Chapter 7

2600 Words
Natitigilang napahinto si Dameil sa kanyang planong pagpasok ng kanilang tahanan nang biglang magdilim ang buong paligid at mamatay ang lahat ng ilaw sa kanilang buong Isla. Wala sa sarili ay lumingon siya sa dereksyong banda ng Inn na kanyang pinag-iwanan sa estrangherong babae na inihatid niya kanina doon. Ilang beses pa siyang bumuntong-hininga, maliwanag pa rin ang buong Bahay Kasiyahan nila ng kanyang Lolo nang dahil sa mga solar na siyang alternatibo nilang gamit in case na magkaroon ng biglaang blackout. Hindi niya maiwasang makaramdam na mag-alala sa babae na kanyang inihatid kanina, sa lugar nilang iyon ay halos sila lang ang nagmamay-ari ng mga solar panel. Sila lang ang maliwanag kapag nag-brownout. Maliban na lang sa mga malalaking Hotel na naroon na may sariling generator na naka-ready sa tuwing mawawalan ng kuryente ang buong Isla. At sa kumpanya ni Dameil na may kalayuan sa tahanang iyon, nakagawian niya ng pumunta sa lugar ng kanyang Lolo matapos na magtrabaho sa kanyang opisina. At sa uri ng kanyang kasuotan ay sinong mag-aakala na mayaman siya at isang bilyonaryo, mas mapagkakamalan pa siyang mangingisda sa lugar dahil na rin sa paraan ng pananamit niya. Dagdagan pa ng kanyang kulay na bahagyang nasunog sa nakaraang scuba diving.   “Dameil, hindi ka pa ba papasok dito?” tanong ng kanyang Lolo na natanawan na siya doong pansamantalang natitigilan, nilingon niya ito gamit ang mukha na may emosyon ng pag-aalala sa hindi niya malamang dahilan. Alam niyang hindi niya dapat iyong maramdaman ang ganung pakiramdam, subalit hindi niya mapigilan ang kanyang sarili na tila ba mayroong magnet ito na humihila sa kanya upang mag-alala pa sa babae. “Hindi mo ako tutulungang mag-estima sa mga customer ngayon? Naihatid mo ba?” tanong pa ng matanda na mayroong mapanuri nang mga matang nakatingin sa kanya.   Hindi sumagot si Dameil, nanatili ang mga mata sa dereksyon ng Inn na pinaghatiran niya. Kung hindi pa malakas na bumuhos ang ulan ay hindi siya papasok sa loob nito. Tila may bumubulong sa kanya na hintayin ang nasabing babae dahil pupunta iyon sa kanila. Hindi rin siya nag-abalang sagutin ang kanyang Lolo sa huling naging mga tanong nito sa kanya, at sa halip ay sinagot niya iyon ng panibagong katanungan na ukol sa panahon.   “Lolo, mayroon bang bagyo?” tanong niya pagpasok na pagpasok niya pa lang sa loob, wala sa sariling hinubad niya ang kanyang suot na leather jacket at isinampay na iyon sa malapit na upuan sa may counter ng nasabing bar. Hindi alintana ang ginaw ng hangin.   “Oo, mukha ngang mayroon.” sagot ng matanda na ini-abot na sa kanya ang apron upang isuot niya, “Bakit mo naman naitanong ang tungkol sa bagay na iyan ngayon?”   “Brownout ang buong Isla.” ani Dameil na pinagpag ang ilang butil ng ulan na humalik sa kanyang balat at damit, hindi pa rin tinitingnan ang kanyang Lolo na nananatili ang titig sa kanya ngayon. “Malakas na rin ang ulan at maging ang hangin na mula sa karagatan.”   “Eh, ‘di mayroon nga.” anang matanda na ilang minuto siyang tinitigan ng nagtatanong na mga mata, hindi man isatinig ng kanyang apo iyon ay alam niyang may nais pa itong sabihin sa kanya. “Bakit? Anong problema?” nagkibit-balikat na lamang doon si Dameil, alam niya na kahitanong usisa sa kanya ng Lolo niya ay hindi niya pa rin ito sasagutin. “May mga kagamitan ka bang maaaring masira sa iyong opisina na hindi mo naayos?”   Inalis ni Dameil ang kanyang suot na sumbrero na naging dahilan upang maging malaya ang kulot na hibla ng kanyang buhok na bahagyang umaabot sa likuran ng batok niya. Kaagad na sumayaw ang mga iyon sa mas lumakas pang ihip ng hangin mula sa open space ng kanilang Bahay Kasiyahan ngayon. Ilang beses niyang hinawi ang mga iyon na bahagyang tumabon sa kanyang may itsurang mukha. Naiiling pa siyang tumawa nang tumabon muli ang ilang hibla ng kanyang buhok, tumusok ang mga iyon sa mata niya. Iyon ang naging dahilan upang mahina at pagak na siyang tumawa nang dahil na rin dito.   “Saan mo siya inihatid?” tanong muli ng matanda na ang tinutukoy ay si Grezia nang kumapit na siya sa may kanyang banda, “Sinigurado mo bang magigin safe siya doon?”   Lumipas ang ilang minuto bago minabuti ni Dameil na sumagot sa kanyang Lolo. Hindi niya maisip kung magsisinungaling dito sasabihin na rin niya ang totoong ginawa niya. Sa bandang huli ay mas minabuti niyang sabihin na lang dito ang totoong mga nangyari.   “Sa Inn lang po na malapit—”   “Bakit hindi mo sa Hotel inihatid?” kaagad na pagputol sa kanya ng matanda, dagli itong natigilan sa kanyang ginagawa ng mga sandaling iyon ngayon at humarap na kay Dameil. Hindi pa rin makapaniwala sa naging tugon ng kanyang apo sa kanyang naging katanungan dito. Hindi niya lubos maisip na sa Inn ito inihatid sa halip na sa Hotel na mas safe at mas maayos sana para sa babae. “Maayos sana ang lagay niya doon kahit paano nang mawalan ng kuryente nang dahil sa generator nila. Kawawa naman siya.”   Doon banda ay bahagyang nakonsensiya si Dameil, nahiling niya na sana ay pumunta na lang sa lugar nila ang babae dahil mas safe ang lugar na ito kumpara sa ibang lugar doon. Ganunpaman ay pilit niyang iwinaglit ang isiping iyon, naisip niya na kung hindi pupunta doon ang babae ay ‘di hindi at wala rin naman silang pananagutan sa kanya. Bukod na lang sa hindi niya ito inihatid sa nasabing maayos na Hotel bago niya tuluyang iwanan. Pilit niyang isiniksik sa kanyang isipan na hindi dapat siya makonsensiya sa nangyari pa.   “Hindi ko naman po alam na may bagyo, Lolo.” katwiran niya na lang sa matandang naiiling pa rin sa kanyang ginawa, kinuha niya ang cellphone upang gamitin iyon saglit. “At isa pa po ay hindi naman natin siya pananagutan, wala tayong pananagutan Lolo.”   Natigilan sa kanyang sinabi ang matanda, ginawa na ang order ng customer na nagbayad na at pagkatapos noon ay nilingon niya si Dameil na ang buong atensyon ay nasa kanya ng cellphone na hawak. May ichini-check siya doon na mensahe na mula sa mga rescuer.   “Ginagantihan mo ba siya dahil nasira ang telepono?” tanong pa ng matanda sa kanya, kakaiba na ang mga tingin nito sa kanya na mabilis na ikinailing ni Dameil sa matanda. Hindi na siya isip-bata para gawin ang bagay na iyon ngayon, hindi pa rin siya nag-angat dito ng paningin. Ngunit nang muling magsalita ay tiningnan niya na ito gamit ang mga mata niyang kuryuso kung bakit nag-aalala dito ang Lolo niya. “Dameil, hijo alam mo—”   “Hindi po Lolo, hindi ko lang po talaga alam na mayroong bagyo.” pagputol na niya dito, ayaw niyang isipin ng kanyang Lolo na ginagawa niya talaga ang bagay na iyon sa dalaga. “Pasensiya na po, hindi ko lang din po alam na mayroong bagyo kaya hindi ko na naisip.”   Malalim na huminga pa ang matanda, hindi niya pa rin maintindihan ang naging reaction ng kanyang apo sa babaeng naliligaw nang hindi naman sinasadya niya sa kanilang Isla.   “Mukha pa namang kawawa ang babaeng iyon dahil parang naligaw lang siya dito.” pagsasatinig na ng matanda na lalo pang kumain sa konsensiya ni Dameil, marahan siyang napalunok ng kanyang sariling laway. Naiisip na ang sinabi ng kanyang Lolo na mukha ngang kawwa ang babaeng iyon kanina. “Kaya dapat ay sa Hotel mo hinatid.”   Hindi na pinansin ni Dameil ang hinaing ng kanyang Lolo, ibinaling niya na ang buong atensyon niya sa screen ng kanyang cellphone. Iyon ang naging dahilan upang matigilan ang Lolo niya sa mga sasabihin niya pa. Nagtipa siya ng mensahe sa piloto niyang kausap kahit pa panaka-naka ang siyang balik sa kanyang balintataw ng hitsura ng babaeng estranghero kanina. Hindi niya makalimutan ang mga mata nitong nakikiusap sa kanya.   “Hello? May balita na ba?” tanong niya nang muling sagutin iyon ng kanyang kausap, malakas ang hangin na kanyang naririnig mula sa kabilang linya. Ganunpaman ay hindi niya iyon alintana, malalim siyang huminga. “Any updates ngayon sa paghahanap niyo?”   “Negative boss, wala pa rin kaming makita na bakas ni Sir Gior kahit ng mga gears niya.”   Hindi na nagsalita pa si Dameil, pagkatapos ng ilang saglit niyang pagmumuni-muni ay huminga na siyang muli ng malalim. Hindi niya na alam ang kanyang mga sasabihin pa.   “Sige, balitaan niyo ako kapag mayroon ng improvement.” huling saad ni Dameil na agad na pinatay na ang kanyang tawag sa piloto, hindi niya maiwasang sumulyap sa pintuan. Hindi niya alam kung bakit umaasa siyang babalik doon ang babae at pagkakatiwalaan sila. Mayroong gut feeling siya na muli niyang makikita ito kahit pa parang imposible na. “Hindi na siguro iyon pupunta dito dahil baka takot siya sa dilim sa daanan pabalik dito.” mahinang bulong pa ni Dameil sa kanyang sarili na hinarap nang muli ang gawain niya.   Sa kabilang banda ay malalaki na ang mga hakbang ni Grezia na nagawa ng makalabas ng Inn. Hila ang maleta at gamit ang liwanag ng flashlight ng kanyang cellphone na ten percent lang ang naging charge. Hindi niya pansin ang paulit-ulit na pagtawag sa kanya ng mga staff ng Inn, hindi niya alam at maintindihan ang kanyang sarili kung bakit nais niyang muling bumalik sa Bahay Kasiyahan na unang pinuntahan niya kanina sa lugar. Siguro ay dahil pakiramdam niya ay mas magiging safe lang siya sa lugar na iyon kumpara sa Inn na pinagdalhan sa kanya ng lalaking walang imik kanina. Nais mang pigilan ni Grezia ang sarili at ikastigo na ito, mas pinili na lang niya ang kanyang nararamdaman ngayon. Sa hindi malamang dahilan ay higit siyang mapapanatag doon.   “Anong klaseng lugar ba itong napuntahan ko?” tanong niya sa kanyang sarili habang dere-deretso ang kanyang hakbang, mahigpit pa ‘ring hawak ang handle ng maleta. Hindi niya alintana ang mga patak ng ambon na mabilis na humalik sa kanyang balat. Nagpanginig sa kanyang kalamnan ang malamig na halik noon sa kanyang giniginaw na balat. “Kung kailan kailangan ko ng charge ng aking cellphone saka pa talaga nag-brownout. May sumpa bang kaakibat ang aking desisyong ginawa? Nagkamali ba ako, Honey? Mali ba ang sundan kita at ipilit ang mga bagay na una pa lang ay hindi na nakatakdang mangyari sa ating dalawa?” tanong niya na puno na ng sama ang kalooban.   Matapang niyang tinahak ang daan, hindi alintana ang madilim na paligid na yumayakap sa kanyang buong katawan. Binabasag ng tunog ng kanyang takong na kapareha ng kanyang pajama ang kalsadang unti-unting nababasa na ng lumalakas na buhos ng ulan. Marahas niyang pinalis ang ilang butil ng luha na sumilip sa magkabilang gilid ng mga mata niyang daglian ang nangyaring pamumula. Hindi niya alam pero sa kanyang lagay ngayon ay nagmukha siyang kawawa, walang magawa ang maraming pera na dala-dala.   “Dapat ay nanahimik na lang ako sa unit ko ngayon, hindi na ako naghangad ng unang hakbang but since nandito na ako kailangan ko na itong ituloy at panindigan.” bulong niya sa kanyang sarili na kinalamay na ang kanyang kalooban na masama pa rin noon.   Muling natahimik ang buong paligid nang pumasok si Grezia sa loob ng nasabing bahay, punong-puno ang kanyang mga mata ng mga katanungan na kung bakit sa lugar na iyon ay buhay ang mga ilaw. Ilang beses pa siyang lumingon sa madilim na labas na kanyang pinagmulan, inaasahan niyang wala rin doong kuryente kagaya ng pinanggalingan niya.   “Hija, bakit bumalik ka.” maikling turan ng matandang bahagyang nagulat sa pagsulpot ni Grezia sa nasabing lugar, hindi niya rin iyon inaasahan na mangyayari ngayon.   “Brownout po doon sa Inn, pasensiya na po pakiramdam ko po ay mas okay pong dito ako magpalipas ng aking magdamag.” nahihiya niyang turan habang iginagala ang mga mata sa counter kung nasaan si Dameil na halos manigas sa kinatatayuan niya ngayon.   Hindi magawa ng binatang igalaw ang kanyang katawan upang tingnan na ang babae. Inaasahan na niyang mangyayari ang bagay na iyon, pero hindi niya maintindihan kung bakit malakas na naman ang kalabog ng kanyang dibdib. Mabilis niyang inilapag ang bote ng alak nang muntik na niya itong mabitawan sa labis na kabang nararamdaman.   “Sigurado ka ba diyan, Hija?” muling tanong ng matanda na lumingon na kay Dameil na tahimik na nagpupunas ng kanyang basang kamay ng alak sa suot niyang apron doon.   “Opo, kung pwede po sana.” nahihiyang sagot ni Grezia na tumagal na ang mga mata sa likod ni Dameil na kanyang tanging natatanaw mula sa kinatatayuan, hindi niya makita ang pamumula ng mukha nitong bahagyang natatakpan ng kanyang kulot na buhok na. “Willing po akong magbigay ng rent, for one night. Kahit po magkano iyon, L-Lolo...hayaan niyo lang po akong matulog at magpahinga ng isang gabi sa lugar na ito. Pasensiya na po sa magiging abala ko sa inyo.” ani pa ni Grezia na pinipilit na makipag-negosasyon sa matanda upang pumayag lamang ito.   Payak na ngumiti ang matanda sa kanya, hindi sumagot sa naging alok niyang pera. Ilang sandali pa ay lumingon na ito sa kanyang apo na sa mga sandaling iyon ay parang itinulos pa rin sa kanyang kinatatayuan. Nanlalamig na ang kanyang mga pawis kahit na lumamig pa ang ihip at halik ng hangin. Bagay na noon niya lang naranasan buong buhay niya. Walang sinumang babae ang nagbigay sa kanya ng ganung klaseng labis na kaba. At nang dahil sa kanyang kaba ay halos makalimutan niya na rin ang suliranin na kanyang kinakaharap ukol sa nangyari ng umaga.   “Dameil ipagamit mo muna sa babaeng ito ang iyong kwarto at kawawa naman kung sa lansangan lang magpapalipas ng magdamag.” anitong hinihintay ang magiging reaction ng kanyang apo, alam niya na maramot ito pagdating sa kanyang silid. Ngunit hindi nangyari ang inaasahang protesta nito ng matanda. Sa halip ay binitawan nito ang hawak na basahan at marahang tumango sa naging utos ng kanyang Lolo. “Isang gabi lang naman iyon, Hijo.”   Nanatiling nakaburo ang mga mata ni Grezia sa lalaking sa mga oras na iyon ay alam na niya kung ano ang pangalan. Sa tinuran ng matanda ay napagtanto niyang nakatira sa lugar na iyon ang lalaki dahil mayroon itong sariling silid. Hindi niya na napigilan pang balutin ng hiya ang kanyang buong pagkatao nang maalala ang mga pinagsasabi niya dito kanina at ang ginawa niyang pagsira sa telepono sa nasabing lugar. Marahan na niyang kinagat ang kanyang pang-ibabang labi, nilalamon na ng kanyang labis na hiya. Halos kutusan na ni Grezia ang kanyang sarili nang lingunin siya ni Dameil, nakita niya na may naglalarong kakaibang ngiti sa labi nito nang mga sandaling iyon. At kahit na hindi nito sabihin sa kanya ay alam niyang ipinapamukha na nitong isa siya sa may-ari ng lugar. Wala siyang nagawa kung hindi ang salubungin pa ang mga titig nito, wala sa bokabularyo niya ang umatras kahit pa alam niya sa kanyang sarili na siya ang may mali dito. Pagkaraan ng ilang minuto ay nag-iwas na ito ng tingin sa kanya. Sa ginawa ni Dameil ay nais ng magdiwang ni Grezia, ang ibig sabihin noon ay talo ito sa kanilang titigan na ginagawa kanina.   “Sundan mo na lang siya kung saan siya pupunta, Hija.” utos ng matanda kay Grezia nang lumabas ng counter si Dameil at walang imik ng humakbang papasok pa sa kaloob-looban ng nasabing lugar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD