daddy.
Malakas ang t***k ng aking puso nang buksan ko ang pinto nito at nanlaki nalang ang mga mata ko nang makita ang isang taong balot ng itim na kapa. Nakatungtong ito sa bintana at nang makita ako ay agad tumalon palabas.
Mabilis akong tumakbo palapit sa bintana at sinilip ang taong iyon ngunit mabilis iyong nakatakbo palayo sa bahay namin.
Sino iyon? Siya ba ang nagpaputok ng baril? Anong ginagawa niya dito sa study room ni Daddy?
Iginala ko ang tingin sa silid at muling nanlaki ang mga mata ko nang makita ang paang may suot ng pamilyar na sapatos.
Agad ko iyong nilapitan at bumungad sa akin si Daddy na mayroong sugat sa dibdib.
“Dad!” sigaw ko. Dinaluhan ko siya at tinutulungan makasandal sa akin. “Dad! Wake up, Dad!”
Tinapik-tapik ko ang kanyang pisngi hanggang sa unti-unti niyang idinilat ang kanyang mga mata.
“Dad!”
“R-Raziel?” tawag nito sa akin pagkuwa’y napaubo.
Nilagyan ko ng pressure ang sugat niya sa dibdib upang mapigilan ang pagdudugo nito. “Dad! What happened?”
“Y-you have to get out of here?”
Kumunot ang noo ko. “What do you mean?”
Saglit siyang huminga ng malalim tsaka dahan-dahang bumangon at nang mapaupo ay sumandal sa bookshelf tsaka tumingin sa akin. “Na-nasa panganib ang buhay nyong magkakapatid, anak. Kaya kailangan nyong umalis dito.”
“Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, Dad.”
Muli siyang umubo at sa pagkakataong ito ay may kasama na itong dugo. “Buksan mo ang vault ko, Raziel.”
“Hindi ito ang tamang oras--”
“Just do what I said!” malakas nitong sigaw na nagpaigtad sa akin. “Ngayon na, Raziel!”
Agad na na akong kumilos at binuksan ang vault niya. Noon pa naman niya ibinigay sa akin ang passcode nito dahil ayon sa kanya, ibibigay din niya sa akin ang lahat ng nilalaman ng vault na iyon.
“Ilagay mo ang lahat ng laman niyan sa isang bag.” sabi niya na mabilis ko namang ginawa.
Maliban sa pera, ilang gold bars ay may kasama pa itong mga documents na hindi ko alam kung ano ang nilalaman.
Nang maisilid ko sa bag ang lahat ay bumaling na ako kay Dad. “Nandito na ang lahat.” Ipinakita ko ang bag sa kanya.
“Hindi ko na maipapaliwanag sayo ang lahat, anak.” Hinawakan niya ang aking kamay. “N-nasa mga dokumentong iyan ang lahat ng kasagutan sa mga kaganapan ngayon. Gusto kong basahin mo ang lahat ng iyan nang sa gayon ay walang sinuman ang makakapanlinlang sa inyo.”
“Dad…” Nagsisimula na akong maiyak.
Patuloy ang pagdurugo ng sugat niya at ayaw naman niya akong tumawag ng tulong upang madala siya sa hospital.
“Makinig ka, anak.” Humigpit ang hawak niya sa kamay ko. “Huwag kang magtitiwala sa kahit na sino. At huwag mong hahayaang magkahiwa-hiwalay kayong magkakapatid. A-alagaan mo sila at…” Muli itong umubo at mas madaming dugo na ang inilalabas nito. “Climb up the tower.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Po?”
“Higit kayong magiging ligtas sa labas, anak.” Hinaplos niya ang pisngi ko. “Kaya akyatin nyo ang pinakataas ng tore. Lumabas kayo sa kulungang ito. Ma… mangako ka, Raziel. I--ipangako mong ililigtas mo ang mga kapatid mo.”
Mabilis akong tumango. “Pangako, Dad. Pangako.”
Ngumiti siya at ilang sandali pa ay unti-unti nang lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata.
“Dad?” Niyugyog ko siya. “Dad! Dad!
“Raziel?”
Bumaling ako sa pinto at nakita ko ang mga kapatid ko. Maging sila ay nagulat nang makita ang walang buhay na katawan ni Daddy.
“Si D-daddy.”
Agad akong hinila ni Zuri at mahigpit na niyakap.
“Zuri… si Daddy!” sigaw ko. “Pinatay ng taong iyon si Daddy!”
“Sssshhh.” Naramdaman kong hinaplos ni Zuri ang buhok ko. “It’s okay, Raffi. It’s okay.”
Matapos niyang sabihin iyon ay unti-unti akong nakaramdam ng panghihina hanggang sa tuluyan na akong balutin ng dilim.
_________
Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at ang unang bumungad sa akin ay ang mukha ni Adzel.
“Guys, gising na siya.” sigaw nito at ilang sandali pa ay nakatunghay na din sa harap ko sina Zuri at Azmir.
“Kamusta ang pakiramdam mo?” tanong ni Zuri.
Bumangon ako at pinakiramdaman ang sarili. “O-okay naman.”
“Alam mo bang tatlong araw kang walang malay?” tanong ni Azmir. “Ang sabi ng doctor ay wala namang problema sa katawan mo. Posibleng masyado ka lang na-shock sa nangyari kay Daddy.”
Nanlaki ang mga mata ko nang mabanggit ang si Daddy at agad nag-flashback ang huling pag-uusap namin.
“Nakaburol na si Daddy.” sabi ni Adzel. “At hindi tayo pinapayagan ng council na sumilip doon. Mas makakabuti daw kung ikaw na lang ang pagtutuunan namin ng pansin at sila na ang bahala sa paglilibing kay Daddy.”
Agad kong iginala ang tingin at nakahinga ako ng maluwag nang makita ang bag na pinaglagyan ng mga ibinilin ni Daddy sa akin bago siya mamatay.
“Anong pinag-usapan nyo ni Daddy bago siya mamatay?” ani Zuri.
“He said that we should climb the tower.” sabi ko. “Hindi daw tayo ligtas sa loob ng tower at huwag daw tayong magtitiwala sa kahit na sino.”
“Eh?” Kunot noong napatingin sa akin sina Azmir at Adzel.
“Bakit naman sasabihin ni Daddy iyon” tanong ni Adzel.
“Dahil sa nilalaman ng mga dukumentong iniwan niya.” sabi ni Zuri tsaka itinuro ang bag na pinaglalagyan ng documents. “About the Archangels at sa plano nitong pag-e-experimento sa atin dahil sa taglay nating dugo na may kakayahang pumatay ng mga nilalang na siyang naninirahan sa labas ng tore.
“What?”