Kinabukasan, maagang nagising si Anna upang maligo at magluto ng almusal nila ni Gina. Sa karenderya kung saan sila nagtatrabaho ay doon rin sila naglalagi. Sa ikalawang palapag kasi no'n ay paupahan ni Aling Agnes pero pinagamit na lang sa kanila ng libre ang silid. Sa katabi ng karenderyang iyon ang bahay naman ni Aling Agnes.
Humihigop si Anna ng kape nang bumaba si Gina sa hagdan. Agad niya ito inalok ng almusal.
"Oh, halika na, Gi." paanyaya niya sa kakagising lang na si Gina.
Paunat-unat naman ito ng katawan bago ito naupo sa silya. Kinuha nito ang kape at ininom. Kapagkuwan ay nagsalita ito.
"Papasok ka na?" tanong nito sa kanya.
"Oo. Hindi na masakit ang katawan ko." saad ni Anna.
"Sigurado ka?" may halong pagdududa ang tanong nito.
Aminado si Anna na masakit pa rin ang buo niyang katawan, pero dahil sayang ang araw na um-absent siya ay papasok na lang siya ngayon.
"Oo nga e." sagot niya. Pero laking gulat niya nang mariing pisilin ni Gina ang balikat niya.
"A-aray!" reklamo niya sabay hawak sa parte ng balikat kung saan siya nito pinisil.
"Ah, magaling ka na pala a!" Hindi pa nakontento si Gina dahil pati ang braso niya na may mga pasa pa ay hinawakan nito at pinisil. "Oh, bakit ka umaaray?" nakangising tanong nito sa kan'ya. Wala siyang nagawa kundi ang mapangiwi na lang.
"Loka ka! Hayaan mo na ako, Gi. Gusto kong pumasok e. Sayang ang araw." wika niya. Humalukipkip naman sa isang tabi si Gina.
"Kumain na tayo dahil maya-maya ay magbubukas na tayo." untag niya sa dalaga.
"Five thirty pa lang day! Maliligo pa ako." tamad na wika ni Gina.
Maaga kasi silang nagbubukas ng karenderya; alas siyete ng umaga. Dahil marami na roon ang naga-almusal. Sa mga oras na ito ay siguradong niluluto na ng kanilang kusinero ang kanilang special batchoy.
Nang matapos sa pag-aalmusal si Anna ay nauna na siyang lumabas ng kusina. Magkaiba ang kusina na ginagamit ng kusinero sa kusina na ginagamit nila ni Gina.
Inayos ni Anna ang mga silya na nakataob sa mesa, ibinaba niya iyon sa lapag. Naglagay siya ng tissue sa bawat mesa, kasama ang kutsara't tinidor. Matapos siguraduhing maayos at malinis na ang lahat ay sinimulan niyang buksan ang entrance. Simple lamang ang Agne's Batchoyan, hindi iyon kalakihan. Dalawa lang sila ni Gina ang waitress at isa lang ang kusinero.
Matapos ang ilang minuto ay nagsimula nang magsipasukan ang mga tao sa nasabing resto.
"Good morning, binibini!" Napaigtad pa si Anna nang marinig ang boses nang isang lalaki.
"S-sir? May kailangan po ba kayo?" gulat niyang tanong sa lalaki habang sapo ang dibdib.
Kasalukuyang hinuhugasan niya ang mga pinagkainan sa lababo ng mga sandaling iyon.
"Pasensya ka na kung nagulat kita. By the way, gusto ko lang um-order ng batchoy with egg," nakangiting wika ni Rico.
"Huh?" Napakamot sa ulo si Anna. Hindi niya alintana ang bula ng sabon na kumapit sa buhok niya. Gamit ang daliri na may bula pa ay tinuro niya kay Rico ang counter.
"Sa counter po kumukuha ng order, Sir. Kusina na po itong napasukan mo e." nakangiwing wika niya sa lalaki. Pero imbes na sagutin siya nito ay tumaas ang isang kamay nito at bago pa na niya namalayan ay naroon na iyon
sa buhok niya.
"May bula ka sa buhok," Nakangiting turan ni Rico sa kan'ya, "puwede bang ikaw na lang maghatid ng order namin?" sabi nito nang matapos tanggalin ang nasa ulo niya.
"Ah, sige po. Sandali lang po, Sir, maghuhugas lang po ako ng kamay." Tumango naman ang lalaki saka lumabas na sa kusinang iyon. Iiling-iling niya itong sinundan ng tingin.
Hindi nag-iisa si Rico sa kinauupuan nito. Kasama nito ang kaibigang si September. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit umaasa siya na sana kasama rin ng mga ito si Brett. Iwinaksi na lamang niya sa isipan ang mga bagay na iyon.
"Hi, Anna! Kumusta na?" Si September iyon.
"Maayos lang po ako, Sir. Salamat." Magalang niyang tugon sa binata.
Ngumiti naman ito saka sinimulang higopin ang sabaw na in-order nito. Halatang mayayaman ang mga ito pero walang kaarte-arte sa mga katawan. Knowing na hindi naman pang sosyal ang Agne's Batchoyan, pero doon nila piniling kumain.
Sa kagaya nilang mga tao ay dapat sa mamahaling resto ang mga ito kumakain. Napailing na lang si Anna.
Bumalik si Anna sa kusina, pero agad din naman siyang lumabas ng ipatawag siya ni Rico.
Nagdagdag pala ito ng order na i-take-out.
"Thank you, Anna." Nagulat pa si Anna ng pisilin ni Rico ang baba niya.
"S-salamat din po, Sir."
"Drop the 'sir' Anna, tawagin mo na lang kami sa mga pangalan namin." komento ni September.
Tumango naman si Anna. Kapagkuwan ay nagpaalam na ang mga ito na aalis.
At dahil sa dalawang binata na iyon ay dumami na naman ang kanilang kustumer ng araw na iyon. Tuwang-tuwa na naman si Aling Agnes.
"Naku, Anna, mukhang babalik-balikan na ng mga poging iyon ang batchoyan natin a, ang lakas talaga ng ganda mo!" komento ni Aling Agnes kay Anna.
Natawa naman si Anna sa sinabi ng Ginang.
"Masarap po kasi ang batchoy natin, Manang, kaya po sila bumabalik rito," saad ni Anna kay Aling Agnes.
Pagsapit ng alas singko ng hapon ay nagsara na sila. Dahil maaga pa para matulog ay napagpasyahan nina Anna at Gina na tumambay muna sa labas at magpahangin.
Kumakain sila ng balut nang bigla na lang sumulpot sina Rico at September.
"Hey, ladies!" sabay na wika ng dalawang lalaki.
"Kayong dalawa ba e, saan nakatira? 'bat parang palagi na lang kayo nandito?" Si Gina na nakataas ang kilay ang nagtanong no'n sa dalawa.
"Sa Empire's village." simpleng sagot ni September kay Gina.
Alam ni Anna kung saan ang Empire's village na sinasabi ni September. Ilang beses na kasi niyang nakita iyon noong nag-aaral pa siya. Sa kabilang bayan lang iyon. Pawang mayayaman ang mga nakatira sa nagsisilakihang mga bahay doon, o mas tamang sabihin ay mansion.
"Mayayaman pala kayo e, 'bat kayo nandito sa squater area? Hindi ba kayo nandidiri sa tuwing kakain kayo sa Batchoyan na pinagtatrabahuhan namin? Sa pagkakaalam ko kasi ang mga mayayaman ay maarte." Usisa pa ni Gina na nakatikwas ang kilay. Natahimik naman sa isang tabi si Anna. Ewan ba niya kung bakit mainit ang ulo ng kaibigan sa mga mayayaman.
"Well, miss, hindi kami maarte kung iyan ang akala mo." sagot ni September kay Gina. Inagaw nito ang balut na hawak ni Gina saka iyon walang paalam na kinain.
"Edi wow!" pabalang na wika ni Gina sa binata, "at bumili ka ng sayo, oy! Ka yamang tao e, nangunguha ng hindi kan'ya!" Angil pa ng dalaga sa binata habang pilit kinukuha ang balut na hawak ni September. Nag-aagawan na ang mga ito.
Natawa na lang si Anna at Rico habang pinagmamasdan ang dalawa na walang tigil sa bangayan. Kung titignan mo kasi ay parang matagal nang magkakilala ang mga ito.
"Anna, bakit ka pala nagtatyagang manilbihan dito kung puwede ka namang humanap ng mas magandang trabaho? I'm sure may tinapos ka naman 'diba?" tanong sa kan'ya ni Rico na titig na titig sa mukha niya. Iyong titig na hindi naman nakakailang.
Bumuntong-hininga si Anna bago nito sinagot si Rico.
"Hindi ko natapos ang kolehiyo ko e. Saka maayos na'ko sa trabaho ko, ang importante lang naman sa'kin e, may matutuluyan." ani niya.
Tumango naman si Rico.
"How about your parents?" tanong pa ni Rico.
"Wala na sila. Nag-iisa na lang ako." malungkot niyang sagot.
"I'm so sorry to hear that." hinging paumanhin ni Rico.
"Okay lang." tipid niyang tugon sa binata. Nang may maalala si Anna ay nag-awtomatikong bumuka ang bibig niya upang tanongin si Rico.
"Uhm, Rico, si Brett ba ay kapitbahay niyo rin?" diretsahang tanong niya sa binata.
"Yeah. Bakit mo natanong?"
"W-wala lang." aniya.
"Crush mo noh?" Nanlaki ang mga mata ni Anna sa tinuran ng binata. Agad niyang itinama ang paratang nito.
"Hindi a. May boyfriend na ako!" labas sa ilong na tugon niya. Hindi totoo iyong sinabi niya. No boyfriend since birth siya kaya nais niyang batukan ang sarili sa pagsisinungaling. Pero ang tungkol sa pagkakaroon ng gusto kay Brett ay iyon ang totoo. Crush nga niya ito.
Tumango-tango naman si Rico sa kan'yang sinabi. Pero may ngiti itong sinusupil sa labi. Kapagkuwan ay nagpaalam na ang mga ito sa kanila ni Gina. Nasundan na lang nila ng tingin ang papalayong kotse na sinasakyan ng mga ito. Nauna nang pumasok si Gina habang si Anna naman ay naiwan sa labas. Sa harap lang naman sila ng Agne's Batchoyan tumatambay.
"Anna." ani ng isang baritonong boses.
Napabaling naman si Anna sa pinanggalingan ng boses na iyon.
Napatayo siya sa kinauupuan ng makilala kung sino iyon. "Sir Brett." sambit niyang kinakabahan.
Nang humakbang ang binata palapit sa kinaroonan ni Anna ay lalong rumambol ang dibdib ng dalaga. Hindi niya maintindihan ang sarili pero naiihi siya sa simpleng titig lamang ni Brett. Hindi niya maalis ang paningin sa kulay abong mga mata ng binata na animo'y walang kabuhay-buhay.
"I came here to offer you a job. Kung gusto mo lang naman." Diretsahang pahayag ni Brett na ikinagising ng diwa niya.
"Po?" ulit ni Anna. Sa lakas kasi ng tambol ng dibdib niya ay tila nabibingi na siya.
"A job, Anna. I want to offer you a job." matigas na sabi ni Brett. Tila bored na ito at gusto nang umalis sa lugar.
Agad namang inayos ni Anna ang sarili nang mapansin ang inis sa mukha ng lalaki. Parang napipilitan lang kasi ito na kausapin siya.
"Naku, sir, maayos na po ako sa trabaho kong ito. Salamat na lang po." Iyon ang nasagot niya sa lalaki. Pero nang maalala ang trabaho at kung anong klaseng trabaho ba iyon ay napatanong siya kay Brett. "Anong trabaho po ba iyon, Sir?" Kapagkuwan ay napakagat siya sa pang-ibabang labi.
"Nanny." tipid na tugon ni Brett na ang mga mata ay nasa labi niya.
"Ah, yaya po ba ng anak mo, Sir? Iyong guwapong bata po?" saad pa ni Anna. Tumango naman ang lalaki.
Tumingin ito sa relong pambisig bago muling tumingin sa kan'ya. Iyong tingin na kaswal lang, walang emosyon. Maganda nga ang mga mata nito, wala namang kabuhay-buhay.
"I will give you a big salary kung tatanggapin mo ang alok ko. Kapag nakapagdesisyon ka na," may kinuha itong card sa wallet at ibinigay kay Anna, "pumunta ka lang sa opisina ko. I need to go." Hindi na nito hinintay pang makapagsalita si Anna. Mabilis ang bawat hakbang na tinungo nito ang kotseng nakaparada sa gilid ng kalsada.
Nang mawala ang binata sa paningin ni Anna ay tumalikod na rin siya upang pumasok sa loob.
Napatingin si Anna sa card na binigay ni Brett. "Hays, paano kaya 'to?" tanong niya sa sarili. Matagal niyang tinitigan ang card bago iyon inilagay sa pitaka niya.
Tulog na si Gina nang makapasok siya sa silid nila. Hindi siya makatulog ng gabing iyon. Pabaling-baling siya sa kinahihigaan.
May kung anong tumutulak sa kan'ya na tanggapin ang trabahong alok ni Brett, pero may bahagi rin ng isip niya na ayaw niyang tanggapin. Kung malaking sahud nga ang ibibigay ng binata ay tiyak na makakaipon siya, at pag nagkataon ay maipagpapatuloy na niya ang pag-aaral sa kolehiyo.
Dalawang taon na lang kasi ga-graduate na siya sa kursong HRM. Kung hindi lang sana siya pinatigil ng tiyahin malamang nakapagtapos na siya ngayon. Simula kasi highschool ay scholarship na siya hanggang mag kolehiyo kaya wala siyang nagagastos sa pag-aaral kundi allowance lang. Pero pinatigil siya ng tiyahin. Imbes kasi na matuwa ito dahil nakakuha siya ng scholarship ay nagalit pa ito sa kan'ya, bakit raw kasi nakakuha siya habang ang pinsan nitong si Chloe ay hindi. Masipag kasi siyang mag-aral, at mataas ang grado niya kaya isa siya sa napiling bigyan ng scholarship. Isa iyon sa ikinaiinisan ng tiyahin niya at ni Chloe sa kan'ya.
Hindi niya maintindihan kung bakit may mga taong imbes na matuwa na lang sa naabot mo e, ka-iinggitan ka pa at sisiraan. Sa katulad niya na walang ibang hangad kundi ang makapagtapos lang ng pag-aaral ay mismong kadugo pa niya ang gagawa no'n sa kan'ya.
Ipagkalat ba naman ng tiyahin mo at pinsan mo sa university na isa kang magna. Hindi magna-c*m-laude kundi magnanakaw!
Masakit iyon sa kalooban ni Anna. Hindi niya lubos maisip kung bakit gano'n ang ugali ng pamilya niya. Ipinikit niya ang mga mata ng maramdaman ang nagbabadyang luha.
Nang magmulat, inilibot niya sa buong silid ang paningin. Hindi habang buhay ay magiging ganito na lang siya. Kailangan niyang buhayin muli ang mga pangarap na binuo niya noon para sa sarili. Gusto niyang makapag-ipon, at mangyayari lamang iyon kung malaki ang masasahud niya. Sa kinikita niya kasi bilang waitress ay hindi iyon sapat para makapag-ipon siya. Magastos ang kursong gusto niya kaya kailangan niya ng malaking kuwarta.
Kinuha niya muli ang card sa pitaka at iyon ay muling pinagkatitigan. Bukas rin ay pupuntahan niya ang address na nakalagay roon. Magpapaalam siya kay Aling Agnes, tiyak na maiintindihan naman siya nito kapag sinabi niya ang kan'yang dahilan.