~Preface~
Disclaimer:
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, events and incidents are products of the author’s imagination. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental. There may be songs, name of places, book titles, and portrayers that are only borrowed for the story’s purposes.
Copyright infringement is illegal, while plagiarism is not. Copying the story or any part of it without the permission of the author is illegal.
Prolouge:
"Aray!! Ang sakit!!!" sigaw ng buntis habang hawak hawak ang tiyan nito.
Pa'no ba naman kasi, siya lang mag-isa rito sa bahay niyang barong-barong. Iniwan ng lalaking nakabuntis dito at nasa malayong lugar ang mga magulang at tanging nakababatang kapatid niya lang ang nandito't kasama niya. Tsk! Mga lalaki nga naman talaga..
Isolated ang bahay na ito sa ibang mga kabahayan sa probinsya. Tila isa itong bahay na nag-iisa sa buong bayan dahil sa katahimikan at kawalan ng tao sa paligid nito.
Nararamdaman ko na ang paggapang ng animo'y malaking hayop na nasa bubong ng bahay. Talagang hihilab ang tiyan ng kahit sinong buntis kahit hindi pa nito kabuwanan kapag may aswang sa paligid na natatakam lamunin ito.
Inihanda ko na ang buntot pagi habang ang ibang mga armas at kinatatakutan ng halimaw ay nakapaikot sa bewang ko.
"Neng, bantayan mo ang Ate mo. Kung sakali mang magtangkang lumapit ang aswang sa kanya, sabuyan mo agad ng asin." madiing bilin ko sa nakababatang kapatid ng buntis habang tinuturo ang isang tupperware ng asin sa tabi ng kama.
Tumango ang bata nang mabilis at halata sa mukha niya ang matinding takot.
Hindi ko naman hahayaan na makalapit ang hayop na 'yun sa buntis. Madali nga lang 'to kumpara sa ibang mga malignong nakaharap ko na. Aswang hunting legend yata 'to!
Mabilis akong lumabas ng pinto. Inihampas ko sa lupa ang hawak kong buntot pagi. Ramdam kong napahinto sa pag-angil ang halimaw sa bubong.
It's showtime!
Umatras ako palayo sa bahay upang bumwelo ng talon. Sa pagtalon ko ay inapakan ko nang mabilis ang haligi ng bahay at ilang mga nakausling kahoy hanggang marating ang itaas.
Naalala kong marupok nga pala ang bahay kaya't nag-ingat din ako na 'wag gawing masyadong malakas ang paglapag ko sa bubong.
Umaangil na humarap sa'kin ang aswang. Nakikita ko sa mga mata niyang minamaliit niya 'ko. Siguro dahil babae ako, kaiba sa mga matatapang at makikisig na lalaking kadalasang humahabol sa mga kagaya niya. Mukhang hindi rin siya ordinaryong aswang, mas malaki siya kumpara sa iba at sa hubog ng katawan niya ay masasabi kong isa siyang lalaki.
Sige lang.. Makikita mo kung gaano kalakas ang kaharap mo ngayon...
Tinangka niya akong sugurin ng sakmal na mabilis kong naiwasan sa pagdausdos sa kabilang parte ng bubong. Hindi ko na siya hinintay pang hunarap at agad siyang hinampas ng buntot pagi, dahilan para mapaiktad siya sa sakit.
Lalo siyang nagalit at halatang umusok ang ilong dahil sa ginawa ko.
"Kung ako sa'yo, aalis na ako ngayon at magtatago sa ilalim ng lupa habang hindi pa 'ko namamatay." nakangiting pang-aasar ko.
Ipinalo ko ulit sa kanya ang buntot pagi na naiwasan niya naman nang tumalon at tumakbo pasugod sa akin.
Napahiga ako nang magawa niya akong patungan at ubod nang lakas na umangil nang pasigaw sa harap ng mukha ko.
Ramdam kong nayupi ang bubong sa lakas ng impact ng pagbagsak namin. Narinig ko namang tumili ang babaeng buntis sa loob.
Nakaramdam ako ng kaba, hindi para sa kaligtasan ko kun'di sa pag-alalang marupok nga pala ang bubong na 'to at posibleng bumagsak talaga kami ng aswang sa loob ng bahay. Lagot na kapag nangyari 'yun.
Tumalsik ang aswang nang buong lakas ko itong sinipa. Sa pagkakataong ito, nasa baba na siya ng bahay.
Tumalon ako ulit at pagulong na bumagsak sa lupa. Hindi na ako magtataka kung sa pagpasok ko ng school bukas ay masakit na naman ang katawan ko.
"Tigas mo rin eh 'no! Umuwi ka na lang kasi!" sigaw ko sa aswang na nakaharap sa'kin.
Nang tangka ko na namang hahampasin ang buntot pagi ay mas mabilis pa sa alas kuwatrong sinugod ako ng halimaw. Hindi niya alam na um-acting lang ako para talagang lumapit siya sa'kin.
Mabilis kong hinugot ang mahabang itak na nakasabit sa bewang ko at tinangkang isaksak ito sa dibdib niya, ngunit agad siyang lumiko at nasugatan lang sa bandang balikat.
Nakaporma pala ito ng kalmot sa kaliwang braso ko. Nakita ko ang dugo na tumutulo mula sa'kin dahil sa natamong sugat.
Kapag nasusugatan ako ay doon nag-aalab ang galit ko sa sinuman o anumang kalabang kaharap.
"Nag-s-skin care pa 'ko tapos gagasgasan mo lang?! Humanda ka sa'kin!!"
Ako naman ang sumugod. Alam ko nang tatalon siya kung kaya't tumalon din ako para salubungin siya. Nakaangat ang itak na hawak ko sa dalawang kamay habang nakatutok ang mata ko sa anumang pag-atakeng gagawin niya.
Nakita ko ang kamay niyang tangkang aabutin ako, ngunit 'di pa ito nakakarating sa'kin ay naputol ko na. Napabulahaw sa sakit ang halimaw.
Nanghihina itong umatras at nahalata kong may balak itong tumakas.
Hindi siya pwedeng makaalis nang buhay dahil sigurado akong maghahanap siya ng mga kakampi na reresbak at susugurin ang bahay ng magkapatid. Sa panahong 'yon, malamang wala ako rito, malalagay sa alanganin ang lagay nila dahil wala silang kalaban-laban sa mga aswang.
Ginamit ko ulit ang buntot pagi at inabot siya ng malakas na hampas. Napagulong-gulong ito nang matamaan sa mukha.
"Sandali! Tama na!"
Natigilan ako nang marinig mula sa kanya ang boses ng isang lalaki.
"Ayoko na! Suko na 'ko! Aalis na 'ko rito!" sigaw niya na may halong takot at pagmamakaawa.
Nagbalik siya sa anyong tao at halos parang hindi na siya ang halimaw na kanina ay kinakalaban ko ngunit kita pa rin ang mga sugat na tinamo niya lalo na ang putol niyang kanang kamay.
Pumapatay ako ng mga aswang. Sanay na ako. Pero pinapatay ko sila sa anyong aswang sila. Hindi ko kayang pumatay ng isang nilalang na nasa anyong tao. Alam kaya niya 'yun kaya't nililinlang niya ako? Pero hindi, hindi niya naman pwedeng mabasa ng isip ko.
"Hindi ka pwedeng umalis!" kunwari'y matigas na sabi ko.
Mabilis akong lumapit sa kanya habang hindi niya pa naiisipang tumakbo.
"AAAAAHHHH!! 'WAAAAAG!!!" sigaw niya nang makitang aktong tatagain ko siya ng itak.
Napahiga siya sa lupa habang hinaharangan ng mga braso ang katawan niya upang ipansalag na para bang may magagawa 'yun para mailigtas niya ang sarili.
Tinanggal niya ang mga harang na ginagawa nang mapansing hindi ko siya tinaga. Itinutok ko ang dulo ng itak sa kanya at tinawagan ang mga Kuya ko upang humingi ng tulong na kuhanin ang aswang na ito at ilagay sa kung saan na hindi siya makakalabas.
Malapit lang ang bahay namin kung kaya't nakarating agad ang mga kapatid kong lalaki sakay ng tricycle namin.
"Ano? 'Di mo na naman kayang patayin dahil naging tao?" sabi ni Kuya David na kabababa lang mula sa loob ng tricycle na minaneho naman ni Kuya Daniel.
Sinimangutan ko si Kuya at huminga nang malalim habang nadidismaya rin sa sarili.
"Aswang pa rin naman 'to eh! Ako na lang papatay sa tarantad--" nilalabas ang bolong nakasabit sa bewang na sambit ni Kuya Daniel.
"Kuya 'waaaag!!!" pigil ko naman.
"Patayin n'yo na lang 'yan sa ibang lugar na hindi ko nakikita!"
Napapailing na isinakay ng dalawa kong Kuya ang aswang. Nagsenyas ako sa kanilang mauna na at pupuntahan ko ang magkapatid sa loob ng bahay.
"Bumalik ka agad sa bahay. May mahalagang sasabihin sa'yo si Papa." seryosong utos ni Kuya Daniel.
Hmm.. Ano na naman kaya 'yun? Mukhang importante...
Sa paglingon ko sa bahay ay nakita kong nakasilip sa bintana ang nakababatang kapatid ng buntis at nakangiti sa akin na tila nabibilib, nagpupugay, at nagpapasalamat sa ginawa kong pagliligtas sa kanila.