“So ano na ngang balak mo?”
Kanina pa kami nagpapalitan ng tanong kung ano bang plano. Maya’t maya rin kasing nagkukuwento sa isa’t isa ng mga nagdaang pangyayari sa buhay kaya’t naliligaw sa mismong main topic. Pero dahil ako naman talaga ang naghahanap ng sagot, ititigil ko na ang umiikot lang na kuwentuhan.
“Hayst.. ‘Di naman ako pwedeng mag-apply bilang katulong sa kanila. Masyadong mababa sahod at ayokong tiisin kung ano mang nagtatagong kasamaan ng ugali ang meron sa pamilya no’n.” problemadong sabi ko.
“So ano nang gagawin mo?”
“Aba’y kaya nga ako nagpunta rito para humingi rin ng pwedeng ipayo mo eh.”
Imbis na pumasok sa trabaho ko bilang librarian sa Manuel L. Quezon University ay nandito ako’t nakatambay sa apartment na tinutuluyan ng kambal ko.
Naka-leave siya ngayon sa trabaho bilang IT support sa isang BPO company.
“Artista siya ‘diba? Hmmm...” hinimas ni Doiry ang baba sa pag-iisip.
“Doi, ikaw na lang kaya sumunod diyan kay Gael. Since IT ka naman, baka kaya mong i-track mga pinupuntahan niya para mapatunayan na natin kung aswang ba talaga ‘yan.”
Ngumiti siya nang nakakaloko, “Ikaw inassign ni Papa diyan ‘diba? Soooo, I’m out.”
“So hindi mo talaga ‘ko tutulungan?” naniningkit na matang saad ko.
“Alam mo namang busy ako, Deya.”
“Kung busy ka, edi ano pala ‘ko?”
Ngumiti siya ulit sa’kin na tila nang-aasar at pagkatapos ay humarap ulit sa PC set niyang may dalawang monitor na naka-connect sa isang laptop.
Sa tuwing kakausapin ko ang kambal ko, para ko lang kinakausap ang sarili sa harap ng salamin. Sobrang magkamukhang magkamuha kami kahit ang height pati ang payat na hubog ng katawan at kulay morenang balat. Mapalad ako sa aspetong may kakayahan akong makita ang hitsura ko nang hindi na kailangang hiramin ang mata ng ibang tao.
Meron lang kaming nag-iisang pagkakaiba na kami lang ang nakakaalam, at ‘yun ay ang maliit na birthmark ko sa kaliwang braso na parang hugis eight note symbol. Wala siyang birthmark na kagaya ng sa akin.
Hindi ito napapansin ng mga tao kaya’t kung minsan ay nagpapalit palit kami ng katauhan. Minsan nagiging ako si Doi at minsan nagiging siya si Deya. Ginagawa namin ‘yun sa mga pagkakataong sobrang higpit ng schedule ng isa sa amin at kailangang kailangan na umattend sa isang mahalagang event. Ka-double kumbaga.
“Doooi!! Tulungan mo na ‘ko pliiiiisss!! Ang dami ko pang pag-aaralang batas!! Nahihirapan na 'ko mag-isiiiiip!!!" parang batang kunwari'y naiiyak na pakiusap ko.
"O sige."
Lumiwanag ang mukha ko sa pagpayag niya.
"Sa isang kondisyon."
Agad namang umatras ang papangiti ko na sanang mukha.
"Ililibre mo ako ng milktea every week hanggang matapos ang misyon mo."
Tumirik ang mata ko sa pag-irap sa kanya, "Akala ko naman kung anong kondisyon! Ayun lang ba?"
Tumango siya at bahagyang kumislap ang mata.
"Okay, G!"
"May katrabaho akong kamag-anak ng HR manager ng ADS-CDN. Ipapapasok kita as personal assistant ni Gael Diaz." dere-deretsong wika ni Doi.
"WHAAAAAT??!!"
"Oh? Akala ko ba gusto mong tulungan kita? Maganda na ngang pagkakataon 'yun para makalapit ka eh. At hindi basta basta ang sahod do'n."
"Alam mo namang ayoko ng mga trabahong pang-alalay 'diba?" matigas na sabi ko.
"Ayan na naman tayo sa pride mo, Deya." sinimangutan niya ako't pumameywang.
Napatahimik ako. Ano pa nga ba kasi ang ibang paraan para maobserbahan ko si Gael? Magmumukha akong sira kung susundan ko lang siya for no apparent reason. Makakasuhan pa ako for violating Anti-Stalking Act of the Philippines.
Bumuntong hininga si Doi habang umiiling bago muling nagtipa ng kung ano sa laptop niya.
"Hindi porke matalino ka, lagi kang nasa taas. Kasama nga sa sukatan ng talino ang pagiging humble at game sa lahat ng bagay." hindi lumilingong sabi niya kasabay ng bilis ng daliri sa pagta-type sa keyboard.
Sa aming dalawa ni Doi, siya ang mas matured. Alam ko kasing mas agresibo akong kumilos, mas madali akong madala ng emosyon, at laging padalos dalos ang mga desisyon kaya't ako ang mas maraming palya at near-death experiences kaysa sa kambal ko. Kahit na sinasabi ng karamihan na mas matalino raw ako kaysa sa kanya, masasabi kong mas marunong si Doi pagdating sa pagharap sa reyalidad ng buhay.
"Temporary lang naman eh.. pwede na siguro..." bulong ko sa hangin.
"Kakapasa ko lang ng soft copy ng resume mo."
"Ha?! Teka, wala pa 'kong sinasabing payag na 'ko!"
"Sabi mo pwede na 'diba? Pag-aralan mo na lang 'yang resume para kapag tinanong ka, alam mo 'yung isasagot mo."
"Alam ko naman 'yung latest kong resume ah? Teka, binago mo?!"
Naglabas ng ilang pirasong papel ang printer na katabi ng PC set ni Doi. Kinuha niya 'yun at ngiting ngiting iniabot sa akin.
Kusang nag-scan ang mata ko sa dokumentong binigay niya. Gano'n pa rin ang header, ngunit sa education ay hindi nakalagay ang titulo ko bilang Summa c*m Laude at Class Valedictorian. Nakasaad lang ang pag-graduate ko ng College. Nakalagay naman na kasalukyan akong law student.
Sa work experiences ay puro secretarial duties ang nakalista. Mga previous jobs na may kinalaman sa time management at scheduling.
"Doi! Falsification of documents 'to!"
"Hindi ka naman hihingian ng certificates sa lahat nang 'yan. Nandyan naman current employment mo. Manghihingi ka na lang ng Certificate of Employment kapag nag-resign ka as librarian."
Pabagsak kong inilapag sa mesa ang resume at napahilamos sa mukha ko.
"Ako pa talaga?! Ako pa talaga na law student ang ilalagay mo sa ganitong alanganin?!"
Pumait ang mukha niya, "Gusto mong tulungan kita 'diba? Oh ayan na! Tinutulungan na nga kita ikaw pa galit!"
Ayokong awayin ang kambal ko pero naiirita lang ako sa mga bigla biglang pagkilos niya ngayon. Hindi talaga siya ganito sa ibang bagay. Pero nakakapagtaka ang inaasal niya ngayon na para bang sigurado siya sa ginagawa niya.
"Pinapaubaya ko na nga siya sa'yo eh." humihikbing sabi niya.
Huh? Anong--
"Anong sinasabi mo?"
"Deya, Gael is the most handsome and hottest guy in the universe."
Napakunot ang noo ko sa sinasabi ng kambal ko.
"Doi? Tama ba ang naririnig ko galing sa'yo?"
"Deya, schoolmate natin siya no'ng elementary hanggang high school 'diba? Hindi mo na ba naaalala 'yun? 'Diba dati patay na patay ka nga sa kanya?"
Napatingin ako sa sahig sa pag-alala sa mga ginawa ko no'ng elementary at high school. Pinag-aral kami ng tiyahin namin sa Cavite noon sa isang private school dahil natutuwa siya sa katalinuhan naming dalawa ni Doi. Halos wala akong maalala sa mga nangyari noon na puro pagkaisip bata at kalokohan lang na nagdaan sa buhay ko.
"Hindi ko kilala si Gael." saad ko na may blangkong mukha.
"Wow! Ganyan ka naging ka-bitter dahil sa kanya?!" sabi niya sabay palakpak ng isa.
Nanatiling monotone ang boses ko, "Hindi ko alam ang sinasabi mo. Marami akong pinaglaruang lalaki noon, Doi. Wala akong maalala ni isa sa kanila."
"Ewan ko sa'yo, Deya! Kung wala nga lang akong sakit sa buto, ako na ang magpiprisintang kumuha ng misyon na 'yan. Sa ganda ko, siguradong maaakit ko si Gael."
Natawa ako sa winika ng kambal ko, "Anong sinasabi mo diyang 'sa ganda mo'? Eh pareho lang naman tayo ng mukha, pareho lang tayong pangit! At anong sinasabi mo diyang aakitin mo si Gael? Paano kung aswang nga talaga 'yun? Mula ka sa lahi ng mga lumalaban sa mga maligno tapos mag-aasawa ka ng aswang?"
"Alam mo sis, since mayabang ka naman na, dapat sinagad mo na. Dapat naging confident ka na rin sa ganda mo, I mean sa ganda natin. Tsaka, anong asawa? Asawa agad? 'Di ba pwedeng tikim tikim lang?" sagot niya sabay kagat labi.
"Puro ka kalokohan!" kinuha ko ang unan sa sofa at binato sa kanya.
Humalakhak siya't patakbong lumapit sa'kin at ginulo ang buhok ko sabay sabunot.
~~~ ~~~ ~~~
"Saan mo nalaman na hiring kami para sa P.A. ni Gael Diaz?"
"Sa katrabaho po ng kapatid ko."
"Bakit gusto mong maging personal assistant ni Gael Diaz?" seryoso't nakakunot noong tanong ng matandang nakasalamin na HR manager ng ADS-CDN channel.
Nasa loob ako ng opisina ng media company na parang isang government office dahil sa dami ng cabinet at nagkalat na mga papeles sa paligid nito. Dumeretso ako sa interview para sa mga gustong maging P.A. pagkatapos ng klase ko sa UP.
"Alam ko po kasing higit niyang kailangan ang tulad kong magaling mag-organisa ng mga bagay, alerto, at metikulosa pagdating sa kaayusan. Masisigurado ko po na magiging mas madali kay Sir Gael ang buhay showbiz niya kapag ako po ang naging assistant niya." sagot kong itinatago ang pagkataranta.
"Hindi mo ba gustong makapasok dahil may interes ka kay Sir Gael?"
Napalunok ako sa tinuran ng matanda. Ha? Ako? May interes sa lalaking 'yun? Tss...
"Ah, hindi po! Kahit po maraming nagkakandarapa kay Sir Gael, hindi po ako kasali do'n. Faithful po ako sa boyfriend ko at mas gwapo po sa paningin ko 'yun."
Wala naman talaga akong boyfriend. Hindi naman siguro ako hihingian ng Certificate of Romantic Relationship 'diba?
Pinaningkitan ako ng mata ng matanda sabay tingin sa resume kong hawak niya.
“Hindi ba masyado ka namang maganda para maging P.A.? Baka mas maganda ka pa sa ibang mga artista.” sabi niya habang nagtitipa ng kung ano sa iPhone 14 niya.
Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa sinabi ng matanda.
Buong buhay ko, never kong tinignan ang sarili ko bilang isang magandang babae. Tingin ko kasi talaga ang pangit pangit ko. Maayos ang taste ko sa mga damit pero hindi ako nag-aayos sa sarili madalas maliban na lang kung may okasyon o event na kailangang magmukhang tao. Pakiramdam ko, kapag sinasabing maganda ako, binobola lang ako o may kailangan sa’kin.
“Hindi naman po ako naniniwala diyan.” pinilit kong tumawa. “Pero thank you po sa compliment.” sabi ko na lang bilang act of gratitude kuno.
Nanatiling nakabusangot ang kausap ko, “Pwede kitang hindi tanggapin dahil diyan.”
“Ho? Hindi po ba unfair ‘yun na dahil lang sa tingin n’yo maganda ako, ‘di n’yo na ako tatanggapin?”
Maya-maya ay may kumatok sa pinto galing sa labas ngunit agad ding pumasok. Iniluwa nito ang isang baklang medyo bilugan ang katawan na naka-pink shirt at pink na headband.
“Madam! Tamang tama kukunin ko rin ‘yung files ng mga nag-audition last week. Siya ba ‘yung tinext mo?” saad nito na kumekendeng pa habang lumalapit sa amin.
“Oo, ano sa tingin mo?” tanong ng matanda.
Ano bang pinag-uusapan nila? Hindi ko ma-gets. At sa gitna pa talaga ng interview ah.
Tumingin ang bakla sa akin mula ulo hanggang paa na medyo ikinaasiwa ko.
“Madam! Saan ba ‘to galing?! Mala-diyosa ang beauty!” biglang sigaw ng bakla sabay pilantik sa buhok kong nakalugay.
Nagitla ako't tumingin sa HR manager na tumatango habang nakatingin sa akin.
Hinila ng bakla ang kamay ko at sapilitang itinayo sa pagkakaupo, "Halika, dali! Ipapakita na kita kay Direk!"
"T-Teka lang po, saan n'yo po ako dadalhin? Ini-interview pa po ako."
"Sige Shay, isalang mo na 'yan sa audition kay Direk." sabi ng matanda.
Audition? The fck?
"P.A. po inapplyan ko. Hindi po artista."
"Be, ano ka ba? Maraming nangangarap maging sikat. Walang aayaw niyan maliban sa'yo 'pag nagkataon." maarteng sabi ng bakla na Shay daw ang pangalan.
"H-Hindi po ako marunong umacting." pagsisinungaling ko.
"Walang problema! Ite-train ka para 'di sayang ang beauty mo! Tara na!"
Wala akong nagawa kun'di magpahila sa bakla. Kaya ko namang lumaban kung sakaling s-extortion ito o kung ano pa mang ilegal. Pero since nasa mismong ADS-CDN ako, siguro naman hindi.
Gano'n na lang ang pagtataka ng mga nakapilang aplikante sa labas sa biglaang pagputol ng interview at paghila sa akin.
Dinala ako ni Shay sa kabilang matayog na building. Sa pagpasok namin ay ramdam ko ang tinginan ng mga tao na halatang staff ng channel.
Iginala ko rin ang paningin sa paligid. Mapaghahalataang luma na ang gusali at hindi pa aircon ang mga pasilidad. May mga giant electricfans lang sa paligid na may makikita pang lawa lawa sa loob ng mga cases nito.
Pumasok kami sa elevator at pinindot ni Shay ang papuntang 25th floor. Habang paakyat ay panay naman ang encourage at payo ng bakla na galingan ko raw kapag nasa harap na ni Direk.
Nagbukas na ang elevator sa 25th floor. Ngayon ay may aircon na akong nararamdaman. Bumungad ang mala-hotel na lobby na plastered ng light brown bricks na nakadikit ang animo’y mga nakalutang na letrang bumubuo sa Magic Stardom. Buong paligid ay may kulay dilaw na mga ilaw at mga green couch na U-form ang pagkakapuwesto sa bandang gitna.
May mga babaeng nakaupo sa mga couch at sa mga hitsura't pormahan nila ay alam mo nang mga talent ito o 'di kaya'y mga gustong mag-artista, dahil na rin sa mga nakadikit na audition number sa kanilang mga dibdib, sa full make up, at sa mga hapit na hapit na suot ng mga ito.
'Di ko naiwasang ihambing ang suot kong damit na aqua blue puff shoulder collared blouse na naka-tuck in sa ambel pants. Hayst.. Wala man lang akong time magpalit ng suot. Pero bahala na, dadalhin ko na lang sa sarili kong paraan.
Hinawakan ni Shay ang dalawang balikat ko at dahan dahang itinulak papunta sa isang opisinang may glass door. Binuksan niya ito at naramdaman ko ang mas malamig na hanging galing sa loob nito.
“Good afternoon Direk! Heto ‘yung ni-recommend ni Madam Del.” pahayag ni Shay sa isang lalaking nakasalamin at maputi. Kahit parang baby face ay halata kong may edad na ang direktor.
May iba pang mga lalaking mapuputi rin sa tabi ng direktor pero mahahalata mo talagang siya ang direktor dahil sa mas batang edad ng mga katabi niya.
Medyo nakaramdam ako ng inis dahil ang Madam Del na tinutukoy ng bakla ay ang katrabahong kamag-anak ng HR na kinikuwento sa akin lagi ni Doiry. Napaisip ako na baka sinet up pala talaga ng mahal kong kambal na ipasok ako bilang artista at hindi bilang P.A. ni Gael.
Sa loob ng room na 'yun ay may mini elevated platform sa harap ng direktor na tinututukan ng apat na fresnel lights, isang monolight strobe, at backlights. May cyc wall na background at may mga nakatayong camera sa paligid na saktong makikita ang bawat anggulo ng sinumang aakyat sa stage.
Tumango ang direktor, "Salamat." sumenyas ito upang umalis na si Shay. Nagpahabol naman si Shay ng goodluck sa akin.
"Hi, I'm Direk Lory Vega. Glad to see you here. Please come up on stage."
Dahan dahan akong umakyat sa maliit na stage at awtomatikong ipinuwesto ang sarili sa bandang gitna.
"Please introduce yourself." nakangiting sabi ni Direk Lory.
Sa buong buhay ko, ngayon lang ako ninerbyos nang sobra sa pagpapakilala sa sarili ko. Kahit ang lamig sa room na 'to, pakiramdam ko, tumatagaktak ang pawis ko.
Ang mga artista, masyado silang charming at magaling makisama. 'Yun ang mga katangiang wala sa'kin. Anti-social nga akong tao. Pero since kasama na 'to sa misyon kong mapalapit kay Gael, susubukan kong magpanggap.
Ngumiti ako't nag-umpisa.
"H-Hi, everyone. My name is Dearra Emmanuelle Fontanilla, I used to be called as Deya. 25 years old, from Diliman Quezon City."
"What do you do for a living?" tanong ng katabi ni Direk sa kaliwa.
"I'm a librarian at Manuel L. Quezon University while currently taking Juris Doctor at UP Diliman." pa-smart kunwaring sagot ko.
"I guess, students in MLQU always go to their library just to see you." saad naman ng lalaki sa kanang dulo ng long table.
Nagtawanan ang iba pang lalaki at bahagyang napangiti ang direktor. Ngumiti na lang din ako.
Pansin ko ngang marami ang nagpupunta sa library kung saan ako nagtatrabaho pero hindi naman yata dahil sa'kin 'yun.
"Okay, we just want you to do simple things. Once you hear the music, ramp like a model. Own the stage. Occasionally look at the cameras. Show how confident you are with your beauty and body. Understood?"
"Yes, Direk." mahinhin ngunit confident kong sagot.
Tumango siya at sumenyas sa parang technical team sa bandang gilid. Umatras naman ako nang bahagya upang magbigay ng space sa sarili para sa pagrampa.
Nagsimulang tumutog ang kantang sa pagkakaalam ko ay Glam ni Christina Aguilera.
Ang huling sali ko ng beauty pagaent ay no'ng college pa nang pilitin ako na maging representative ng PolSci sa Ms. PUP. Pilit kong inaalala ang mga ginawa ko no'ng time na 'yun.
Sinabayan ko ang beat ng music at inimagine na para akong isang model na rumarampa sa runway. Pinanatili ko ang poker face at pagdating ko sa dulo ng stage ay tinignan ko si Direk sabay umikot habang bahagyang iniiwan ang tingin sa harap.
Napansin ko ang electricfan sa gilid ng stage na nagbibigay effect na lumilipad ang buhok ko.
Sa muli kong pagharap sa stage ay lumakad ako sa kanang gilid at tinignan ang isang camera, lumiyad ako nang bahagya habang kunwari'y sinusundan ang paglipad ng buhok gamit ang mga daliri na para bang model ng shampoo.
Inilapit ko pa ang dibdib sa camera, unti unti kong ibinaba ang kamay habang nakadikit sa katawan at sinusundan din ito ng tingin ko. Pagkatapos ay tumingin akong muli sa camera at binigyan ito ng flying kiss.
Sumulyap ako nang bahagya sa harap at nakitang tinitignan ng direktor at mga lalaki sa tabi nito ang isang monitor na konektado yata sa mga camera.
Lumakad naman ako sa kabilang gilid at inakit din ang camerang nakatayo doon. Inakto ko ang isa kong daliri na para bang may pinapalapit sa nakakaakit na paraan sabay kunwari'y kagat sa daliring ginamit ko. Sa pagbaba ng kanang kamay ko ay umakto akong ibinubuka ang kuwelyo upang magpakita ng balat ngunit ibinalik ko rin ito at kunwari'y tinawanan ang camera sabay senyas ng daliring tila nagbabawal. Ikinapit ko ang kaliwang kamay sa batok at kagat labing tumingin sa camera bago sumeryosong muli ang mukha sabay kindat.
Bumalik akong muli sa pagharap sa entablado. Inabante ko ang kanang paa at dahan dahang iniakyat ang dalawa kong kamay na nakadikit sa magkabilang gilid ko upang i-emphasize ang hubog ng katawan at inihinto sa bewang. Pumwesto akong tila sumasalang sa ramapahan ng Ms. Universe.
Sumenyas si Direk sa technical team at huminto ang music.
Nagtanguan sa isa't isa ang mga lalaki at ang iba'y parang nag-let out ng isang 'whoooh' sa pinakatahimik na paraan.
"Do you have a talent in acting?"
"Yes, Direk. I've been in campus theater since I was in elementary until college."
Totoo 'yun. Nakakaya kong magpanggap madalas dahil sa mga theater experiences ko mula no'ng bata ako. Kaya't nasisiguro kong kaya ko ang actingan.
"Alright! Show it to us. I'll be giving you a scenario."
Tumayo ang lalaking nasa kaliwang gilid at lumapit sa akin.
"Act like you were betrayed by your boyfriend. Suppose that he impregnated your bestfriend and the exact scene will be, he will leave you already to marry and live with your bestfriend."
Tumango ako't napatikhim nang kaunti nang simulang mag-internalize.
"He will act as your boyfriend Mark." wika ni Direk habang tinuturo ang lalaking lumapit sa akin.
Tinignan ko ang lalaki at nginitian ako nito. Infairness gwapo rin. Hindi ko nga lang talaga type ang mapuputi masyado. Mukha silang bading para sa'kin.
Pumwesto kami upang ihanda ang mga sarili sa pag-arte.
"Action!"
"Deya, I'm sorry. I have to leave now."
"Gano'n gano'n na lang 'yun Mark? Pagkatapos ng lahat lahat iiwanan mo lang ako?"
"You already know that Sheena's pregnant. I love you but.. I should be with her. Dapat akong magpakatatay sa magiging anak namin."
"Eh 'yun naman pala eh! Mahal mo ako! Pwede mong harapin ang responsibilidad mo nang hindi ako iniiwan! Kung mahal mo talaga ako, ako ang pipiliin mo Mark!"
"Hindi na pwede Deya. I'm really sorry." malungkot na sabi niya sabay talikod.
Hinila ko ang kamay niya at pilit na ipinaharap sa'kin.
"Please don't do this to me. I have love you with all my heart. I did everything for us to stay." humihikbi nang sabi ko.
"Deya, please let me go now." hinila niya ang kamay niya upang mabitawan ko ngunit hinigpitan ko ang kapit dito.
"No! You can't do this me! Please!"
Nagsimula nang tumulo ang mga luha sa mata ko.
"Mark, I'm begging you! Sabi mo mahal mo ako! Then stay with me, please!" saad ko habang umiiyak na animo'y totoo ang sakit na nararamdaman.
"Don't leave me! Mark! Mark!" nagpakaladkad ako't napaupo sa sahig habang kumakapit sa kamay ng lalaki.
Hinayaan kong nakasalampak ang sarili sa pagkakaupo sa stage. Kunwari'y humagulgol ako nang makaalis sa stage ang lalaki at mas maraming luha ang pinakawalan.
"Cut!"
Nagsitanguang muli sa isa't isa ang mga lalaki. Tumayo ako't nagpunas ng luha.
"Set yourself now."
Ngumiti akong muli sa kanila na parang walang nangyaring actingan.
"Please keep your lines open, Deya. You'll receive a call or more likely, an email from ADS-CDN for your role in the upcoming movie. Thank you for auditioning."
Hindi ko pinahalata sa kanila na wala akong clue sa sinasabi ni Direk na upcoming movie.
"Thank you po." sabi ko sa kanila sabay bow.
May lalaking nag-guide sa akin palabas. Bahagya naman akong napahinto nang magsitinginan sa akin ang mga babaeng ang iba ay nakatayo't kanina'y nagchi-chismisan at ang iba'y nakaupo sa couch. Ngayon ko lang napansin na parang pamilyar ang mga mukha nila, either nakita ko na sa mga t.v. series o kaya'y sa mga commercials. Matagal tagal na rin kasi akong 'di nakakanood ng t.v. mula no'ng pumasok ako sa law school.
Yumuko ako't naglakad papuntang elevator.
Habang naghihintay sa pagbukas ng papuntang ground floor ay naririnig ko ang mga bulungan nila.
"Who is she?"
"I haven't seen her before."
"She's gorgeous. Maybe from a modeling or an acting agency."
Dere-deretso akong pumasok sa elevator pagbukas nito at hindi lumingon sa kanila hanggang sa magsara ito. Mabuti't ako lang mag-isa sa elevator.
Napahinga ako nang malalim at napasapo sa noo.
Ano ba 'tong pinapasok ko? Iba 'to sa planong nailatag ko na para kay Gael. Paano kung sakaling makapasok ako sa showbiz? Mas lalo akong mahihirapan sa law school at ma-de-delay ang pag-graduate ko. Kung sakali mang hindi nagustuhan ng direktor ang ginawa ko sa audition, mag-a-apply na lang ako ulit na P.A. ni Gael.
Nag-dial ako sa phone ko upang tawagan si Doi. Nakailang ring pa bago niya ito sinagot.
"Hmmm..." sagot niya sa kabilang linya na halatang nagising lang dahil sa tawag ko.
"Doi! Ano ba 'tong ginawa mo?! Bakit mo ako pinag-audition?!"
"Ha? Anong audition?" inaantok na tanong niya sa kabilang linya.
"Pagdating ko do'n sa interview, hinila ako bigla para mag-audition bilang artista! Plinano n'yo ba 'to ni Aling Del?!"
"G*ga. Baka nagkamali ka ng pinilahan."
"Hindi naman ako gano'n katanga para magkamali ng pupuntahang pila!"
"Oh.. easy twin. Ano ba kasing nangyari?"
Nagbukas ang elevator sa ground floor at nagmamadali akong lumabas ng building.
"Edi may humila na lang sa'king bakla at dinala 'ko sa direktor!"
"OMG!! Sinong direktor?!" biglaang pagka-excite na tanong niya.
"Basta 'yung Direk Lory ba 'yun? Ewan!"
"AAAAAACCK!! GOSH! SI DIREK LORY!! Kapag nakuha ka no'n siguradong sikat ka sis! 'Yun din 'yung direktor na naka-discover kay Baby Gael!!" tili niya na sanhi para ilayo ko ang phone sa tenga ko.
"Wag kang magsaya diyan at magpapaliwanag ka sa'kin kung bakit n'yo ako sinet up ng ganito!" nagpupuyos sa galit na singhal ko.
"Hala huy! Wala akong kasalanan diyan! Kung meron mang may pakana niyan, either 'yung HR or 'yung si Aling Del."
Napapikit ako nang kaunti sa inis, yumuko, at mas binilisan ang lakad papuntang parking lot para kunin ang motor ko.
"At bakit naman maiisip ni Aling Del 'yun kung hindi mo sinuggest ha?! Ang hilig mong ilagay ako sa alanganin eh! Kung ipapasok n'yo akong artista, edi sana sinabi n'yo na lang! Edi sana nakapaghanda pa 'ko 'diba?! Hindi 'yung bigla bigla n'yo na lang akong isasalang nang--"
Napahinto ako sa paglalakad at pagsasalita nang may mabangga ako nang 'di sinasadya.
Napatingin ako sa malaking taong nabangga ko at manghihingi na sana ng pasensya nang makita ko kung sino siya.
"This parking is for VIPs only. The general parking lot is on the other side."
Natigil ang pagmumukmok ko at tila ba napako ako sa kinatatayuan.
"Deya? Hello?" sambit ng kausap ko sa kabilang linya.
Ang taong nasa harap ko ay nakasuot ng plain brown shirt, walking shorts, at puting sneakers. Ang pormahan ay tila napabili lang ng suka sa tindahan ngunit para akong inaanod sa sobrang lakas ng dating.
"Huy Deya! Ano nangyari sa'yo diyan?" muling pagtawag ni Doi sa atensyon ko ngunit tila wala akong naririnig kahit nakadikit pa rin ang phone ko sa kanang tenga.
Hindi pa nakaayos ang buhok niyang medyo magulo. May makapal na flat-shaped eyebrows, almond eyes, napakatangos na ilong, at thin smear-shaped lips. Halos magkahawig pala sila ni Daniel Padilla, siguro'y dahil magkapareho sila ng skin complexion.
Ang pangangatawan niya'y brusko at kahit naka t-shirt pa siya ay kita ang biceps niyang may saktong laki ng muscles at kung tatanggalin siguro ang shirt niya ay may makikita pang abs sa loob nito.
"Miss?"
Naputol ang pagnanasa-- este, pag-aanalisa ko sa features ng katawan niya.
"S-Sorry." tumalikod akong bigla nang madulas at malaglag ang ipit ipit kong folder sa kili-kili na may lamang mga extrang resume ko.
Pupulutin ko sana nang kuhanin ito ni Gael. Nakabukas na ito nang bumagsak sa sahig at nawala sa ayos ang mga files ko. Inayos niya ito at nang masalansan ay ang mismong first page ng resume ang nablaranda sa harap.
Nakita kong rumehistro ang tingin niya sa header kung saan nakalagay ang picture ko, pangalan, number, at address. Isinara niyang bigla ang folder at iniabot sa akin.
"Thanks."
Nakita ko pa siyang nagulat ngunit agad akong nagmadali sa pagpunta sa kabilang parking lot.
Nang malapit na ako sa entrance ng kabilang parking ay humabol ako ng isang sulyap sa puwestong pinagbanggaan ko kay Gael at nakita siyang naroon pa rin at nakatingin sa akin.
Sana hindi niya 'ko nakilala. Sana nakalimutan niya na 'ko.