Bola 7

2360 Words
NANG araw na iyon, bago ang pagbili ni Ricky ng sapatos ay sinabi ni Coach Erik sa team na sa darating na Sabado ay magkakaroon sila ng isang practice game laban sa isang tertiary school sa Calapan. Ang Southwestern College! Isa itong paaralan na karamihan ng kurso ay may kinalaman sa maritime. Isa rin sila sa mga malalakas na school sa CBL.   "Kaya be ready team! Masaya akong inimbitahan tayo ng kanilang coach para sa practice match na ito. Preparation na rin ito para sa darating na liga," wika pa ng coach sa team niya.   Napatingin naman ang pagod na pagod at pawisang-pawisan na si Ricky sa mga kasama niya sa team. Napansin niya nga ang pagseryoso ni Romero. Ganoon din nga ang kanilang team captain na si Reynan Alfante.   "Naalala ko pa ang laro natin last year... walang makapigil kay Rio Umali," winika ng isa sa kasamahan nila habang umiinom ng tubig.   "Oo nga p're, hindi rin ako makapaniwala na makakagawa ng 60 points ang isang iyon... sa team pa natin," dagdag naman ng katabi nito.   Narinig ni Ricky ang mahinang kwentuhan ng dalawa niyang teamates na wala sa starting 5.   "60 points? Mukhang magaling nga ang ex ng ate ni Andrei," wika naman ng binata sa sarili.   Napansin din nga ni Ricky na tila natuwa naman si Kier Cunanan nang malaman ang practice game na iyon.   "Rio Umali... sa wakas, makakalaban na rin kita nang maayos." Nangingisi na lang si Cunanan habang pasimpleng tinitingnan ni Ricky. Napalunok tuloy ng laway si Mendez at may kaunting kabang naramdaman. May naramdaman din nnga siyang excitement sa magiging laro. Mapapalaban daw kaagad siya sa totoong laro.   Manonood kaya si Mika? Makakapaglaro kaya ako?   Simula nang makasali si Ricky sa team ay ni minsan ay hindi pa siya nakapaglaro ng basketball kasama ang teamates niya. Palagi kasi siyang pinapatakbo, pinapatalon at kung ano-ano pa na mga nakakapagod na bagay ang kanyang ginagawa tuwing practice. Hindi naman siya makapagreklamo dahil iyon ang pinapagawa sa kanya ng kanilang coach.   "Ricky! Gusto kong magkaroon ka ng stamina sa game... pasensya ka na dahil iyan ang gusto kong ipagawa sa iyo... May bagay lang kasi akong gustong subukan." Ito ang sinabi ni Coach Erik sa kanya bago gawin ang mga bagay na iyon.   Napapaisip na lang si Ricky sa mga sinabing iyon ni Coach Erik sa kanya. Sa mga araw nga na nagdaan ay tila nga nakapag-adjust na ang kanyang katawan sa araw-araw na routine na ito tuwing magpa-practice sila. Kapag umaga ay madalas na rin siyang nagja-jogging pagkagising pa lamang.   Kaso, sa ilang araw na niya sa team, sa kasamaang-palad ay wala pa siyang nagiging kaibigan sa mga kanyang kakampi. Nahihiya naman siyang mag-approach lalo na't tila iba ang dating ng mga ka-team niya kumpara sa kanya.   "Mga basketball players talaga ang mga ito..."   "Naglalaro sila dahil gusto nila ang larong ito."   Napapaisip na lang nga si Ricky kung gusto niya rin ba ang sports na ito? At kagaya ng madalas niyang iniisip. Ang tunay na rason niya lang kaya sumali sa school varsity...   Para kay Mika!   KAHIT na madalas maging busy si Ricky sa pagiging isang varsity player, nakakahanga pa rin ang abilidad nito na mag-aral. Nagagawa pa rin kasi niyang manguna sa klase. Hindi pa rin niya napabayaan ang kanyang mga minor at major subjects.   "P're, hanga na talaga kami sa iyo, biruin mo... Nasa varsity ka... tapos, hindi mo napapabayaan ang pag-aaral?" papuri ni Andrei sa kanya. Kasalukuyan nga silang nasa cafeteria at nagmemeryenda nang oras na iyon.   "Oo nga pare, iyong iba nga, hindi na pumapasok sa klase nila. Reasons nila, kailangan nilang mag-practice," dagdag naman ni Roland matapos uminom ng softdrinks.   "Kasi nga mga p're, iba itong si Ricky! Kaya sa Sabado! Manonood kami... pupunta kami ng Southwestern College!" wika naman ni Mike na ngumunguya pa ng biniling tinapay.   Napangiti na lang si Ricky sa kanyang mga kaibigan dahil sa mga pinagsasasabi ng mga ito. Hindi niya malaman kung gusto ba ng mga ito na suportahan siya o gustong lang nilang makitang mabangko siya sa buong game.   "Magdadala kami p're ng pampaingay!" wika pa ni Roland at napapigil sa tawa ang tatlo.   "Iche-cheer ka namin p're! Mukhang magiging mainit ka sa bench," dagdag pa ni Mike at napatawa na lang sila.   "Hindi naman ako aasang makakalaro sa larong iyon p're... Practice game lang pati iyon," ani Ricky matapos buksan ang biniling junk food. Inalok pa nga niya ang tatlo para kumuha rito.   Nang mga sandaling iyon, bigla na lamang napatitig si Ricky sa isang babaeng papadaan sa tapat nila. Kasama ng dalagang ito ang kanyang mga kaibigan.   "Manonood ako ng practice game ng CISA this coming Saturday. Gusto kong suportahan ang school natin," wika ng isang dalagang pinagtitinginan ng ilang kumakaing estudyante sa loob.   "Sasamahan ka namin friend... kahit alam na natin ang results..." pabirong wika naman ng isa sa mga kasama nito.   "M-mika..." Iyon na lang ang nasambit ni Ricky. Sa hindi nga inaasahang pagkakataon, biglang nagtagpo ang mga mata nila.   Ngumiti nga kaagad si Mika nang makita si Ricky. Nakita agad iyon ng kanyang mga kaibigan at pasimpleng nginitian ito.   "Naks... destiny!" biro ni Roland at si Ricky ay biglang nahiya dahil doon. Napangiti naman ang mga kaibigan ni Mika dahil sa reaksyong nilang iyon.   "Ricky! Goodluck sa game ninyo this coming Saturday!" wika ni Mika na nakangiti sa binata.   Napainom naman muna ng softdrinks si Ricky bago siya sumagot. Ramdam niya ang kaba nang banggitin ng dalaga ang pangalan niya ngunit kailangan niyang sumagot dito.   "S-salamat..." Pakiramdam ni Ricky ay matutunaw siya sa pagtingin sa ngiti ng dalaga. Nanlalambot siya at ang lakas pa ng kabog ng dibdib niya nang mga sandaling iyon.   "I'll be watching the game! So, see you there! Sana manalo kayo." Batid na rin naman ni Mika ang magiging resulta pero gusto niyang maging positive sa larong mangyayari.   "O-oo! Gagalingan namin... Gagalingan kong maglaro!" wika ni Ricky na may halong kaunting confidence. Kompyansa ito na idinulot ng simpleng ngiti mula sa dalaga.   "Tama iyan Ricky! Ipakita mo ang game na ginawa mo noong try-out!" sinabi pa ng dalaga.   Pagkatapos noon ay naglakad na sina Mika para bumili ng pagkain. Si Ricky, hinabol na lang sa tingin ang dalaga hanggang makalayo ito.   "Naks p're, manonood si Mika sa Sabado!" wika ni Andrei na binunggo pa ng balikat si Ricky na ngiting-ngiti dahil sa mga nangyari.   "Inspiration! Kailangan mo p'reng makalaro niyan. Manonood ang crush mo... Para mapansin ka," wika naman ni Roland.   Si Ricky naman ay napa-daydream na lang. Nai-imagine niya na naglalaro siya habang nagchi-cheer sa kanya si Mika.   "Galingan mo Ricky! Go! Go! Go!"   Napangiti na lang siya at ganoon din ang tatlo niyang kasama.   "Ini-imagine mo na kaagad ano?" wika ni Andrei na inakbayan pa si Ricky.   "H-hindi ah! Asa pa p're!" pagtanggi kaagad ni Ricky kahit totoo ang sinabi ni Andrei sa kanya.   *****   DUMATING na nga ang araw ng Sabado, ang araw ng kanilang practice game. Halos hindi nga makatulog si Ricky noong gabi bago ang araw na ito. Isa pa, nakangiti niyang pinagmamasdan ang jersey na ibinigay sa kanya ng kanyang koponan. May numero ng tres, at Mendez na apelyido ang makikita sa likod nito!   "Mendez, for the win!"   Tila may hawak na bola si Ricky habang nasa loob siya ng kanyang kwarto na kasalukuyan nang suot-suot ang kanyang jersey. Bumitaw siya ng isang jumpshot sa hangin. Nakangiti pa nga siya habang iniisip niya ang bola na pumasok sa ring.   "CISA wins! 93-92."   Naipasok niya sa kanyang imagination ang isang buzzer-beater 3-point shot. Kasunod noon ay ang tatlong katok mula sa pinto ng kanyang kwarto ang nagpabalik sa reyalidad kay Ricky.   "Anak! Hindi ka pa ba aalis? Baka mahuli ka sa game?" Ang nanay niya iyon. Ang kanyang ina na hindi makapaniwalang ang kanyang anak ay naging varsity player ng basketball team ng CISA.   "Paalis na nga po nay..." Natatawa na lang si Ricky dahil doon, at agad na kinuha ang bag niyang may lamang mga towels, pamalit at tubig. Sandali pa nga muna niyang pinagmasdan ang sarili sa salamin. Red jersey na may black sa gilid at may logo ng CISA Team Logo. Isang bola na may umaapoy na kamay!   CISA Flamers!   Sa jeep pa nga lang ay parang may kung anong kaba ang mabilis na lumalaki sa dibdib ni Ricky. Ni hindi na niya napansin ang pag-andar ng jeep na sinasakyan nila. Maging ang kanyang mga kasama ay pakiramdam niya’y hindi niya kasama.   Kung gaano kalaki ang kompyansang baon ng binata, ay ganito na rin kalaki ang kaba sa katawan niya habang umaandar ang kanilang sinasakyan. Ang kompyansang ito ay inipon niya mula sa ngiti ni Mika, at lahat iyon ay naglaho na parang bula habang papalapit sila nang papalapit sa school na kanilang pupuntahan.   "Nandito na tayo team!" wika ni Coach sa kanyang mga players. Bago pa man sila bumaba ay nagbigay muna sila ng kaunting panalangin.   "Team, alam kong practice game lang ito... pero gusto kong ipakita ninyo ang inyong galing sa paglalaro..."   "Gusto kong manalo kayo! Gusto kong makatikim tayo ng panalo!" seryosong wika ni Coach at pinagmasdan ang kanyang koponan.   "Coach... gustong-gusto naming manalo. Kaya kahit practice game lang ito... pipilitin naming manalo!" seryoso namang sambit ni Reynan at tila nag-iba ang aura ng team. Tila nabalot ang mga ito ng mataas na kompyansa matapos ang sinabing iyon ng kanilang team captain.   "Tayo na team!" malakas na wika ni Reynan at nagbababaan na sila mula sa sasakyan. Pinasok na nga nila ang Southwestern College. Sinalubong naman kaagad sila ng coach ng makakalabang team na si Coach Nate.   "Coach Erik! Salamat at tinanggap ng team ninyo ang invitation namin," wika ni Coach Nate sa pagsalubong niya sa coach ng CISA. Halos kaedad ito ni Coach Erik at bigotilyo ito habang nakasuot ng dilaw na shirt at jogging pants.   Binati rin muna ng team si Coach Nate ng isang magandang umaga.   "Matatanggihan ba kita p're?" sabi naman ni Coach Erik na nakangiting kinamayan si Nate. Ang totoo kasi, magkaklase dati ang mga ito nang sila'y nag-aaral. Hindi lang iyon, magkaibigan rin ang dalawa hanggang ngayon.   Pagkatapos noon ay naglakad na nga sila papunta sa court. Pagkapasok nila ay tila nabigla ang team ng CISA dahil sinalubong sila ng hiyawan mula sa mga nanonood. Halos lahat ng mga naroon ay nakadilaw.   "A-ang daming taga-Southwestern ang nanonood." Napalunok na lang ng laway si Ricky habang buhat-buhat ang asul na water container nila. Dumiretso nga agad sila sa bench at pagkatapos noon ay kanya-kanyang warm-up na ang magkabilang team.   Naririnig nila ang ingay sa paligid. Practice game pa lang ito pero ganito na kaagad kalakas ang suporta ng mga mag-aaral dito. Ito ang tinatawag na homecourt advantage!   Napalunok na nga lang ng laway si Ricky dahil sa atmospera sa loob dahil sa dami ng manonood.   "P're! Galingan mo!" Narinig na lang nga bigla ng binata ang mga pamilyar na boses na iyon mula sa likuran ng bench nila. Naroon pala sina Andrei, ang mga kaibigan niya para manood ng game.   Napangiti na lang siya nang hindi inaasahan, dahil atleast, may tatlong hindi sisigaw para sa kanilang koponan.   "Do your best! Ricky!" Mula nga sa tabi ng mga iyon ay natulala na lang ang binata. Si Mika! Kinakawayan siya nito habang nakangiti.   May kung anong pana tuloy ang kaagad na tumama sa puso niya nang marinig iyon. Ch-in-eer siya ni Mika! Nabawasan tuloy ng bahagya ang kaba niya dahil doon.   Ngumiti na lang si Ricky sa mga iyon at nagpasalamat. Nang mga sandaling iyon, bigla na lang ding naghiyawan ang karamihan sa mga nanonood. Kasunod noon ay ang pagtalbog ng bola sa kabilang side. Isa ngang player ng Southwestern ang tumatakbo patungo sa court nila. Dina-drive nito ang bola at tila naghahamon na depensahan siya.   "Go Rio! Go Rio!" sigaw ng karamihan.   Naaalala naman kaagad ni Ricky kung sino iyon. Doon ay mabilis na nagsitabihan ang mga kasama niya sa team, ngunit naiwan sa ilalim sina Cunanan, Alfante at Romero.   "Hinahamon mo ba kami?" winika ni Romero at tumakbo ito upang depensahan si Rio. Ngunit bago pa man siya makadikit ay nilampasan lang siya ng bola. Naglaho na lang iyon sa kanyang harapan. Pinadaan kasi ni Rio sa pagitan ng hita ni Romero ang bola. Tumakbo ito para sundan iyon, dahilan upang maiwan siya na siyang ikinaingay ng mga manonood. Ang bilis ng pangyayaring iyon at si Cunanan naman ang tumakbo para pigilan ang nagpapakitang gilas na kalaban.   Isang maliksing dribbling patungo sa kaliwa ang ipinamalas ni Rio, na agad niyang sinundan ng mabilis na pagkanan. Sumunod doon si Cunanan na nakangisi pa. Ngunit ang bilis ng kamay ni Rio, at ibinali nito ng talbog ang bola pakaliwa. Hindi na nga nakasabay ang katawan ni Cunanan doon. Ang bilis ng dribbling! Isang smooth crossover iyon! Nilampasan ni Rio ang ikalawang defender nito habang nakangisi. Naiwan na nga si Cunanan kaya tumigil na sa ilalim ng basket si Alfante.   Tumalon na si Rio para sa isang lay-up gamit ang kaliwang kamay nito. Si Alfante naman ay napangisi nang makita iyon. Malakas kasi ang kompyansa niyang mapipigilan ang gagawin nito.   Doon ay tumalon na si Alfante upang i-block ito. Nasa kamay na niya ang bola, subalit bigla iyong naglaho nang hindi niya inaasahan. Ang bilis ng kamay ni Rio, nailipat niya kaagad sa kanang kamay ang bola at pagkatapos ay idineretso sa kaliwa ng kanyang defender habang nasa ere.   Malumanay na ini-lay-up ang bola at umiikot na umangat iyon. Tumama muna iyon sa board bago dumiretso sa mismong butas ng ring. Isang napakagandang tunog nga ng net ang narinig matapos dumaan ang bola rito. Kasunod din niyon ay ang paglapag ng dalawa sa court.   Isang nakakabinging hiyawan nga rin ang ibinigay ng karamihan matapos iyon. Isang nakakamanghang lay-up ang ipinasok ni Rio na naging dahilan upang magwala ang mga supporters nito!   "Alam n'yo na ang resulta ng larong ito," wika ni Rio kay Alfante bago maglakad pabalik sa bench nila. Naiwan ang tatlong dumipensa rito na bahagyang nainis dahil tila ipinahiya sila nito. Ngunit bago pa man si Rio makabalik sa kanyang mga kasamahan ay isang pamilyar na mukha ang hindi niya inaasahang makikita sa bench ng CISA.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD