Pagka-uwi palang ni Anna galing ng San Diego ay agad niyang inaayos at niligpit ang mga gamit na dadalhin niya kinabukasan. Nang araw na iyon ay hindi nagbukas ang Agne's Batchoyan. Ikinagulat pa niya iyon pero pinaliwanag sa kan'ya ni Gina kung bakit. Gusto raw kasi ni Aling Agnes na ang buong araw na iyon ay para sa kan'ya, gusto ng mga ito na mag-bonding sila. Kaya naman matapos ang pag-aayos niya ng mga gamit ay inaya siyang pumunta ng Plaza para mag-picnic, dala ang iba't ibang putahe na pinaluto pa ni Aling Agnes sa kusinero nila.
Hindi matatawaran ang saya na nadarama ni Anna sapagkat ngayon niya lang naranasan ang pahalagahan ng isang tao. At kina Gina at Aling Agnes lamang niya iyon naranasan. Kaya naman labis siyang nagpapasalamat sa mga ito.
''Basta, Anna, huwag mo kaming kalimutang i-invite sa kasal mo ha?'' si Gina iyon na sumusubo pa ng barbeque.
Maang na napatingin siya sa kaibigan.
"Ha? A-anong kasal?'' kunot ang noong tanong niya kay Gina.
Tumawa pa si Gina bago siya sinagot, ''Baka matipuhan ka ni Mr. Valle, Anna. At ayain kang magpakasal. Marami kayang gan'yan,'' bumaling si Gina kay Aling Agnes. Kapagkuwan ay ang ginang naman ang tinanong nito, "'diba po, Aling Agnes?''
Mabilis namang tumango ang ginang, "Oo nga. Sa ganda mong iyan, Anna, malaki ang posibilidad na mahuhulog sayo si Mr. Valle,'' suhestiyon naman ni Agnes.
Napailing na lang si Anna sa dalawang babaeng kasama.
"Trabaho po ang punta ko do'n. Gusto kong makapag-tapos ng pag-aaral.'' ani ni Anna.
''Heto naman ang killjoy! Anong malay natin, 'diba?'' komento pa ni Gina.
"Oo nga naman!'' saad din ni Agnes.
Ibinaling na lang ni Anna ang atensyon sa mga pagkain. Nakaupo lamang sila sa telang isinapin sa lupa, marami rin ang mga taong nasa paligid na kagaya nila ay nagbo-bonding rin kasama ng kani-kanilang pamilya.
Napukaw ang atensyon nila nang may magsalita. Nabaling ang kanilang tingin doon.
''So, magiging yaya ka na ngayon?'' wika ng pinsan ni Anna na si Chloe. Nakatayo ito habang ang mga braso ay naka-cross sa dibdib nito. Sa hindi kalayuan ay nakatayo naman ang tiyahin niya na tila hinihintay si Chloe.
''Ang bilis talagang makalakap ng chismis ang mga marites!'' sabi ni Gina. Tinaasan lang ito ng kilay ni Chloe, at hindi rin naman nagpatalo si Gina. Doble ang ikinataas ng kilay nito sa pinsan niya.
Tumikhim si Anna nang maramdamang umiiba na ang ihip ng hangin sa pagitan ng dalawang babae, ''Uhm, ano'ng kailangan mo, Chloe?'' mahinahon niyang tanong sa pinsan.
Hindi maintindihan ni Anna kung bakit biglang umiba ang awra ng pinsan niya. To maldita into—mabait?
Umamo ang mukha nito, iyong tipo ng tao na bumabait kapag may kailangan.
"Susme, hindi bagay sayo, gurl!'' komento ni Gina kay Chloe. Pero hindi ito pinansin ng huli.
''Ah, Anna, baka puwedeng ipasa mo na lang sa'kin iyang trabaho mo sa Valle? I'm sure, matutuwa si Mama,'' nakangiting wika ni Chloe.
Kaya pala bumait dahil may kailangan...
Ani niya sa isipan.
"Matutuwa ang mama mo, pero kami hindi!'' sabat ni Agnes.
''Sa iba ka na mag-apply ng yaya, gurl! Huwag nang mang-agaw ng trabaho ng iba, tsk!'' wika ni Gina sabay tirik ng mga mata nito.
Gustong matawa ni Anna sa dalawang babae, at lalong pigil niya ang huwag mapatawa nang hindi na maipinta ang mukha ng pinsan niya.
''Sige na naman, Anna oh. Ayaw mo ba no'n, matutuwa na si Mama sayo?'' pamimilit pa ni Chloe sa kan'ya na hindi pinapansin ang dalawa niyang kasama.
Bumuntong-hininga si Anna, kapagkuwan ay tumayo siya mula sa pagkakaupo sa lupa. "Pasensya ka na, Chloe, pero kailangan ko ang trabahong iyon. Mag-apply ka na lang sa iba, marami naman d'yan e.'' mahinahon pa rin niyang sabi.
Laking gulat ni Anna nang malakas siyang itulak ng pinsan, dahilan nang muli niyang pagsalpak sa lupa.
''Buwesit! Hindi ka babagay do'n! Mas bagay ako!'' akmang susugurin siya ni Chloe pero natigil ito sa paghakbang nang marinig ang pagbabanta ni Gina at Agnes.
''Naku, gurl, mangudngud talaga kita sa lupa! Subukan mo lang makakatikim ka talaga!''
''Umuwi ka na, Chloe, bago ko pa makalimutang inaanak kita!'' si Agnes.
Walang nagawa si Chloe kundi ang humakbang patalikod at mabilis silang iniwan. Natakot ito sa dalawang babae.
"Tara na nga at makauwi. Baka sugurin na naman tayo ng nanay niyang butanding!''
Sabay na napatawa si Anna at Agnes sa sinabing iyon ni Gina. Niligpit nila ang mga pagkaing natira, at nang matapos iyon ay masaya silang umuwi.
***
Kinabukasan ay isang naka-unipormeng lalaki ang sumundo kay Anna. Nagpakilala itong tauhan ni Brett. Madamdamin ang naging paalam niya sa mga taong naging pamilya na ang turing sa kan'ya.
"Basta, Anna, huwag kang makalimot na bumisita rito pag-day-off mo ha.'' naluluhang sabi ni Agnes.
''Opo naman, Aling Agnes. Tuwing day-off po ay uuwi ako rito.''
''Ingat ka doon, Anna, a. Huwag basta-bastang magpadala sa matatamis na salita dahil kadalasan matinik iyon.'' bilin pa sa kan'ya ni Gina na ikinatawa na lang niya. Pero tinanguan na lamang niya ito bilang sang-ayon sa sinabi nito.
Matapos makapag-paalam sa mga taong naging malapit kay Anna, ay agad siyang pumasok sa loob ng isang magarang kotse na maghahatid sa kan'ya sa Valle's mansion.
Hindi rin nagtagal ay tumigil ang sinasakyan niya sa isang esklusibong subdibisyon.
''Nandito na tayo, miss.'' sabi ng driver kay Anna.
Nang bumukas ang pintoan ng kotse ay marahang lumabas roon si Anna. Agad namangha ang dalaga nang makita ang napaka-gandang mansion. May lumabas na matandang babae sa gate no'n at tinawag siya upang pumasok sa loob.
Binati ni Anna ang medyo may kaedarang babae, ''Magandang umaga po. Ako po si Anna.'' pakilala niya sa sarili.
Binalingan siya ng babae at tinignan siya mula ulo hanggang paa. Kapagkuwan ay nagsalita ito. ''Trabaho ang pinunta mo dito, hindi ang makipag-landi sa amo.''
Nagulat pa si Anna sa itinuran ng ginang. Pero nginitian niya lang ito saka ito magalang na sinagot. ''Huwag po kayong mag-alala, trabaho po talaga ang pinunta ko rito.''
''Nararapat lang. Ako si Bebang, ang mayordoma sa mansion na ito.'' ani ng ginang na hindi ngumingiti kay Anna.
Hinatid siya ng ginang sa maid's quarter upang ilagay doon ang dala niyang gamit. Pagkatapos ay pinakilala siya sa mga katulong na naroon. May ilang ngumungiti sa kan'ya, may ilang nakasimangot naman. At hindi alam ni Anna kung bakit.
Isa lang ang napansin ni Anna sa mansion na iyon. Gaano man iyon kaganda sa labas, malungkot naman ang awra no'n sa loob. Tila bawal ang ngumiti, tila bawal ang masaya.
Nahagip ng tingin ni Anna ang malalaking picture frame na nakasabit sa pader ng mansion. Larawan iyon ng isang masayang pamilya, si Brett at isang magandang babae, kasama ang isang batang lalaki na nakilala niya noon sa Plaza.
Nakaramdam ng pagka-tamlay si Anna nang pumasok sa isipan niyang may asawa na pala ang binata. Kasunod no'n ay naalala niyang hinalikan siya ng binata.
Hala... Bakit niya ginawa 'yon e may asawang tao siya! Nagkaroon pa ako ng kasalanan sa taas!
Natigil ang pagmumuni-muni ni Anna nang magsalita si Bebang. ''Siya ang asawa ni Sir, ang babaeng ina ng anak niya at tanging babaeng mahal niya.''
Tumango si Anna, wala naman akong balak na agawin siya sa asawa niya! ''Ah, okay po, manang.'' ani niya.
Napatingin si Anna sa hagdan nang marinig ang yabag ng mga paa roon. Agad na tumambol ang dibdib niya ng makita si Brett karga sa matitipunong bisig ang batang si Paolo pababa ng hagdan. Nang magtagpo ang mga mata nila ni Brett ay agad siyang napayuko.
''You're here!'' Muling napaangat ng tingin si Anna nang marinig ang munting tinig na iyon. Nakangiti ang batang lalaki sa kan'ya, at akmang tatakbo ito palapit sa kan'ya pero pinigilan ito ng ama.
''Stay here, Paolo.'' Tinawag ni Brett ang isang katulong upang kunin si Paolo at dalhin sa playhouse nito. ''Go, Paolo, I need to talk your nanny first.''
Walang nagawa ang bata kundi ang sumunod sa sinabi ng ama nito. Nasundan na lamang ni Anna ng tingin ang nakangusong si Paolo.
''Sumunod ka sa'kin sa library.'' wika ni Brett kay Anna. Tumango naman si Anna. Sumunod siya sa likuran ng binata habang paakyat ito sa hagdan.
Nang makapasok sa isang silid ay pinaanyayahan siyang umupo ni Brett sa
pang-isahang sofa. Bawat galaw ng binata ay nasundan ni Anna. Nagsalin ng alak ang binata sa isang babasaging baso, ininom nito iyon bago nagsalita.
''Wala kang ibang gagawin kundi ang bantayan lang ang anak ko.'' Tumango si Anna.
''Lahat ng gusto niyang gawin ay dapat ipaalam mo muna sa'kin.''
''Yes, sir.''
''Bawal siyang lumabas ng hindi ako kasama. Bawal rin siya sa mga seafoods na pagkain.'' saad pa ni Brett.
''Copy sir. Pareho pala kami, bawal rin ako sa seafoods e.'' sabi ni Anna.
Pagnakakain kasi siya no'n ay namamantal siya.
''I'm not asking.'' ani ni Brett na ikinaupo ng tuwid ni Anna.
Suplado naman nagsasabi lang e.
Marami pang mga kondisyon na sinabi si Brett kay Anna, tahimik naman iyon pinapakinggan at tinatandaan ni Anna. Nang matapos ang kanilang pag-uusap ay pinaalis na siya ng amo.
Nadatnan niya ang batang aalagaan niya na nakaupo sa pinakadulo ng baitang ng hagdan at mukhang hinihintay siya. Nang makita siya ni Paolo ay agad na nagliwanag ang mukha nito.
''Hi!'' nagulat pa si Anna nang yakapin siya ni Paolo sa bewang.
Wala siyang nagawa kundi ang lumuhod upang magpantay sila ng bata. Nakangiting hinaplos niya ang guwapo nitong mukha.
''Hello, Paolo. Ako ang magiging yaya mo.'' wika niya sabay pisil sa pisngi ni Paolo.
Bumungisngis ang bata, binuhat ito ni Anna at dinala sa malapad na sofa sa sala. Doon ay nagsimula silang magharutan.
Walang pakialam si Anna sa mga mapanghusgang tingin sa paligid niya. Hindi siya bato para hindi maramdamang ayaw ng ilang kasambahay sa kan'ya. Ang pinunta niya sa mansion ay ang alagaan si Paolo, hindi ang maduduming iniisip ng mga kasamahan niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang mga iniisip ng mga ito sa kan'ya.
Bahala sila d'yan...
Wika niya sa isipan at itinuon na lang ang atensyon kay Paolo.