Chapter 2

2167 Words
Keisha “Pasensiya na talaga, guys!” bulalas ni Yeshua pagkasalampak sa sala kung saan kami ngayon nakatambay. Nakauwi na ang mga tito at tita ni Yeshua. Miski ang mga naging kaklase niya noon ay nakauwi na rin. Ang tanging nandito na lang ay kaming nasa futsal team at ang mga pinsan niyang hanggang ngayon ay nagkakantahan pa rin sa labas. Ngayon lang namin nakitang nakaupo si Yeshua dahil sa sobrang tao kanina kaya naman pinagpahinga na muna namin siya. Nakakain na rin kami kanina habang hinihintay siya habang nanonood ng soccer sa TV nila. “Okay lang, ano ka ba?!” Pinalo ni Miya si Yeshua sa balikat habang natatawa. “Ganito talaga kapag nagbe-birthday. Ikaw pa ‘yong pinaka-busy.” “Nakakahiya kasi sa inyo. Tinulungan niyo pa ako kanina mag-serve sa mga bisita, eh, bisita ko rin naman kayo.” “Baliw ‘to! Anong gusto mo? Tawanan ka lang naman habang nagkakandaugaga ka na sa mga bisita mo? ‘Buti umuwi rin ang parents mo. Kung hindi, ewan ko na lang.” “Wala ring silbi kapatid ko. Siya pa nag-eentertain sa mga bisita ko imbis na ako. Siya pa ‘tong nag-eenjoy kasama ang mga pinsan ko. Bwisit!” Natawa kami sa tinuran niya. Nakita ko na kung sino ang kapatid niya. Si Chad. Mas bata sa kaniya ng isang taon. Hindi sila magkamukha pero kapag tinitigan mo siya ay saka makikita ‘yong pagkakahawig nila. Mas kamukha ni Yeshua ang mama niya habang papa naman nila ‘yong lalaki. “Magpahinga ka muna bago tayo mag-inuman,” ani Miya. “Mabilis kang malalasing kapag sinagad mo agad.” “Sige. Tara na roon sa labas. Kaunti na lang mga pinsan ko na nandoon kaya pwede na tayong pakihalo sa kanila.” Tumango naman kami at pinatay na ang TV. Nakita kong nagpapahinga na rin ang parents ni Yeshua at tapos nang magligpit sa kusina dahil sobrang dami talaga tao kanina. Wala na kaming choice kung hindi ang tumulong na rin. “Hi!” Napatingin ako sa bumati sa ‘kin at agad na napangiti. “Hi! Long time no see.” Sa kaniya ako tumabi dahil siya lang ang tiyak makakausap ko rito maliban kina Miya na sa kanan ko naupo. “Kaya nga. Ang tagal na nating hindi nagkikita. Hindi ka na roon nag-gi-gym?” tanong ni Peter, pinsan ni Yeshua. “Hindi na ako nagbubuhat lately. Naging busy kasi. Pero baka bumalik ako kasi naglalaro na ulit kami.” “Doon pa rin?” “Yhup.” Inabutan niya kami nina Miya ng alak. Nagpakilala siya sa mga ito. Nakilala ko sina Geob na kasing-hyper nitong si Peter. Sina Oxem, Ava, Jennica, Robert at si Paulle. Nalaman ko na rin kung anong pangalan niya. Kise. Iyong lalaki kaninang bigla na lang akong binuhat. Sa tuwing naaalala ko tuloy ‘yon ay hindi ko maiwasang hindi mailang. Sino ba kasi ang hindi maiilang kapag bigla ka nalang binuhat nang ganoon? I mean, pwede niya naman sabihin na lang na huwag na akong umakyat. Sitahin na lang o kung ano. Pero ‘yong hawakan sa beywang? Ewan ko na lang kung hindi mailang ang kahit na sino. Mabuti na nga lang at hindi na ako inasar nina Miya dahil tiyak mas lalo akong mahihiya na humarap sa kaniya. Nagpaalam muna ako para mag-CR. Hindi na ako nagpasama dahil alam ko naman na kung nasaan ang banyo. Ngunit pabalik na sana ako nang makasalubong ko si Kise na mukhang magbabanyo rin. “Hey,” bati niya. “Hey,” bulong ko sabay lakad sa labas. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makaupo ako sa silya ko. Nang makita kong nakabalik na rin si Kise ay tumungga ako sa bote ng alak na iniinom ko. Ayaw talagang kumalma ng puso. Hindi ko maintindihan kung bakit. Huminga na lang ako nang malalim para kahit papaano ay kumalma ako. Baka napagod lang din ako kanina. “Magkakilala na pala kayo?” tanong ni Yeshua sa ‘min ni Peter. “Bakit hindi ko alam?” “Madalang lang kami magkausap nitong si Keisha pero palagi ko siyang nakikita sa gym. Pareho rin kasi kami ng coach noong nagsisimula pa lang kami.” Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon. Hahayaan ko na lang siyang magsalita para sa ‘min. “Mabuti na lang pala nakakausap mo siya?” tanong ni Miya. “Oo naman. Hindi ba siya madalas makipag-usap sa iba?” “Nako! Kung alam mo lang. Hindi ka kakausapin niyan kapag hindi mo kinausap.” Natawa si Yeshua. “Madaldal kasi ‘tong si Peter kaya huwag ka nang magulat, Miya. Kahit sino nagiging kaibigan niya agad kahit na kakakilala pa lang niya.” “Para palang ikaw,” sabi ko. Natawa silang lahat sa sinabi ko kahit na hindi ko alam kung ano ang nakakatawa. Totoo naman kasi ang sinabi ko. Noong unang beses ko ring nakilala si Yeshua ay naging magkaibigan na agad kami. Hindi dahil sa ‘kin, kung hindi natural talaga sa kaniya. Lapitin ng mga tao kasi sobrang approachable kumpara sa ‘kin. “Hindi lang talaga ako marunong mag-first move,” sabi ko. “Pero kapag kinausap mo na ako, sasagot naman ako.” “Parang hindi naman.” Napaangat ang tingin ko sa nagsalita at nagulat nang makita si Kise na nakatingin sa ‘kin. Napaawang ang bibig ko dahil hindi ko inaasahan ang sinabi niya. “Anong ibig mong sabihin?” Sinubukan ko pang tumawa para matago ang pagkairita ko sa sinabi niya. Tinaasan niya ako ng kilay. “Binati kita kanina pero wala man lang ako nakuhang sagot sa ‘yo.” Kumunot ang noo ko. “Pero binati kita pabalik kanina.” “Sino nakarinig? Ikaw?” “Hey, pare,” ani Chad sabay hawak sa balikat ng pinsan. “Lasing ka na. Tara na.” Humarap siya sa lahat at saka nagpaalam. “Pasensiya na, Keisha. Lasing na ‘tong pinsan namin. Ako na ang humihingi ng sorry.” Tumango na lang ako at pilit na ngumiti. Tumungga na lang ako sa bote at mariin iyong hinawakan. Hindi ko na lang siya tinapunan pa ng tingin dahil baka kung ano pa ang sabihin niya sa ‘kin. Ayoko rin naman makipagsagutan sa lalaking ‘yon sa harap pa mismo ng kaibigan ko. Birthday pa naman niya. Ayokong sirain ang araw na ‘to dahil lang sa sinabi ng pinsan niya. Hindi ko rin alam kung ano ang problema niya sa ‘kin. “Pasensiya ka na sa pinsan naming ‘yon, ah?” ani Peter. “Hindi ko rin alam kung ano ang sumapi sa kaniya at nasabi ‘yon. Siguro dahil sa kalasingan. Hindi naman siya normally nagpapakalasing nang ganoon. Baka may nangyari lang.” “Ayos lang. Naiintindihan ko naman. Baka nga dala lang ng alak. Nabigla lang din ako sa sinabi niya kaya muntik pa kaming magkasagutan.” Hinarap ko si Yeshua. “Pasensiya na, Yesh.” “Hindi mo kailangang mag-sorry. Iyong mokong na ‘yon ang may kasalanan. Minsan na nga lang magpapakalasing, nang-aaway pa.” Tumango na lang ako. Ayon sa sinasabi nitong mag-pinsan, mukhang hindi talaga siya ganoon umasta. Baka nga wala siya sa mood ‘tapos nasaktuhan pang lasing. Palalampasin ko na lang. - “May gustong sumali sa team natin!” bulalas ni Yeshua sabay patong ng papel sa ibabaw ng meeting table namin. “Her name’s Lyla. She’s a former volleyball player na gustong maglaro ng futsal. She’s already an athlete kaya hindi tayo mahihirapang i-train siya. Not to mention, middle blocker siya. So she’s a natural defender.” Napangiti ako nang mabakasan ko ang tuwa sa boses niya. Mukhang masaya talaga siyang may sapat na kaming players. Wala na rin siyang pakialam kung hindi pa nakakalaro ‘tong si Lyla ng futsal. “Bakit daw hindi siya sa volleyball club sumali?” tanong ni Gina. “Who cares? Basta sasali siya sa ‘tin, go lang.” Malakas na natawa si Miya matapos basahin ang papel. “Curious lang naman ako. Baka mamaya bigla siyang umalis ng club kapag naisipan niyang ang boring at wala tayong masyadong members.” Napanguso si Yeshua. “Ang negative mo! Pero hindi raw siya nakapasok sa volleyball club kaya sumali siya sa ‘tin. Second choice niya raw talaga tayo.” “Aw. Second choice.” Napailing na lang ako at natawa habang nakikinig sa kanila. Mas ayos na rin ‘to para makalaro kami sa intramurals. Pero pagkatapos ng intrams at wala pa rin kaming reserve players, mahihirapan kami. Marami pa namang magagaling na players sa ibang department na nakalaro na namin dati. Nagbihis na ako para sa unang training namin ngayong semester. Ngayon namin unang makikilala at makakalaro itong si Lyla. Hindi namin alam kung marunong na siya pero kailangan naming alamin kung pwede siya sa goalkeeper na position. Kahit na wala kaming choice, kailangan pa rin naming i-check. Kung hindi niya magagamay ang position na ‘yon ay baka si Miya ang gawin naming goalkeeper at si Lyla ang defender o ang sweeper. Hindi naman namin pwedeng ibigay sa kanila ang position namin nina Gina dahil mas matrabaho ‘yon at kailangan ng madalas pagdi-dribble ng bola. “Mauna na ako sa court sa inyo,” sabi ko dahil ngayon pa lang sila magbibihis. “Okay. Padala naman ako ng tubigan ko. Thank you, Keisha!” ani Miya. “Sure,” sagot ko. Pagkarating sa court ay agad kong inayos ang gagamitin naming goal. Wala kaming kahati ngayong hapon sa court dahil naka-schedule na kami. Wala kasing sariling court ang futsal dito sa school namin. Madalas lang kaming makigamit. Habang hinihila ko ang goal papunta sa kabilang dulo ng court ay bigla ‘yong gumaan. Noong una ay kumunot lang ang noo ko at hindi pinansin. Pero nang mapagtantong may ibang humahatak n’on ay doon lang ako napaangat ng tingin. “Kise,” bulong ko. Hindi niya ako sinagot o nilingon man lang. Nakatingin lang siya sa harap habang hinahatak ang goal. Hindi ko rin tuloy alam kung ano ang sasabihin ko. I mean, kahapon lang ay muntik na kaming magkasagutan kung hindi lang kami pinigilan agad. ‘Tapos ngayon ay ito kami at magkasama na para bang walang nangyari. Naalala niya kaya ‘yong nangyari kahapon? Hindi naman malabong hindi niya maalala. Kaya siguro siya nandito ngayon. Wala naman kasing training ang basketball team. Ang balita ko ay naglalaro siya ng basketball. “Salamat,” bulong ko ulit nang mailagay namin ang goal pero gaya kanina ay wala akong nakuhang sagot. Nakatitig lang siya ngayon sa ‘kin at walang sinasabi. Kumunot tuloy ang noo ko. “Bakit? May kailangan ka pa ba?” “Kaya mo naman palang magsalita nang malakas,” ani niya. “Bakit hindi mo ginawa kahapon?” “Huh?” Mas lalong kumunot ang noo ko. “Hindi ko maintindihan.” “Kung babatiin mo ang ibang tao o magpapasalamat ka, lakasan mo nang kaunti ang boses mo para naririnig nila. Baka mapagkamalan ka ulit na snob.” Napaawang ang bibig ko. Ulit? Snob ba ang tingin sa ‘kin ng ibang tao? Kailan naman nangyari ‘yon at paano niya nalaman?” “Pasensiya na,” sabi ko. “Mahina talaga madalas ang boses ko. Susubukan kong lakasan sa susunod.” Hindi siya sumagot. Nakipagtitigan lang siya sa ‘kin hanggang sa kumunot na ang noo niya kalaunan. Kung hindi pa namin narinig ang boses nina Yeshua sa hindi kalayuan ay hindi pa matatanggal ang tingin namin sa isa’t isa. “Dinala mo ba ‘yong pinapasuyo ko?” tanong ni Yeshua kay Kise. May inabot naman ito sa pinsan niya. “Busy raw si Oxem kaya ako ang inutusan niyang magdala.” “Pfft. Anong busy? Baka nandoon lang ‘yon sa nililigawan niya. Naniwala ka naman.” “Sino may sabing naniwala ako?” Tinaasan niya ng kilay ang pinsan niya habang nakangisi. Hindi ko alam na posible pala ‘yon. Ang dami niya na kayang gawin sa mukha na mga ekspresyon. It’s fascinating. “Hindi ka rin daw niya masusundo mamaya kaya hihintayin na lang kita.” “Wala ka bang lakad?” tanong ni Yeshua. “Pwede naman akong mamasahe na lang. Sanay naman ako.” “Hindi pwede. Hihintayin kita.” Napanguso lang si Yeshua at hindi na umangal. Hindi rin naman ako papayag na mamasahe siya lalo pa at wala siyang makakasabay. Sa kabilang daan ang bahay namin nina Gina at Miya. Tiyak na gagabihin pa kami. Lumabas ng gymnasium si Kise nang magsimula na kaming mag-ensayo. Ang buong akala ko ay hindi siya manonood pero mukhang bumili lang pala siya ng pagkain habang hinihintay si Yeshua. Sa bench malapit sa mga gamit namin siya umupo. Sa buong pag-eensayo namin, nakatutok lang ang atensyon niya sa ‘min. Wala siyang sinasabi pero sa tuwing napapatingin ako sa gawi niya ay nagtatama ang tingin naming dalawa. Nawawala tuloy ako sa focus.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD