NAPAHINTO sa paglalakad si Rio nang may isang pamilyar na mukha ang nakita niya sa bench ng CISA. Inalala niya kung saan niya nakita ang player na iyon at doon ay awtomatikong bumalik sa kanyang isip ang nangyari sa kanya noong nakaraang araw ng linggo. Sa ukayan, ang araw na babalikan niya sana upang bilhin ang sapatos na kanyang nakita bago pa man ang araw na iyon.
Napangisi na lamang siya at nag-iba ang direksyon sa paglakad. Naisipan nga niyang pumunta muna sa bench ng kalaban nila. Ang team ng CISA ay napaisip naman kung bakit. Sina Alfante at Romero naman ay naging seryoso lalo na nang makita ito sa kanilang balwarte.
"Yow!" bungad ni Rio habang nakatingin sa player na may hawak sa water container ng team. Doon nga ay nagtagpo ang mga mata nila dahilan para kabahan si Ricky.
"So, kasali ka pala..." ani ng ace player ng SW habang nakatayo sa malapit kay Mendez.
Napalunok nga ng laway si Ricky na nangingiti na lang. Kinutuban na siya kung paano siya nakilala nito.
"Rio, kilala mo si Ricky?" bigla namang tanong ni Alfante rito.
Ngumiti si Rio bago nagsalita.
"Hindi brad. Pero nagkaroon ako lalo ng rason para talunin kayo," seryosong wika ni Rio na nagpaseryoso sa buong team. Si Coach Erik ay nangingiti na nga lang nang marinig iyon. Natutuwa siya sa naramdamang kompetisyon sa paligid.
"Masyado ka talagang mayabang Rio," napangisi na lang si Romero na kakaupo lang at inayos ang sintas ng suot na sapatos nang sabihin iyon.
Bumalik na nga si Rio sa bench nila at ang dalawang team ay naghanda na para sa pagsisimula ng laban. Lumakad muna sa gitna ang lahat at doon ay nagkamayan sila. Nangako sila na maglalaro ng walang halong pandaraya.
Sa muling pagbalik ng mga players sa bench nila ay siyang pagkalampag ng mga manonood na taga-Southwestern. Kahit practice game lang ito ay handa silang magbigay ng suporta sa koponan nila.
CISA Flamers laban sa SW Knights!
Nagsihanda na nga ang starting 5 ng dalawang team. Pumasok na rin sa court ang dalawang referees ng game. Ang isa ay hawak-hawak na ang bola na pumunta na rin sa gitna ng court.
CISA Flamers line-up: Red and Black.
Center: Reynan Alfante (6'4), #4.
Power Forward: Ramil Reyes (6'2), #30.
Small Forward: Benjo Sy (6'2), #99.
Shooting Guard: Macky Romero (6'0), #24.
Point Guard: Arnold Cortez (6'0), #7.
SW Knights line-up: Yellow and White.
Center: Rommel Aquino (6'6), #4.
Power Forward: Arnold Contales (6'5), #17.
Small Forward: Rio Umali (6'2), #23.
Shooting Guard: James Blanco (6'2), #27.
Point Guard: Miko Herrera (6'0), #11.
Pumunta na nga sa gitna si Alfante at ganoon din si Aquino ng SW. Seryoso pang nagtinginan ang dalawang sentro at doon ay inihanda na nila ang kanilang sarili para sa jump ball. Tumunog na ang silbato ng referee at kasunod noon ay ang paghagis nito ng bola sa ere. Ang oras sa digital clock sa itaas ay nagsimula na rin at kasabay ng pag-ingay ng mga manonood dahil ang laro ay simula na.
Sabay ngang tumalon ang dalawang sentro. Halos magkasing-taas nga ang naabot nila, ngunit mas nangibabaw ang kamay ni Alfante. Tinapik niya ang bola patungo sa likuran. Pagkababa ng dalawa ay siyang pagtunog ng mga spike ng sapatos ng bawat player sa makintab na sahig ng court.
Nasambot ng CISA's PG na si Cortez ang bola. Ang bilis ng mga pangyayari matapos iyon. Ibinato bigla niya ang bola papunta sa isa pang kakampi. Napakalakas at napakabilis noon kaya imposibleng ma-steal iyon ng kalaban. Tumatakbo na rin nga ang lahat patungo sa side court ng CISA.
Mula naman sa ilalim ng basket ay bigla na lamang lumitaw si Macky Romero at walang kahirap-hirap na sinambot ang bolang mula sa kanilang point guard. Tumalon siya at pagkatapos ay malayang ginawa ang isang lay-up.
2-0! Iyon ang lumitaw kaagad sa scoreboard sa itaas.
"Depensa na!" bulalas naman ni Alfante sa team niya at agad silang nagtakbuhan papunta sa kabilang side ng court.
Si Rio naman ay napangisi na lamang sa bilis ng pangyayari. Kilala niya si Romero, at alam niyang may taglay itong bilis. Isa pa, ang point guard ng CISA na si Cortez ay isa ring magaling na passer sa game.
D-in-ribble naman na ni Herrera ang bola papunta sa side nila pagkasambot mula sa pasa ni Aquino galing sa labas. Pero bahagyang nagulat ito nang makitang naka-depensa na kaagad ang point guard ng CISA sa kanya.
"Full Court Press..." bulalas na lang ni Coach Nate. Ang mga players niya na nasa malayo ay gwardyado na kaagad. Gusto kaagad ng CISA ng seryosong depensa pagkakuha pa lang nila ng inbound pass.
"Pero nakakapagod ang ganyang depensa," bulalas naman ni Rio na tumakbo na para lapitan ang kanyang kasamahang may dala ng bola. Nakita niyang parang nahihirapan ito sa defender na si Cortez kaya hiningi niya ang bola mula rito.
Dire-diretso si Rio nang bigla itong huminto at may kaunti pang pagbangga sa katawan ng dumidepensa sa kanyang si Sy. Nakagawa siya ng space at doon ay mabilis na ipinasa sa kanya ni Hererra ang bola. Pagkahawak niya noon ay siya ring pag-ingay ng kanyang mga supporters na nanonood.
Nagmadali si Rio na i-drive ang bola sa side nila. Halos muntik pa nga silang maabutan ng 8-seconds limit.
Si Rio na nga ang nagdala ng bola nang sandaling iyon. Doon ay bigla ring kumalat ang kanyang mga kakampi papunta sa magkabilang mga gilid.
"Ang strategy nila... si Umali ang opensa. Katulad ng laban namin noong last CBL, halos ganito rin iyon..." wika naman ni Coach Erik sa sarili na nakatayo sa harapan ng bench nila.
Ngumisi si Rio at doon ay biglang pinatalbog nang mas mabilis ang bola. Pinadaan niya iyon sa pagitan ng kanyang mga binti at pagkatapos ay pinilit niyang kumawala mula sa depensa ni Sy. Dahil maluwang ang depensa sa ilalim ng basket ay mabilis niyang pinasabay ang kanyang defender papunta roon.
Isang mabilis ngang dribbling pabalik ang ginawa ni Rio at si Sy naman ay nagdiretso palayo nang biglang huminto ang binabantayan nito. Halos matumba pa nga ang player ng CISA dahil sa biglaang ginawa ni Rio na naging dahilan upang mapa-wow ang mga manonood.
Ang laki nga ng espasyong nagawa ni Rio at doon na nga niya itinira ang isang jumpshot mula sa gilid. Pumasok iyon at napahiyaw ang mga fans nito. Kasabay noon ay ang pagkalampag nila sa buong court.
2-2.
"Hindi namin pwedeng iwanan ang aming binabantayan..." wika naman ni Alfante sa sarili. Naalala niya noong huli nilang laban. Nang subukan nilang i-double team si Rio ay bigla na lang itong papasa sa naiwang kakampi para sila ang pumuntos.
Isa rin sa dahilan kaya isa sa malakas na team ang SW Knights ay dahil napapaligiran si Rio ng mga kakamping shooters. Kung mababakante ang isa sa mga kakampi nito ay malaki lalo ang tsansa na maka-puntos sila.
Nagpatuloy ang unang quarter ng game. Sa lumipas na limang minuto ay mas umingay ang buong court dahil lamang na ng sampu ang SW. 5-15! Dahilan nga ito upang mapatawag na si Coach Erik ng time-out. Isa pa, pagod na kaagad ang mga players ng CISA dahil sa Full Court Defense nila.
Nagsi-upuan ang limang players ng CISA at agad na uminom ng tubig na iniabot naman ni Ricky. Napatingin pa nga siya sa bench ng kalaban. Nakita niya kung gaano kagaling si Rio dahil nakagawa na kaagad ito ng 8 points at 3 assists.
"C-coach... masyadong nakakapagod ang Full Court Press," daing ni Reyes na halata naman sa itsura ng lima. Ngunit ang pinakapagod sa kanila ay si Benjo Sy. Halos hindi na ito makapagsalita matapos makainom ng tubig.
"A-ano Benjo? K-kaya mo pa?" tanong naman ni Alfante. Hindi na nga ito nakasagot sa kanya. Senyales na nga iyon para sa kanilang coach na kailangan muna ng substitution para rito.
Pinapasok na ni Coach si Kier Cunanan (5'9), #6, palit kay Sy. Ganoon din si Marco Castro (5'7), #31 palit sa Point Guard na si Cortez.
Ngingisi-ngisi na nga lang si Kier nang ipasok na siya. Pero ang line-up na iyon, masyadong naging maliit kumpara sa SW. Parang advantage lalo ito sa SW para makalamang sa kanila.
"Cunanan at Romero..." tinawag ni Coach Erik saglit ang dalawa bago bumalik sa game.
"I-double team ninyo si Rio kapag nasa kanya ang bola," dagdag ng coach na tinapik pa sa balikat ang dalawa bago tuluyang pumasok sa loob ng court.
Napangisi na naman si Cunanan at sandaling sumulyap kay Romero.
"Coach, ako ng bahala kay Rio. Matagal kong hinintay na makaharap ng seryoso ang player na iyon," wika pa nito. Kaso, tila nayabangan si Romero sa sinabi niya kaya sumagot din ito.
"Kapag napigilan mo si Rio, palitan mo ako sa first 5," winika na lang ni Romero at inayos na ang jersey niya at pumasok na sa loob ng court.
Nagpatuloy na muli ang game at nasa possession ng CISA ang bola. Si Castro na ang nagdala nito papunta sa side nila. Halos dikitan na nga siya ng depensa. Hindi pa naman ito ganoon kagaling sa dribbling at doon na nga tumakbo si Alfante para asistihan siya. Tumayo ito sa tabi ng defender ni Castro para sa isang screen.
Ito na nga ang ginamit na pagkakataon ni Castro upang makatakas sa kanyang bantay. Nag-drive ito ng malapit kay Alfante, dahilan upang maharangan ng katawan nito ang sumusunod sa kanyang si Herrera.
Napangiti nang bahagya si Castro dahil sa ginawa ng kanilang captain. Doon ay nakita niyang luwag sa ilalim. Mabilis nga siyang umatake roon. Gagawa sana siya ng lay-up, ngunit biglang humarang si Rio sa kanyang daraanan. Nagmukhang pader nga ito dahil sa taas nito. Napahinto tuloy siya. Papunta na rin nga sa kanya si Herrera para depensahan siyang muli. Nataranta tuloy siya sa mga nangyari.
Hindi na niya alam kung kanino ipapasa ang bola. Hanggang sa isang kakampi niya ang tumakbo papunta sa kanya para hingiin ito.
"Dito!" Napatingin na lamang siya sa tumatakbong si Cunanan. Palapit na ito sa kanya at ipinasa niya kaagad rito ang bola.
"Nice pass!" Napangisi na lamang si Cunanan pagkasambot at pumwesto siya sa likuran ni Castro. Mabilis nga siyang pinuntahan ni Rio ngunit pagpunta nito sa likuran ng point guard ng CISA ay wala na roon ang babantayan niyang player ng CISA.
"May talent ang isang ito..." bulalas ni Rio at nakitang nasa ilalim na ng basket si Cunanan. Napakabilis ng mga nangyari. Dahil doon, ang sentro ng SW ang mabilis na dumipensa para rito. Tumalon nga kaagad ito upang i-block ang gagawing tira ni Cunanan.
Ngunit napangisi si Cunanan. Nang nasa ere na si Aquino ay doon pa siya tuluyang tumalon. Napatingin nga lalo ang referee roon. Nagbanggaan ang katawan nila sa ere at kasabay noon ay ibinira ni Cunanan ang bola patungo sa ring.
Tumunog nga ang silbato gaya ng inaasahan. Kasunod din noon ay ang pagtama ng bola sa board at dumiretso ito patungo sa gitna ng basket.
Natumba si Cunanan nang lumapag silang dalawa ni Aquino sa court. Ang mga kakampi nga ni Cunanan ay natigilan na lang sa ginawa niyang iyon.
"Shooting Foul! Yellow number 4! Basket counted!"
Nilapitan din kaagad ni Alfante si Cunanan para itayo ito. May halong yabang nga ang ngiti ni Cunanan nang kanyang makita ito pero ayos lang iyon sa kanya lalo't nakapuntos ito.
"Naaalala ko na ang player na ito..." wika ni Rio sa kanyang isip. Nakita na niya ito dati...
"Dating player ng CU."
May halong pagyayabang pa ang ngiti ni Cunanan nang maipasok pa niya ang bonus free-throw. Napaismid na nga lang si Romero dahil doon.
"May ibubuga nga ang kayabangan mo," wika ni Romero sa sarili. Kahit na ganoon, para sa kanya ay mabuti't pumasok na si Cunanan sa game. Doon ay tila naging seryoso na rin ang kanyang dating.
"Hindi ako magpapatalo sa iyo Cunanan!"
Bumaba na sila para dumipensa. Ang score, 8-15 at may natitira na lamang na apat na minuto sa first quarter. Dahil sa ginawang iyon ni Cunanan, may kaunting apoy ang lumiyab sa mata ng mga kakampi nito sa court. Pero sa kabila rin noon, mas lalong nagliyab ang kagustuhan ni Rio na talunin ang kanilang team.
Napatingin pa nga si Rio sa bench ng CISA. Napangisi na lang siya. Wala siyang nararamdamang kaba sa player na pinagmasdan niya, dahil ang totoong dapat niyang ilampaso ay naglalaro na ngayon mismo sa loob ng court.
Samantala, matapos ang ginawang iyon ni Cunanan. Si Ricky ay hindi na nga maiwasang mamangha sa mga napapanood sa game. Kumakabog lalo ang kanyang dibdib. May parte sa kanyang kalooban na nagsasabing parang gusto niya ring maglaro. Gusto niyang mapagod! Gusto niyang makahawak ng bola... Gusto niya ring ipakita sa espesyal na babaeng nasa likuran nila ang magagawa niya sa game.
Alam ni Ricky na hindi niya kasing-galing ang mga naglalaro sa loob ng court nang mga sandaling iyon... pero.
"Gusto kong ipakita sa iyo Mika... na kaya kong laruin ang sports na gusto mo!"
Ang basketball!