One week later...
KABADONG NAKATAYO si Kan sa labas ng Clark County sa Las Vegas. Hinihintay niya ang kaniyang magiging groom para sabay silang kumuha ng marriage license. Wala siyang ideya sa hitsura nito. Pero kasama nitong pupunta roon ang empleyado nito at kaibigan niyang si Ogie.
Sa araw na iyon din, kapag nakakuha na sila ng marriage license ay ikakasal na si Kan sa lalaking hindi man lang niya kilala. Ni sa hinagap ay hindi inakala ng dalaga na mapapasubo siya nang ganoon.
Ngunit iyon na lang ang tanging paraan para mabigyan ng solusyon ang malaking problema na kinakaharap ngayon ng kanilang pamilya. Noong isang araw lang ay umiiyak na tumawag sa kaniya ang ina na nasa Pilipinas...
"Anak, ang Tatay mo!"
Napahinto sa paghigop ng kape si Kan nang sagutin niya ang tawag ng ina at bumungad sa kaniya ang humahagulhol na boses nito. "B-bakit ho, 'Nay? Ano ang nangyari kay Tatay?"
"Nakulong siya, Anak!"
"H-ho?" Gulat na gulat na napatayo ang dalaga sa narinig. Muntik pa siyang matapunan ng kape. "Pero paano? At ano ho ang kasalanan niya?"
"Matagal na palang nagsasabong at pumupusta sa horse racing ang Tatay mo, Anak. Hindi lang niya sinasabi sa'tin," pagkukuwento ng ina habang umiiyak. "Kahapon ko lang nalaman na baon na pala siya sa utang. Pati ang jeep at palayan natin sa Laguna ay naisangla na rin niya kay Simon. Kapag hindi raw niya naibalik ang perang nautang niya, tuluyan na siyang ipapakulong nito. At kukunin pa ang jeep at palayan natin. Isang linggong palugit lang ang ibinigay niya sa'tin."
Napanganga si Kan. Ang jeepney na sinasabi ng ina ay regalo pa niya sa kaniyang ama noong bago pa lang siya rito sa Las Vegas. Isa iyon sa main source of income nila na ito mismo ang nagmamaneho. Hindi naman sana ganoon ka-big deal kay Kan kung maging kapalit man iyon ng kalayaan ng Tatay niya. Tatanggapin niya iyon kahit masama ang kaniyang loob. Pero ang malawak na palayan nila sa Laguna ay pamana pa ng mga ninuno ng kaniyang Tatay. Kabilin-bilinan noon ng kaniyang yumaong Lolo na huwag iyong ibenta kahit na ano man ang mangyari. At ganoon din ang sabi ng ama ni Kan.
Kaya nga hindi siya makapaniwala na nagawa nitong ipusta iyon sa sugal. At kailan pa natutong sumugal ang Tatay niyang ubod ng bait?
"Naengganyo siya ng mga kaibigan niyang sugarol Anak," dagdag paliwanag pa ng kaniyang ina mula sa kabilang linya. Walang tigil ang paghagulhol nito kaya awang-awa na siya. "Nagulat nga rin ako. Lalo na nang malaman ko na nasa limang milyon na pala ang kailangan niyang bayaran kay Simon."
Lalong lumuwa ang mga mata ni Kan. "Limang milyon ho? My God! Saan naman natin kukunin ang gano'n kalaking halaga, 'Nay?" Tensiyonadong napasapo siya sa kaniyang noo. "At kay Simon pa talaga siya umutang. Eh, kilala naman niya kung gaano iyon katuso at kalupit." Isang milyonaryong negosyante sa lugar nila ang tinutukoy niya.
"Iyon na nga ang pinoproblema ko, Anak, eh. Siguradong hindi talaga siya palalayain sa kulungan ng Simon na iyon." Lumakas ang pag-iyak ng ina. "Kawawa ang Tatay mo kapag nagkataon. Fifty three years old na siya at diabetic pa. Tapos mawawala pa sa'tin ang jeep at palayan. Baka multuhin siya ng lolo mo kapag nawala iyon sa'tin."
Hindi naman naniniwala sa multo si Kan. Pero nangako silang mag-ama sa Lolo niya noon na hindi nila hahayaan na mawala iyon sa kanila kahit na ano man ang mangyari. Hindi rin kakayanin ng dalaga na makulong pa ang amang may-edad na at may sakit pa.
Pero saan naman niya hahagilapin ang limang milyon?
Medyo malaki nga ang sahod niya sa Las Vegas. Pero sapat lang iyon sa mga pangangailangan nila. Tatlong kapatid pa niya ang nasa college na siya rin ang nagpapaaral. Nursing ang kurso ni Annie na sumunod sa kaniya, Tourism ang kay Sheila, at Architecture naman ang sa bunso nilang si Harvey. Parehong mamahalin. Halos sa pag-aaral lang ng mga kapatid napunta ang tatlong taon na sahod niya sa Las Vegas.
"Parang awa mo na, Anak... Tulungan mo ang Tatay mo. Baka kung mapaano pa siya sa kulungan. Hindi ko iyon kakayanin."
Nadagdagan ang pag-aalalang naramdaman ni Kan. Mahina ang loob ng Nanay niya. Hindi nito kayang mag-handle ng stress at problema. Noong kabataan nga nito ay ilang beses na itong nag-suicide pero naagapan lang. Bukod doon ay mahina rin ang puso nito. Kaya nga hindi ito pinagtrabaho ng kanilang ama simula nang mag-asawa ang dalawa.
Natatakot si Kan na baka kapag hindi niya nagawan ng paraan ang problema ng ama, baka tuluyan na itong makulong at mawalan pa sila ng ina.
Hindi niya iyon papayagan na mangyari.
"Huwag na po kayong umiyak, 'Nay," pag-aalo ni Kan sa ina. "Pangako, gagawan ko ho ito ng paraan. Ako na ang bahala. Hindi po makukulong nang matagal si Tatay. At hindi mawawala sa'tin ang palayan, kahit pa ang jeep."
"Talaga, Anak?" bulalas ng ina. Bahagyang tumigil ito sa pag-iyak at tila nabuhayan ng pag-asa ang boses.
"Opo, 'Nay. Hindi ko papayagan na mangyari ito sa pamilya natin," patuloy na pangungunbinse ni Kan sa ina kahit ang totoo ay hindi rin niya alam ang gagawin.
Palagi namang ganoon si Kan. Pagdating sa pamilya niya ay hindi siya marunong humindi. Hindi siya nakakaramdam ng pagod. Pati ang pangarap niyang maging isang chef sa Las Vegas ay alay niya sa mga ito. Iyon din kasi ang pangarap ng mga magulang niya para sa kaniya. Kaya nga hindi na siya nagdalawang isip noon na pumunta rito nang kunin siya ng tiyahin niya para maging crew sa restaurant nito. Dahil naniniwala ang dalaga na stepping stone niya iyon para sa nasabing pangarap.
"Kung gano'n, maraming salamat, Anak. Napakasuwerte namin at ibinigay ka sa'min ng Diyos. Mahal na mahal ka namin."
Sa gitna ng problema ay napangiti ang dalaga. Sapat na sa kaniya ang mga ganoong salita mula sa kaniyang pamilya para hindi siya magsawang tumulong sa mga ito.
"Mahal na mahal ko rin po kayong lahat, Nanay. Huwag na kayong mag-alala. Mabait ang Diyos. Hindi niya tayo pababayaan."
"Nandito na pala siya, Sir..."
Napahinto sa pagbabalik-tanaw si Kan nang marinig ang boses ni Ogie na sumulpot sa likuran niya. Kaagad niya itong nilingon. "Bakit ang tagal n'yo?" sita niya sa kaibigang bakla.
"Maaga ka lang. Hindi ka naman excited na maikasal sa boss ko?" anito sa himig nanunudyo at sabay lingon sa right side nito habang nakanguso.
Humayon ang tingin ni Kan sa lalaking ininguso ni Ogie. Nakasuot ito ng itim na American suit at nakapamulsa. Nakatalikod ito sa kanila kaya hindi niya makita ang mukha.
Pero pamilyar kay Kan ang likod at tindig nito. Sumikdo ang dibdib niya ng isang mukha ang bigla na lang pumasok sa isip niya. At bago pa man niya mabanggit ang pangalan nito ay pumihit na ito paharap sa kaniya.
Her eyes widened nang sa wakas ay nakilala niya ang kaniyang magiging groom. "Ikaw?!"
"Ako nga," nakangisi at kalmadong sagot ni Nicolas. Parang hindi man lang ito nagulat nang makita siya.
"KAN, saan ka pupunta?" habol ni Ogie sa kaniya nang bigla siyang mag-walk out pagkatapos niyang malaman na si Nicolas Gonzales pala ang sinasabi nitong boss at siyang mapapangasawa niya.
"Uuwi na ako ng Pinas, Ogie. Hindi ko kayang magpakasal sa taong ubod ng babaero!"
Nakapamaywang na hinarangan ni Ogie ang daraanan niya. "Sige, umalis ka. Umuwi ka. Pero paano ang problema sa family mo? Hahayaan mo ba na makulong ang Tatay mo? Na magdusa ang Nanay mo? Na mawala sa inyo ang jeep at palayan n'yo?" Tinaasan siya nito ng kilay. "O baka naman may naiisip ka pang puwedeng magbigay sa'yo ng limang milyon bukod kay Sir Nicolas?"
Natigilan si Kan. Nang maalala ang problema, pakiramdam niya ay bigla siyang nanlambot. Dalawang araw na lang ang natitira sa palugit na ibinigay sa kanila ni Simon. At sa ganoon kaiksing panahon, magkakaroon pa ba siya ng limang milyon?
"Bakit kasi hindi mo agad sinabi sa'kin na si Nicolas pala ang boss mo at gustong asawahin ako?" panunumbat niya sa kaibigan. "Alam mo naman na asar ako sa kaniya at sa mga katulad niya."
"Dahil alam ko na hindi ka papayag. Gusto ko lang talaga na makatulong sa'yo..." katuwiran nito.
Napakagat-labi si Kan. Paano nga ba siya humantong sa sitwasyon na iyon?
"GOOD NEWS, Kan. May kilala na akong puwedeng tumulong sa problema mo," masayang pagbabalita sa kaniya ni Ogie nang magkita sila nito pagkalabas niya sa restaurant.
Kaklase niya ito simula pa lang noong high school sila at sabay din silang pumunta sa Las Vegas. Advisor sa isang financial company ang trabaho nito.
"Talaga?" natutuwang tanong niya kay Ogie. "Sino? At ano ang kapalit?" Alam ni Kan na given na iyon. Na kapag malaking halaga ay natural na may kapalit. Sa panahon ngayon, parang imposible nang makatagpo ng tao na magbibigay nang ganoong pera tapos libre pa.
"Iyong isang boss ko ay humingi ng tulong sa'kin. Baka raw may kakilala ako na puwedeng maging temporary wife niya."
Kumunot ang noo ni Kan. "Temporary wife?"
Tumango-tango si Ogie. "You heard it right. Temporary wife dahil after one or two weeks ay magdi-divorce din agad kayo. Kailangan niya lang daw kasi ng asawa na maihaharap sa pamilya ng babaeng gustong pumikot sa kaniya. At kapag tinantanan na siya ng babaeng iyon, puwede na kayong maghiwalay. Siya na raw ang bahala sa lahat-lahat ng mga kailangan, pati na sa pag-process ng divorce n'yo. All you have to do is prepare your basic requirements and simply show up at Clark County to fill out the license application. And that same day, pagkakuha n'yo ng marriage license ay puwede na kayong magpakasal. And don't worry, ibibigay niya ang half p*****t before the wedding."
"Ganoon lang kasimple?" parang hindi makapaniwala na tanong uli niya kay Ogie.
"As simple as that." Nakataas ang kilay na tumango ito. "After the wedding ay magsasama daw muna kayo mga isa or dalawang linggo para maging makatotohan sa paningin ng babae. At huwag ka ring mag-alala dahil nangako naman si Boss na walang mangyayari na labag sa kalooban mo habang magkasama kayo."
Isa iyon sa importante at gustong marinig ni Kan. "Pero bakit kailangan pa niyang magbayad nang gano'n kalaki? Gaano ba kapangit iyang boss mo at hindi siya nakahanap ng babae na librenng magbibigay niyon sa kaniya?"
Hindi kumibo si Ogie at inirapan lang siya nito. "Huwag na nating problemahin iyon. Ang importante ay malutas natin ang problema mo. Ano, deal or no deal?"
Kan bit her lower lip. "Parang hindi ko kaya, Ogie. Para ko na ring ibinenta niyon ang sarili ko para magkapera. Alam mo na hindi ako ganoon..."
"Sira!" Tinampal siya nito sa kamay. "Ako na mismo ang mangangako sa'yo na hindi mako-compromise ang pagkab*b*e mo. May tiwala ako sa boss ko. May isang salita iyon."
Umiling-iling si Kan. Parang hindi talaga kakayanin ng loob niya ang magkapera sa ganoong paraan. Kaya lang, kung tatanggihan naman niya, sayang din ang pitong milyon. Kapag pinalagpas niya iyon, baka hindi na niya masolusyunan ang problema ng pamilya nila.
Pero kakayanin ba niyang maging asawa sa loob ng isa o dalawang linggo ang lalaking hindi naman niya kilala? Paano kung pangit pala ito at masama ang ugali? Makakatagal kaya siya sa piling nito?
At bakit hindi? Kung para naman iyon sa pamilya mo. sabat ng kaniyang isip. Tandaan mo, Kan. Nangako ka sa ina mo na ikaw ang bahala sa lahat.
"Ano na?" untag sa kaniya ni Ogie. "Magdesisyon ka na ngayon. Dahil urgent ito. Kapag nainip si Boss, baka maghanap siya ng iba. Sayang ang pitong milyon, bakla."
"Sige, deal," mabilis pa sa alas kuwatro na sagot ni Kan. Urgent din naman ang problema niya.
Sa sobrang urgent, nakalimutan nang itanong ni Kan kay Ogie ang pangalan ng mapapangasawa niya.
"Ano na? Itutuloy mo ba ang pagpapakasal kay Sir Nicolas o good bye seven million na?"
Bumalik sa kasalukuyan ang isip ni Kan nang kalabitin siya ni Ogie. Napatitig siya rito. Ilang sandaling nag-isip muna ang dalaga bago bumuka ang bibig niya.