Ika-apat na Kabanata

4921 Words
Maaga pa lang ay sinimulan ko nang maghanap ng damit sa cabinet ko dito sa dorm. Umabsent muna ako sa law school, at ‘wag ka.. first time kong a-absent sa buong buhay college ko. Kahit kasi may sakit ako ay gumagapang ako para lang makapasok. Grrr.. Kung bakit ba kasi wala akong matinu-tinong damit man lang na kaaya-aya ako tignan? Puro kasi mumurahin ang mga nandito at halatang mga nabili lang sa ukay-ukay. Nagkalat na ang mga damit panlakad sa buong kuwarto ko at hindi pa rin ako makahanap ng magandang isusuot. Bukod sa limited edition ang mga nandito, masyado pa akong indecisive sa pagpili. Tinignan ko ang orasan, alas-otso na. Dalawang oras na lang ang natitira bago ang pupuntahan kong cast meeting sa ADS-CDN. Napailing na lang ako nang maisip na may oras pa dapat akong ilaan para sa pagbiyahe. Sino ba ang kakilala kong magaling mamili o may maraming damit? Si Doiry... Marami ‘yung damit dahil marami siyang perang pambili at fashionista rin siya masyado. Kaso hindi nga pala kami magkasundo... Ang ibang mga kaibigan ko ay nasa PUP o nasa probinsya. Hindi ko sila gaanong close at sigurado akong sobrang busy ng mga ‘yun. Kung si Liz naman, baka pagsuotin lang ako nun ng pormahang pangsanggano. Sh*t. Agad kong inipon ang mga kakailanganin kong gamit sa pag-aayos. Mabuti na lang at nakaligo na ako. Dali dali kong sinakay ang mga gamit at kahit nakasuot pa ako ng pantulog ay pinaharurot ang motor. Dumeretso ako sa isang sikat na bake shop at bumili ng strawberry chiffon cake. Inayos ko ang pagkakasalansan nito sa harap ng motor ko para hindi masira ang porma, pagkatapos ay humarurot ulit. Nilagpasan ko ang traffic na dulot ng morning rush hour. 8:30 pa lang ay nandito na ako. Hingal akong tumayo sa harap ng pintuan ng room ni Doi. Kakatok na sana ako nang muli na naman akong lamunin ng pride ko. Sinasabi na naman ng sarili ko na ‘wag mag-sorry dahil wala naman akong kasalanan o kasalanan niya naman kasi ‘yun. Pero agad ding pumasok sa isip ko na higit kong kailangan si Doi ngayon. Hindi naman ako makikipag-ayos dahil lang sa kailangan ko siya. Ang kambal ko ay parang karugtong ng buhay ko. Para kong inaaway ang sarili ko kapag kaaway ko siya. At sa totoo lang, kahit pa napakataas ng ego ko, nahihirapan ang damdamin ko sa tuwing may hindi kasundo lalo na kung kapamilya ko pa. Kakatok na sana ulit ako ngunit bigla kong nakagat ang daliri ko sa pag-iisip kung paano ba mag-so-sorry. Paano ba ‘to sisimulan? Ibibigay ko ba muna ‘tong cake? Aba’y malamang dahil pakunswelo ko nga ‘to. Pero anong una kong sasabihin? Sorry? Pasensya na? Pasensya na sa ginawa ko no’ng isang araw? Ay ewan, bahala na! Lalapag na sana ang kamao ko sa pintuan nang kusa itong magbukas at naiwan ang kamay kong nakataas sa ere. “D-Deya?” “S-Sa’n ka pupunta?” tanong ko rin. Nakaporma kasi ito nang panlakad at para bang may pupuntahan. Ang alam ko ay oras ng tulog nito dapat ngayon. “A-Ahh.. eh...” sabi niya habang kumakamot sa ulo. “i, o, u.” dugtong ko naman. Sinubukan niyang pigilang tumawa pero dahil sadyang mababaw talaga siya, ‘di niya napigilang humagikhik. “Ano kasi.. pupuntahan sana kita.” Kinilig naman ako do’n. Totoo kaya ‘yun? “Ayyiiiieeee...” pangungutya ko sa kanya. Sinimangutan niya ako, “eh ‘yang cake na dala mo? para kanino ‘yan?” “Uhmm..” ako naman ang napakamot ang ulo. “Para sa’kin ‘yan ‘no?” pang-aasar niyang nakangiti na. “Dadalhin ko ba ‘to rito kung ‘di para sa’yo?” “Hiiieeee! Tara na dito!” siya na mismo ang humila sa akin papasok ng kuwarto. Pagkasara ng pinto ay kinuha niya agad ang cake at ipinasok sa fridge. “Bakit mo pala ako pupuntahan?” tanong ko. “Alam ko kasing kailangan mo ako, ngayon ang cast meeting n’yo para sa Still Into You ‘diba?” “Alam mong ngayon ‘yun?” “Syempre! Updated ako sa lahat ng lakad mo.” “Di ka sure diyan.” saad ko sabay tawang parang kontrabida. “Aahh, so may pinupuntahan ka palang hindi ko alam?” “Hmm.. wala naman so far.” pagsisinungaling ko. “Good.” Binuksan niya ang closet niyang puno ng mga dresses na babaeng babae ang datingan. Pati na ang isa pa niyang cabinet na puno ng mga magagarang panlakad na damit. “Wala ka bang sasabihin sa’kin?” Nanahimik ako. Alam kong gusto niya akong mag-sorry sa kanya. Pagdating sa mga prinsipyo ay nagmana ito sa Papa namin ngunit mana naman kay Mama sa pagiging mapagpatawad. Naalala ko si Papa sa pagtanong niya kung wala ba akong sasabihin. Tuwing magkakatampuhan kasi kami ni Papa ay magtatanong din ‘yun ng gano’n para mag-initiate kang mag-sorry. “Wala.” Ako naman ang mana sa Papa namin sa taas ng pride at katigasan ng loob. Ang tanging namana ko sa Mama namin ay ang pagiging makonsensya at maawain. “Okay.” Mamaya na ako mag-so-sorry sa kanya. Feel ko kasi masyadong cringe kapag ngayon agad. Kilala niya naman ako kaya maiintindihan niya ‘yun. Inilabas niya ang ilang dress at mga pares ng blouse at pants, pati mga pangpormahan niyang overall outfits. Isinabit niya ang mga ‘yun sa hanging stick na may mga bilog bilog na sabitan ng hanger. “You choose.” Idinaan ko ang mata ko sa mga isinabit niya. Kahit nagmamadali ako ay ayoko namang basta bastahin lang ang isusuot ko. “Wala bang medyo astig naman ang datingan diyan?” “Deya, hindi ka lang sa isang casual event pupunta. Tandaan mo, cast meeting ‘yan. Syempre ando’n ‘yung direktor, crew members, at mga kapwa mo artista na makakatrabaho. Kailangan mong maging babae diyan. Lalong lalo na’t nando’n si Gael.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Ay, sorry na.” tumawa siya nang saglit, “ayaw mo pa rin ba ng mga nandyan?” “Ayaw.” Mabilis niyang pinagtatanggal ang mga damit at kumuha ulit ng ibang set at pinagsasabit na naman. May nahagip ang mata ko na nakakuha ng atensyon ko sa lahat ng nakasabit. Lumapit ako rito’t itinaas ang plastic na bumabalot dito at kinapa ang texture. Tama nga akong parang gawa ito sa leather. Isa itong black fitted wrap dress na close neck pero open ang sa bandang dibdib na naihahapit lang sa pamamagitan ng mga laces nito. Alam kong wala akong cleavage kaya sakto lang ‘to at hindi magmumukhang malaswa tignan kapag suot ko. Kagaya ng sa Cheongsam Chinese dress ang manggas nito at above the knee ang haba na may maliit na slit sa kanan. “May black ka bang boots?” “Yeah, 'yung leather high heeled martin boots ko. Ipa-partner mo diyan?” “Omsim.” “Whoah! Ang ganda talaga ng taste mo, sis! ‘Di talaga ako magtataka kung bakit pagdating sa lalaki si Ga--“ “Ayan na naman tayo, Doiry Emmanuelle Fontanilla!” “Oh, sorry, my bad.” wika niya sabay hagikhik na naman. Kinuha niya ang damit at tinanggal sa plastic. Tinapik tapik niya ang upuan ng swivel chair, sign na pinapaupo niya ako na agad ko namang sinunod. Mabilis niyang hinatak ang telang nakatakip sa isang pwesto na hindi ko alam kung ano ang meron. Kapag pumupunta kasi ako rito ay lagi ko itong nakikitang nakatabon ng purple na tela pero hindi ko pa natatanong sa kanya kung anong nakatago rito. May sinaksak siyang wire at umilaw ang paligid nito. Isa pala itong malaking salamin na may mga light bulb sa paligid at napakaraming make up sa vanity table nito. Tinulak niya ang swivel chair kung saan ako nakaupo na parang may sakay na pasyente sa isang wheel chair at dinala ako sa harap ng vanity mirror. Sa kilos niya ay para siyang beauty expert. Ang kamay niya ay gumagalaw na tulad ng isang totoong make up artist at makikita sa mukha niyang tuwang-tuwa siya sa ginagawa niya. Wala talaga akong hilig sa mga ganitong bagay. Mapapa-memorize mo ako ng 10 pages ng maraming talata sa loob lang ng tatlong araw, at magagawa mo rin akong mapabuhat ng dalawang baldeng puno ng tubig sa loob ng dalawang oras, pero ang mag-make up at mag-hairstyle ay hinding hindi ko magagawa. Mula no’ng bata kami ay siya na talaga ang babaeng babae sa aming dalawa, kaya’t kung isasama ako sa kanya ay magmumukha talaga ‘kong tibo. Nag-concentrate si Doi sa kilay ko at nang matapos ang kilay ay naging madali na para sa kanya ang iba. Pagkatapos ng make up ay sa hairstyle naman siya. Simple lang ang ginawa niya sa buhok ko, bumuo siya ng tila bun sa likod at nag-iwan ng manipis na parte sa magkabilang gilid para i-curl. “Doi, pa’no pala ‘to? Mag-mo-motor ako ‘diba?” “Sinong nagsabing mag-mo-motor ka?” nakangising sabi niya. “Huh? Eh ano pala? Hindi ako pwedeng mag-commute, male-late ako.” “Hindi ka male-late. Basta ako’ng bahala sa’yo.” Kinakabahan man sa kalokohan ng kambal ko, alam kong effective ang mga paraan niya. Ilang saglit lang ay natapos na siya. Mabilis niyang iniabot sa akin ang damit at boots. “Bihis na.” “Talikod ka muna.” “Anong talikod? Eh pareho lang naman tayong babae, parehong pareho pa tayo ng katawan!” “Basta tumalikod ka!” utos ko sa kanya sabay pihit sa kanya patalikod. Tatawa tawang nanatili siya sa pagtalikod. Maya maya pa ay may tumunog na parang galing sa isang phone. Nagmamadaling hinanap ni Doi ang phone niya. Muntik na akong matawa dahil ‘Giyomi’ pala ang ring tone ng kambal ko. “Hello?” Nakinig lang ako habang nagbibihis. “Ah! Andyan ka na sa labas?” Medyo napakunot ang noo ko. “Sige, sige, malapit na kami matapos. Palabas na rin kami. Wait lang ha?” Tapos na akong magbihis nang ibaba niya na ang tawag. “Woah! Ang ganda ko pala kapag nagsuot ng ganyan! Na-e-excite ako para sa’yoooo!!” Nagtungo ako sa full-length mirror at tinignan ang sarili. Hmm.. Pwede na. "Tara na! Para pretty na, on time pa!" Hinila ako ni Doi palabas pero bigla siyang huminto nang makita ang isang Maserati na naka-park sa harap ng apartment. Lumabas ang isang matangkad at morenong lalaki mula sa driver's seat. Pamilyar ang mukha nito sa akin. Tinignan ako nito at tsaka tumango kay Doi na parang nagsasabing approve ang hitsura ko. "Hi. Thank you, sorry naabala pa kita." pabebeng saad ni Doi. “Not a problem. Sakay na.” saad ng lalaki at binuksan ang pinto ng kotse sa bandang passenger’s seat. “Wait. Who is he?” tanong ko. “Grabe naman. Ganyan pala ang epekto ng law school, nakakalimutan na ang mga taong kakilala.” wika nito habang ibinubulsa ang dalawang kamay. Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kanya nang sabihin niya ‘yun. “It’s Kian. ‘Di mo na siya naaalala? Schoolmate din natin ‘yan dati.” “Ugh. Nevermind. Baka ma-late pa ‘ko. Mamaya na lang ‘yan.” Binuksan ko ang pinto ng kotse sa bandang likuran at sumakay na. Sumunod naman silang dalawa. ‘Yung Kian sa driver’s seat at ang kambal ko naman sa tabi niya sa passenger’s seat. Mabilis niyang minaneho ang kotse. Habang nasa biyahe ay panay ang sulyap ko sa rear-view mirror para kilatisin ang mukha ni Kian. Pilit kong inaalala kung saan at paano ko ba siya nakilala dahil talaga namang pamilyar ang mukha nito sa’kin. “How’s work?” tanong nung Kian kay Doi. “Ah.. as usual stressful pa rin. Pero gano’n talaga, laki ng sahod na lang ang motivation.” sagot ni Doi nang nakangiti. “Ba’t ‘di ka na lang lumipat sa’min? Malaki na sahod, ‘di pa gaanong stressful.” “Ayoko, ayoko ng distractions.” Say what, Doi? “Pwede namang sa kabilang department ka kung ayaw mong magkasama tayo sa office. Tsaka maihahatid-sundo pa kita sa apartment mo.” “Okay lang naman, sanay naman akong nag-co-commute lang. Tsaka na-build ko na rin relationship ko with my workmates for 4 years, ang hirap kasi ng bagong pakikisamahan na naman ulit.” “Okay, if that’s what you want, then I’ll support you.” saad ni Kian habang nakangiti’t kumikislap ang matang nakatingin sa kambal ko. Tumingin din si Doi at gumanti rin ng matamis na ngiti. I smell something fishy... “Matulog ka agad pagkahatid natin kay Emma.” Emma? Sinong Emma? “Oo naman, you don’t need to worry boss. May time pa ‘ko matulog.” Muli na naman silang nagtinginan nang malagkit sa isa’t isa. May pa boss boss pang nalalaman ah.. Magpapaliwanag ka sa’kin mamaya, Doi. I deserve an explanation! Nanahimik lang ako hanggang sa makarating kami sa ADS-CDN. Inihinto saglit ni Kian ang sasakyan sa harap ng Building H. Pagtingin ko sa relo ko ay 5 minutes na lang bago ang cast meeting. Nagmadali na akong umaksyon sa pagbaba ng kotse. “Dito na lang ako. Salamat.” sabi ko na isasara na sana ang pinto ng kotse pero may nakalimutan ako. “Doi.” Lumingon ang kambal ko sa pagtawag ko. “Sorry nga pala.” mabilis kong saad sabay sara nang malakas sa pinto ng kotse. Kahit ‘di ko na inelaborate sa kanya, alam niya na ‘yun. Pumasok ako sa building at panay na naman ang tinginan ng mga tao. “Still Into You cast meeting, 20th floor.” wika ko sa clerk sa lobby. Nanlaki ang mata nito at tumitig sa mukha ko nang ilang saglit bago nagsalita. Pagkasabi ko sa pangalan ko ay nagmamadali siyang nagbukas ng computer at naghanap. “Okay, ito na po ‘yung pass n’yo M-Ma’am.” “Thank you.” sagot ko sabay tanggap ng pass card at pakawala ng matamis na ngiti. Ngumiti rin siya at parang manghang manghang sinundan ako ng tingin sa pagpunta ko sa elevator. Sa pagpasok ko sa elevator at pagpindot ng 20th floor button ay gumapang ang nerbyos sa buong katawan ko. Una, dahil isang minuto na lang bago mag-alas-dyis; pangalawa, ‘di ko alam kung anong gagawin ko dahil masyado akong baguhan; at pangatlo, sa hindi ko naman malamang dahilan. Basta may isa pang dahilan kung bakit ako kinakabahan. Nang tumunog at bumukas ang elevator sa 20th floor ay parang gusto kong mag-back out. Pwede bang sa ibang araw na lang ‘to? Pero hindi.. hindi pwede. Pati ang gagawin kong paglakad ay hindi ko na alam kung paano dahil ang usual kong lakad ay parang sigang mananapak sa kanto. Ngayon hindi ko pwedeng gawin ‘yun, aakto na lang ako na parang lakad ni Doi, sakto lang pero may dating. Ginuide ako ng isang guard papasok sa isang event room sa dulo ng corridor. Nakahinga ako nang medyo maluwag nang makita ang mga tao sa loob na ka-level lang ng outfit ko. Iniisip ko rin kasi na baka dress to kill pala ‘ko pero sa nakikita ko ay mas o.a. pa ang pormahan ng iba. Madilim ang event room at ang mga parang disco lights lang ang nagbibigay kaunting liwanag dito. Maraming mga tables na may magagarang catering designs. Sa harap ng entablado ay may LED screen na nakasulat ang 'Still Into You cast and crew meeting'. Nahagip ng mata ko si Direk Lory na nakatingin na rin sa akin. Kinawayan niya ako at agad naman akong nagpunta sa table nila. Napatigil ako nang kaunti nang makita si Gael na nakatingin pa sa akin. Nasa iisang table din katabi pa si Direk Lory pero agad din akong nagpatuloy nang mapagtantong wala nang atrasan ‘to. “Good morning po, Direk.” bati ko nang makalapit sa kanya. “Good morning. Have a seat.” masiglang tugon ni Direk. Tinignan ko ang table kung may bakante pa bang chairs nito ngunit lahat ay occupied na, maliban sa isa sa tabi ni Gael. Pagkaupong pagkaupo ko ay lumabas ang host mula sa gilid ng stage. “Since everyone’s here, let’s start the program! A pleasant morning to each and everyone!..” nagtuloy tuloy pa ang litanya ng host. Nakaramdam ako ng hiya nang mapagtantong ako na lang siguro talaga ang hinihintay bago mag-umpisa. Pasimple kong inilibot ang mata ko sa mga taong kasama namin sa table. Si Direk ay naka-coat ng brown, si Gael naman ay naka-leather jacket na black. Pareho silang naka-focus sa host na nasa harap. May babaeng nakaupo sa kaliwang tabi ko na naka-white fitted strapless dress at white pumps. Syempre dahil artista, maganda at sexy as expected. Pag-angat ng tingin ko sa mukha niya ay nakatingin pala ito sa’kin. Sa pagtama ng tingin namin sa isa’t isa ay binigyan niya ako ng mataray na top to bottom look sabay irap at tingin sa host na nasa harap. Eh kung tusukin ko kaya ‘yang mata mo? Tss.. Sa tabi ng nakaputing babae ay may isa pang magandang dilag ulit. Naka-neck wrap dress na green at nakatingin lang din sa stage. Maputi ang kulay ng balat nito at parang inosente ang awra ng mukha. Sinulyapan niya ako at nahuling nakatingin sa kanya. Ngumiti ito nang bahagya sa akin sabay concentrate ulit sa pakikinig sa host. May mga lalaki pa na nakaupo naman sa bandang harap ko na pero binalewala ko muna sila at nakinig na lang din ako sa host habang pinapakilala ang mga producers at syempre si Direk Lory na ngayon ay nasa stage na rin. Nang magpalakpakan ay nakipalakpak na rin ako. Humigpit ang pagkakahawak ko sa pouch ko sa pag-iisip na syempre aakyat din kami doon. Ngayon lang ako mahihiya ng ganito sa buong buhay ko. “Let’s give the spotlight to our newest star, let’s hear from one of the lead roles, Ms. Deya Fontanilla!” Hindi agad rumehistro sa utak ko ang pagtawag sa’kin sa stage, pero dahil sa adrenaline rush ay inutusan ako ng mga paa kong tumayo at lumakad papunta sa harap. Sa pagpuwesto ko sa stage at paghawak ng mikropono ay nabingi ako sa katahimikan. Palaging ganito kahit saan ako magpunta. Kapag ako na ang magsasalita, tumatahimik ang lahat na parang may dumaang anghel. Nag-umpisa na ring pumitik ang mga camera man. Binalewala ko sila para hindi ako masilaw sa mga bigla biglang flash. Ano kayang magiging hitsura ko sa mga kuha nila? Sh*t. Hindi ko ‘to na-practice. “Hi, everyone. I actually don’t know what to say right now. I just applied as a personal assistant, then abruptly became an actress.” Narinig ko ang mahihinang tawanan ng mga tao sa iba’t ibang parte ng event room. “It is indeed a great pleasure to become one of the lead roles in this...” Movie ba ‘to o series? sa pagkakatanda ko ay movie. Bahala na.. “..movie. I’m hoping to learn a lot from Direk and from my co-actors. I’m new to this but I’m ready to take the challenge.” Nagpalakpakan ang mga tao at may narinig pa akong kaunting hiyawan. “I’ll do my best to meet or exceed your expectations. Hopefully, hindi kayo madala sa’kin.” Nagtawanan ulit sila sa pinaka-plastik na paraan. “I’m hoping that my workmates will help me with a few life adjustments. Looking forward in making a successful project with you guys. Thank you.” nag-bow ako nang kaunti at nagpalakpakan naman sila. Sumenyas ang isang lalaki sa akin na ‘wag munang umalis ng stage kaya’t nanatili ako. Isa isa namang tinawag ng host ang iba pang mga casts ng pelikula. Pinakilala si Gael bilang isa rin sa mga lead roles. Tumabi siya sa’kin at ngiting ngiting humarap sa mga tao. Ginaya ko na rin siya at sinikap mag-project sa stage. Pinakilala ang babaeng naka-white dress na ang pangalan pala ay Gianna Becker. May lahi pala itong foreigner kung kaya’t napakatangos ng ilong nito. Sa tingin ko ay mas matangkad pa rin ito sa’kin kahit tanggalin pa ang mga suot naming heels. Ang babaeng naka-green neck wrap dress naman ay pinakilalang si Shantalle Dominguez. Sa tantya ko ay magkasingtangkad lang kami nito ngunit palagay ko’y mas bata siya sa’kin. Sunod namang pinakilala ang dalawang lalaki pa sa table namin kanina. Ang isa ay pamilyar din ang mukha sa akin ngunit ‘di ko na naman lubos maisip kung saan ko ito nakita. Ang pangalan niya raw ay Hiro Kaneko, sa mukha at apelyido palang ay alam mo nang may lahi itong Japanese. Ang isang lalaki naman ay mestiso na pinakilalang si Kyle Parker. Siguro ay FilAm ito. Litaw na litaw ang brown eyes nito at ash gray na buhok. Kakaiba ang aura ng lalaking ito. Ang ngiti niya ay parang sa isang katiwa-tiwalang tao. Mas mukhang mabait pa nga siya kaysa kay Gael. Ngunit parang may mali, parang may kakaiba sa pagkatao nito. Mas lalong dumami ang pitik ng camera nang makumpleto kami sa stage. Kahit nangangalay na ako sa kaka-smile ay hindi ako nagpatinag at pinanatili ang poise. Sumenyas na naman ang lalaki na bumaba na raw kami ng entablado. No’ng nasa malapit na ako sa hagdan ay iniabot ni Gael ang kamay niya para alalayan ako. Ayoko sanang tanggapin pero dahil nasa harap nga kami ng mga tao at sangkatutak ang camera ay tinanggap ko na lang ang kamay niya. Hinawakan niya lang ang kanang kamay ko hanggang sa makababa na kami. Hinihintay kong bitawan niya ito pero mukhang hanggang sa makarating yata kami ng table namin ay hindi niya bibitawan kaya hinila ko na lang. Napalingon naman siya sa’kin nang bigla ko ngang hilahin ang kamay ko. Hindi ko na lang pinansin at nanatiling nakayuko hanggang makaupo. “You’re hand’s so cold. Nilalamig ka ba?” “Hindi. Okay lang ako.” ang pangit ng sagot ko, bakit ko sinabing okay lang ako eh hindi naman niya eksaktong tinanong kung okay lang ako? hayst. Sa totoo lang ay kanina pa nga ako nilalamig. Para kasing pang-imbakan ng karne ang lamig dito sa event room na ‘to. Tinitiis ko lang na hindi manginig para hindi mahalatang hindi ako sanay sa aircon. Kung si Doi sana ang nandito, sobrang easy lang sa kanya dahil aircon sa office na pinapasukan niya gabi gabi. Napailag ako nang kaunti nang biglang hubarin ni Gael ang leather jacket niya na dahilan para makita ang white shirt nitong panloob at biceps. Nagulat ako nang ipatong niya ang jacket sa likod ko. Kung wala lang talagang tao rito ay ibinalik ko na sa kanya ang jacket niya. “Thanks.” tipid kong sagot sabay yuko ulit habang hinahawakan ang placket ng jacket upang hindi ito malaglag. Wala siyang naging reaksyon at itinuon lang ang atensyon ulit sa stage. In-announce na ng host ang kainan at nagsimula nang maglibot ang mga waiter. May isang lalaki naman na naka-suit ng black ang lumapit at nakiupo sa kabilang tabi ni Direk. Malamang ay magkakilala sila dahil nagbatian pa. Pinakilala ito ni Direk bilang si Mr. Ricky Gustavio, manager daw naming dalawa ni Gael. “Thank you for coming, guys.” pagkuha ulit ni Direk Lory sa atensyon naming mga nasa table. Nagsimulang mag-discuss si Direk sa amin tungkol sa storya ng movie at kung kailan ito balak ipalabas sa mga sinehan. Sinabi niya rin na kaming dalawa raw ni Gael ang magka-loveteam sa movie. “I’m rooting for the rise of a new phenomenal love team from the both of you. Fans will surely make a good name combination again like before with Gael and Gianna.” So, sa pagkakaintindi ko, ang dating magka-love team ay sina Gael at Gianna? Eh bakit ‘di na lang sila? Bakit lead role pa ako eh meron naman na palang dating love team? “I think this time, the love team for Deya and Gael will not flop.” wika naman nung Ricky. Aahh.. so nag-fail pala ang love team nila. Well, ‘di rin naman talaga sila bagay. Napainom ng wine si Gianna sa sinabi ni Ricky. Halata itong nagpipigil ng inis. “Speaking of love team, since you’re new with this system Deya, let Gael guide you with some norms that you need to be used to.” ani Direk Lory. Alam ko na ang sinasabi ni Direk. Ang showbiz ay puro pagpapanggap. Puro false hopes ang ibinibigay sa mga fans tungkol sa estado ng love life. Andyan pa ang kunwari, magiging mag-jowa kayo pero wala naman talaga. Kailangan lang pakiligin ang mga tao. Inasahan ko na ang mga gano’ng bagay. “Just go with the flow. Hindi mo kailangang mailang because all is for work. Just bear in mind that both of you need to be popular. This is teamwork.” mahina ngunit madiing saad ulit ni Direk. Tumango lang ako. Si Gael naman ay tahimik lang na parang walang pake sa mundo. Sa unang pagkakataon ay ginalaw niya ang wine na nasa harap niya. “Since this is an urban romcom at dito lang din sa Manila i-shu-shoot, I’m planning to set Gael’s place as our lodge for the whole taping to lessen the expenses. If that will be fine with you.” sabi ni Direk habang nakatingin kay Gael. “Sure thing, Direk.” Walang katutol tutol kahit kaunti si Gael. Siguro ay mansion sa laki ang bahay nito kaya doon din gusto ng direktor mag-stay. “Okay, good. Our shoot will start next week, so better plan your schedule.” “Mga anong oras po kaya, Direk?” biglang singit ko dahil sa pag-aalala sa law school. Ramdam ko naman na pinigilan ng mga nasa table na tawanan ako. “For your information, hindi lang ‘to basta parang high school dance rehearsal. If you’re called to work, you should be available anytime kahit ano pang ginagawa mo. Health emergencies lang ang excuse at wala nang iba.” “Gianna, don’t be harsh to Deya. She’s new so she’s not yet familiar with it.” wika ni Direk habang tatawa tawa. Napatikhim ako sa pinaghalong pag-aalala sa pag-aaral ko at yamot kay Gianna. “I know it will be hard for you because you’re still in law school. But proper schedule adjustments will do. Marami na’ng mga artista na nakatapos din naman ng pag-aaral. Maybe you can reduce subject loads?” Ayoko mang aminin ito sa sarili ko pero mukhang ma-de-delay na nga ang pag-graduate ko sa law school. Siguro dahil ‘di ako naniwala sa sumpa na kapag nag-selfie raw with UP Oblation statue ay ma-de-delay ang pag-graduate sa UP. “Mukhang gano’n na nga po, Direk. Okay lang naman po sa’kin ‘yun.” parang maamong tupang saad ko. “For Gael and Deya, after ng movie na ‘to, if magugustuhan ng fans ang tandem n’yo, you need to stay with each other hanggang malaos kayo.” dere-deretsong sabi ni Sir Ricky. “Deya, you’ll be staying with Gael in his place for future projects.” Kahit nagmumukmok ang kalooban ko ay wala akong nagawa kundi tumango na lang. Pero naisip ko rin ang totoo kong pakay rito. Mas maoobserbahan ko ang ikinikilos ni Gael, pati na rin ang mga kasama nito sa bahay niya kung mananatili ako doon. “Muling ibalik.. ang tamis.. ng pag-ibig...” biglang kanta ni Hiro out of nowhere. “Muling pagbigyan ang-- aray!” biglang hinto niya rin at kapa sa sariling paa niya sa baba ng table dahil sa pagsipa ni Gael sa kanya. Nagtingin ng kung ano si Direk sa phone niya at pinakita ito kay Sir Ricky. “For a while.” paalam ni Direk sa amin sabay alis nila pareho ni Sir Ricky sa table. “Long time no see!” sabi ni Hiro sa akin na itinataas pa ang kamay para apiran ko. Inapiran ko rin siya pero inamin ko rin na hindi ko siya maalala, “S-Sorry. Saan ba kita nakilala?” “Ay, iba rin.. Nakalimot na. Ay teka, si Emma ka ba talaga o si Doiry? Hmm.. parang ikaw naman si Emma. Pero ‘di ko rin sure eh, kasi ang gagaling n’yo rin talagang dalawa magpanggap.” wika ni Hiro na nakangisi pa. Kunot noo lang ang naisagot ko. Pamilyar man ang mukha niya sa’kin pero hindi ko talaga maalala ang eksena sa buhay ko na nakilala ko siya o may Hiro Kaneko bang sumulpot sa isang tagpo ng buhay ko. Sobrang nagtataka rin ako kung bakit tinatawag niya ‘kong Emma. Si Kian nga rin pala kanina, Emma rin ang tinawag sa’kin. Nagpatawag ba akong Emma ni minsan sa buhay ko? Wala akong maalala. “P-Pasensya na. Deya na lang itawag mo sa’kin.” “Wag mo na kasi pilitin kung nakalimutan ka na.” sabat naman ni Kyle na medyo slang pa ang pagkakabigkas. Napa-pout naman ng labi si Hiro na hindi mo alam kung totoo bang nalulungkot o sinasadya niya lang. “So you’re a law student? What year?” tanong naman ni Shantalle. “3rd year.” “Oh.. that’s critical. But I know you can do both showbiz and lawyering. Si Gael nga student din but he can manage. So I wish you good luck then!” “Thank you.” Nice nga pero napaka-plastik din nitong si Shantalle. Artista nga naman. Sanay na rin naman ako sa mga ganitong tao kaya plastikan na lang kami.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD