Alumpihit man dito ay walang nagawa si Grezia kung hindi ang mabilis nang sumunod kay Dameil. Hila ang kanyang maleta ay nahihiya at nagmamadali siyang pumasok sa pintuan na pinasukan ni Dameil. Namilog ang kanyang mga mata nang bumulaga sa kanya ang mga lalaking nagsusugal at umiinom pa ng alak sa bandang iyon ng silid, may nakita pa siyang ilang mga cubicle kung saan ay mayroong kumakanta at nagsasayawan. Kaagad siyang pinangilabutan sa tanawing iyon, lalo na nang mabaling sa kanyang banda ang kanilang mga mata na bahagyang natitigilan sa kanilang mga ginagawang usapan. Kung sa may bungad ng Bahay Kasiyahan ay mga matanda, sa bandang iyon naman ng nasabing lugar ay halatang mga bata pa. Kung hindi siya nagkakamali ay iisipin niyang ka-edad iyon ng lalaking kanyang patuloy na sinusundan ng mga sandaling iyon ngayon.
“Calm down, Grezia, you will be fine.” mahinang bulong ng dalaga sa kanyang sarili.
Bahagyang bumagal ang ginagawang paghakbang ni Dameil nang kanyang makita sa gilid ng kanyang mga mata ang ginawang bahagyang pagtigil ng dalaga sa pagsunod sa kanya. Ilang sandali pa ay nilingon niya ito, nananatiling natitigilan pa rin ang dalaga sa nakita.
“Ngayon lang ba siya nakapasok sa ganitong klaseng lugar?” tanong niya pa sa kanyang sarili habang pinagmamasdan pa rin ang reaction nito ngayon, “Imposible naman iyon.”
Mabilis nang nagpatuloy na humakbang si Dameil nang makita niya ang ginawa nitong paglingon sa kanyang banda. Hindi na muling nilingon pa ang kinaroroonan ni Grezia. Wala namang nagawa si Grezia kung hindi ang patuloy na sundan si Dameil. Mas bumilis pa ang kanyang mga hakbang nang makita na niyang binuksan ni Dameil ang pintuan ng silid doon. Mabilis na siyang pumasok doon at pagkabitaw ng pintuan nito ay tinangka na niya iyong isarado. Hindi sa natatakot siya, mas natatakot siya sa mga nadaanan nila. Hindi naman makapaniwala si Dameil sa kanyang ginawa, hindi sa umaasa siyang bigyan siya nito ng pasasalamat kaya lang umasa pa rin siya na mangyayari iyon sa ugali nito. Ilang sandali pa ay binuksan iyong muli ni Grezia, at naroon pa rin nakatayo si Dameil.
“Hmmn...pasensiya na, s-salamat...” alanganin niyang saad sa lalake na napapailing pa, “Magpapahinga na ako,” aniyang naging malikot ang mga mata nang gumala sa lugar.
Bago pa ni Grezia madugtungan ang kanyang sasabihin ay kaagad na siyang tinalikuran ni Dameil. Walang lingon-likod at tuloy-tuloy na itong humakbang papalayo na sa kanya. Nang hindi na niya matanaw ang likod nito ay isinara na niya ang pintuan, hindi na niya pinansin pa ang malakas na pagkalam ng kanyang sikmura nang dahil sa kanyang gutom.
“G-Goodnight.” naibulong na lang ni Grezia sa hangin ng kawalan.
Mabilis niyang iginala ang kanyang mga mata sa nasabing silid. Maliit lang iyon kumpara sa kanyang silid sa Maynila ngunit malinis naman ito at naka-organisa rin ang mga gamit. Kulay abo ang pintura ng naturang silid, ganundin ang kulay ng makapal na kurtinang nakatabon sa kanang bahagi noon. Mabilis na humakbang patungo at palapit doon si Grezia, kapagdaka ay hinawi niya ang kurtina upang salubungin lang siya ng madilim na kapaligiran doon. Base sa kanyang kinaroroonan ay alam niyang nakaharap ito sa dagat. Ilang saglit pa ay muli niyang isinara ang kurtina at humakbang na sa kam nitong sa hula niya ay mayroong size na double or king size bed. Nababalot iyon ng mapusyaw na hilaw na kulay abo na kagaya ng pintura at kurtina ng nasabing silid ng lalake na may ngalang Dameil. Maydalawang unan sa ibabaw noon, may maliit na lampshade sa gilid at may cabinet na halatang lalagyan nito ng damit. Wala sa sariling naupo si Grezia sa gilid nito habang gumagala pa rin ang kanyang mga mata sa kabuohan ng nasabing silid. Wala sa sarili niyang hinubad ang kanyang sapin sa paa at wala sa sariling umakyat na ng kama.
“Boring talaga kapag silid ng lalaki, wala man lang kahit na isang painting na nakasabit sa dingding.” reklamo ni Grezia habang umaayos ng upo patungo sa mga unan ng kama, wala sa sarili siyang nahiga ay ini-unat ang kanyang dalawang paa. Wala sa plano niya ang patayin ang ilaw ng silid, hindi niya iyon gagawin. “Kahit na isang paso ng kahit na anong halaman ay wala rin, maganda sana kung mayroon ng mga iyon sa loob ng silid.” dagdag niya pang humarap sa kanang bahagi, paharap sa kurtina. Unti-unti ng lumamig ang silid, doon pa lang niya naulinigan ang maingay na tunog ng makaluma ng aircon.
Mabilis siyang bumangon sa pagkakahiga, payak na tumawa nang makitang ang aircon na naroroon ay kung anong panahon pa naimbeto. Ganunpaman ay hindi siya nagsalita. Muli siyang nahiga, ngunit nang mayroong naalala ay mabilis na muli siyang bumangon. Binuksan niya ang kanyang maleta at kinuha na doon ang charger ng kanyang cellphone. Wala sa sarili niyang isinaksak iyon sa outlet bago muling nahiga, inayos ang comforter. Ilang sandali pa ay kaagad na siyang hinila ng antok dala ng kanyang labis na pagod sa araw na iyon. Hindi niya namalayan na humihilik na siya nang malakas na malakas doon.
“Tinanong mo man lang ba kung kumain na siya?” tanong ng Lolo ni Dameil sa kanya sa pagbabalik niya ng counter, bagay na ikinailing lang ni Dameil. Hindi pa rin maunawaan kung bakit ganun na lang ang kabog ng kanyang dibdib, lalo na nang magtama ang mga mata nilang dalawa kanina. Nagkibit lang siya ng balikat at bumalik na ng pwesto. “Dapat ay tinanong mo man lang siya Hijo, mukhang malayo ang nilakbay niya kanina.”
Hindi nagsalita si Dameil, naiwan pa rin sa kanyang balintataw ang mukha nitong puno ng pag-aalala kanina. Nais niya nga sana itong tanungin kung kumain na kaya lang ay baka masamain pa ng dalaga iyon at bigyan ng ibang kulay. Kung kaya ay minabuti na lang niya na huwag na iyong isatinig pa sa kany at baka ma-misunderstood lamang ito.
“Hindi po natin kailangang gawin ang bagay na iyon, Lolo, binigyan na natin siya ng tirahan para sa gabing ito. Sapat na iyon at dapat na niyang ipagpasalamat sa atin.”
“Dameil, hindi masama na minsan ay maging mabuti tayong tao sa kapwa natin.” pagsasatinig ng matanda na hindi pinansin ng binatang bumalik na sa pwesto niya.
Bukas hanggang ala-una ng madaling-araw ang Bahay Kasiyahang iyon na mula alas-dos o alas-tres ng hapon. Ilang dekada na iyong pinapatakbo ng kanyang Lolo, at madalas na hapon ay naroroon na siya matapos niyang magtrabaho sa kanyang kumpanya upang tulungan ito sa mga trabaho. Mayroon naman silang tagahugas at may tagaluto rin dito. Ilang beses na rin niyang sinabihan ang kanyang Lolo na kumuha na ng kasamahin doon at barista, ngunit ang katwiran nito ay huwag na at kaya na naman nilaa iyong gawin lalo na sa paghawak ng kaha. Minsan na silang may kinuha at kanilang pinagkatiwalaan iyon ngunit sa bandang huli ay ninakawan sila nito at pinagsamantalahan lamang. Iyon ang isa sa bagay na ayaw ng mangyari pa ng kanyang Lolo, kaya kahit na mahirap ay hindi na ito kumuha pa ng kanyang makakasama na sa bandang huli at magnanakaw lang pala.
“Lolo, hindi naman po pare-pareho ang mga tao, bakit hindi po kumuha ulit tayo?” natatandaan niya pang turan niya sa matanda na ganun na lamang ang pag-iling.
“Hindi na Dameil, kaya ko naman na at isa ay nagpupunta ka naman dito para tulungan ako. Sapat ka na upang maging magaling na bartender ng ating Bahay Kasiyahang ito.”
“Paano po kung lumabas na naman ako ng bansa?”
“Eh, ano? Hindi ka naman doon nagtatagal.”
Sinundan niya itong nag-aayos ng mga baso sa may mismong counter ng maliit na bar. Ang lugar na iyon ay yari sa mga kahoy, at kahit pa nagkaroon na siya ng maraming pera ay hindi pumayag ang matanda na e-renovate niya ang lugar. Ang bubong nito ay yari sa kugon, ang dingding ay sa mga matitigas na kahoy na kanilang binili noon pa. Hindi ito pumayag sa suhestiyon niyang gawin iyong concrete at ipasemento para mas maging matibay. Ika ng matanda ay mawawala ang feels ng lugar na iyon kapag ito ay kanyang pinayagang gawin ni Dameil. At ang bagay na iyon ang kanyang iniingatan pa.
“Pero Lolo, mabuti pa rin na may tumatao na barista at kahera.” giit pa rin ni Dameil.
“Ikaw na bata ka, tigilan mo ako. Kung ayaw mong tumulong ay ‘di huwag, kaya ko pa namang gawin ang lahat ng mga iyan kahit na wala ka dito.” pinaleng saad na rin nito.
“Lolo—” kaagad siyang natigilan nang samaan siya nito nang tingin. Alam niyang kahit na kailan ay hindi niya iyon mababago, walang makakabago sa naging desisyon na nito.
“Huwag mo akong piliting magalit sa’yo, Dameil.” may banta pa sa tinig nito ngayon.
“Okay, Lolo, hindi na po.” pagak niya ng halakhak ng mga sandaling iyon.
Maaga siyang naulila sa kanyang mga magulang nang dahil sa isang aksidente. Hindi na rin siya nagkaroon ng kapatid, ang kanyang Lolo at Lola na ang nagpalaki sa kanya. Ang Lola niya ay kasalukuyang nasa ibang bansa, sa anak nitong pangalawa na sa Norway na nakatira. Hindi nagawa nitong isama ang kanyang Lolo na bukod sa mahal na mahal ang kanyang Bahay Kasiyahan ay ayaw din siyang iwanang mag-isa kahit pa ang edad niya ay aabot na ng trenta, hindi pa rin pinili nitong iwanan siya kahit stable na rin siya.
“Sasama ako sa kanila kapag nasaksihan na naming mayroon kang asawa na, Dameil.” palaging turan ng kanyang Lolo nang ilang ulit niyang tanungin ito bakit ayaw sumama.
“Lolo ang bata ko pa—”
“Anong bata? Halos nasa trenta ka na, ang dapat ngayon ay gumagawa ka na ngayon ng bata.” kaagad na pagputol nito sa kanya na mabilis niya lang ikinahagalpak ng pagtawa. “Huwag mo akong tawanan Dameil, hindi ako nagbibiro sa’yong bata ka!”
“Hayaan mo Lolo, kapag may nagkamali ay susunggaban ko na ito.”
“Anong kapag maroong nagkamali?” kunot ang noong tanong sa kanya ng matanda, “Manligaw ka na, o kung hindi naman ay makipag-blind date ka gaya ng sabi ng Lola mo sa’yo. Hindi na kami pabata apo, nais rin naman naming makita na ikinasal ka na.”
Kapag ganung nagdra-drama na ang matanda sa kanya ay yayakapin na niya ito hanggang sa ito ang sumuko sa higpit ng pagyakap na kanyang ginagawa dito.
“Dameil, naririnig mo ba ako?!”
Kaagad na nilingon ni Dameil ang kanyang Lolo na kanina pa doon nagsasalita ngunit hindi niya naririnig nang dahil sa kanyang pagbabalik-tanaw sa naging usapan nila dati.
“Ano pong sabi niyo, Lolo?” tanong ni Dameil na mabilis ng napakamot ng ulo niya.
“Sabi ko na nga ba eh, hindi ka nakikinig sa akin.” naiiling na turan pa nito sa kanyang natatawa na sa kanyang itsura, “Ang sabi ko ay dalhan mo ang ating bisita sa silid mo ng kahit na noodles man lang, halatang malayo ang pinanggalingan noon kung kaya naman ay gutom na iyon.” ulit nito sa kanyang mga sinasabi simula pa kanina, “Ipakita mo sa kanya na ang mga taga-Marinduque ay maalaga at magaling tumanggap ng bisita dito.”
“Lolo, hindi po natin siya bisita.”
“Alam ko, pero ngayong nasa loob siya ng ating tahanan eh ‘di bisita natin siya.” giit pa ng matanda sa kanya, “Sige na, dalhan mo siya ng pagkain sa silid at baka iyo’y mahalip.”
Naiiling na tinalikuran ni Dameil ang kanyang Lolo, ayaw pa ‘ring sundin ang bilin nito sa kanya. Dangan lang at napakabuti nitong tao kung kaya naman kailangan niyang sundin at gawin ang mga ipinag-uutos nito kahit na labag iyon sa kanyang kalooban sa ngayon.
“Sige na apo, Dameil, kawawa naman kung bukas ng umaga sa kanyang paggising ay manginig siya sa sakit ng kanyang sikmura na hindi nagkaroon ng kahit anong laman.” pilit pa ng matanda na maliit na ikinasara ng kanyang mga mata nang dahil sa inis na.
“Oo na po, Lolo, saglit lang po.” tugon niyang halata sa tinig ang napipilitan lamang dito.
Pagkatapos ng halos sampung minuto ay lumabas na muli ng counter si Dameil. Dumaan siya sa kusina upang kunin ang ipinaluto niyang ulam at kanin, wala sa sariling nilagyan niya ng kanin at ulam ang isang plato at tinakpan niya iyon ng isa pang plato. Kumuha siya ng pineapple juice in can sa fridge at marahan ng humakbang patungo ng silid niya.
“Baka tulog na iyon ngayon, mukha pa naman siyang pagod na pagod.” bulong ni Dameil sa kanyang sarili habang patuloy pa rin ang mabagal na paghakbang patungo ng silid.
Bakailang katok na si Dameil sa pintuan ng kanyang siliday wala pa ‘ring nagbubukas noon. Ang tanging naisip niya ay baka tulog na nga ito dahil halos isang oras na niya itong iniwan. Ganunpaman ay mas minabuti niyang buksan pa rin ang silid gamit ang duplicate na susi, naisip niya na baka nahihiya lang ang dalawa o kung hindi ay takot.
“Pasensiya na kung binuksan ko ang silid—” unang sambit niya ngunit kaagad na natigilan nang makitang nakahiga na ang estrangherong babae sa kanyang kama, nakabaluktot ito paharap sa kabilang dereksyon at walang kumot. “Tulog ka na?”
Hindi ito sumagot, ni kahit na anong reaction ay wala at patunay iyon na tulog na ito. Malalim na bumuntong-hininga si Dameil, naisip na dapat ay kanina niya pa ito dinalhan ng pagkain para kung sakali ay nakakain muna ito bago matulog kagaya ng sabi ng Lolo niya. Maingat niyang inilagay sa may lampshade ang plato ng pagkain na para na dito.
“Kung sakaling magigising ka ng gutom, kainin mo iyan kahit na malamig na.” sambit niya kahit na alam niyang hindi naman siya nito maririnig sa mga oras na iyon, “Para bukas ay hindi manakit ang iyong sikmura, pasensiya na kung medyo late ko nadala.”
Walang imik na kumuha ng bagong comforter si Dameil sa kanyang cabinet at maingat na inilagay iyon sa katawan ng babae. Hindi niya na pilit na kinuha ang comforter niya na nahihigaan nito upang huwag niya na itong magising pa kung sakali. Higit ang hininga na inayos niya ang comforter sa katawan nito, hindi niya makita ang mukha ng dalaga na bahagyang natatakpan ng mga hibla ng buhok ng babae na nakakalat sa kanyang mukha. Pagkatapos noon ay walang imik pa rin na humakbang na siya palabas ng silid niya, bago tuluyang lumabas ng pintuan ay muli niyang nilingon ang babae na bahagyang tumihaya. Mahina siyang tumawa nang yakapin na nito ang unan na inilagay niya sa gilid ng babae.
“Goodnight.” namumula ang mukha at malikot ang mga matang turan niya bago niya tuluyang isara ang pintuan ng kanyang silid, mabagal na siyang humakbang palabas pa.
“Gising pa?” unang tanong ng kanyang Lolo na halatang hinihintay siyang bumalik dito.
“Tulog na po,” tugon niya na isinusuot na ang kanyang apron sa katawan.
“Bakit hindi mo ginising?”
“Iniwan ko lang po doon ang pagkain kung sakali na magising siyang gutom.” paliwanag ni Dameil, “Mukha nga po siyang pagod na pagod dahil malakas ang kanyang hilik Lolo.”
Maliit pa siyang ngumiti nang maulinigan muli sa kanyang balintataw ang mahina at mga munting tunog ng mga paghilik niya na bumabalot sa apat na sulok ng tahimik na silid.