PAGBABA ng taxi ay natapilok si Kan nang may makita siyang isang pamilyar na lalaki na papunta sa gawi niya. Mukhang papasok din ito sa restaurant na pinagtatrabahuan niya.
Kumunot ang noo niya at kinalkal sa kaniyang isipan ang pangalan nito. Oh, right. Naalala na niya kung sino ito.
Si Nicolas Gonzales.
Isa ito sa pinakaguwapong CEO at bilyonaryo sa buong mundo. Ilang beses na niya itong napanood sa television at nabasa sa mga magazine. Sa pagkakatanda niya ay sa Japan ito naninirahan dahil doon naka-base ang negosyo nito. Kaya lang, kung gaano ito kasikat sa kaguwapuhan at kayamanan ay kilala rin itong playboy.
Ano kaya ang ginagawa nito sa Las Vegas?
Napatigil si Nicolas nang makita siyang iika-ikang naglalakad. "Miss, are you okay?" tanong nito habang nagmamadaling lumapit sa kaniya. His voice was so husky. Kahit sa mga television, kapag ini-interview, ganoon na ganoon pa rin ang boses nito.
Umiling lang si Kan. Hindi siya nagsalita at umalis na. Humahanga lang siya sa estado nito sa buhay at sa pisikal na katangian. Ngunit ni minsan ay hindi niya nagustuhan ang pagiging playboy nito. Ganoong mga tipo ng lalaki ang inaayawan niya, ang iniiwasan niya.
Dahil mga ganitong uri ng lalaki ang nagwasak sa puso niya at rason kung bakit takot na siyang magmahal muli.
"ANO ang nangyari sa'yo?" tanong ng katrabaho ni Kan na si Thalia. Parehong dining crew sila sa Filipino restaurant na pag-aari ng kaniyang Auntie Vilma, second cousin ng Tatay niya.
"Natapilok ako pagbaba ko sa taxi. Pero mild lang naman," sagot ni Kan. Hinubad niya ang suot na winter jacket at inilagay iyon sa locker niya. Galing siya sa labas para sa fifteen minutes break niya.
Palinga-linga siya sa dining. May hinahanap ang mga mata niya. Pumasok kaya siya?
Ano naman ngayon kung pumasok man siya o hindi? sita agad ng kabilang parte ng isip niya. Akala ko ba hate mo ang tulad niya?
"Huwag mo pa rin masiyadong puwersahin at baka mamaga," nag-aalalang untag sa kaniya ni Thalia. "Kami na muna ni Karl ang bahala sa dining," crew at kapwa Filipino din nila ang tinutukoy nito. "Wala naman nang gaanong customer kapag ganitong closing time na."
"Hindi. Okay lang ako. Hindi naman gaanong masakit ang paa ko, eh," giit ni Kan at hindi na siya pinilit pa ni Thalia.
Hindi naman talaga malala ang pagkatapilok ni Kan kaya nagawa pa rin niya nang maayos ang kaniyang trabaho. Wala na rin gaanong customer ang dumating. Hinihintay na lang nila na sumapit ang alas diyes at magsasara na sila. Maagang umalis ang Auntie Vilma niya na siyang manager sa restaurant na iyon kaya ibinilin na lang nito kay Kan ang pagsasara niyon. Kailangan pa tuloy niyang hintayin na matapos ang lahat bago siya makauwi.
Mayamaya pa ay isa-isa nang nagpaalam ang mga kasamahang crew ni Kan. Nauna na rin si Thalia dahil nag-iiyak na raw ang anak nito. Si Karl ang pinakahuling lumapit sa kaniya para magpaalam.
Tumango siya rito. "Sige, mag-ingat ka."
"Salamat, Kan." Akmang lalabas na rin ito nang tila may maalala kaya biglang pumihit pabalik. "Oo nga pala. May customer pa tayo sa taas. Baka masaraduhan mo, ha."
Nabitin ang aktong paghikab ni Kan at kinunutan niya ng noo si Karl. "May customer pa tayo? Hindi ba't nakapagligpit na kayo sa itaas? Bakit hindi n'yo pinaalis?" sunod-sunod na saad niya rito.
Napakamot sa batok si Karl pero napansin niya na umiiwas ng tingin ito. "Kanina pa siya naroon. Halos sabay kayong dumating nang mag-break time ka. Hindi naman siya kumain. Natulog lang. Pero nahiya pa rin kami na gisingin at baka magalit. Mukhang mayaman, eh." Napatingin ito sa suot na relo. "Kung okay lang, puwede ba na ikaw na lang ang gumising sa kaniya? Kanina pa kasi naghihintay sa labas ang girlfriend ko."
Napabuntong-hininga na lang si Kan. "Ano pa nga ba ang magagawa ko? Eh, wala namang boyfriend na naghihintay sa'kin sa labas," pabirong sagot niya.
Ngumiti lang si Karl at lumabas na.
Nang makaalis si Karl ay napatingala sa hagdan si Kan. Napailing siya. Sinong customer naman kaya ang pumunta lang sa restaurant nila para matulog? Ano naman ang akala nito sa lugar na iyon? Hotel? Mukhang mayaman daw tapos sa restaurant lang nila natutulog?
Kahit tinatamad at inaantok na ay pinilit na lang ng dalaga ang sarili para umakyat sa itaas. Pagdating niya roon ay nakita niya ang customer na sinasabi ni Karl. Lalaki pala. At malaking tao base sa bulto ng katawan nito. Nakasubsob sa table ang mukha nito at mukhang tulog na tulog nga.
Akmang lalapitan na sana niya ito para gisingin nang biglang mag-ring ang cellphone niya. Hindi sana niya iyon sasagutin nang makitang "Luis" ang lumabas na pangalan sa screen. Isang Filipino-American suitor niya na saksakan ng babaero. Ilang beses na niya itong binasted pero nangungulit pa rin.
But knowing him, hindi ito titigil sa pagtawag hangga't hindi niya sinasagot. Buti sana kung hindi niya hinihintay ang tawag ni Auntie Vilma. Papatayan na naman niya sana ng cellphone ang makulit na iyon.
"Ilang beses ko na bang sinabi sa'yo na tantanan mo na ako," galit na bungad ni Kan kay Luis bago pa man ito makapagsalita. Normal na sa kaniya ang mainis sa mga tulad nitong babaero simula nang lokohin siya at ipinagpalit sa iba ng una at huling boyfriend niya. "Dahil never akong papatol sa mga babaerong tulad mo! Go to hell!" Pagkasabi niyon ay kaagad niyang pinutol ang tawag nito. Pasalamat naman ang dalaga na hindi na ito tumawag pa uli.
"Aray!"
Mabilis na napalingon si Kan sa pinanggalingan ng boses na iyon. Lumipad ang tingin niya sa lamesang kinaroroonan ng tulog na customer. Sa pagkakataong iyon ay gising na pala ito. Nakaayos na ng upo at nakatingin sa gawi niya. Nanliliit pa ang mga mata nito na tanda ng bagong gising lang.
Nanlaki ang mga mata ng dalaga nang mapagsino ang customer na iyon. Si Nicolas Gonzales na naman! So, pumasok pala talaga ito roon? At hindi para kumain kundi para matulog lang.
"Mabuti naman at gising ka na," nakasimangot na wika niya rito. "Magsasara na kasi ako. In fact, sarado na nga pala talaga. Ikaw na lang ang hinihintay ko na magising. Good morning nga pala, ha?" pang-uuyam pa niya rito.
Tiningnan lang siya ni Nicolas at bahagyang inayos ang nagulo na buhok. Pagkatapos ay tumingin ito sa suot na relo. "I'm sorry. Hindi ko napansin na nakatulog na pala ako. Sa sobrang antok ko, hindi na ako nakapag-order ng foods."
Sa inis ni Kan ay hindi niya pinakinggan ang paliwanag nito. Napatitig lang siya sa lalaki. Napataas ang isang kilay niya. Paanong nangyari na ang guwapo pa rin nito kahit na kagigising lang? Ang tangos ng ilong at may tantalizing eyes. Pero kaagad na sinaway niya ang sarili. Hindi niya dapat pinupuri ang mga katulad nitong playboy.
Totoo naman talaga na guwapo siya. giit naman ng isang parte ng isip ni Kan.
Nicolas was really handsome. Namumula ang magkabilang pisngi at pati na ang mga labi. Sa dinami-rami ng guwapong nakasalamuha na niya ay kakaiba ang kaguwapuhang taglay ng lalaking kaharap niya ngayon. Ilang beses na niya itong napanood sa television at nakita sa mga magazine. Pero hindi hamak pala na mas guwapo ito sa personal. Walang duda kung bakit maraming babae ang nahuhumaling dito kahit saksakan ng playboy.
But not me.
Natigil lang si Kan sa pagsipat kay Nicolas nang tumayo ito at naglakad palapit sa kaniya. Bigla siyang nanliit nang tumigil ito sa harapan niya. Towering pala talaga ang height nito. Kahit five feet and seven inches na siya ay parang nanliit pa rin siya nang mapagtantong nakatingala pala siya sa lalaki. At kung may mukha lang ang klase ng pabango na ginamit nito at nanunuot ngayon sa ilong niya, sasabihin niya na guwapo rin ang pabango nitong iyon.
Mabilis niyang iniwas ang tingin nang mapansing nakatitig din pala ito sa kaniya. "Dapat sa hotel ka na dumiretso at hindi dito kung inaantok ka na pala," wika niya rito sa pormal na tono.
"I'm sorry talaga."
Totoong apologetic naman ito kaya napatango na lang ang dalaga. "Okay lang. Basta lumabas ka na para makauwi na rin ako." Hindi na niya hinintay pa na sumagot si Nicolas at tumalikod na siya. Pababa na siya sa hagdan nang maramdaman niyang sumunod ito. Sinusundan ng mga paa nito ang bawat baitang na iniiwanan niya. Hindi gusto ni Kan ang pagkakalapit nilang iyon kaya binilisan na niya sa pagbaba.
Nakahinga lang siya nang maayos nang hindi na ito sumunod sa kaniya sa counter at walang salita na lumabas na ng restaurant. Pero bago tuluyang mawala sa paningin niya ay nilingon pa siya nito at nginitian.
Tinaasan lang niya ng kilay ito at kunwaring dedma lang. Mayamaya ay tuluyan nang isinara ni Kan ang restaurant at saka umalis na rin.
ANG akala ni Kan ay iyon na ang huling beses na magkikita sila ni Nicolas. Kaya nga nang mga sumunod na araw ay nagulat na lang siya nang sa paglabas niya ng restaurant para umuwi na ay sinalubong siya nito.
"Hi," nakangiting bati nito sa kaniya.
She just looked at him and walked away. Hindi talaga niya gusto ang makipag-usap sa mga katulad nito. Pero mas makulit pa yata kay Luis ang isang ito at panay ang sunod sa kaniya kahit saan man siya magpunta.
"Bakit ba buntot nang buntot ka sa'kin?" hindi na nakatiis sa sita niya rito nang pati sa pag-aabang ng taxi ay sumunod din ito sa kaniya.
"Ihahatid na kita."
"No, thanks. Hindi ako sumasama sa mga strangers." Hindi nito kailangang malaman na kilala na niya ito. Baka lalong lumaki ang ulo nito!
Tumikhim ang binata at bigla na lang inilahad ang kamay na ikinakunot ng noo niya. "By the way, I am Nicolas Gonzales, twenty-eight years old, and a CEO of Shimizu Motor Company."
Kung ibang babae lang ang nakarinig sa pagpapakilala nito, siguradong kinilig at nalula na. Ang company kaya nito ang may-ari ng pinakamahal na sasakyan sa buong mundo.
Pero kung inaakala nito na katulad siya ng mga babaeng iyon, puwes, nagkakamali ito. "I don't care who you are," pagsusungit pa rin ni Kan. "Ang gusto ko lang malaman ay kung ano ang kailangan mo sa'kin at panay ang sunod mo."
"May gusto kasi akong ialok sa'yo," walang ligoy na saad nito.
Hindi naman napigilan ni Kan ang pag-angat ng isang kilay niya at napahalukipkip siya sa harapan nito. "Kung trabaho ang gusto mong ialok, well, salamat na lang. Dahil masaya na ako sa trabaho ko."
"Really? Kahit pitong milyon pa ang kapalit?"
Aminado si Kan na nalula siya sa laki ng halagang binanggit nito. Pero hindi ibig sabihin niyon ay pumapayag na siya. "At ano naman ang magiging kapalit? Ang maging babae mo?"
Ngumisi si Nicolas. "I don't have to pay that much to have a woman. I get them for free."
Naramdaman ni Kan na napahiya siya nang kaunti. Oo nga naman. Sa guwapo at estado nito sa buhay? Bakit kasi naisip niya agad na gusto siyang maging babae ni Nicolas? Kahit playboy, namimili naman siguro ito. At siguradong wala lang siya sa kalingkingan ng mga naging babae nito.
"Be my wife," mamaya ay walang gatol na deklara nito.
Napamulagat ang dalaga. Tama ba ang narinig niya. "Pardon?"
"I said, be my wife," pag-uulit ni Nicolas na bakas ang kaseryosohan sa mukha. "Bibigyan kita ng pitong milyon kapalit ng pagpayag mo bilang asawa ko. Wala ka nang ibang gagawin--" Biglang naputol ang pagsasalita ng binata nang hampasin niya ito ng kaniyang shoulder bag.
"Eh, gano'n din 'yon, eh!" patili na wika ni Kan. "Gusto mo pa rin akong babae! Puwes, sorry ka na lang dahil hindi ako interesado sa pitong milyon mo. Hindi ko kailangang ibenta ang katawan ko para magkapera. Hindi ako bayarang babae. Hay*p!" gigil na gigil na singhal ng dalaga. Ramdam niyang kumulo ang dugo niya sa galit. Napamura tuloy siya nang wala sa oras!
"But that's not what I meant--"
"Shut up!" Galit na hinampas niya uli ito ng bag. "Hindi ako interesado sa ano pa mang sasabihin mo, Mister. Dahil hindi ako easy to get na babae na kayang bayaran ng yaman mo. Kung gusto mo, isaksak mo pa sa baga 'yang pitong milyon mo!" Pagkawika niyon ay itinulak niya ito sa dibdib at saka kuyom ang mga kamay na tinalikuran na niya si Nicolas.
Sinubukan pa nitong habulin siya pero eksakto naman na may dumating na taxi. Kaagad iyong pinara ni Kan at mabilis na sumakay doon. Ni hindi niya nilingon si Nicolas sa sobrang galit niya. Sa buong biyahe niya ay nagpupuyos ang kalooban niya.
Sobrang kapal naman ng mukha ng lalaking iyon para alukin siyang maging bayarang asawa! Nababaliw na ba ito?
Gayon pa man ay hindi napigilan ni Kan ang mapaisip. Bakit kaya kailangan pa nitong magbayad ng ganoon kalaking halaga para magkaroon ng asawa kung kaya naman pala nitong makakuha ng mga babae na libre? At bakit siya ang inalok nito?