Unang Kabanata

3200 Words
Kanina ko pa binabasa ang hand-outs na ginawa ko bilang reviewer sa 1st subject naming Labor Relations. May mga highlights pa 'tong iba't iba ang kulay na nag-i-indicate ng Articles, Sections, at mga importanteng pwedeng itanong ni Attorney mamaya. Ang ganda pa ng pagkakagawa ko rito pero parang walang pumapasok sa utak ko. Hindi ako sanay.. Madalas akong may focus lalo na kapag pag-aaral na ang pag-uusapan. Itinabi ko ang reviewer na 5 pages at inipit ito sa mismong Labor Relations book na nasa study table ko. Pumangalumbaba, ginulo nang bahagya ang magkabilang gilid ng buhok ko, at napapikit. Ngayon ang first day ko as a 3rd year law student sa University of the Philippines Diliman. Masasabi kong mas challenging na ngayon ito, hindi dahil sa 3rd year na, ngunit dahil nasa pinakaprestihiyosong unibersidad na ako sa buong bansa. Idagdag pa ang dahilan kung bakit ako nandito sa Quezon City ngayon. Lumipat ako from PUP Sta. Mesa to UP Diliman. Naiwan ko ang kambal kong si Doiry doon. Ayos lang naman dahil hindi rin naman kami pareho ng kurso, Master of Information Technology ang kinukuha niya. Pareho kaming grumaduate sa Bachelor's namin sa PUP bilang Summa c*m Laude at kung pwede nga lang na pareho kaming maging Valedictorian ay ginawa na ng sintang paaralan pero mas tinaasan nila ang GWA ko ng isang guhit, siya sa BS in Information Technology at ako naman sa BA in Political Science. Isang linggo na rin mula no'ng matapos ang bakasyon ko sa probinsya namin sa Samar. Umuwi ako doon pagkatapos ng 2nd year para dalawin ang pamilya ko.. o mas okay yatang sabihin na napadayo lang ako doon at umuwi ako rito sa Maynila. Parang dito na kasi talaga ako nakatira mula no'ng nag-college at halos nakalimutan ko na nga ang Waray dialect. Napadilat ako at nakita ang magkakapatong na libro sa study table. Hinihila ako ng natural instinct ko na mag-aral ulit pero hindi ko magawa. Pumapasok sa isip ko ang napag-usapan namin ng pamilya ko bago ako bumalik ng Maynila. "Dearra, anak, hindi natin ito pwedeng palampasin." seryoso't madiing wika ni Papa. Nakapalibot kaming lahat sa mahabang mesang gawa sa kahoy dito sa kusina. Ako lang ang madalas na umuuwi dito sa probinsya dahil mahigpit sa attendance ang trabaho ni Doiry sa call center. "Pa, alam mo namang sobrang busy ko 'diba? Hindi basta basta ang course ko. Pa'no ako magiging abogada niyan kung mahahati ang atensyon ko?" pangangatuwiran ko. "Eh sino ba ang sa tingin mong pwedeng isabak bukod sa'yo? Hindi pwedeng basta na lang magpunta ng Maynila itong mga Kuya mo. Wala silang alam gawin bukod sa pagbabanat ng buto na hindi nila ikabubuhay doon..." Nahihiyang napayuko ang tatlo kong Kuya ngunit halatang aminado sa sinabi ni Papa. "...At si Doiry, matalino rin siya pero alam mo namang mahina siya sa pakikipaglaban. Hindi niya 'to kakayanin." Napahinga ako nang malalim. Bakit namin napag-uusapan ang mga ganito? Mula kami sa lahi ng mga albularyo at mga nanghuhuli ng mga maligno at aswang. Ang talino at lakas na meron kami ay hindi katulad sa normal na meron ang isang tao. Ipinagkaloob ito sa kanunu-nunuan namin ng mga mabubuting engkanto na kanilang natulungan noon at ang regalong 'yon ay isinalin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Kapalit noon ay tungkulin namin sa mundo ang iligtas ang mga tao sa mga maligno at mga halimaw na kumakain ng laman. Mas marami ang mahuhuli o mapapatay naming maligno o aswang, mas maraming biyaya at lakas ang ibinibigay sa amin. Halos buong barangay namin dito sa Samar ay binubuo ng angkan namin, kaya't halos ang kabuuan nito ay protektado. Ngunit may sari-sariling mundo na ang bawat pamilya dahil ang iba ay pinili ang itim na karunungan. Ang usapan ng pamilya ay tungkol sa mga nawawalang kadalagahan sa bandang Diliman, Quezon City ayon sa balita. Karamihan daw sa kanila ay mga estudyante ng UP Diliman mula sa iba't ibang kurso. Ang isa ay natagpuan ang katawan sa isang tagong parte ng UPD, wakwak ang tiyan, wala ng puso, at halos hindi na makilala dahil sa mga natalupang balat nito. Bali-balitang buntis daw ang estudyanteng 'yon. May isang binata ngang pinaghihinalaan ng pulisya na kumukuha sa mga kadalagahan. Umugong agad ang balita dahil sikat ang lalaking ito sa buong bansa at nag-aaral din sa UP. Siya ang napagbibintangan dahil nakaka-date niya ang mga babaeng biktima ilang linggo bago sila mawala. Nakarating din sa angkan namin na may isang mag-anak ng mga aswang mula sa bayan namin na lumipat sa Luzon at doon napagpasyahang tumira limang taon na ang nakakaraan. Kaya't hinala rin ng mga katandaan na ang mga nambibiktima sa ka-maynilaan ay ang pamilyang aswang na nag-migrate doon. Ngunit paano kung hindi pala talaga ito kaso ng pang-aaswang? Paano kung ito'y isang krimen laban sa mga aktibista? O baka naman may gumagala lang na serial killer sa Diliman? Walang sigurado.. Kaya't ano pa nga ba? "Gagawa ako ng paraan." seryoso ngunit nakatingin sa kawalan na sabi ko kay Papa. "Kilala ko 'yang anak ko. Hindi 'yan nangangako ng tagumpay pero magugulat ka na lang! Lagi 'yang mission accomplished!" Napatingin ako kay Mama nang sabihin niya 'yun na para bang proud na proud sa akin. Hindi ko alam.. hindi ko alam kung magagawa ko ito nang maayos.. Pero bahala na... Naglabas ako ng isang malalim na buntong hininga sabay tingin sa orasan na nakasabit sa dingding, may design na PUP logo sa background at silver ang hour and minute hand, mataas lang nang kaunti sa cork board na napakaraming naka-pin na mini-notes na iba't iba ang kulay. Alas-siyete imedya... Tamad na tamad akong tumayo sa kinauupuan upang maghanda na sa pagpasok. Hindi ako sanay na hindi nagsusuot ng uniform. Hindi ako baduy manamit pero naiinis ako dahil mahahalatang mahirap lang ako. Aanhin ang sense of fashion kung walang pambili ng magagarang damit. Matapos kumain, mag-toothbrush, at maligo ay nagsuot lang ako ng simpleng damit. Yellow na blouse na may kuwelyo dahil required ito sa law school at khaki colored jacket, maong na fitted, sapatos na puti, at sumbrerong itim na inarbor ko pa sa tatay ko. Inilugay ko lang ang buhok kong hanggang balikat. Alas-otso kinse... Inilagay ko nang patapon ang bag ko sa basket na nakasabit sa harap at nagsimula akong pumedal sa kulay pulang bike ko na nakaparada sa tapat ng dorm. Maganda ang araw. Hindi masyadong mainit at walang nagbabadyang ulan. Isinandal ko ang bike sa isang puno sa tabi ng building at siniguradong naka-lock ito. Seryoso ba? Ako lang yata ang bike ang dala dito dahil puro mga kotse ang nakikita ko sa paligid. Napangiti ako nang isiping kung gagamitin ko ang walis ng kapitbahay namin sa Samar ay daig ko ang mga kotseng ito dahil makakalipad ako kahit saan. Napatitig ako sa building na may nakalagay na "Malcolm Hall" sa taas nito habang kinukuha ang bag ko. Tinignan ko ang dalawang dekadang kulay gintong relo ko. Sakto lang.. Alas-otso imedya... Eksaktong 9 AM kasi ang first subject. Wala sa bukabolaryo ko ang ma-late sa klase. Ibinaba ko ang sumbrero, kinuha ang I.D. ko sa bulsa ng bag at sinuot habang naglalakad. Tinungo ko ang loob ng building at natanawan ang pasilyong sa una'y inakala kong may kalumaan na, pero parang naingatan dahil mukhang bago ang mga pasilidad. Hinanap ko ang room 135. Room 131, 132, at liliko na kaya't kumanan ako para matunton ang sadya. "Ouch! B*tch!" Napahinto ako nang mabangga ang isang maputing babaeng nakaputing formal blouse, nakaitim na fitted slacks, at naka-close heels din na itim. Nalaglag ang ilang mga libro niyang dala at mga papel na nakaipit doon kung kaya't pinulot ko ang mga 'to at iniabot sa kanya. Sa hitsura niya ay mahahalata mong isa siyang babaeng mayaman pero feeling maganda at masama ang ugali. "Pasensya na." may kalalimang boses na sabi ko. "You're too clumsy! Matuto kang tumingin sa dinadaanan mo!" Inayos niya ang pagkaka-arrange ng mga libro at muling tumingin sa'kin at sa suot ko. "Are you a student here? You can't just wear cheap clothes and go to law school." Sino ka para maliitin ako? "You also can't just possess that attitude and go to law school." mariing sabi ko. Bahagya siyang natigilan at halatang nagulat sa sinabi ko. "Who are you?" tila nanghahamong tanong niya. "I should be the one asking you that." Nilagpasan ko siya nang bitawan ang mga salitang 'yun. Hindi ako pwedeng mapaaway sa first day ko rito. Nang makita sa taas ng pintuan ang room 135, walang hiya hiya akong pumasok sa classroom na para bang ilang libong beses ko na itong napasok, kahit sa totoo lang ay ito ang unang beses. Naramdaman ko ang pagtitinginan ng mga kapwa ko estudyante sa'kin. Pagkaraa'y nagbulungan sila at alam kong ako ang pinag-uusapan. Nakakita ako ng bakanteng upuan sa bandang dulo sa bandang aisle, katabi ang isang babaeng may mahabang buhok pero mukhang sanggano ang hitsura. Hindi naman sa suot dahil lahat ay formal attire ang get up, nagmukha siyang gangsta siguro dahil sa make-up niya na itim na itim ang ilalim ng mata at itim na lipstick. Pagkaupo ko ay pasimpleng inikot ko ang mata sa mga tao sa unahan. Pasimple rin silang nagkunwaring patay malisya sa pagtingin sa’kin. “Bago ka rito ‘no? Tss.. ba’t ko ba tinatanong ang obvious.” wika ng babaeng mukhang gangster sa tabi ko na may chewing gum pa sa bibig. Tumingin ako sa kanyang hindi alam ang isasagot dahil ‘di ko alam kung tanong ba talaga ‘yun o kung gusto niya ba akong sumagot. Tumango na lang ako. Kung titignan pa ang pormahan nito ay para siyang rakista. Itim ang buhok pero may highlights na purple sa bandang harap. Naka-coat na itim na may puting panloob at itim din na slacks. Naka-closed toe heels din. Nananapak ang perfume nitong amoy panlalaki sa sobrang tapang. Tanaw ko ang sumisilip niyang tattoo sa bandang batok. Mahahalata ring mayaman siya kahit na kakaiba ang hitsura kumpara sa ibang mga babae rito. “Saang school ka galing?” Napahinto ako sa pagkalkal sa bag ko nang marinig ulit ang katabi. “PUP.” simpleng sagot ko. Hindi ko alam kung maaasiwa o matutuwa dahil ramdam kong same vibes kami ng katabi ko. Kung pipikit ka nga ay hindi mo ma-re-recognize kung sino ang nagma-may-ari ng boses kapag nag-usap kami dahil pareho kaming pabagsak na parang siga kung magsalita. “What brought you here? I heard law school there is cheaper than UP.” Dapat akong mainis dahil tila ba nangmamaliit din siya ngunit ramdam kong hindi. Nararamdaman kong curious lang siya at may pagkaprangkang tao. Napalunok siya at para bang na-realize na medyo offending sa isang mukhang mahirap na gaya ko ang sinabi niya. Sabi ko na nga ba’t kahit mukhang sanggano ito ay hindi naman masama ang ugali. “Ah-- I mean, if I were you, I’ll just finish my entire law school journey there kaysa lumipat pa. Aside from I’ll get to save more money, it will not be an uphill battle.” Nginitian ko siya, “Getting into UP law school is one of my wildest dreams. I thought it would be fine to settle in PUP law since they almost have the same quality, but I guess, my super ego brought me here.” saad ko sabay pakawala ng pilit na tawa na para bang lasing sa kanto. Bahagyang napatawa rin ang katabi ko. Napatingin siya sa’king muli at nagbigay ng nakakalokong ngiti. Hindi ko alam kung naging kapani-paniwala ba ako sa sinabi ko dahil hindi naman talaga ‘yun ang dahilan kung bakit ako napadpad dito sa UP. Para ito sa kaligtasan niya, para sa kaligtasan nilang lahat. “Venus Lizelle Ayala, you can call me Liz.” inilahad ng katabi ko ang kamay niya tanda ng pagpapakilala. “Dearra Emmanuelle Fontanilla, Deya would be fine.” pagpapakilala ko rin sabay tanggap sa pakikipagkamay niya. Ayoko sanang sabihin din ang buong pangalan ko pero magiging unfair ‘yun sa kanya. 2 minutes na lang at mag-eeksaktong 9 AM na. Patakbong pumasok ng room ang nakabangga kong babae kanina sa corridor. Pinagmasdan ko siya hanggang sa makaupo sa upuang nasa pinakaharap pangalawa mula sa aisle. “Argh! The b*tch is here...” reklamo ni Liz nang makita rin ang babae. Napakunot ang noo ko nang may mapansing kakaiba sa babae. Ang kuwintas niya... Hindi ko ito napansin kanina no’ng magkabangga kami. Kagaya ko ay may katulad din siyang gintong kuwintas na may dyamanteng kulay lilac na pendant. Parehong pareho kami, pati klase at disenyo. Ang dyamanteng ‘yon ay hindi basta basta nakukuha ng kung sino lang. Isa itong espesyal na batong matatagpuan lamang sa mahiwagang mundo na itinatago ng mga mabubuting engkanto. Tanging ang mga may lahing albularyo at mga ermitanyong nabasbasan lamang ang binibigyan ng ganito. Ito ay pangontra sa bati o sumpa ng mga elementong nasa paligid na hindi natin namamalayan. Hindi ako pwedeng magkamali na parehong pareho talaga kami. Dumako sa mukha niya ang tingin ko. Pasimple akong tumitig sa kanya upang alamin kung nakita ko na ba siya sa probinsya namin o kung saan, pero hindi siya pamilyar. Siguro nga’y gaya ko rin itong nasa Maynila rin at matagal nang hindi nakakauwi sa probinsya dahil sa pag-aaral at ngayon lang nagtagpo ang landas namin. Maganda nga siya pero sa ugali niya, hindi ako magtataka kung mula siya sa lumikong pamilya na ngayon ay mga mangkukulam na. Nahimasmasan ako sa pagtitig nang mapatingin din siya sa gawi ko. Nang magtagpo ang mga mata namin ay sinamaan niya ako ng tingin na siya namang ginantihan ko ng mapang-asar na ngiti. Umusad ang mga klase namin. Normal na rito sa mga taga-UP ang magpalipat-lipat ng classroom sa bawat subject. Buti na nga lang at tatlong subjects lang ngayong araw kaya’t ‘di gaanong nakakapagod. Hindi lahat ng kaklase sa first subject ay kaklase pa rin sa second and third, madalas ay nahihiwalay ang iba. Nagkataon namang pareho kami ng schedule at subjects na tini-take ni Liz kaya’t lagi kaming sabay at magkaklase sa lahat ng subjects. 4 PM na nang matapos ang lahat ng klase. "Wanna ride?" Napaangat ako ng tingin nang marinig ang boses ni Liz mula sa isang GLC Coupe Mercedes-Benz na dumudungaw sa bukas na bintana ng driver seat. "Di na, malapit lang ako. Salamat." "Aight. Stay safe." "You too." Inantay kong maglaho sa paningin ko ang kotse ni Liz bago inilibot ang paningin sa paligid ng labas ng Malcolm Hall. Lumapit ako sa bike ko at nilapag ulit sa basket ang bag. Binuksan ko ang phone ko at tinignan ang mga impormasyong nakalap ko tungkol sa lalaking nakaka-date ng mga babaeng biktima dito sa UP. Sikat siyang artista kung kaya't madali lang makakuha ng impormasyon tungkol sa kanya. Ayon dito ay Master of Business Administration ang kinukuha niyang kurso. Tinignan kong maigi ang pictures niya. Saan naman kaya ang building ng MBA dito? Hindi ko pa naman balak hanapin ngayon ang lalaking ‘yun pero gusto kong malaman kung saan ko ba siya matatagpuan para makapagplano kung ano ang susunod kong hakbang. Naglakad ako pababa para makalapat sa kalsada habang akay ang bike at lumingon lingon sa paligid. Nagsisipagsakayan pa sa kani-kanilang kotse ang iba sa mga kapwa ko law students. Kinalkal ko ang bag ko at hinanap ang mapa ng UPD. Halos maduling ako sa dami ng kurso sa legend ngunit nabuhayan ng loob nang makitang base sa mapa ay ilang metro lang ang layo ng Malcolm Hall sa UP Virata School of Business Administration. Nakaharap sa silangan ang Malcolm Hall pero nakapuwesto sa hilagang-kanluran ng buong UP, samantalang ang building ng Business Ad ay nasa pinakahilaga. Ayon pa rito ay sa kurbang daan papunta ang building. Hinarap ko ang pakurbang daan at nag-bike nang dahan dahan patungo doon. Kung titignan sa mapa’y parang ang lapit lang pero kung babagtasin mo pala ay aabot din ng tatlong daang metro. Napangiti ako nang bahagya nang matanawan ang building na may nakatatak na College of Business Administration. Itinukod ko ang paa sa lupa at muling naglakad akay akay ang bike habang nakatingalang pinagmamasdan ang building. Maya't maya ay nakarinig ako ng mahinang tilian ng mga babae na nagmumula sa loob ng building. Tila papalabas ang tunog ng tilian kung kaya't isinandal ko ang bike sa gilid at pasimpleng naupo sa ilalim ng isang puno upang abangan ang paglabas nito. Iniluwa ng entrance ang isang matangkad, moreno, at higit sa lahat, gwapong lalaki na sinusundan ng mga babaeng parang kinukuryente sa kilig. "Aaachk! Gael! Pa-picture lang!" "Isa lang naman Gael! Parang ang suplado mo yata ngayong araw!" "Sobrang gwapo mo talagaaaa!" Hindi gaanong lumilikha ng ingay ang tilian dahil kaunti lang ang babaeng sumisigaw at ang iba pa ay impit na pinipigilan ang sarili na gawing todo ang tili. Ang karamihan ay abot-tengang nakangiti lamang na sumusunod sa kanya at nakikiusap na magpa-picture o magpa-autograph. Mas angat pa rin ang dignidad ng mga babae rito dahil matatalino sila at alam na may klase sa ibang room kung kaya't pigil na pigil ang nililikhang ingay. Napako sa kanya ang mga mata ko. Nakasuot siya ng puting three-fourths na polong may dark green checkered tie, black pants, at white rubber shoes. Inadornohan pa ng silver na relos at square double-bridge eyeglasses. Sa awra ng mukha nito ngayon, tila may malaki itong problema. Ilang saglit lang ay may pumaradang itim na Buggati sa tapat niya. Bago pa siya makasakay ay may tinanggap pa itong tawag mula sa phone niya, na sa nakikita ko mula rito ay isang gold na iPhone 14. Nasa kanang tenga niya pa rin ang phone nang kumaway siya sa mga fans bilang pagpapaalam at bahagya pang ngumiti bago ipasok ang sarili sa kotse at pabagsak na isara ang pinto nito. Sinundan ko ng tingin ang sasakyan sa pagharurot nito. Tumayo ako upang habulin ng sulyap ang plate number ng kotse. Sa talas ng memorya ko ay madali lang sa'kin ang magtanda ng mga bagay bagay, lalo na't dapat kong tandaan. 8 8 lang ang tanging nakalagay sa plate number... Alam kong kusang kumukurap kurap ang mata ko sa pag-iisip kung bakit otso lang ang plaka ng kotse niya. Ang alam ko kasi, ang mga sasakyang may plate numbers na single or double digit numbers lang ay pagmamay-ari ng mga may posisyon sa gobyerno, mula sa presidente hanggang sa mga judge ng lower courts. Inalala ko ang posisyon na katumbas ng otso... Representatives... Ibig sabihin, congressman o congresswoman ang dapat magmay-ari ng kotseng sinasakyan niya. Pero bakit? Bakit siya doon nakasakay? Tinignan ko ulit sa phone ko ang mga impormasyon tungkol sa kanya. Sa kasalukuyan ay 28 years old na siya. Nasa constitutional mandate na pwede na'ng maging kongresista kapag 25 years old pataas. Ngunit wala namang nagsasabi ng tungkol sa pagiging bahagi niya ng kongreso. Kung hindi man siya, sino sa mga kakilala o kapamilya niya ang may kaugnayan doon. Napabuga na lang ako sa hangin. Kailangang may gawin ako. Hindi lang ako dapat dito sa UP magmamanman sa kanya. Dapat mas makalapit pa ako. Pero paano ko gagawin 'yon kung isa lang akong babaeng nasa mahirap na antas ng pamumuhay? Gael Altair Diaz, malalapitan din kita...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD