Mahigit isang linggo ding nanatili si Peri sa ospital bago sila nakauwi ng bahay. Pakiramdam niya ay nangangapa siya sa dilim kasi naman, pinipilit ng mga taong nakapaligid sa kanya na mahigit apat na buwan na siyang nawawala. Na samantalang sa kanyang isipan ay kahapon lamang nangyari iyong nagtungo sila ni Alena sa batis. Isa pa iyong lalaking sinasabi ng mga ito na asawa niya. Ngunit hindi man siya maniwala, ramdam naman niyang na may isang nilikha na nabubuhay sa kanyang sinapupunan. Sumasakit na ang ulo niya sa sobrang pag-iisip kung ano ba talaga ang nangyari. Minabuti ng mga magulang niya na wag silang patulugin sa iisang kwarto ng lalaking nagpapakilalang asawa nya. Sabi ng mga ito, hintayin na lamang daw nila na magbalik ang ala-ala niya bago sila ipakasal ng mga ito.