Kabanata 5

2930 Words
NAGPUMIGLAS si Violet mula sa pagkakahawak ni Brylle. Ito ang humila sa kaniya palabas ng venue. Halos kaladkarin nga siya nito sa may hallway. "Bitiwan mo'ko! Ano'ng ginawa mo, Brylle?!" asik niya at pilit na hinatak ang braso. Nabitiwan siya ni Brylle. “Sh*t! Pwede ba, Violet, sumunod ka na lang sa'kin! Kailangan mo nang makaalis agad! Hinihintay ka ni Jerry!” “Ano ‘tong ginagawa mo, Brylle?” tanong niya. Bagaman malinaw sa isip niya ang mga nangyayari, hindi pa rin siya lubos na makapaniwala. At kahit hindi ito sumagot, sigurado siyang si Brylle ang may kagagawan sa paglabas ng picture nila ni Dashiel. “H'wag ka nang magtanong. Nangyari na ang mga nangyari. You just need to get out of here.” “Nababaliw ka na!” sigaw niya. “Hindi ka pa nakuntento na paglaruan kami ni Dashiel! Ibinilad mo pa ang mga katawan namin sa mata ng mga tao! Ngayon gusto mo akong umalis? Para ano? Para hindi ako makapagsalita sa mga magulang mo?” “I have to do this, Violet! Alam kong hindi mo naiintindihan, pero pangako, ipapaliwanag ko ang lahat! Basta sumunod ka lang sa akin dahil wala nang oras!” Hindi niya ito pinakinggan. “Wala na'kong tiwala sa'yo, Brylle! Pinatunayan mo na kung anong klaseng tao ka. Kapatid mo si Dashiel! Alam mong party niya ito! Ikakasal na siya! At ako? Kaibigan kita at nagtiwala ako sa’yo, pero anong ginawa mo! Ipinahiya mo'ko sa mga tao!” “You woman!” Naagaw ang pansin nila ni Brylle ng malakas na sigaw ni Senyor Jose. Sinilaban agad siya ng takot. Mabilis na lumalakad ang matandang lalake patungo sa kinaroroonan nila. “Honey, calm down!” Kasunod nito si Madam Shiela na pilit inaabot ang braso ng asawa. “Ungrateful wh*re!” Dinuro siya ng matanda. Humarang si Brylle dito, pero tinabig lang ni Senyor Jose ang anak at hinarap siya. “You filthy sl*t!” “S-Senyor... m-magpapaliwanag po a-” Hindi na natapos ni Violet ang sinasabi. Isang malakas na sampal ang agad na nagpadapa sa kaniya sa hallway ng hotel. Nangainit nang husto ang pisngi niya. Halos magdilim din ang tingin ni Violet sa bigat ng kamay ni Senyor Jose. “Ang kapal ng mukha mo babae ka! Pinakain at pinatira kita sa bahay ko! Pinag-aral at binigyan ng trabaho! Ito pa, ha? Ito pa ang igaganti mo? Ang sirain ang pangalan ko!" Pag-angat ng mukha ay nasalubong niya ang madilim na anyo ni Senyor Jose. Nasa tabi nito si Madam Shiela na pilit pa ring inaawat ang asawa. "Wala kang kwentang babae! Sinira mo ang pagtitiwala namin sa'yo!" Sumabay sa pag-iling niya ang pag-agos ng mga luha. "W-wala po akong.... kasalanan..." "Walang kasalanan?! At anong ibig mong sabihin? Na pinuwersa ka ni Dashiel?" "Papa, stop it!" ani Brylle. Sinikap niyang tumayo sa kabila ng panginginig ng mga binti. Nalasahan niya ang dugo sa gilid ng kanang labi. Tumingin siya sa mag-asawa. Alam niya na kahit ipagtanggol niya ang sarili, walang maniniwala sa kaniya. At kahit maniwala ang mga ito, wala na ring mangyayari dahil nasira na ang party ni Dashiel. "Lumayas ka! Lumayas ka at siguraduhin mong hindi na kita makikita pa sa pamamahay ko kung ayaw mong ako mismo ang magpatapon sa’yo!” "Enough, Papa!” wika ni Brylle na muling gumitna sa kanila ng matandang lalake. “Bakit si Violet lang ang sinisisi mo? Siya lang ba ang nasa picture? Siya lang ba ang may kasalanan sa mga nangyari?” Lumipad ang tingin ni Violet sa kaibigan. Kung hindi lang niya alam na ito ang may pakana ng lahat, baka nagpasalamat pa siya sa pagtatanggol nito sa kaniya, pero hindi. Mapait siyang napangiti. Paano niya sasabihin sa mga tao na biktima lang din siya? “H’wag kang makialam dito, Brylle! Stop defending that wh*re!” “No, Pa! Ikaw dapat ang tumigil sa paninisi sa ibang tao sa kasalanan ng anak-anakan mo! Si Dashiel ang dapat na sisihin sa nangyari! Alam niyang ikakasal na siya, pero ano? Pumatol pa siya sa iba! And worse, kay Violet pa! Your stepson is not perfect after all! Palibhasa kasi puring-puri mo lagi si Dash kaya akala mo hindi na marunong magkamali ang isang ‘yon!” “Your brother will have to answer to me! Pero hindi ko mapapalampas ang pambababoy na ginawa ng babaeng ‘yan sa mismong pamamahay ko!” Bumaling sa kaniya ang matandang lalake. Puno ng disgusto ang mukha nito at sa tingin ni Violet ay gusto na siya nitong sakmalin. “Get out of my sight, woman! H’wag na h’wag kang tatapak sa alinmang parte ng lupaing pag-aari ko dahil oras na mahuli kita, tandaan mo, ipapapatay kita!” Balot ng takot, sama ng loob at pagkabalisa si Violet nang sumakay sa kotse na minamaneho ni Jerry. Ang driver ang inatasan ni Brylle na maghatid sa kaniya. Naalala ni Violet kung paano siya kausapin ni Madam Shiela bago siya iniwan nito. Maging ang babae ay dismayado sa nangyari. "Nagsisisi ako na pinatuloy ka namin noong bata ka pa. Kami na halos ang nagpalaki sa'yo at hindi ko maintindihan kung paano mo nagawa ang ganito sa pamilya ko." Umiiyak pa rin siya nang ihinto ni Jerry ang sasakyan sa tapat ng isang nababakurang bahay. Hindi niya alam kung anong lugar ba iyon, pero dahil sa lupa lang naman sila bumiyahe, sigurado si Violet na naroon pa rin siya sa isla. "Si Senyorito Brylle na raw ang bahalang magpahatid ng mga gamit mo rito," wika ni Jerry. Tutol man sa kalooban niya na tanggapin ang tulong ni Brylle, walang mapupuntahan si Violet kaya napilitan siyang sumama kay Jerry. Naunang pumasok ang driver at binuhay nito ang mga ilaw. Nagliwanag ang buong kabahayan. Nakita niya na halos kumpleto ang mga gamit sa loob. Tuluyan siyang pumasok. Pagod na pagod ang pakiramdam niya. Gabing-gabi na at ang tanging gusto ni Violet ay makapagpahinga. Hindi lang niya sigurado kung makakatulog ba siya nang maayos pagkatapos ng malaking gulo na kaniyang kinasangkutan. "Hindi ako pwedeng magtagal. Baka makahalata si Senyor Jose. Kailangan kong makabalik agad ng mansion. Tatawagan ka naman daw ni Senyorito Brylle." Tumango si Violet at inihatid na si Jerry sa may pinto. Pag-alis ng driver ay nagsarado na agad siya at inupo ang sarili sa sofa. Naalala niya ang mga nangyari kaya nahulog na naman siya sa pag-iyak at pag-aalala. Paano na kaya siya ngayon? Anong gagawin ni Dashiel? Pareho silang biktima, pero kung magpapaliwanag si Dashiel, baka sakaling malinis din niya ang imahe sa mga amo. Nasa'n na kaya ito? At ang kaniyang Lola Trinity? Alam na kaya ng matanda ang nangyari? Kinuha niya ang cellphone mula sa maliit na bag na nakasabit sa kaniyang katawan. Tinawagan niya si Dollie. Hindi ito sumasagot. Tinawagan din niya si Wynwyn. Unavailable ang numero nito. Hindi na napigilang mapahagulgol ni Violet. Buong buhay niya, noon lang niya naranasang mag-isa. Natatakot siya para sa sariling kaligtasan. Sa isang iglap, nagbago ang lahat at ngayon ay talo pa niya ang daga na nagtatago sa lungga. Paano kung hindi pala sapat ang sampal at mura? Paano kung pinasundan pa siya ni Senyor Jose? Halos buong isla ay pag-aari nito. Paano kung teritoryo pa rin ng mga Carrillo ang pinagdalhan sa kaniya ni Brylle? Alam na rin kaya ni Dashiel na pinaalis siya sa mansion? Hindi na nakarating si Violet sa kwarto dahil doon na rin siya inabutan ng antok at nakatulog sa sofa sa living room. Maliwanag na sa labas nang magising siya kinaumagahan. Suot pa niya ang damit na suot sa party kagabi at kahit hindi manalamin, sigurado siyang sirang-sira na ang makeup at ang ayos ng kaniyang buhok. Bukod doon, kumakalam na rin ang tiyan niya sa gutom. Tumayo siya at pumasok ng banyo. Naghilamos siya ng mukha at inalis ang mga nakaipit sa buhok. Bakas pa sa pisngi niya ang sampal ni Senyor Jose. Napatingin siya sa suot. Anong oras pa kaya ipapahatid ni Brylle ang mga damit niya? Hindi nagtagal ay ilang katok ang narinig niya sa pinto ng bahay. Sa una ay natakot si Violet dahil naalala niya ang banta ni Senyor Jose, pero narinig din niya ang boses ni Jerry kaya dali-dali siyang tumungo sa pinto upang pagbuksan ang driver. Subalit hindi lang si Jerry ang naroon sa labas ng pinto dahil kasama nito si Brylle. Sumulak ang galit niya pagkakita sa dating kaibigan. "We need to talk." Isa-isa munang ipinasok ni Jerry ang mga bag na naglalaman ng kaniyang mga gamit. Pagkalapag nito sa huling bag ay lumabas na ulit ang driver at iniwan sila ni Brylle. Isang malapalasong tingin ang ibinigay ni Violet sa binata. "Pinlano mo ito," akusa niya. Nang pagtagni-tagniin kasi niya ang mga nangyari ay lumalabas na ginawa iyon ni Brylle hindi para mabaling ang pansin ni Dashiel sa kaniya kundi para sirain ang kapatid. "Pinaghandaan mo na ang mga mangyayari. Hindi ko inakalang magagawa mo ito sa'kin, Brylle. Para ano? Para masira ang magandang imahe ni Dashiel sa mga tao? Para sirain ang tiwala sa kaniya ni Senyor Jose?" "I admit. Ginawa ko ito para roon. Gusto kong ipamukha sa kanila na hindi lang si Dashiel ang magaling. Na hindi lang si Dashiel ang matalino. At bilang tunay na Carrillo, ako ang dapat na pinagkakatiwalaan ni Papa at hindi ang anak ni Mama sa ibang lalake." "Ginawa mo ito dahil sa inggit mo kay Dashiel, pero bakit kailangang madamay ako?" Puno ng hinanakit ang boses niya. "Ginamit mo'ko, Brylle! Ginamit mo'ko para sa pansarili mong interes!" "Oo, totoong ginamit kita!" amin ni Brylle. "Hindi ko na 'yon itatanggi, pero sabihin mo, pinabayaan ba kita? Kung hindi ka mahalaga sa'kin, hahayaan ko na lang na magpakalat-kalat ka, pero ano? Ako pa rin ang tumutulong sa'yo!" "Tinutulungan mo'ko dahil malaki ang kasalanan mo! Sana hindi mo na lang ako kinaibigan kung sisirain mo lang din ang buhay ko! Ano pang mukha ang ihaharap ko sa mga tao? Pati si Madam Shiela naniniwala na kasalanan ko ang nangyari! At paano ang Lola ko, ha? Anong mangyayari sa kaniya ngayong galit na galit sa'kin si Senyor Jose?" "Walang mangyayaring hindi maganda sa lola mo. Ako ang bahala sa kaniya. Sisiguraduhin ko na naro'n lang siya sa mansion habang ikaw, nandito at sumusunod lang sa bawat sabihin ko." "A-anong ibig mong sabihin?" "Wala ka nang magagawa, Violet. Sa ayaw at sa gusto mo, parte ka na ng mga plano ko." Natigilan siya at hindi makapaniwala sa narinig. "H-hindi..." iling niya. "H-hindi ako papayag na pagamit pa ulit sa'yo! Mas gusto ko pang ipapatay ni Senyor Jose kesa maging tau-tauhan mo! Malalaman ng mga magulang mo ang totoo!" "Hindi nila malalman dahil hindi mo sasabihin sa iba ang tungkol dito lalong-lalo na sa mga magulang ko," wika ni Brylle. "Believe me, mas ipapahamak mo lang sarili mo kapag nagsalita ka. Mas lalong magagalit sa'yo si Papa. Isa pa, oras na masira ako sa mga magulang ko, tapos na rin ang ipangsusuporta ko sa'yo. H'wag mong kalilimutan na kailangan mo'ko para mabuhay ka nang maayos kahit wala ka sa mansion. Ako lang ang makakatulong sa'yo, Violet, dahil wala kang maaasahang anuman kay Dashiel." Nang umagang iyon, nakausap na ni Violet si Lola Trinity. Ang alam nito ay ini-assign siya ni Madam Shiela na magtrabaho sa iba pang kompaniya ng mga Carrillo na may kalayuan sa Isla Panorama. Biglaan ang alam ni Lola Trinity. Nahimigan ni Violet ang sama ng loob sa boses ng matanda at hindi niya alam kung paano maiibsan iyon. Hindi siya makapaniwala na nagawang itago ng mga tao ang tungkol sa gulong nangyari sa party mula sa lola niya dahil base sa kanilang usapan, wala talagang kaalam-alam ang matanda. "Okay ka lang ba, 'Let?" nag-aalalang tanong ni Dollie na sumunod niyang nakausap pagkatapos ni Lola Trinity. Alam daw nito na tumawag siya kagabi, pero dahil nasa paligid pa ang mga amo, hindi iyon sinagot ni Dollie. Nakita rin nito ang picture nila ni Dashiel. "Hindi ako naniniwala na ini-assign ka ni Madam Shiela sa ibang lugar para magtrabaho," wika ni Dollie. "Ano bang meron sa inyo ni Senyorito? Alam mo naman na ikakasal na ang tao, hindi ba?" "Mahirap ipaliwanag, Dollie," tanging tugon niya. Kung pwede lang sanang ipagtapat kay Dollie ang ginawa ni Brylle. Kaya lang ay ayaw niyang madamay pa ang kaibigan sa problema niya. Baka imbes na tahimik ang buhay nito sa mansion ay magaya pa sa kaniya na hindi alam kung anong bukas ang naghihintay. "Nasa'n ka? Pwede ba kitang puntahan?" "Hindi ko alam. Pero mas mabuti siguro kung hindi muna dahil baka malaman ni Senyor Jose." "Anong plano mo? Hindi ka habambuhay na magtatago sa mga tao. Kailangan n'yo sigurong mag-usap ni Senyorito Dashiel." "Paano, Dollie? Hindi ko nga alam kung may ginagawa si Warden para ayusin ang problema. Basta habang wala ako, siguraduhin mong hindi makakarating kay Lola ang nangyari, ha. Ayokong mag-alala siya." "Wala pang alam si Lola Trinity, pero hindi ko masisigurado na hindi niya malalaman sa mga susunod na araw." Hindi siya nakasagot. May punto si Dollie. Hindi nila kontrolado ang isip ng mga tao. Hindi nila kontrolado ang paligid nila kaya imposibleng hindi makakarating sa lolo niya ang tungkol sa eskandalo. "Mga-ingat ka, 'Let. Mukhang hindi na rin matutuloy ang kasal ni Senyorito Dashiel kay Catalina. Hindi pa rin nagpapakita si Senyorito hanggang ngayon." "A-ano? N-nasa'n si Warden? Anong nangyari sa kaniya?" Wala pa raw balita si Dollie tungkol kay Dashiel. Iyon ang huli nilang napag-usapan bago ito nagpaalam sa kaniya. Pagkatapos makausap sina Lola Trinity at Dollie ay kumain muna si Violet. Bukod kasi sa mga damit, dinalhan din siya ng mga pagkain ni Brylle. Naligo at nagbihis na rin siya. Magtatanghali naman nang hatiran siya ng ilang pang grocery supplies ni Jerry. Buong maghapong pinag-isipan ni Violet ang sunod na gagawin. Ayaw niyang patuloy na tumanggap ng tulong kay Brylle. Ayaw niyang patuloy na magpagamit sa masasamang plano nito. Naisip niyang tumakas at umalis ng isla, pero hindi niya alam kung saan siya pupunta. Sa loob ng dalawampung taon niya sa mundo, tatlong beses lang siya nakaalis ng isla at nagtungo sa Maynila para mag-asikaso ng ilang importanteng bagay. Parang napakabagal ng oras dahil mag-isa lang si Violet sa bahay. Natawagan na ulit niya si Dollie, pero sandali lang silang nakapag-usap dahil binabawalan daw ito ng mga amo. Sumapit ang gabi. Nabalot na naman ng lungkot at takot si Violet. Paano kung hindi pala totoo ang sinabi ni Brylle na malayo na siya sa teritoryo ng mga Carrillo? Wala na siyang tiwala kay Brylle. Wala pa nga lang siyang pagpipilian, pero oras na magkaroon ng pagkakataon ay aalis siya sa bahay na iyon. Dalawang araw pa ang lumipas. Walang Brylle na nagpakita sa kaniya. Hindi rin siya pinupuntahan ng driver na si Jerry. Sinubukan niyang tawagan si Brylle para alamin ang kalagayan ni Lola Trinity dahil hindi na niya nakakausap pa si Dollie. Nag-aalala siya para lola at sa kaibigan. Nakailang tawag na ay hindi siya sinasagot ni Brylle. Lalong nabalot ng pag-aalala si Violet. Isang katok ang nagpalundag sa kaniya habang naghuhugas siya ng pinagkainan. Hindi niya maalis-alis ang takot sa dibdib. Wala siyang kasama. Wala siyang alam kung saang parte ng isla siya naroon. Nasundan ang mga katok sa pinto ng bahay. Gusto man niyang tanungin kung sino ang nasa labas, nangangamba siyang baka tauhan ni Senyor Jose iyon at makilala siya. Nakiramdam si Violet. Sinikap niyang h'wag gumawa ng ingay. Iniwan niya ang ginagawa at dahan-dahan na lumapit sa may pinto. Naglaho ang mga katok. Nakiramdam pa rin siya. Inabot siya ng halos kalahating oras sa kahihintay kung may kakatok pa ulit, pero tuluyan nang 'yong nawala. Muling dumaan ang nakakabalisang magdamag. Pagising-gising si Violet. May oras na naiiyak siya sa sobrang lungkot at awa sa sarili. May oras na nakaupo at nakasiksik siya sa headboard ng kama dahil sa takot. Pakiramdam ni Violet ay masisiraan siya ng bait kung magpapatuloy siyang gano'n kaya naman nagpasiya na siya. Hinintay niya ang pagputok ng liwanag bago kumilos. Bahala na kung saan siya pupunta, basta ang alam ni Violet, hindi na niya kayang manatili pa sa bahay na pinaglagakan sa kaniya ni Brylle. Handa na siya sa pag-alis nang marinig ang katok ni Jerry kaya nagdalawang-isip siya kung bubuksan iyon. Itinago muna niya ang mga bag na dadalhin. Hindi pwedeng malaman ng driver ang balak niya dahil siguradong magsasabi ito kay Brylle. Lumabas siya ng kwarto at tinungo ang pinto para pagbuksan si Jerry, subalit nagulat si Violet nang makitang hindi ito nag-iisa. "W-Warden?" Napasinghap siya nang bigla siyang hilahin ng binata sa tabi nito. Pagkatapos ay malakas nitong itinulak si Jerry sa gilid. Isa pang lalake na hindi agad napansin ni Violet ang sinenyasan ni Dashiel. Nagmamadali itong pumasok. Maya-maya lang ay lumabas din ang lalake dala ang mga bag na inihanda niya kanina. Binitbit nito ang mga 'yon palabas ng bakuran at ipinasok sa nakaparadang sasakyan. Nalilitong tiningnan niya si Dashiel. "W-Warden... a-anong ibig sabihin nito?" Imbes na sagutin, hinila na rin siya ni Dashiel palabas. Hindi siya nakatanggi nang ipasok siya ng binata sa passenger seat na nauna nang binuksan ng tauhan nito. Pagkasara ng pinto ay umikot si Dashiel at sumakay naman sa driver's seat. Naguguluhan siya. Nabalot ang dibdib niya ng matinding kaba nang umandar na ang sasakyan. "S-saan tayo pupunta?" nalilitong tanong ni Violet habang gumagala ang tingin sa kalsada. Hindi siya sinagot ni Dashiel. Nilingon niya ang nasa manibela. "Warden." Marahas na nagbuga ng hangin ang binata. "Hindi na natin matatakasan ang nangyaring eskandalo, Bullet. We will just have to face it. Pakakasalan kita."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD