Chapter 1

1964 Words
Keisha "Kailangan natin ng matinong goalkeeper ngayon!" sigaw ni Yeshua habang kinakalampag ang kaniyang mga palad sa meeting table sa bawat salita niya. Tumingin siya sa ‘ming mga kasama nang ilang sandali, huminga nang malalim, at bumalik sa pagkamot ng kaniyang ulo na para bang kinukuto siya. Ang maliit na club room namin ay puno ng mga bola ng futsal at iba pang mga gamit sa pagsasanay tulad ng iron weights at isang single leg press. Mayroon ding mga poster ng mga sikat na soccer players sa pader. Mayroong isang maliit na cabinet na may apat na cubicles sa kaliwa ng kwarto. Bukod roon, puno na ito ng basura. Nagkatinginan sina Gina at Miya sa isa't isa at nagkibit-balikat. "Kumalma ka nga lang, captain,” ani Miya habang ngumangata sa chichiryang binili niya kanina pang umaga. “Simula pa lang ang semestre. Alam ko na nag-aadjust pa ‘yong ibang freshies.” Pinandilatan siya ni Yeshua. "Wala na tayong oras! Malapit na ang Intramurals. May training pa. Kailangan pa nating gumawa ng team play at kung ano-ano pa." “Pwede namang si Miya ang maging goalkeeper natin. Siya ang last man at defender ng team. Magaling din siyang mag-defend ng bola.” Napasinghal na lang si Yeshua. “Sige. Sabihin na nating siya ang goalkeeper. Sino ngayon ang magiging defender? Kahit na magkaroon tayo ng goalkeeper, kulang pa rin tayo ng isa.” Napakamot ng ulo si Gina at nagbuntong-hininga. Tumayo siya mula sa kaniyang upuan upang imasahe ang balikat ni captain. “Iyon lang. Kaya kailangan nating makapagsali ng isa. Kahit hindi marunong basta willing matuto.” “Iyong kaibigan mo, Yesh?” tanong ni Miya. “Hindi ba at may kaibigan kang magaling maglaro? Bakit hindi siya ang isali mo?” “Sa tingin niyo ba mai-stress ako nang ganito kung nakumbinsi ko siya? Kasintigas ng bato ang puso ng isang ‘yon.” “Susubukan kong magtanong sa mga kaklase ko kung may interesadong sumali. Pero hindi ako mangangako. Ilan kasi sa kanila, may napusuan nang club na sasalihan. Iyong iba naman, matagal na talagang member ng club.” Nang matahimik na kami ay tumayo na ako mula sa upuan upang lumabas ng kwarto. Tumayo rin si Yeshua para pigilan ako. "Saan ka pupunta?" "Uwi?" Napakamot pa ako sa batok. "Hindi pa tapos ang emergency meeting natin!" "Ano pa ba ang kailangan nating pag-usapan? Kung naghahanap at nagre-recruit tayo ngayon, baka may makuha agad tayong members. Break time ngayon kaya tiyak maraming estudyante sa canteen.” Mabilis na tumango si Yeshua bago hinablot ang bag at nauna nang lumabas. “May point ka naman. Tara na, guys!” Nakipag-apir naman sa ‘kin sina Gina at Miya bago kami sumunod kay Yeshua sa labas. Ni-lock na namin ang club room namin dahil tiyak makakalimutan na naman ni captain. Masyado siyang nag-aalala sa kakulangan namin ng member para alalahanin ang mga ganitong bagay. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganito siya mag-alala. Tama naman sina Miya na kasisimula pa lang ng term. Hindi pa kami nakakapag-recruit nang maayos kaya wala pa talagang sumasali sa ‘min. Kung mag-iisip kami ng iba’t ibang marketing strategy ay tiyak ang mga player na mismo ang lalapit sa ‘min mismo. Masyado lang talagang nag-ooverthink ang isang ‘to. Kaya wala ring saysay kung magpa-panic kami kasama siya. Mas mainam nang maging kalmado para hindi namin siya sabayan. Hahayaan na namin ang pag-overthink sa kaniya. Namigay kami ng flyers na ginawa namin last school year. Ang iba naman doon ay pinagpaalam namin at kinabit sa mga bulletin board ng senior high school. Miski ang bulletin ng junior high school ay pinatulan na rin namin. Nang matapos kaming mamigay ay doon lang kami bumalik sa room namin. Hindi kami magkakaklase pero ilang room lang ang pagitan namin dahil pare-pareho kaming mga senior high school na. Nakasalubong ko rin si Bivianne sa hallway na may hawak na namang papel. Mukhang nagre-review na naman. Bilib talaga ako sa isang ‘to. Kahit gaano kaingay ang paligid ay nakakapag-aral pa rin. At sinong estudyante ang nag-aaral sa simula ng semestre? Miski ako na seryoso sa pag-aaral ay hindi gagawin ‘yon. “Uy!” bulalas ni Yeshua bago kami maghiwalay. “Sama kayo sa bahay bukas, ah? Magkakaroon ako ng mini birthday celebration. Kahit huwag na kayo magdala ng regalo.” Tumango na lang ako dahil magpupunta naman talaga ako. Hindi ako nakapunta last year kaya tiyak na magtatampo siya kapag hindi na naman ako nakapunta. Hindi mabilis makalimot ang babaeng ‘yon. - “Hinihintay ko lang sina Miya,” sabi ko sa kabilang linya habang nakatayo sa waiting shed. “Nahihiya raw kasi sila magpunta nang sila lang kaya sasabay raw sila sa ‘kin.” “Jusko naman! Nakilala na nila mga pinsan ko last year. Ngayon pa ba sila mahihiya?” Narinig ko ang ilang boses sa kabilang linya na tinatawag siya. “Sige na. Magte-text na lang ako kapag papunta na kami. Mukhang marami kang bisita.” “Wala nga, ‘no! Mga pinsan ko lang talaga ang nandito.” Narinig ko ang boses ng mama niya. “Nandito na po, ‘Ma. Wait lang!” “I’ll hang up,” sabi ko. “Text-text na lang.” Hindi ko na siya hinintay na sumagot at pinatay na ang tawag. Naiintindihan ko namang marami siyang inaasikaso kaya hindi ko na siya inistorbo pa. Alam naman nina Miya kung saan ang papunta sa bahay nila kaya hindi na kami maliligaw mamaya. Ako na lang naman ang hindi pa nakakapunta sa kanila. Alas singko ng hapon na kami nakumpleto nina Miya at Gina. Nag-tricycle na lang kami papunta para mabilis at deretso na. May mga bukid kaming nadaanan papunta sa looban. Nakaka-relax tuloy habang nakaupo ako sa likod. Mausok kasi palagi sa ‘min sa tuwing pumapasok ako lalo na at sa main highway ang daan ko. Mabuti pa sina Yeshua, kahit medyo may kalayuan ang bahay ay ang sarap pa rin ng hangin. Nang makarating kami, rinig agad namin ang videoke mula sa loob. Bigla tuloy akong kinabahan. Kahit na sinabi na ni Yeshua na puro mga pinsan niya lang ang nandito ay nakakakaba pa rin. Ni wala naman akong kilala sa kanila. Pero bago pa namin maihanda ang mga sarili namin ay nakita ko na si Yeshua na tumatakbo papalapit. May dala pa siyang plato habang pinapapasok kami sa loob. “Doon muna tayo sa loob. Nandito na kasi halos lahat ng mga bisita ko sa labas. Aasikasuhin ko lang sila saglit. Pasensiya na.” “Okay lang. Ito oh, regalo naming tatlo.” Inabot naman ni Miya ang regalo na pinag-ambagan namin. “Sabi ko sa inyo ‘wag na kayo mag-abala! Hindi na kailangan ‘to.” Binalik niya sa ‘min ang box pero nagpumilit kami. “Binili talaga namin ‘yan para sa ‘yo,” sabi ko. “Huwag ka nang mahiya. Wala rin kaming mapagbibigyan niya kapag tinanggihan mo.” “Ang kulit niyo talaga. Pero salamat, ah? Tara na sa loob.” Nagmano kami kay Tita Rosie at Tito Roderick na umuwi pa galing Cebu para i-celebrate ang birthday ng panganay nila. Nakilala ko na sila noon pero saglit ko lang sila nakita dahil pabalik na sila ng Cebu at that time. Iyon ang mga panahong kakikilala ko pa lang kay Yeshua. Dere-deretso kami sa kwarto niya dahil may mga dumating ding tito at tita niya na nasa sala nakatambay. Nahihiya kaming umakyat sa ikalawang palapag ng bahay nila. Gawa lang sa kahoy ang buong bahay nila. Miski ang sahig dito sa ikalawang palapag ay gawa rin sa kahoy. Para itong bahay-kubo pero gawa na sa yero ang bubong nila. Alam kong mahirap lang sila pero hindi ko inaasahang ganito ang bahay nila. “Ang sariwa ng hangin dito sa bahay nila, ah?” ani Gina habang nakatingin sa labas ng bintana kung nasaan ang mga pinsan ni Yeshua na nagkakasiyahan. Nakitingin din ako sa labas. “Hindi na kailangan ng air condition. Kahit electric fan nga yata, hindi na.” Napangiti ako habang pinanonood ang mga pinsan ni Yeshua. Ngayon ko lang sila nakita lahat pero ang balita ko ay malaki talaga ang pamilya niya sa mother side. Ang alam ko rin ay may kapatid siyang lalaki pero hindi ko alam kung nandito pa at kung sino. “Grabe ang gagwapo ng mga pinsan niya,” ani Miya habang nakanganga pang nakatitig sa mga pinsang lalaki ni Yeshua. “Hoy, babae!” bulalas ni Gina pero natawa rin. “Maghunos dili ka. Sang-ayon akong ang gwapo nila pero kalmahan lang natin.” Miski ako ay natawa dahil sa kanilang dalawa pero kalaunan ay napailing na lang din. Nang ibalik ko ang tingin sa labas ay nagtama ang tingin namin ng isa sa mga pinsan ni Yeshua. Ngumiti na lang ako bilang pagbati kahit na hindi ko siya kilala bago umiwas ng tingin. “Oh, may puno roon ng saresa,” sabi ko sabay turo sa puno na nasa hindi kalayuan. Kailangan pang tumawid sa bukid pero hindi naman ganoon kalayo. “Gutom na ba kayo? Gusto niyo munang pumunta roon?” “Tara! Busy pa naman si Yeshua sa mga bisita niya. Magliwaliw muna tayo. I-tour ka namin, Keisha, sa mga napuntahan na namin dati.” Tumayo na ako at lumabas ng kwarto. Nagpaalam muna kami kay Yeshua na paulit-ulit ang ginagawang paghingi ng pasensiya dahil hindi niya raw kami maasikaso. “Ine-expect ko naman na ganito karaming tao,” ani Miya. “Palakaibigan din kasi si Yeshua kaya hindi ako naniniwalang mga pinsan niya lang ang bisita niya.” “Sa true!” Natawa si Gina. “Hayaan muna natin siyang magpahinga bago tayo magwala mamayang gabi. Nakahanda na ba ang mga kakantahin niyo?” Mabilis akong nag-thumbs up sa kaniya dahil hilig ko talaga ang pagkanta. Kahit na hindi ganoong biniyayaan ng talento ay mahilig talaga akong mag-videoke. Mayroon din kasi kaming sariling videoke set sa bahay. “Ang dami roon sa taas, oh!” Tinuro ko ang taas ng puno. “Teka. Sanay akong umakyat ng puno. Ikukuha ko kayo.” “Hala! Baka mahulog ka pa,” ani Miya. “Hindi ‘yan. Ako bahala.” Nagtanggal ako ng sandals bago nagsimulang umakyat sa puno. Mabuti na lang at maluwag na pantalon ang suot ko ngayon kaya hindi ako nahirapan. Ngunit hindi pa man ako nakaaakyat nang tuluyan ay may malakas na braso na ang humila sa ‘kin pababa. Hindi ko naiwasang hindi mapatili. Nang makababa ako ay agad kong tiningnan kung sino ang bumuhat sa ‘kin at medyo napaatras pa nang makita ang isa sa mga pinsan ni yata ni Yeshua. Siya ‘yong nginitian ko kanina. “Sorry,” ani niya bago binitiwan ang beywang ko. “May pansalok kami rito. Baka mahulog ka pa.” Tumalikod siya nang hindi hinihintay ang sasabihin ko. Ilang segundo siyang umalis at mayamaya lang ay may inabot nang pansalok. Hindi ako agad nakapagsalita dahil sa gulat pa rin sa pangyayari. Ngunit kalaunan ay nagawa ko namang ngumiti at magpasalamat. Napakamot siya sa batok. “Kung may kailangan kayo, huwag kayong mahihiyang magtanong sa ‘min. Mga kaibigan kayo ni Yeshua, ‘di ba? Hindi niyo kailangang umakyat pa sa puno. Baka madisgrasya pa kayo.” “Sige,” sabi ko. “Pasensiya na.” Ngumiti lang ulit siya sa gawi ko bago tumalikod at bumalik sa mga pinsan niya. Nakanganga pa rin ako habang nakatitig sa likod niya nang bigla akong hampasin ni Miya sa likod. “Ano ‘yon? Bakit may sparks?” Natawa sila pareho ni Gina. “May hindi ba kami alam? Bakit ang bilis naman yata?” Kumunot ang noo ko. “Hindi ko rin alam.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD