Bola 9

3501 Words
NAGPATULOY ang laro sa pagitan ng Flamers at Knights. Medyo nag-iba na rin nga ang ihip ng hangin para sa CISA mula nang pumasok si Cunanan. Hindi na lang kasi sila naka-pokus sa opensa ni Romero dahil nagkaroon pa sila ng isang option para makapuntos. Hindi man nakalamang ang CISA, naidikit naman nila ang score bago matapos ang 1st quarter.   Nakatulong sa laro ang pag-double team nina Romero at Cunanan sa star player ng SW sa tuwing ito ang magdadala ng bola.   21-25 ang score, at nasa SW pa rin ang kalamangan. May natitira na rin lamang na isang minuto sa quarter na iyon at nasa CISA na ngayon ang possession ng bola. Nang mga sandaling iyon, si Romero na ang nagdala ng bola at dinidepensahan nga siya ni Rio. Halos bantay-sarado siya rito at ayaw palampasin ng bumabantay.   "Hindi ko akalaing lilipat ng school ang isang taga-CU," mahinang wika ni Rio habang nasa harapan ang nagdi-dribble na si Romero.   "Mukhang may magiging bagong star player ang CISA ah," dagdag pa nito na biglang nagpaiba ng timpla sa itsura ni Romero.   Sadya ngang may ganitong ugali si Rio sa paglalaro ng basketball, ang pasimpleng asarin ang kalaban. Isa itong mabisang paraan para sa kanya upang mawala sa pokus ang isang player.   "Ako lang ang star player ng team na ito Rio," mahina namang sambit ni Romero na mas sumeryoso ang itsura.   "Panoorin mo ngayon kung paano kita ilalampaso," dagdag pa ni Romero at isang biglaang galaw ang kanyang ginawa. Tinalikuran niya si Rio at unti-unting inilapit papunta sa ilalim ng basket.   Pinopostehan niya si Umali! Ang mga manonood naman ay napa-cheer sa kanilang player na si Rio.   Doon na rin nagsimulang umikot ang mga players ng CISA sa kanilang side. Binigyan nga nila ng espasyo si Romero at pinagbigyan nila ang isolation play na plano nito.   Nilabanan naman ni Rio ang pwersa ni Romero. Mas tinigasan niya ang kanyang mga binti para hindi mapaatras at matalo nito.   "Pasa!" sigaw naman ni Cunanan na nakalusot sa bumabantay nito. Ngunit hindi iyon pinansin ni Romero.   Isang mabilis na dribbling na sinundan ng pag-atras sa katawan ni Rio patungo sa defender ang ginawa ng ace player ng CISA. Kasunod noon ay biglang humarap siya at tumalon palayo habang nasa porma ng pagtira. Sandaling nabigla naman si Rio sa mga nangyaring iyon.   Ang mga manonood ay nabigla sa nakita. Isang fade-away jumper! Ang ganda ng porma ng tirang iyon. Napatalon din nga si Rio upang i-block iyon ngunit ang laki na ng agwat ng kamay nito mula sa bola.   Binitawan ni Romero ang isang pambihirang jumpshot na tila sa TV lang napapanood ng mga nandoon.   "Pagmasdan mo ang galing ko Rio!" sambit pa ni Romero na napaupo na lang matapos lumapag sa court. Si Rio naman ay napatingin na lang sa bola na dumidiretso sa basket.   Napatayo nga kaagad ang mga nasa bench ng CISA nang pumasok sa ring ang bola. Wala iyong kasabit-sabit at lumikha pa ito ng napakagandang tunog nang mahalit ang net.   Swishh!   Isang malakas na hiyaw nga mula sa CISA bench ang nagpabalik sa reyalidad sa lahat ng mga manonood. May ilang mga taga-SW din kasi ang napabilib sa ginawang iyon ni Romero.   "A-ang galing..." bulalas naman ni Ricky na nanginginig ang kamay matapos makita iyon. Hindi siya makapaniwala na papakitaan sila ni Romero ng ganoong tira. Maging ang mga taga-SW ay namangha rin doon.   Si Rio naman ay napangisi na lang.   "Gusto mo talaga ng laban?" sabi nito sa sarili at pagkatapos ay iniayos ang nagulo niyang buhok. Doon ay halatang mas naging seryoso lalo ang itsura nito.   "Magaling ka nga Romero," nasambit naman ni Cunanan na tumatakbo na nga para dumipensa. Sa isip nga niya ay hindi siya dapat magpatalo rito!   "Ikaw talaga ang inaasahan ng team na ito," sambit naman ni Alfante matapos tulungang tumayo si Romero at pagkatapos ay tumakbo na sila pababa para dumipensa.   May 38 seconds na lang ang natitira sa unang quarter. Kahit na alam ni Rio na ido-double team na naman siya ay hiningi pa rin niya mula sa kanilang point guard ang bola.   "Ipapakita ko ngayon sa inyo ang tunay na galing ng isang Rio Umali!"   Alam ni Rio na ang CISA ang pinakamahinang team sa Calapan pagdating ng CBL, ngunit alam niyang hindi siya dapat magpakakampante. Kahit practice game lang ito ay kailangang hindi sila matalo sa school na ni minsan ay hindi pa nananalo sa CBL!   "Kahit sinong team ang makalaban ko. Ipapakita ko pa rin ang buong talento ko sa sports na ito," winika ni pa ni Rio sa sarili. Nakita rin niya na papalapit na sa kanya si Cunanan. Iyon ay para tulungan si Romero sa pagbantay sa kanya. Seryoso niyang pinagmasdan ang dalawa. Mabilis niyang pinatalbog ang bola at naging maingat siya rito. Ang kanyang katawan ay gumalaw na nga patungo sa direksyon ng basket. Agresibo naman ang dalawang defender niya na mabilis na sumunod sa galaw niyang iyon.   Pero matapos iyon ay biglang hindi umalis si Rio sa kinatatayuan nito. Hindi pala nito isinama ang bola sa paggalaw. Nanatili ito sa ere at isang mabilis na pagbalik sa three-point territory ang kanyang ginawa na naging dahilan upang mapalayo siya sa kanyang mga defenders.   "Hindi ito pwede!" sambit ni Romero na mabilis na bumalik sa titirang si Rio. Nakita niyang tatalon na ito kaya napatalon siya para pigilan ito.   Isang dribble pa at biglang humakbang pakaliwa si Rio, palayo sa kalabang may numero 24. Isang fake iyon at doon na nga niya ginawa ang three-point shot.   "Huli ka ngayon," wika naman ni Cunanan na nakangisi pa habang nasa ere.   "Nice try," sambit naman ni Rio na hindi pa pala umaangat ang mga paa sa sahig ng court at inaasahan na niya ang gagawing iyon ni Cunanan.   Tumalon na si Rio at bumangga ang katawan niya sa katawan ng nasa ereng si Cunanan. Kasunod din noon ay ang pagbitaw niya sa bola mula sa upper part ng three-point arc. Doon na nga tumunog ang silbato ng referee at nasa ere na ang bola. Umiikot ito habang papalapit nang papalapit sa basket.   Bumagsak nga si Cunanan habang si Rio naman ay nagawang bumalanse at nakatayo pa rin nang maayos matapos iyon. Pagkatapos ay seryoso naman niyang pinagmasdan ang napaupong defender. Isang nakakabinging cheer din nga mula sa mga taga-SW ang dumagundong sa loob ng school gym matapos ang 3-point shot na iyon na may kasama pang foul.   23-29 ang naging score matapos maipasok ni Rio ang bonus shot at kumalampag ang cheer ng mga manonood dahil doon. Nanatili pa nga siya sa free-throw line nang i-inbound na ng CISA ang bola dahil may natitira na lamang na 21 seconds sa first quarter.   Ipinasa na ni Alfante ang bola sa kanilang point guard na si Castro. Doon nga ay laking-gulat nito nang humarap para i-drive ang bola. Binabantayan na siya ni Rio!   Nang makita nga iyon ni Romero at Alfante ay tumakbo agad sila palapit dito upang mapasahan ng bola. Subalit dala ng pagkabigla ni Castro ay naagaw kaagad ito ni Rio at kaagad nitong din-rive ang bola papunta sa kanilang basket. Tumatakbo naman si Alfante para pigilan ito. Ganoon din si Romero na nasa likuran ng kanilang captain at sinusundan naman siya ni Cunanan na nagmadali ring tumakbo pabalik para pigilan si Umali.   Isang pagtalbog ng bola ang umalingawngaw sa court. Humarang si Alfante sa harapan ni Rio. Tumatakbo ito pakaliwa na sinabayan nga ng team captain ng CISA ngunit biglang gumalaw ang paa ni Rio pakanan at ang bolang nasa kamay nito ay tila dinala mula sa ibaba paitaas. Iyon ay nagawa nito bago pa man umapak ang unang paa nito sa kanang bahagi ng kinatatayuan ng kanyang defender.   Naiwanan si Alfante! Isa iyong euro-step na nagpa-wow na naman sa mga manonood. Pagkatapos noon ay walang kahirap-hirap na ginawa ni Rio ang isang libreng lay-up na nagpataas ng kanilang score sa 31 kontra sa 23 ng CISA.   Halos mabingi nga rin ang team CISA matapos iyon. Ito ay dahil ang lakas ng cheer ng mga nanonood na mas lalo pang lumakas nang maglakad si Rio habang nakataas ang dalawang kamay. Nilampasan niya sina Romero at Cunanan na kanya pang binigyan ng isang pang-asar na ngiti at nagpunta na nga ito sa side ng CISA para dumipensa.   Sa natitirang 15 seconds ng unang quarter, inubos na ng CISA ang oras. Bago nga tuluyang maubos ang oras ay nagpakawala pa si Romero ng isang 3-point shot na sa kasamaang-palad ay hindi pumasok.   Natapos ang first quarter sa score na 23-31 pabor sa SW. 18 points na rin kaagad ang puntos na nagawa ng ace player nila na si Rio Umali. Isa itong malinaw na katibayang hindi pa rin siya nagawang mapigilan nina Romero at Cunanan.   Hingal na hingal nga na nagsiupuan ang mga player ng CISA sa bench nila. Sa unang quarter pa lamang ng laro ay halos maubusan na kaagad sila ng lakas.   Nakataklob na nga lang sa ulo ni Romero ang kanyang puting towel habang umiinom ng tubig. Si Cunanan naman ay naliligo na rin sa pawis habang nakatingin sa kawalan matapos makainom din ng tubig. Si Alfante naman ay napayuko na lang sa mga nangyari sa unang quarter. Aminado siyang napakalakas ni Rio at alam niyang wala silang magawa kontra rito.   "Mukhang nawawalan na kaagad kayo ng pag-asa team! Unang quarter pa lang," sambit ni Coach Erik sa mga players niya na kitang-kita niya ang pagkalugmok ng fighting spirit matapos ang unang sampung minuto ng game.   "Coach! M-masyado silang malakas... sila ang number 4 last year, p-paano pa kaya kapag nakalaban natin ang ibang team..." wika naman ni Castro na halos maubusan na ng hangin sa sobrang pagod. Isa pa, kabadong-kabado rin siya magmula nang pumasok sa game.   "Oo nga coach! Wala tayong laban sa team na iyan... kung sabagay, practice game lang naman ito. Gagawin na lang namin iyong kaya namin," dagdag pa ng isa.   "Pero 'di na kami aasa na mananalo kontra sa kanila," wika naman ng isa pang player ng CISA.   Nang marinig iyon ng team captain ay napainom na lang uli siya ng tubig. Umaasa siyang mananalo sa larong ito, ngunit ito ang reyalidad sa team nila. Sila ang pinakamahinang college school sa Calapan City.   Wala ng salita pang nasabi si Coach Erik dahil sa mga narinig niya. Tila nahawa siya sa mga ito at talagang isa itong katotohanan na ang school nila ay mananatiling participant lang sa CBL. Sila ang team na gustong labanan ng ibang school dahil sure win agad ang mga ito laban sa kanila.   "Coach, hindi muna ako maglalaro. Parang sumakit ang binti ko," biglang sambit naman ni Cunanan na hinawakan pa ang kaliwang binti pagkatapos noon.   "Ipapahinga ko muna ito dahil ayaw kong ma-injured bago ang CBL," dagdag pa ni Cunanan. Dahil nga roon ay mas naging kampante ang team nila na talo na talaga sila.   Nagsimula na ang 2nd quarter at sa pagpapatuloy ng game ay mas ginanahan pa lalo ang mga manonood na taga-SW. May natitirang dalawang minuto na lamang sa first half at dominadong-dominado na ng Knights ang laro. Napatawag na nga lamang ng time-out si Coach Erik matapos muling makapuntos ng kalaban. Ang score nga nang mga sandaling iyon, 27-48.   Ang mga kaibigan nga ni Ricky ay parang ayaw ng manood ng laro. Kitang-kita na kasing walang binatbat ang team ng CISA sa game na ito.   "C-coach sub muna ako... H-hindi ko na po kaya," wika pa ng isa sa mga players. Halos sina Alfante at Romero na lamang ang may kaunti pang lakas para maglaro.   Napailing na nga lang si Coach Erik. Aminado siya na walang future ang team na ito at maging siya ay wala ring magawa para rito.   "Ricky, mag-ready ka... paglalaruin kita."   Napalunok na lamang ng laway si Ricky nang marinig niya iyon. Napalingon nga kaagad siya sa mga kaibigan niyang nanonood. Nag-thumbs-up naman ang mga ito sa kanya sa kabila ng mga mukha nilang dismayado dahil halatang olats na talaga ang kanilang team sa larong ito.   Napatingin din nga si Ricky kay Mika na tila wala na ring ganang manood. Parang pinanghinaan siya roon pero napatayo siya at kinawayan ang dalaga.   Tila nahiya tuloy siya nang mapansin ng mga ka-team.   "Naks, si Totoy... may inspiration!" wika ng isa at napatawa ang ilan dahil doon.   Napangiting-ewan na lamang si Ricky pero napangiti siya ng maganda nang ngitian siya ni Mika.   "Ito na ang chance kong mapansin mo... Kailangang ayusin ko ito..." seryosong sinabi ni Ricky sa sarili. Doon ay pumasok na nga sila sa loob ng court.   Parang may kung anong mabigat na bagay nga kaagad ang naramdaman si Ricky sa pagkapasok pa lang niya sa loob. Pakiramdam niya ay nakatingin sa kanya ang lahat. Doon na nga lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Kinabahan na nga siya nang magpatuloy ang game.   Kasama niya sa loob ng court si Alfante at Romero. Naroon din ang point guard na si Cortez at ang PF na si Reyes.   "Kumusta?" Tila nabigla naman si Ricky nang kumustahin siya ng bumabantay sa kanya. Si Rio!   Si Ricky ang nakatapat ni Rio dahil siya ang napunta sa SF position at ang tangkad nito bilang kanyang defender. Isa pa, siya ang pinakamaliit sa court dahil halos 6-footer na ang mga nasa kalaban nilang team. Mas naging maliit tuloy ang line-up ng CISA dahil sa kanyang pagpasok sa laro.   "Ikaw ba ang boyfriend ni Andrea?" tanong pa ni Rio habang seryosong nakatingin sa kanya.   "H-hindi niya ako boyfriend..." mahinang sagot naman ni Ricky.   Napangiti naman si Rio. "Alam ko. Imposibleng maging kayo, pero ang hindi ko lang alam ay kung paanong nasa CISA team ka?"   "Base kasi sa itsura mo, ay hindi ko makitang naglalaro ka ng basketball. Nakakatawa talaga ang team ninyo. Ang winless team," dagdag pa nito.   "Sinamahan pa talaga ng isang player na kagaya mo." Natawa pa nang bahagya si Rio na nagpayuko naman kay Ricky.   Alam naman ni Ricky sa sarili niyang hindi siya magaling. Aminado rin siya na pagdating sa basketball ay mas lalong wala siyang ibubuga kumpara sa mga nasa player na nasa loob ng court na ito.   "Ricky, bola!" bulalas ni Cortez na ipinasa na pala sa kanya ang bola.   Nasambot naman iyon ni Ricky at doon ay mas kinabahan nga siya lalo. Alam niyang kaya niyang mag-dribble ngunit nang hinarap na niya si Rio ay biglang nawala ang bola sa kanyang kamay.   Napangisi si Rio at umatras matapos makuha ang bola. Si Ricky naman ay awtomatikong napatingin sa bagay na nakuha nito. Pinilit niya iyong ma-steal ngunit nang malapit na ang kamay niya rito ay bigla itong naglaho na naging dahilan upang mapadapa siya sa court. Dahil din doon kaya naiwanan siya ni Rio. Napatakbo nga kaagad ang team CISA para dumipensa ngunit wala silang nagawa dahil naka-score na uli ang SW dahil kay Umali.   Nagkagalos kaagad ang pisngi ni Ricky dahil sa nangyari. Napatingin pa nga siya saglit sa mga manonood at parang nahiya siya dahil sa mga nangyari. Pakiramdam niya kasi ay may ilang pinagtawanan siya dahil doon.   "Nice try," wika pa ni Rio na nakuha pang tapikin ang kanyang balikat.   Nasa kanila na naman ang bola at si Ricky ay binabantayan pa rin ni Rio. Kahit hindi na iyon kailangan ay tila ginagawa pa rin ito ng binata para mas mapahiya siya.   Umatake na nga si Romero. Alam niyang siya lang aasahan ng team sa pagpuntos. Nakalusot nga siya sa defender ngunit bigla namang dumulas ang bola sa kanyang mga kamay, dahilan upang tumalsik ito palayo. Doon nga ay walang taga-CISA ang humabol dito na naging dahilan upang maging kampante na ang SW na kanila na ang possession ngunit... nabigla ang lahat nang may isang player ang biglang tumakbo at hinabol iyon.   Nahawakan niya ang bola ngunit dumulas iyon mula sa kanyang mga kamay. Kasunod nga noon ay dumiretso siya papunta sa mga ilang nanonood sa gilid.   Napangiwi nga si Ricky dahil sa sakit na nakuha sa kanyang pagbagsak. Nang sandaling papalabas na kasi ang bola ay naalala niya kung bakit ba siya sumali sa team. Ang dahilan kung bakit nagbaka-sakali siya.   "Hindi ako mapapansin ni Mika kung ganito lang ako," wika niya sa sarili. Ngunit tila mas lalo lang siyang napahiya dahil doon.   May ilan ngang natawa sa kanyang ginawa.   "Bayani si number 3."   "Kung ako sa kanya hindi na ako magpapakapagod pa. Kitang-kita na namang talo team nila e."   "Practice game lang ito dude... papasakitin mo lang katawan mo. Isa pa, tambak na ang team ninyo."   May mga ilang pagtawa pa nga siyang narinig matapos iyon. Mayroon ding ilang mga manonood na hindi naka-appreciate sa ginawa niyang iyon at may nasabing hindi maganda sa kanyang ginawa.   Pakiramdam tuloy ni Ricky ay tama nga yatang hindi na lang niya ginawa iyon. Dapat daw yata ay gawin na lang niya kung ano lang ang abot ng kanyang kakayahan. Wala naman kasi siyang talento sa game na ito... kaya wala siyang ibubuga, ngunit biglang may nagsalita mula sa kanyang likuran matapos siyang makabangon.   "Ricky, ang galing ng ginawa mong iyon. Sayang at dumulas ang bola!"   Isang tapik din sa kanyang balikat ang naramdaman niya. Isa pa ang boses na iyon, kilala niya kung kanino ito... Nilingon niya nga ang pinanggalingan noon at doon ay bumungad sa kanya ang isang naka-cap at shades na babae. Naka-black jacket din ito.   "A-andr---"   "Shhhh! Quiet! Kilala ako rito. 'Wag kang maingay," wika ng dalaga na nangingiti na nga lang.   "B-bakit ka nandito?" tanong ni Ricky at ngumiti ang mapulang labi ni Andrea.   "Obvious ba? Gusto ko kasing makitang maglaro ang ipinili ko ng sapatos sa ukayan." May halo pang kaunting tawa iyon mula sa dalaga.   Napangiti tuloy bigla si Ricky nang marinig iyon at napatingin din siya sa suot niyang sapatos. Ang sapatos na itinawad pa ni Andrea ng presyo. Napangiti na naman nga siya sa harapan ng dalaga. Ang hindi nga alam ni Ricky, nang mga sandaling iyon, ang kanyang kaba ay tila naglaho nang bahagya.   "Tandaan mo! Ang depensa! Hayaan mong tawanan ka nila. Hayaan mo lang sila..." masiglang sinabi ng dalaga na nakataas ang kanang kamay at nakakuyom sa may dibdib nito.   "Nandito ako para suportahan ang laro mo. Ipakita mo ang kaya mo! Ricky!" Nag-thumbs-up pa si Andrea sa binata at napangiti lalo si Ricky.   "Thank you," wika ni Ricky na napa-thumbs-up na rin nga.   Pagkatapos noon ay bumalik na si Ricky sa game. Dinepensahan na niya si Rio na nakangisi na naman sa kanya.   "Ipasa n'yo sa akin ang bola!" malakas na sabi ni Rio at naghiyawan kaagad ang mga supporters nito.   "Siguradong score ito!" kampante pa nitong sinabi.   Isang malakas na tunog ng bola nga ang umalingawngaw sa court nang saluhin na ni Rio ang bola. Doon ay humarap siya kay Ricky at nag-dribble nang mabilis. Isang mabilis na pagtakbo rin pakaliwa ang kanyang ginawa at sinabayan naman siya ng kanyang bantay.   Dalawang mabilis na pagpapatalbog ng bola sa pagitan ng binti ang isinunod na ginawa ni Rio rito. Si Ricky nga ay na-out-balance dahil sa biglaang paghinto niyang iyon.   Napaupo si Ricky sa harapan ni Rio na nagpa-wow sa lahat. Isa iyong ankle-breaker!   Doon ay tumingin pa si Rio rito at ngumisi kay Ricky. Pagkatapos noon ay pinagmasdan niya ang basket at kampante niyang binitawan ang isang jumpshot. Subalit isang malakas na tapik ang naramdaman niya nang hindi inaasahan. Tumapon nga palayo ang bola mula sa mga palad niya.   Naglaho nga ang bola na nagpagulat sa mga manonood. Nabigla na rin lang si Rio nang makitang hinahabol na ni Ricky ang tumalbog palayo na bola.   Seryosong kinuha ni Ricky ang bola bago pa man ito lumabas ng linya. Hindi rin nga siya makapaniwalang maabutan pa niya ang gagawin ni Rio gayong napaupo nga siya kanina. Laking pasasalamat nga niya sa halos araw-araw na kanyang pagtakbo. Tila bumilis ang kanyang binti dahil dito.   Nang mahawakan nga niya ang bola ay naalala niya ang pakiramdam na naramdaman niya dati sa try-out. Buong-lakas nga niyang ibinato sa side nila ang bola na nagpabalik sa reyalidad sa paligid matapos ang isang hindi inaasahang steal mula kay Ricky Mendez.   Tumunog bigla ang silbato ng ref.   "Out of bounds! SW possession!"   Napatawa nga ang ilan sa mga manonood sa ginawa ni Ricky. Ipinasa kasi niya sa hangin ang bola at nasayang ang kanyang ginawang paghabol dito. Pakiramdam niya kasi kanina ay may sasambot ng bola katulad noong try-out ngunit wala. Wala siyang kakampi na tumakbo para rito kaya bumalik sa kalaban ang possession.   Nang mga oras na iyon, bigla namang napatayo si Kier Cunanan na nasa bench ng CISA.   "Coach, gusto ko pong ipasok ninyo uli ako!"   Nabigla si Coach Erik nang marinig iyon mula kay Cunanan. Akala kasi niya ay may iniinadang sakit ito sa binti.   "Pero Kier... Hindi ba't..."   Ngumisi si Cunanan habang nakatingin kay Coach at pagkatapos ay napatingin ito sa player na si Ricky.   "Okay na ako Coach," seryosong sinabi ni Cunanan.   "Sa wakas, may isang player na sa team na ito ang may ibubuga," winika pa ni Cunanan sa sarili na sinimulan na muling mag-warm-up.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD