Keisha
“Hello, Keisha!” bati ni Paulle, isa sa mga pinsan ni Yeshua na kaklase ko ngayong senior high school. Matagal ko na siyang kilala pero hindi ko pa siya nakakausap before. Madalas kasi siya sa room namin kasama ang kaibigan niyang si Reyannah na siyang naging kaklase ko.
“Hi!” Sinigurado kong medyo may kalakasan na ang boses ko dahil baka mapagkamalan na naman akong snob.
“Classmate pala tayo ngayon. Nice to meet you! Sana maging mabuti tayong magkaibigan.”
Napangiti ako habang nakatingin sa nakangiti niyang mukha. Nakakahawa kasi ang pagka-hyper niya.
“Ito nga pala si Reyannah. Classmate din natin siya.”
“I know her,” ani Reyannah. “Naging kaklase ko siya noong junior high school. Tahimik lang siya masyado kaya hindi kami ganoon ka-close.”
“Mukha ngang tahimik ka, Keisha. Pero huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa kwento.”
Sa bandang dulo kami ng room naupo at doon nagkwentuhan. Hindi naman ako na-OP sa kanilang dalawa lalo na at si Paulle lang talaga ang nagsasalita. Paminsan-minsang nagsasalita si Reyannah pero sa tingin ko ay hindi rin talaga siya palakwento gaya ko.
“Pasensiya na nga pala sa inasta ng kuya ko, ah?” ani Paulle sa kalagitnaan ng kwentuhan namin.
Kumunot ang noo ko. “Ano ‘yon?”
“Madalang malasing ang kuya ko pero kapag nalasing ‘yon, kung ano-ano ang sinasabi. Pero hindi naman siya masamang tao. Nasakto lang talaga na tinamaan siya agad ng alak at kung ano-ano na ang lumabas sa bibig niya.”
Napaawang ang bibig ko. “Kapatid mo si Kise?”
Tumango siya. “Hindi ba halata?”
Ngayong natitigan ko siya, may pagkakahawig nga silang dalawa ni Kise. Kumpara kay Yeshua at sa kapatid niya, kitang-kita ang resemblance nina Paulle at Kise. Bakit hindi ko agad napansin noong una?
“Nag-sorry man lang ba siya sa ‘yo?” Umiling ako. “Minsan talaga, sabaw ang utak n’on. Hayaan mo at pagsasabihan ko.”
“Hayaan mo na lang. Kasalanan ko rin naman kasi. Hindi niya yata narinig na binati ko siya kaya akala niya ay hindi ko siya pinansin. Baka nasaktan lang din siya kasi akala niya yata in-snob ko siya.”
“Kahit na! Dapat nag-sorry man lang siya kahit na hindi ‘yon sinasadya. Nakakahiya tuloy sa ‘yo.”
“Okay lang talaga. Promise.” Nginitian ko siya at sinubukang ibahin ang usapan. “Sino ba ang mas matanda sa inyong dalawa?”
“Mas matanda siya sa ‘kin ng dalawang taon. Nasa college na siya gaya ni Oxem. Dito rin sila nag-aaral sa school na ‘to. Na-meet mo rin si Oxem noong birthday ni Yeshua, ‘di ba?”
Tumango ako. “Anong course naman ang kinuha niya?”
“Business management. Nakakuha ‘yon ng scholarship sa basketball kasi hindi biniyayaan ng katalinuhan.” Natawa siya sa sariling sinabi.
“Grabe ka sa kuya mo, ah?” natatawang sambit ni Reyannah.
“Totoo naman, ah? Hindi niya nga napasa entrance exam sa school natin. Baka nag-private ‘yon kung hindi natanggap sa basketball scholarship. Mabuti na lang at mukha siyang bola kahit noong bata pa siya.”
“Pero sabagay, fair lang. Sobrang galing kasi ng kuya mo maglaro ng basketball ‘tapos sobrang gwapo pa. Ang unfair naman kung pati talino kinuha niya.”
“Gwapo? Ew, Reyannah. Saang parte roon ang gwapo? Ang dungis-dungis niya nga tingnan palagi.”
“Hindi, ah? Ang dami ngang nagkakandarapang mga kaklase natin sa kaniya, eh. Naalala mo si Nami?”
“Iyong maganda nating kaklase noong second year?”
“Oo. Nagka-crush kay Kise ‘yon ‘tapos ni-reject lang. Grabe iyak ni Nami noong mga oras na ‘yon. Ang ganda-ganda na niya pero hindi pa rin sapat sa kuya mo.”
“Wow, ah? Malay mo naman ayaw lang ng kapatid ko sa mas bata. Syempre, ‘di ba may kapatid siyang mas bata?” Tumango si Reyannah. “Pero ang layo talaga. Ang dugyot ng kapatid kong ‘yon.”
“Sa tingin mo, Keisha? ‘Di ba may itsura si Kise?”
Biglang sumagi sa utak ko ang imahe ni Kise. “Hindi ko alam, eh.”
Natawa si Paulle. “Baka iba-iba lang talaga ang definition natin ng gwapo, Reyannah. Mukhang hindi nagwapuhan si Keisha sa kuya ko.”
“Sorry.”
“Baliw! Bakit ka naman nagso-sorry? Okay lang ‘yon, ‘no! Hindi naman lahat magkakandarapa sa kuya ko gaya ng sinasabi nitong si Reyannah.”
“Minsan manood tayo ng laro nila,” ani Reyannah. “Tingnan mo kung gaano karaming mga babae ang tinitili ang pangalan niya. Naalala ko noong pinanood ko ang pinsan ko. Pangalan niya ang palaging sinisigaw.”
Sumang-ayon na lang din ako dahil na-curious din ako sa sinasabi ni Reyannah. Mukha nga kasing maraming mga babae ang nahuhumaling kay Kise. Hindi ko naman masabi dahil ngayon ko lang talaga siya nakilala. Baka nga kung hindi dahil kay Yeshua ay baka hindi ko siya makilala.
At isa pa, baka sobrang galing lang din talaga maglaro ni Kise ng basketball kaya marami ang nagkakagusto sa kaniya. Marami akong kilalang athlete na sobrang lakas ng appeal sa tuwing naglalaro pero hindi ganoong kagwapuhan sa paningin ng iba.
Pero para kay Kise, I don’t know. Hindi siya ganoon kagwapo sa paningin ko. Hindi ko rin naman masasabing pangit siya o ano pero ramdam ko ang charisma niya sa tuwing malapit siya sa ‘kin.
Maybe wala lang talaga akong pakialam sa mga ganitong bagay.
-
“Go, Falcis!”
“Ikaw lang ang MVP sa buhay ko, number 2!”
“Hindi pa kayo naglalaro, panalo ka na sa puso ko, Kise!”
Halos mapailing ako sa mga sinisigaw ng mga kababaihan sa likod ko. Ayon sa uniform nila, mga junior high school pa lang sila. Pero ang mga sinisigaw nila, hindi ko kaya.
“Sabi sa inyo,” ani Reyannah, “sikat sa mga babae ‘yang kuya ni Paulle. Kahit sinong nanonood makikilala agad siya kahit na ayaw mo.”
“Nagchi-cheer din ako sa mga magagaling na basketball players,” sabi ko. “Pero hindi ko kaya ‘yong mga sinasabi nila. Ni hindi pa nga nagsisimula ang laro.”
Natawa si Reyannah. “Sinabi mo pa. Ang lakas kasi talaga ng charisma. Kahit ako na palagi siyang napapanood maglaro, hindi ako nagsasawa, eh.”
Pinanood namin si Paulle na ibalibag sa kuya niya ang towel na naiwan nito kanina sa bag niya. Matapos ‘yon ay saka siya nagmartsa palapit sa ‘min.
“Luh! Sino si ate girl? Bakit niya binigyan ng bimpo si Kise?”
“Tungek, kapatid niya ‘yon! Si Paulle. Senior natin.”
“Gusto ko rin maging kapatid si Kise, bhie!”
Muli akong natawa sa mga babae sa likod ko. Mukhang mali yata kami ng napwestuhan dahil ang ingay talaga nila. Hindi ko maiwasang hindi marinig ang pinag-uusapan nila.
“Bwisit talaga ‘yong lalaking ‘yon!” bulalas agad ni Paulle pagkaupo sa tabi namin. “Ako pa talaga ‘yong pinabalik para sa bimpong naiwan niya. Ang layo-layo ng nilakad ko!”
Inabutan ko siya ng tubig. “Chill ka lang. Minsan lang naman yata mag-utos ang kuya mo. Pagbigyan mo na.”
Pinanlakihan niya ako ng mga mata. “Minsan? Araw-araw ko ‘yang kasama sa bahay. Utos nang utos ‘yan. Akala mo katulong ako. Kapag hindi nasunod, nagsusumbong kay mama. Palibhasa, mama’s boy!”
Tinaas ko ang dalawang kamay ko bilang pagsuko. “Hindi ko alam. Sorry. Bakit hindi ka gumanti? Sumbong mo rin.”
“Iyon nga ang masakit. Wala akong maisumbong kay mama kung hindi ang grades niya. Eh, sanay na sina mama at papa sa tuwing bumabagsak siya kaya wala ring silbi.”
“Kawawa ka naman pala,” natatawang sambit ko.
“Sinabi mo pa.”
Nagsimula na agad ang laro. First five ang kuya niya kaya ganoon na lang kaingay sa buong gym. Hindi nga nagbibiro si Reyannah nang sabihin niyang sikat si Kise sa mga babae dahil sa tuwing nakakapuntos ito ay kaunti na lang, yayanig na ang buong court.
May nagchi-cheer din naman sa ibang mga player, pero halatang-halata talaga ang bias kapag siya na ang pupuntos. Kahit hindi ma-shoot, mga naka-cheer pa rin mostly ang mga babae.
“Malakas naman pala talaga ang charisma ng kuya mo kapag naglalaro,” sabi ko kay Paulle. Agad nalukot ang mukha niya pero hindi nagsalita. “Hindi ko masisisi ang mga nanonood. Magaling din talaga siyang maglaro.
“Dapat lang! Sayang ang scholarship na binibigay sa kaniya kung hindi niya gagalingan.”
Napailing na lang ako sa kaniya. Galit na galit talaga siya sa kuya niya. Madalas sa mga kakilala kong may kapatid, palagi ring nagbabangayan. Kami kasi ng kapatid ko, hindi naman gaano. Wala naman kasi kaming mapag-awayan.
Habang nagpi-free throw si Kise ay bigla siyang tumuro sa gawi namin. Nagkatinginan agad kami nina Paulle at Reyannah nang may kunot sa noo. Nang ma-shoot niya ang bola, muli siyang tumuro sa gawi namin kaya nagtilian ang mga babaeng nasa paligid namin.
“Ganiyan ba talaga si Kise mang-asar?” tanong ni Reyannah.
“Hindi, ‘no! Miski nga ako nagulat. Hindi naman niya ginagawa ‘yon sa tuwing nanonood ako ng laro niya.”
“Baka nakaisip ng bagong paraan para inisin ka?”
“Ewan ko ba riyan. Baliw yata. Akala ba niya i-cheer ko siya? Asa!”
Natawa na lang ako at muling binalik ang tingin sa pinapanood. Mayamaya ay naramdaman ko ang kakaibang tingin ni Paulle sa tabi ko. Noong una ay hindi ko sana papansinin dahil baka napatingin lang. Pero nang maya’t maya niya akong tinitingnan ay hindi ko na rin napigilan.
“May problema ba?”
Hindi niya ako sinagot. “May nangyari ba sa inyo ng kuya ko maliban noong birthday ni Yeshua?”
“Huh? Wala?”
“Magkakilala na ba kayo before?”
“Hindi. Una ko siyang nakilala noong birthday rin ni Yeshua. Bakit mo naman natanong? Ang random, ah?”
“Bakit pakiramdam ko, ikaw ‘yong tinuturo niya kanina?”
Kung umiinom lang ako ngayon ay baka nabuga ko na ‘yon. “Anong sinasabi mo? Bakit naman niya ako ituturo? Ako ba ‘yong inaasar niya? Hindi pa naman kami ganoon ka-close para asarin na niya ako, ah?”
“Hm. Ewan. Bakit kaya?”
“Ikaw ang kapatid, eh. Itanong mo na lang mamaya sa kaniya.”
Tumango lang siya at hindi na nagsalita. Napailing na lang ako sa pagiging random niya. Pero sa loob-loob ko, nagwawala ang puso ko.
Paano kung ako nga ang tinuturo niya? Kung oo, anong ibig sabihin no’n? May ibig sabihin ba ‘yon? Baka naman nagyayabang lang talaga? Nang-aasar?
Ay ewan.