Tigagal na sinundan ng mga mata ni Grezia ang binata na tuloy pa rin sa paghakbang niya papalayo sa kanya. Muling naging maingay ang buong paligid. Ilang saglit pa ay iginala niya ang kanyang mga mata sa kanila, nababalot na iyon ng kahihiyan ng mga sandaling iyon. Kaagad na nabalot pa ng hiya ang mga iyon lalo na nang dumapo ito sa banda ng matandang lalake na nasa may bar counter nito. Napapahiya siyang napakamot ng kanyang ulo nang magtawanan sila na alam ni Grezia na nang dahil iyon sa kanyang ginawang pakikipag-away sa estrangherong lalake kanina.
“Saan po may pinakamalapit ditong Inn or Hotel?” tanong niya sa matandang nasa counter na matamang nakatingin pa rin sa may kanyang banda, nahihiya na siyang ngumiti sa kanya. “Mayroon po ba?”
Ilang minuto ang lumipas bago sumagot sa kanya ang lalake na may kinausap na mga customer na nagbigay ng kanilang bayad ukol sa mga inumin nilang naubos na noon. Nahihiya niyang kinagat ang kanyang pang-ibabang labi.
“Oo, mayroon naman hija.” maikli nitong tugon na nagpalinga-linga pa, naglaho na ang pagkagulat na nadama niya kanina sa pagpasok pa lang doon ni Grezia. “Tagasaan ka ba at bakit ka napadpad dito ng ganitong oras? Saan ka pa nanggaling niyan? Gabing-gabi na hija, at saka..basang-basa ka pa” usisa na nito na may halong pagtatanong na.
“Galing pa po ako ng Batangas port, sa Mindoro po ang tungo ko pero dito ako inihatid ng may-ari ng speedboat kanina. Hindi na raw po kakayanin na maglayag pa patungo doon.” bigo niyang turan na bahagyang nahihiya na.
Marahang tumango sa kanya ang lalake, alam niyang naiintindihan na siya nito ngayon. Hindi niya alam kung ano pa ang tamang ire-react niya sa mga nangyari. Pinaghihinaan man ng loob ay pilit niya iyong nilakasan ngayon doon.
“Ganon ba hija? May malapit na hotel dito, sandali lang.” anitong ngumiti sa kanya nang maliit, bahagyang nakaramdam ng hiya doon si Grezia. Hindi niya alam kung ngingiti ba siya dito o tatango lang. “Ilang hakbang lang ang layo noon dito sa aming Bahay Kasiyahan.” dagdag pa nitong itinaas na ang kamay upang kuhain ang atensyon ng lalakeng abala ang mga mata sa screen ng kanyang hawak na cellphone, iyon ay ang lalakeng nakasagutan niya kanina. At nang dahil doon ay lalo pang nilamon ng kahihiyan si Grezia, hindi niya inasahang kilala siya ng matanda. “Dameil, samahan mo nga ang babaeng ito sa malapit na Inn o Hotel at baka maligaw hindi siya tagarito.” tawag pa ng matanda sa lalake na gusot ang mukhang nag-angat na ng tingin sa kanilang banda. Mabilis na ngumuso si Grezia nang magtama ang tingin nilang dalawa, hindi niya alam na kakilala ito ng matandang kausap niya ngayon.
Nang humakbang ito palapit sa kanilang banda ay ngumiti ng ubod-tamis si Grezia kahit na naiinis at halos ay mukha ng tanga. Naisip ng dalaga na siya lang ang makakapagturo sa kanya ng pinakamalapit na Hotel or Inn sa nasabing lugar. At kailangan niyang gawin ang bagay na iyong upang magbago ang first impression nito sa kanya. Ayaw naman niya na isipin nitong masama talaga ang kanyang ugali, babayaran na lang niya ang telepono.
“Lolo, bakit po?” lapit ni Dameil sa kanila, nasa screen pa rin ng cellphone ang mata, hindi alintana ng binata ang paninitig ni Grezia sa kanyang mukha. "May ipag-uutos po ba kayo sa akin?" tanong pa nito sa matanda ngayon.
“Samahan mo siya sa Inn or sa Hotel, saglit lang naman.” ulit ng matanda na itinuro pa si Grezia.
Ilang minutong muling tiningnan at pinagmasdan ni Dameil si Grezia na ngayon ay tila maamong asong nakangiti na sa kanya. Walang imik siyang pumasok ng counter upang magsuot ng sumbrero. Ilang sandali pa ay lumabas na rin siya ng counter ngunit hindi man lang ngumingiti sa kanya, ni hindi siya nito nilingon man lang. Nananatiling walang reaksyon ang mukha niya na isinilid na ang dalawang kamay sa bulsa ng kanyang leather na jacket na suot. Walang humpay na pumasok sa isip ni Grezia na siguro ay galit pa rin ito sa kanya nang dahil naputol ang usapan nila ng kausap nito kanina gamit ang phone.
“Hindi ko naman iyon sinasadya...” deffensive niyang bulong sa kawalan, ayaw nang isipin ang kasalanan niya.
Walang imik na lumabas si Dameil ng nasabing lugar at walang imik naman na sumunod si Grezia matapos na ngumiti at yumukod sa matandang lalake bilang pasasalamat niya. Hindi niya na magawa pang ibuka ang bibig. NGunit ilang sandali lang ay natigilan siya at nilingon na ang matandang nakatingin pa rin sa kanya ngayon.
“Salamat po.” pagsasatinig niyang hinawakan na ang handle ng kanyang maleta at akmang hihilahin na iyon.
“Walang anuman, hija.” ngiting muli ng matanda sa kanya na mayroon pang senyas ng kamay nito na pinapaalis na siya at sundan na niya ang kanyang apong lumabas na ng naturang Bahay Kasiyahan. “Sundan mo na si Dameil, dadalhin ka niya sa pinakamalapit na Hotel or Inn, malapit lang naman iyon sa lugar na ito.” anito pa sa kanya.
Muling yumukod si Grezia at nahihiya na siyang tumalikod doon habang sinusundan ng mga kuryusong mga mata ng mga matatandang lalake na naroroon at patuloy lang na umiinom. Hindi tuloy maiwasan ni Grezia na mas mahiya pa sa kanilang at naging asal niya kanina. Naisip niya na hindi dapat siya umakto ng ganun, nakasira pa tuloy siya ng gamit sa lugar. Naulinigan niya pa ang malakas nilang tawanan ng mga sandaling iyon sa loob ng nasabing lugar.
“Mabuti na lang mabait iyong matanda,” mahina pang bulong ni Grezia sa sarili niya, "Hindi ako pinagtabuyan."
Mabilis na napayakap sa kanyang sarili si Grezia nang dahil sa paglabas niya ng pintuan ay kaagad na naman siyang niyakap ng malamig na ihip ng hangin. Halik ng mas tumindi pang lamig ng hangin nang dahil sa nagmumula ito sa malawak na karagatan. Dinig na dinig ang daluyong at paghampas ng mga alon sa pampang ng dalampasigan sa lugar na kanilang kinaroroonan. At lalo pa itong nagbigay ng malamig na halik ng hangin sa kanyang balat na kanina pa giniginaw doon. Ilang saglit pa ay naramdaman na niya ang malagkit na hatid ng tubig-alat. Tahimik niyang sinundan si Dameil na lingid sa kaalaman ni Grezia ay sinisipat siya sa gilid ng kanyang mga mata. Pilit na kinikilala ng binata ang estrangherong dalaga na sa tingin niya ay sa kabihasnan lumaki at nakatira. At ang patunay nito ay ang kanyang maputing kulay ng alat at sa paraan ng pananalita niya at maging sa ugali ng kanyang mabagal na paglalakad doon.
“Mister, p-pasensiya na nga pala kanina.” agad na basag sa katahimikan at pagbubukas ni Grezia ng usapan habang nakasunod kay Dameil, hindi iyon narinig ni Dameil dahil kaagad na nilamon ng hangin ang kanyang munting tinig. Tumikhim-tikhim pa siya upang maging kapani-paniwala na iyon. “Hindi ko naman sinasadya ang aking nagawa kanina, pasensiya na talaga. Nagmamadali lang akong tawagan at kontakin ang aking kasintahan, pasensiya na ulit.” hindi pa rin iyon narinig ni Dameil na ang isipan ay kasalukuyang lumilipad na sa isang suliranin ng kumpanya niya.
Kunot-noong tinitigan ni Grezia ang likod ni Dameil nang hindi siya nito pinansin kahit na saglit na lingunin man lang. Patuloy itong umaabante pasulong gamit ang kanyang halos bilang lang na malalaking mga hakbang doon.
“Hindi niya yata ako narinig.” mahinang bulong pa ni Grezia sa kanyang sarili, ayaw na niyang ulitin pa ang mga naunang sinabi niya kanina sa kanya. “M-Mister? Naririnig mo ba ang sinasabi ko? Pasensiya na kako, Mister.”
Hindi pa rin ito nagsalita o kahit na lumingon sa kanyang banda kahit na saglit lang. Nanatili ang mga mata nito sa unahan na tinutumbok ng kanilang mga hakbang. Nagkibit ng kanyang balikat si Grezia, hindi na rin muling nagsalita. Maya-maya pa ay natanaw na nila ang isang maliit na Inn at hindi iyon masasabing Hotel. Ganunpaman ay agad na nabuhayan ng loob si Grezia, una ay makakapag-charge na siya, pangalawa ay makakapagpahinga na rin siya.
“Okay na iyong ganito keysa naman sa kalsada ako magpalipas ng gabi. Hindi ko tiyak kung bukas ng umaga ay magigising pa ako.” bulong ni Grezia nang marating nila ang harapan ng maliit na Inn, saglit na tumigil si Dameil sa kanyang harapan at pinagmasdan ang kanyang magiging reaction. Sinadya ng binata na dalhin ito sa Inn at hindi sa Hotel na bilin ng kanyang Lolo, nais niya lang gawin iyon sa dalaga sa hindi malinaw na dahilan niya. Maliit na ngumiti na nahihiya si Grezia sa kanya, bagay na malakas na ikinakabog na naman ng kanyang dibdib. At upang pagtakpan iyon at hindi makita ng babae ang bahagyang pamumula na ng kanyang mukha sa hindi malamang dahilan ay tinalikura niya na ito kaagad kahit na mukhang may nais pa itong sabihin sa kanya ngayon. “Salamat, Mister.”
Hindi niya muling nilingon ang dalaga, bahagya lang umangat ang gilid ng kanyang labi habang tuloy-tuloy ang hakbang ng kanyang mga paa na nagmamadali ng makaalis sa nasabing lugar na iyon. Tila ba sinasakal siya ng kakaibang kalabog ng kanyang dibdib na lalo pang nagpatuloy, hindi niya na maintindihan pa ang kanyang sarili.
“Mister, salamat!” muling sigaw nito na malawak nang ikinangiti ni Dameil ng mga oras na iyon, hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit gusto niya ulit itong marinig kahit pa ayaw na niya itong makita pa. “Hindi man lang siya lumingon para i-acknowledge iyong pasasalamat ko sa kanya ngayon.” bigong turan ni Grezia.
Hustong talikod ni Grezia upang pumasok na sa Inn at mag-check in ay siya namang tigil ni Dameil sa kanyang paghakbang. Bahagya niyang nilingon si Grezia na papasok na sa loob ng nasabing Inn. Lalo pang lumapad ang mga ngiti ni Dameil sa mukha nang tuluyan nang makapasok si Grezia sa loob ng Inn. Ilang saglit pa ay nagpatuloy na siya sa paglalakad. Halos umabot ang ngiti sa kanyang magkabilang tainga habang inililipad ng hangin ang ilang takas na hibla ng kanyang kulot na buhok. At kahit na moreno ay kitang-kita ang pamumula ng kanyang buong mukha ngayon.
“One night lang,” turan ni Grezia sa cashier ng nasabing Inn habang ibinigay ang kanyang dalang credit card, may pagsenyas pa siya ng kanyang hintuturo dito. Malugod iyong tinanggap ng cashier at nakangiting tinitigan na siya.
“Here is your card Miss, sunod na lang po kayo sa staff para maihatid kayo sa inyong gagamiting silid.” turo pa nito sa isang staff na naghihintay lang sa kanyang gilid, gaya nito ay nakangiti rin iyon. “Enjoy your staying po dito.”
“Thank you.” ngiti ni Grezia na tinanggap na ang credit card niya at nakangiti pa rin sa staff na kumuha na sa kanyang maleta upang samahan siya at ihatid ng kanyang silid.
“You’re welcome, Miss...” pahabol pa ng cashier sa kanya.
Tumango lang si Grezia at ngumiti, ilang sandali pa ay sinundan niya na ang staff na maghahatid sa kanya sa kanyang uukupahing silid nang mga sandaling iyon sa Inn.
“Goodnight.” malawak ang ngiti ni Grezia nang sabihin iyon sa staff na naghatid sa kanya bago pa man niya isara ang pintuan ng nasabing silid, “Salamat sa paghatid sa akin dito.”
“You’re welcome po, Miss.” tugon nitong tumalikod na rin sa kanya, “Goodnight na po.”
Ilang minuto pang iginala ni Grezia ang kanyang mga mata sa paligid ng kanyang silid. Maliit lang iyon, may isang kama malapit sa bintana, may lampshade at saka banyo. Ni walang cabinet na matatagpuan sa nasabing simpleng silid lang. Hindi na iyon alintana pa ni Grezia na nakaramdam na agad ng labis na pagod at antok ng mga sandaling iyon.
“Let’s call, Jholo.” mahinang bulong niya sa kanyang sarili na itinumba na ang kanyang dalang maleta sa sahig ng nasabing silid, kinuha niya an charger niya at ang cellphone.
Matapos iyong isaksak sa outlet na kanyang nakita ay humila na siya ng pares ng pajama niya at ang kanyang tuwalyang dala. Walang pag-aatubiling pumasok na siya ng banyo. Pakanta-kanta pa siya nang malakas habang nagsho-shower, paglabas niya ng banyo ay doon niya naisip na lumabas saglit upang mag-order ng kanyang magiging hapunan na.
“Main course, kakain ako ng main course.” turan niya pa sa kanyang sarili habang siya ay nagbibihis ng kanyang damit at tinutuyo ng hawak na tuwalya ang basa niyang buhok. “Ten percent pa lang siya?” tanong niya nanag pindutin ang screen ng kanyang phone at makita ang battery na nagcha-charge doon, “Ang bagal naman. Tamang-tama, pagbalik ko ay siguradong pwede na siyang gamitin upang tawagan ang aking nobyong si Jholo.”
Nakangiti niyang sinuklay ang kanyang buhok, patuloy pa ‘ring iniisip kung ano na ang kanyang kakainin paglabas niya ng kanyang silid. Wala na sa bokabularyo niya ang diet. Marahil ay dala iyon ng kanyang mga napagdaanan kung kaya siya gutom na gutom na.
“Siguro naman bukas ay makakarating na ako ng Mindoro,” hinuha pa ni Grezia sa sarili niya, hindi na siya makapaghintay pa doon. “At okay lang na late keysa hindi subukan.”
Ilang sandali pa ay nagplano na si Grezia na lumabas ng kanyang silid. Kaagad ‘ding nangunot ang kanyang noo nang biglang kumislap-kislap ang mga ilaw sa silid. Doon pa lang ay kaagad na siyang nakaramdam ng takot at pagkataranta. Ilang beses pa iyong nagpatay-sindi hanggang sa tuluyan nang nawalan ng kuryente ang buong lugar na iyon.
“What the f**k is this?!” bulalas ni Grezia na mabilis na kinuha ang kanyang cellphone upang buksan ang flashlight nito, binuksan ni Grezia ang pintuan ng silid upang marinig lang ang sintemyento ng mga kapwa niya customer na naka-check in sa lugar na iyon. “Anong nangyari?!” tanong niyang mabilis na inayos ang kanyang maletang nakabukas.
Lumabas si Grezia at nakiusisa sa mga customer na nasa hallway ng nasabing Inn. Doon niya nalaman na malakas ang hangin at ulan sa labas ng Inn, may bagyo raw paparating.
“Wala man lang ba silang generator in case of emergency?” tanong pa ni Grezia nang sabihin ng staff na wala silang magiging ilaw pansamantala, “Anong klaseng lugar ito?”
“Oo nga, naturingang Inn para sa mga bakasyunista.” suporta ng isa sa kanya.
“So, ganito na lang tayo hanggang umaga?” tanong pa ng isa sa mga kasama doon.
“Wala bang gagawin ang management ng Inn na ito?” tanong pa ng isa pa sa kanila.
Walang naging imik ang mga staff na mayroong hawak na flashlight at emergency light. Hindi rin nila alam kung hanggang saan tatagal ang kawalan ng kuryente sa lugar na ito.
“Ganito po talaga kapag may sama ng panahon, bukas pa po siguro ang kuryente—”
“Ha? Eh, paano kami makkaatulog ng maayos?” reaction na doon ni Grezia, “Kami na ba ang bahalang mag-adjust? Wala kayong action na gagawin? Anong klaseng lugar ito?”
“Pasensiya na po, ganun po talaga kapag walang kuryente dahil halos buong Isla iyon.”
Kaagad na namilog ang mga mata ni Grezia, hindi makapaniwala sa sinabi na ng staff.
“What? Ibig sabihin wala talagang pag-asa na bumalik ang kuryente ngayong gabi?”
“Parang ganun na nga po—”
“Nakakadismya naman!” muling pagputol ni Grezia sa kanyang sasabihin pa, “OMG!”
Bago pa makapagsalita ang staff ay tinalikuran na niya ito, hindi na hinintay pa ang nakakainit ulo na paliwanag nito sa kanya. Walang imik na inayos ni Grezia ang kanyang mga gamit sa maleta, nagsuot lang siya ng medyas ay walang imik na hinila na palabas ang kanyang dalang maleta. Hindi niya alintana ang mga matang nakatingin sa kanya. Doon niya naisip na mas may tiwala pa siya sa mga unang tao na kanyang nakilala keysa sa mga staff ng nasabing Inn, buo na ang kanyang desisyon ngayon doon. Pupunta siya sa Bahay Kasiyahan kahit pa mga pawang mga lalake ang lahat ng naroon doon ngayon.