GABE
INIS na inis ako noong hindi nagpakita si Matt sa studio. Hinatid tuloy ako ni Jet. Akala ko pa naman magkakaroon na kami ng chance mag-usap ni Matt at hindi puro titigan na lang. Kahit naman kasi magkaklase kami hindi rin niya ko madalas nilalapitan. Ako pa ba naman ang unang lalapit? Sobrang nakakahiya na.
Paminsan-minsan nahuhuli ko pa rin siyang nakatingin sa akin. Bukod roon, wala na. Hinayaan ko na lang siya, kung ‘yon ang trip niya e. Madalas kapag nahuhuli ko siyang nakatingin sa akin, kinukunutan ko lang siya ng noo. He would look away after I do that. Nag-concentrate na lang ako sa studies ko at malapit na rin naman ang highschool graduation. Minsan nagja-jamming pa rin kami nina Charis kapag may free time, sobrang dami na kasing gawain sa school since graduating kami.
"Gabe, sunod kayo sa restaurant mamaya. Doon na kayo mag-dinner nina Yanna at Anne. Birthday ni Mommy, close friends and family lang naman ang pupunta. Mauna na ako ha? Tutulong ako sa pag-prepare ng food," paalam ni Rafe. Katabi niya si Jerry ngayon. Weekend naman bukas, kaya wala kaming pasok.
Susunod na lang daw si Yanna at Anne kaya kami na lang ni Jerry ang magkasabay na naglakad papuntang restaurant.
Simula noong first year kami ay si Jerry na ang naging guy best friend ko. Close pa rin ako sa kanilang lahat, pero kay Jerry ko nasasabi lahat ng nasa loob ko. Ganoon din naman siya sa akin. Long lost sister daw niya ako, palibhasa solong anak.
"Ang dalas yata ni Jet magpakita sa gate. Lagi pang may dalang bulaklak."
Napatawa ako. "Ba't ganyan ang mukha mo? Para kang kumain ng champoy? Ayaw mo ba sa kanya para sa akin?"
"Wala lang, napansin ko lang na halos araw-araw nasa gate tuwing uwian natin. Tapos may bungkos lagi ng bulaklak. Pumapasok pa ba sa school ‘yon?"
"Aba malamang pumapasok sa eskwela, naka-uniform eh!" natatawang sagot ko.
"Kailan mo sasagutin?"
"Ba't mo tinatanong?"
"Tanong na rin ang sagot sa isang tanong ngayon?"
"Tss! Ang kulit lang." Nag-eye roll ako.
"Kasi ayaw kong magkamali ka ng piliin. Alam ko naman kung sino talaga ang gusto mo. Hindi si Jet ‘yon. Huwag ka nang aapila!"
I can say anything freely with Jerry. "Hindi naman niya ko pinapansin. Hindi rin niya ko nilalapitan. Hindi rin niya ko kinakausap. Ano ‘yon? Trese pa lang tayo ginagawa na niya ‘yon. Magdi-disiete na tayo, ganoon pa rin? Ga-graduate na nga tayo ng high school! Feeling ko, daig ko pa 'yong hindi niligawan pero nabasted!" nakangiwing sabi ko.
"Don't be too harsh on yourself. Naghahanap lang ‘yon ng timing."
"Asus! Hindi na siguro. Ang hirap umasa sa wala. At saka, hindi naman ako nagmamadali pumasok sa relasyon eh." iiling-iling kong sabi sa kanya.
"Life can be full of surprises."
Tumigil ako sa paglalakad. "Ikaw Jericho, diretsahin mo na ‘ko kung may alam ka. Sasapatusin na kita d’yan. Kanina ka pa may hini-hint e."
"Sungit agad?? Relax lang. Mamaya kikiligin ka na!" Tinignan ko siya nang masama. Inakbayan naman niya ko. Iyong akbay magkapatid. Walang malisiya. Ganito na talaga kami ni Jerry. Kung hindi mo kami kilala, iisipin mong may relasyon kami. Pero peksman! Talagang best friends lang kami. Although, madami nagsasabi sa school na bagay kami. Eww! Incest lang?
"Ewan ko sa’yo! Bilisan mo maglakad nagugutom na ko."
Nakarating din kami sa restaurant ng family ni Rafe. Kaunti lang bisita, wala pa sigurong singkwenta ang tao roon. Wala pa sina Anne at Yanna.
"Happy birthday po, tita!" sabi ko sa mama ni Rafe.
"Thanks for coming, hija. Kain lang kayo nang kain, ha? Pupuntahan ko lang 'yong ibang mga bisita."
Pagkakuha namin ng pagkain ni Jerry ay naupo na ‘ko sa mesang pang-animan. Nilapag lang ni Jerry ang pagkain niya at nagsabing sasaglit lang daw siya sa banyo. Kanina pa raw kasi siya naiihi. Sobrang gutom ko na noon kaya nag-umpisa na akong kumain.