Nagpaikot-ikot na parang bola si Periwinkle sa loob ng ipu-ipong iyon. Hanggang sa tila pakiramdam niya ay nahuhulog siya sa kawalan. Patuloy siya sa pagsigaw hanggang sa tila bumagsak siya sa isang malambot na bagay. Ngunit dahil sa paikot-ikot siya kanina, hindi niya agad naimulat ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay umiikot din ang kanyang paligid, mga ilang sandali pa at bahagya na niyang naimulat ang kanyang mga mata. Ngunit agad din siyang napapikit dahil sa matingkad na sinag ng araw na sumisilaw sa kanya. Ilang minuto siyang nanatiling nakahiga habang nakapikit. Nakarinig siya ng mga yabag na tila papalapit sa kanya kaya agad siyang napamulat, tinabingan niya ang kanyang mata ng sariling braso para hindi masilaw sa sinag ng araw.
Umupo siya at iniikot ang paningin sa paligid.
Agad na napaawang ang kanyang mga labi. Hindi siya makapaniwala sa ganda ng lugar kung saan siya naroroon.
Agad siyang napatingin sa bagay na kanyang kinauupuan at ganon nalang ang panlalaki ng kanyang mga mata. Isang higanteng bulaklak ang sumalo sa kanya mula sa pagkakahulog sa ipu-ipong nagdala sa kanya sa lugar na iyon. Sa sobrang laki ng talulot ng bulaklak ay nakasayad na ito sa lupa. Agad siyang tumayo ay nagpadausdos sa talulot nito para makababa siya sa lupa. Nahahawig ang bulaklak sa bulaklak ng gumamela ngunit hindi katulad ng gumamela na marami kung mamulaklak, ito ay nag-iisa lamang at talaga namang hindi pangkaraniwan ang laki nito.
Kinabahan siya, di kaya napunta siya sa ibang mundo. Naipilig niya ang kanyang ulo dahil sa isiping iyon, baka dahil sa pagtangay sa kanya ng ipu-ipo kanina kaya siya nadala sa gitna ng kagubatan na may itinatago palang kagandahan.
Talagang mamamangha ang sinuman kapag nasilayan ang lugar na iyon. Tila isang napakalaking hardin ang kanyang kinaroroonan. Naglipana ang napakagagandang bulaklak na sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakakita ng mga ganon kagandang uri ng bulaklak. Napakarami rin ang nagagandahang paru-paro na lumilipad sa paligid. Animo mga alaga ito ng kung sino dahil napakaaamo ng mga ito. Sa katunayan may isang napakagandang paru-paro ang humapon sa kanyang balikat at hindi ito umaalis doon.
Napangiti siya, para tuloy sa pakiramdam niya ay nasa isa siyang paraiso.
Ngunit agad siyang napaisip, kung napadpad siya dito papano siyang makakabalik. Tiningnan niya ang orasang pambisig, hindi iyon gumagana. Nagtaka siya, original iyon at kakabili lamang ng kanyang Mommy kaya imposibleng pumalya agad iyon.
Kinuha niya ang cellphone sa kanyang bulsa, inalis niya ang headset na nakakabit doon. Tiningnan niya ang oras ngunit katulad ng sa kanyang relo, nakastop din iyon. Naisip niya na baka naghang lang ang kanyang phone, kaya ibinalik na niya ito sa bulsa. Hindi na niya ibinalik ang headset dahil kailangan niyang makapag-isip ng maayos. Kailangan niyang makita ang daan pabalik sa batis dahil siguradong nag-aalala na sa kanya si Alena.
Nagpasya siyang maglakad-lakad baka mahanap niya ang daan pabalik sa batis. Walang maipipintas sa lugar na iyon, para lamang siyang naglalakad sa isang paraiso pero hindi pa rin mawala ang kaba sa kanyang dibdib lalo pa at naririnig niya ang mas malapit ng mga yabag na tila papalapit sa kanyang kinaroroonan. Pero naisip niya na baka nga mga tao iyon na nakatira sa lugar na iyon o mangangaso na maaari niyang mapagtanungan kung saan ang daan pabalik sa kanyang pinanggalingang batis.
Maya-maya ay nahawi ang mga nagagandahang bulaklak sa may bandang tagiliran niya. Ilinuwa noon ang isang napakagwapong lalaki. Napakatangkad nito, siguro kapag katabi siya nito ay hanggang balikat lamang siya. Napakakinis din ng mukha nito na animo alaga ng derma dahil mamula-mula pa. Mahaba ang buhok na lampas balikat nito, bumagay naman dito hindi ito nagmukhang babae sa itsura. Mas naging astig pa nga dahil ang ilang bahagi niyon ay natatalian. Mas nagbigay iyon dito ng kakaibang aura. Napakatangos ng ilong nito at meron itong abuhing mga mata na matiim kung makatitig. Kahit nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kanya ay hindi niyon maitatago ang kakaiba nitong kagwapuhan. Ngunit medyo napakunot ang noo niya sa kasuotan nito. Bagay naman dito ang kasuotan yon nga lang mapagkakamalan itong dugong maharlika o nabibilang sa mga hari o prinsipe dahil sa kasuotan nito.
Pero syempre, pano magkakaron ng hari o prinsipe sa lugar na iyon? Ano sya nababaliw? Tsaka sa ibang bansa lang may King and Prince, sa Pilipinas wala.
"Sino ka?! Kakaiba ang iyong kasuotan! Ano ang iyong ginagawa sa aming kaharian?!" dumadagundong sa galit ang boses na tanong ng estrangherong lalaki na nasa harapan ngayon ni Periwinkle. Kakaiba ang pananamit nito kumpara sa normal na tao. Naiilang siya sa paraan ng pagtitig nito sa kanya.
"Ahmm, S-sorry po Sir. Actually, na-naligaw po ako. K-kanina po kasi nasa may puno lang ako na malaki sa gilid ng batis. Pero bigla po akong tinangay ng ipu-ipo ei, kaya ako napadpad dito, pwede po ba ituro nyo sakin ang daan pauwi." kinakabahan siya pero naglakas loob siyang sumagot dito.
"Maging ang iyong pananalita ay kakaiba babae! Isa ka sigurong banta sa aming kaharian! Mga kawal! Dakpin nyo ang lapastangang iyan!" galit na sigaw nito. Bigla namang naglabasan ang mga taong animo aattend ng costume party. Mga nakasuot kasi ito ng makukulay na damit pero parang pandigma ang pagkakagawa.
"Wag Sir! Maawa naman po kayo sa akin! Wala naman akong atraso sa inyo ah! So bakit kelangan mo akong parusahan?!" hiyaw niya dito, kinakabahan siya pero hindi naman maaari ang gusto nitong mangyari.
Sumenyas ito, animo sinasabi nito na dakpin sya. Sumunod naman ang mga kawal. Naghanap siya ng pwedeng maipanlaban sa mga ito, pero ni isang sanga ng kahoy ay wala siyang makita.
Nakapa niya ang cellphone sa kanyang bulsa. Kinuha niya iyon at balak ibato sa sinumang magtangkang hawakan siya. Ngunit hindi niya sinasadyang matap ang music player nito na nakapause ang kantang Buwan
"Sa ilalim ng puting ilaw
Sa dilaw na buwan
Pakinggan mo ang aking sigaw
Sa dilaw na buwan"
Biglang nagtakbuhan ang mga kawal palayo. Maging ang lalaking kanina lamang ay animo bossing kung magtanong sa kanya ay biglang napaupo habang tila nahihintakutang tinakpan ang tenga. Nagtataka siya kung bakit, takot na takot ang mga ito sa kantang buwan. Hindi ba nila alam na sikat na sikat ito sa Manila?
"H-Hindi kaya, kakaibang nilalang sila?!" bulalas niya sa sarili.
Nahigit niya ang paghinga ng mapagtanto iyon. Kaya pala kakaiba ang kasuotan ng mga ito, kaya pala ibang manalita ang mga ito. Hindi kaya maligno ang mga ito?
"Pero ang pogi naman niyang maligno kung ganon!" bulong ng kanyang isipan.
Pinatay niya ang music, dahan-dahang nag-angat ng mukha ang lalaki.
"Lapastangan! Ano ang bagay na iyan?!" nag-aapoy sa galit na hiyaw nito.
Tila natuliro naman ang kanyang isipan, parang masyado siyang naapektuhan sa boses nito.
Tumayo ang lalaki at akmang lalapit sa kanya kaya naman binuhay niyang muli ang kanta at iniumang dito.
"Ang iyong ganda'y umaabot sa buwan
Ang t***k ng puso'y rinig sa kalawakan
At bumabalik, Dito sa akin
Ikaw ang mahal, Ikaw lang ang mamahalin"
Mabilis itong napaupong muli na tila takot na takot.
"Mga kawal! Atras!" sigaw nito sa mga kasamahan. Sumunod naman ang mga ito, maging ang lalaki ay mabilis ding umalis sa lugar na iyon.
"Mga baliw! Para kanta lang natakot na kayo!" halos sumakit ang tiyan niya sa katatawang sigaw niya sa mga ito.
Ngunit bigla ring napatigil, narealized niya kasing nag-iisa nanaman siya.
"Lagot na! Pano ako makakabalik sa batis? Nakakainis naman oh! Di man lang nila sinagot ang tanong ko bago sila tumakbo!"nakasimangot na sabi niya sa sarili.
Pakiramdam tuloy niya ay nasa panganib siya. Mas okay pa nong nasa malapit lang ang presensya nong lalaki medyo napalagay ang loob niya. Natakot lang kasi siya na baka saktan siya nito kasi nga pinapahuli siya sa mga kawal nito.
Nagpasya siyang sumunod sa mga ito, bahala na. Hangga't nasa kanya ang kanyang cellphone at hindi ito malowbat agad, alam niyang magagamit niya ito para maging ligtas sa lugar na iyon.
Kailangan niyang may mapagtanungan ng tamang daan para makabalik sa batis. At kailangan niyang tapusin ang talagang pakay niya, ang ibalik sa pinanggalingan nito ang mahiwagang kwintas na napasakamay niya. Napabuntunghininga siya bago nagsimulang maglakad, patungo sa deriksyon na tinahak ng mga estranghero kanina.
ITUTULOY