Kinaumagahan ay late na ng magising si Grezia, mataas na ang sikat ng araw sa labas ng nasabing Bahay Kasiyahan. Medyo masakit ang kanyang katawan nang dahil sa hindi naman siya masyadong gumalaw habang natutulog. Pagkababa ng kama ay hindi niya napansin ang pagkain na nasa tabi ng lampshade ganundin ang comforter na nakabalot sa kanyang katawan. Mabilis siyang bumama ng kama at kumuha ng damit sa loob ng kanyang maleta na mabilis niyang itinumba sa sahig ng naturang silid. Kumuha siya ng damit at ang pouch ng kanyang personal hygiene kit. Tinungo na niya ang banyo, mabilis ng naligo. Maliit siyang napangiwi nang maramdaman ang bahagyang paghapdi ng sikmura niya, nagugutom na siya nang sobra at halos nanghihina na rin ang pakiramdam niya. Dangan lang at wala siya sa sarili niyang condo unit, eh ‘di sana ay kumain na siya.
“Gutom na ako,” mahina niyang bulong habang hinahaplos ang kanyang tiyan, “Pwede kaya akong magpaluto sa kanila tapos bayaran ko na lang? Hindi naman sila restaurant.”
Labag man sa kanyang kalooban ay tinupi niya ang comforter at inayos ang mga unan. sinigurado niyang walang kahit na anong gusot sa kama na kanyang hinigaan. Muli siyang bumalik ng banyo upang ayusin ang kanyang suot na make up. Paglbas muli dito ay tapos na rin siyang magsuklay, maayos na muli ang kanyang itsura sa simpleng make-up na kanyang suot. Hindi na niya binonggahan pa iyon. Agad na napakunot ang noo niya matapos niyang kunin ang cellphone na nakasaksak pa rin, napansin niya na ng mga mata niya ang panibagong comforter na hindi niya matandaan na nakalagay ito sa kama. Ilang saglit pang paninitig doon ay nagkibit na lang siya ng kanyang balikat at inayos na ang cord ng charger ng kanyang cellphone. Ipinasok na niya iyon sa loob ng maleta niya. Malalim siyang napabuntong-hininga nang makita niyang walang signal ang kanyang hawak na cellphone, nanatili iyon wala kahit nalibot na niya ang naturang silid ng binata.
“Bakit wala?” tanong niya sa kanyang sarili, she wearing navy blue trouser na may partner na normal and plain white t-shirt. Tinernuhan niya iyon ng rubber shoes.
Ilang beses pa siyang umikot-ikot sa loob ng silid ngunit muling bumalik sa may maleta niya nang makitang wala pa ‘ring signal ang kanyang hawak na cellphone. Ilang saglit pa ay mas pinili na lang niyang lumabas, naisip na baka wala talagang signal doon kung hindi ay sa labas mismo ng naturang tahanan. Isang sulyap ang kanyang ginawa sa silid matapos na patayin ang aircon at lampshade, hindi pa rin napuna ni Grezia ang malamig ng pagkain na nasa may gilid ng lampshade dahil nakatuon pa rin ang kanyang paningin sa hawak niyang cellphone na wala pa ‘ring coverage. Hindi niya tuloy nalaman na may nagdala ng pagkain sa kanya ng nagdaang gabi, ang isip niya ay wala itong naging paki.
“Thank you.” maliit na ngiti ni Grezia nang isara na niya ang pintuan at muling hilahin ang maleta na kanyang dala, “Sa isang gabi na pag-aaruga mo at pagpapatuloy sa akin.”
Katahimikan ang sumalubong sa kanya, kabaligtaran iyon nang nagdaang gabi na labis ang ingay ng buong lugar. Nakakabingi rin iyon at nakakapangamba kung iisipin niya. Nang muli niyang sipatin ang orasan ng kanyang cellphone ay alas-diyes na ang oras. Tanghali na, bagay na ikinabilog ng kanyang mga mata. Napasarap ang naging tulog niya.
“Ayos lang naman ito siguro, hindi naman siguro ako maiiwan ng barko.” bulong niya na mas binilisan pa ang paghakbang na kanyang ginawa upang makalabas na rin sa lugar.
Sa kabilang banda ay nasa kusina si Dameil at ang kanyang Lolo, halos kakagising lang din nilang dalawa. Araw ng sabado iyon kung kaya naman ay wala siyang pasok sa office. Ugali na rin niyang tumambay doon at doon matulog tuwing sasapit ang weekend kahit pa sa kanyang opisina ay mayroon siyang sariling silid na tirahan niya kapag weekdays.
“Sinilip mo ba siya kanina pagkagising mo, Dameil?” tanong kay Dameil ng Lolo niya, hindi man niya ito tanungin ay alam niya na kung sino pa ang tinutukoy nito sa kanya.
“Natutulog pa po.” tugon niya na lumilipad sa kabilang ibayo ang kanyang isipan.
Kanina paggising niya ay nalaman niyang down ang signal ng communication sa kanilang Isla. Dumaan at bahagya silang nahagip ng gilid ng bagyo ang lugar nila at naapektuhan noon ang online communication. Hindi niya magawang makapag-update sa mga rescuer ng kanyang customer na ngayon ay siguradong nasa lugar pa rin at patuloy na hinahanap ang katawan ng nawawalang si Giordano hanggang sa sandaling ito. Nalaman na lang niya na bumagyo nang makita niya ang kaunting iniwang pinsala nito sa labas ng kanilang tahanan. Mabuti na lang din at hindi rin nito tinangay ang bubong ng Bahay Kasiyahan habang natutulog sila nang nagdaang gabi. Ini-adya pa rin na mayroong matira sa mga ito. May mga inilipad pero naayos na rin niya ang mga iyon kaagad. Ayon sa huling balita ng piloto sa kanya bago siya matulog kinagabihan ay naghahanap pa rin sila hanggang sa mga oras na iyon, sinusuyod pa rin nila ang dagat na palibot sa Taal.
“Still negative boss, but patuloy pa rin ang ginagawa naming paghahanap sa kanya.” tugon ng piloto sa kanya gamit ang pagod ng tinig, “Hindi kami titigil na hanapin siya.”
“Sige, balitaan mo na lang ako bukas.” huling paalam ni Dameil sa kanila.
“Apo, maglagay ka ng isang extrang plato at baka magising na rin siya.” agad utos pa ng kanyang Lolo na kaagad niyang sinunod, lalo na nang makita niyang hindi nagalaw ng babae man lang ang pagkain na dinala niya sa silid nang nagdaang gabi. Pumasok sa isip niya na baka hindi pa rin iyon nakikita ng babae kung kaya hindi ito kumain or nahihiya. “Kinain niya ba ang pagkaing dinala mo sa kanya kagabi?” ilang sandali ay tanong nito.
“Mukha pong hindi, Lolo, mahimbing na po ang tulog niya kagabi nang pumasok ako.”
“Ayon, kawawa naman baka iyon ay gutom na gutom na sa paggising niya.”
Hindi na nagkomento pa si Dameil, inilagay na lang niya ang extrang plato sa lamesa. Kung sakali na lalabas ang babae ay dadaan ito sa bandang iyon ng kanilang tahanan. Kung kaya naman ay imposible na hindi nila ito makita kung lalabas na ito ng silid niya.
“Baka iyon ay nang dahil sa kanyang pagod, imagine mo mukha siyang napadpad lang dito.” saad pa ng kanyang Lolo na naupo na sa kanilang lamesa, simpleng almusal lang ang nakahain sa kanila at kahit na mayaman ay hindi sila nasanay na kumain ng fiesta.
“Baka nga po, Lolo...” saad ni Dameil na kinuha na ang bandehado ng pagkain at naglagay na sa kanyang plato, ilang saglit pa ay nilagyan na rin niya ang Lolo niya.
Tahimik silang kumain na dalawa, pinapag-usapan pa rin ang sakunang nangyari sa isa sa mga customer ni Dameil sa kanyang kumpanya. Hindi pa nawawala ang pag-aalala niya.
“Baka naman nasabit lang siya sa kung saan o kung saan siya dinala ng kapalaran niya.” pagpapakalma ng matanda sa kanyang apo na alam niyang patuloy pa ‘ring nag-aalala. “Ihambing na lang natin sa enstrangherong babae na napadpad dito, baka nasa kabilang ibayo lang din siya, Dameil. Mag-isip tayo ng positibo sa mga ganitong pagkakataon. At hangga’t walang katawan silang nahahanap, isipin nating buhay pa rin ang kakilala mo.”
Hindi magawang magsalita ni Dameil, hindi niya na halos malunok ang pagkain na nasa kanyang bibig nang dahil sa mga sinabi ng kanyang Lolo. Paulit-ulit na dumadaan sa isipan niya na paano kung nadisgrasya nga ito, hindi lang nila matagpuan ang katawan. Sigurado siya na hindi iyon kayang dalhin ng kanyang konsensiya, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya oras na mapatunayan na binawian na talaga ito ng buhay nang dahil sa insidenteng iyon. Malaki ang magiging impact noon sa negosyo niyang hawak.
“Lolo, paano po kung wala na talaga siya at hindi na matagpuan pa ng mga rescuer?”
Natigilan ang matanda sa kanyang muling pagsubo nang dahil sa kanyang katanungan. Ilang minutong naburo ang kanyang mga mata sa mata ni Dameil na puno ng pag-aalala.
“Tanggapin natin, siguro ay hanggang doon na lang ang buhay na ipinahiram sa kanya.”
Malakas na umubo-ubo si Dameil, kahit na hindi sila matatawag na magkaibigan ng kakilala niyang si Giordano ay masakit pa rin sa kanyang kalooban na mawawala ito. Mawawala ito ng ganun kaaga, sobrang bata niya pa at marami pang pinapangarap.
“Ganun ang buhay ng tao apo, parang isang race lamang iyan. Hindi mo alam na malapit ka na pala sa finish line.” sambit pa ng kanyang Lolo na bahagyang ngumiti sa kanya, hindi na maiwasan ni Dameil na kumurap-kurap nang dahil sa kalungkutang hatid nito. “Kagaya namin ng Lola mo, hindi habang panahon ay makakasama mo kaming dalawa. Darating ang panahon na nanaisin naming magpahinga, at tapos na ang misyon namin.”
“Lolo!” kaagad na saway niya sa matanda na malakas lang siyang pinagtawanan habang naiiling, dinampot na niya ang baso at nagsalin ng tubig. “Ikakasal pa naman ako, Lolo.”
Lalo pang ikinatawa iyon ng kanyang Lolo na nakikita na ang pagiging malungkot ni Dameil, para sa matanda ay hindi niya pa ito pwedeng iwanan ngayon. Kailangan na mayroong babae na magmamahal na dito, dadamay at patuloy na mag-aalaga sa kanya.
“Mag-aalaga pa kayo ng mga magiging apo niyo sa akin,” muling giit ni Dameil na kahit na hindi niya ipaliwanag pa ay nasasaktan na kaagad siya kapag nawala na ang matanda.
“Kaya nga, dapat na mag-asawa ka na ngayon pa lang para naman makita namin ng Lola mo ang magiging anak mo. Huwag mo na kaming paghintayin pa ng matagal, Dameil.”
“Lalo akong hindi ako mag-aasawa kaagad, Lolo.” himig nagtatampo na sagot ni Dameil.
“Ikaw, kung ayaw mo talaga ay wala naman kami doong magagawa.” pagpatol sa kanya ng matanda, maliit na natatawa na sa mga sinasabi niya. “At saka isa pa ay wala ka naman ‘ding girlfriend, paano ka magpapakasal sa estado mong iyan ngayon, ha?”
Malakas na ikinasamid iyon ni Dameil, lalo na nang matanawan niya ang bulto ng babae na kanilang bisita na lumabas ng pintuan hila-hila na ang kanyang maleta. Nakaligo na ito at halatang ready ng umalis. Simple lang ang suot nitong damit ngayon, hindi iyon kagaya kahapon na animo rarampa ito sa runway ng mga modelo. Simpleng damit lang na animo sa Isla siyang iyon nakatira, samahan pa ng kanyang simple ‘ring rubbershoes.
“Sinong tinitingnan mo?” tanong ng matanda sa kanya na kaagad na ‘ring lumingon.
Pilit ang ngiti ni Grezia sa dalawang lalake na halatang naistorbo na ng pagdating niya. Nang maamoy niya ang kanilang kinakain ay kaagad na kumalam ang kanyang sikmura. Noon niya naalala na mula pa kahapon ay wala siyang kain, wala sa sariling napalunok na siya ng kanyang sariling laway nang manoot pa ang amoy ng pagkain sa ilong niya.
“Oh, hija gising ka na pala. Magandang umaga.” nakangiting bati sa kanya ng matanda.
“M-Magandang umaga rin po,” nahihiya niyang tugon na mas humakbang palapit sa kanila, sumulyap siya kay Dameil na nanatili ang mga matang nakalapat sa mukha niya. Sa kanyang isipan ay pilit niyang tinatanong ang sarili kung labis ba ang make up niya. At baka nang dahil doon kung kaya siya tinititigan nito nang matagal, “Pasensiya na po—”
“Maupo ka muna at kumain ng almusal bago ka umalis,” nakangiti nang pagputol ng matanda sa sasabihin ni Grezia, bagay na nagpagising ng diwa ni Dameil na nakatitig pa.
Mabilis na naging malikot ang mga mata ni Grezia sa naging alok sa kanya ng matanda. Kung magiging practical siya at hindi iisipin ang hiya ay kakain siya upang mabusog siya. Ngunit sa kanyang sitwasyon ay hindi niya mapigilang, magdalawang-isip na tanggapin ang alok nito. Lalo na at doon na nga siya nakitulog, alangang lubus-lubusin niya pa ito.
“Maraming salamat po sa alok niyo, pero busog pa po ako.” napipilitang ngiti ni Grezia na agad na dumapo ang mga mata niya kay Dameil na mabilis na uminom na ng tubig.
“Ha? Paano ka nabusog?” nagtatakang tanong ng matanda sa kanya na sumulyap pa kay Dameil, puno ng labis na pagtataka pa rin ang kanyang mga mata. “Huwag ka ng mahiya sa amin hija, ang sabi nitong apo ko ay hindi mo raw kinain man lang ang pagkaing dala niya kagabi sa silid dahil pagpunta niya doon ay natutulog ka nang mahimbing.” anito.
Ikinalaki na iyon ng mga mata ni Grezia, hindi niya lubos maisip na dadalhan siya nito ng pagkain. Doon pa lang ay alam niya ng tama ang naging desisyon niya na magtiwala dito. Hindi niya tuloy maitago pa ang kanyang nararamdamang pagkailang, kung nagtungo ito sa silid na kanyang tinutulugan malamang ay nakita siya nito kung paano matulog. Doon pa lang ay labis na ang hiya na kanyang nararamdaman. Hindi niya tuloy maiwasan na pamulahan pa ng kanyang magkabilang pisngi, at lalo pang nahiya sa presensiya nila.
“Sige na hija, maupo ka na at kumain ka muna bago umalis. Siguradong malayo pa ang iyong lalakbayin, kung kaya naman para mayroon kang lakas ay kumain ka na muna.” ulit pang alok ng matanda na humila pa ng isang upuan na malapit sa kanilang lamesa.
Ilang beses na bumuntong-hininga si Grezia, naisip niya na dadagdagan na lang niya ang ibibigay niya ditong renta. Mayroon pa naman siyang cash, at ito ang ibibigay na bayad.
“Sige po, babayaran ko na lang din po ang kakainin ko.” tugon niyang humakbang na palapit sa kamesa bagama’t binabalot pa rin siya ng hiya, hustong upo dito ni Grezia ay siya namang tayo ni Dameil sabay inom ng tubig mula sa kanyang basong hawak-hawak.
“Lolo, sa labas lang po ako may titingnan.” walang lingon-likod na turan ni Dameil na pamartsa ng tumalilis paalis, kunot-noong sinundan ni Grezia ang likuran ng binata.
Hindi nahihiya si Dameil sa kanya, ginawa niya iyon upang pakalmahin ang kanyang sarili na hindi niya alam kung bakit lumalakas ang kalabog ng kanyang dibdib tuwing tumititig siya sa estrangherong babae. Hindi niya maipaliwanag pa rin na tila may koneksyon sila.
“Sige na hija, kain ka na. Pasensiya ka na sa apo kong iyon na shy type.” pagak pang tawa ng matanda nang makita niyang natitigilan ang babae sa ginawa nitong pag-alis.
“Ah, salamat po.” ani Grezia na kumuha na ng kutsara niya at tinidor, nakangiting naupo pa rin ang matandang lalake sa kanyang harapan at nilagyan siya ng isang basong tubig.
Dala ng gutom ay hindi na nagawa pang mamili ni Grezia ng pagkain na nasa kanyang harapan. Normal na almusal lang iyon, may sinangag, pritong itlog, isda at mga gulay.
“Saan ka ba nanggaling niyan at saan ang tungo mo, hija?” pasimpleng interview ng matanda sa kanya, nais niya lang malaman kung paano lang ito napadpad sa Isla nila.
“Sa Batangas port po ako galing, sa Mindoro po ako patungo.” tugon ni Grezia sa pagitan ng kanyang pagnguya ng pagkain, “Wala na pong biyahe ang mga barko patungo doon, tapos po umupa ako ng speedboat kasi ang sabi niya kaya naman kahit na maalon pa ito. Kaya lang po ay ewan ko ba kung bakit dito niya ako inihatid, sumira sa usapan namin.”
“Baka dahil malalaki ang mga alon kung kaya minabuti niyang dito ka na lang dalhin.” ana pa ng matandang tumango-tango sa kanyang naging salaysay kung bakit siya biglang napadpad doon, “Marinduque ang pangalan ng Islang ito, hija. Malapit na rin doon.”
“Talaga po?” tanong ni Grezia pagkatapos na uminom ng tubig.
“Oo, pero kailangan mo pa ‘ring sumakay ng barko o kung hindi naman ay bangka.”
“Mayroon po ditong mare-rentahang bangka?” tanong ni Grezia na puno na ng pag-asa ang kanyang kumikinang na mga mata, “Willing po akong magbayad kahit na magkano.”
Marahang umiling sa kanya ang matanda, bagay na kaagad na ikinawala ng mga ngiti niya. Iyong pakiramdam na ang buong akala niya ay malapit na siya, malayo pa rin pala.