TININGNAN muna ni Violet ang sarili bago lumabas ng banyo. Hindi niya alam kung paano haharap kay Dashiel. Kalmado pa ang binata kanina nang magising at magisnan na magkatabi sila. Nang hindi siya makasagot sa tanong nito ay inutusan siya nitong pulutin ang mga damit at magbihis sa banyo, pero paano na ngayon? Siguradong magtatanong ulit ito. Paano niya sasagutin ang binata kung maging siya ay nagulat at naguguluhan din?
Umaga na. Kailangan na niyang makalabas ng kwarto ni Dashiel kung ayaw niyang maghanap sa kaniya si Lola Trinity. Kaya naman kahit takot na takot at hindi alam kung paanong paliwanag ang gagawin ay binuksan na ni Violet ang pinto ng banyo.
Naroon si Dashiel sa kwarto nito. Halatang balisa dahil paroo’t parito bukod sa panay rin ang hilamos ng mga palad sa mukha. Hindi gaya kanina, may suot-suot nang pang-ibaba ang binata bagaman hubad pa rin sa bandang itaas. Iniwas niya ang mga mata sa katawan ni Dashiel. Sa katawang nagisnan niyang kayakap nang umagang 'yon.
Hindi agad napagdesisyunan ni Violet kung tatawagin ba ito o ano, pero napansin marahil siya ni Dashiel kaya bigla itong napahinto sa paglakad. Nagkatinginan sila. Mabilis naman siyang nagyuko ng ulo sa pinagsamang takot at hiya, pero tuluyan na ring lumabas ng banyo. Disente na ulit siya sa suot na daster kagabi, pero pakiwari niya ay hubot' hubad pa rin siya sa harapan ng binata. Palaisipan talaga sa kaniya kung paanong naalisan ng mga saplot nang hindi man lang niya namamalayan. Bigla niyang naisip si Brylle.
“What happened, Bullet?” napukaw ang pag-iisip niya nang magsimula na namang magtanong si Dashiel. “Obviously, wala akong alam sa nangyari kagabi. Tell me. May ginawa ba’ko sa’yo? Pa'no ka nakarating sa kwarto ko? Did you intentionally sleep beside me?”
Mabilis siyang umiling sa huling tanong ni Dashiel. Iyon ang tanong nito na kaya niyang sagutin dahil imposibleng sasadyain niya na tumabi rito sa pagtulog. Ayaw nga niyang maiiwan sila sa iisang lugar tapos ay tatabihan pa niya.
“May... masakit ba sa’yo? Be honest, Bullet. May nangyari ba sa’tin?”
“W-wala," iling niya.
Nagusot ng noo ni Dashiel. “Wala? Sigurado ka ba? You were naked!”
Wala siyang maisagot, pero ang mga mata niya, tila may sariling desisyon at mabilisang pinasadahan ng tingin ang kabuuan ni Dashiel.
"Don't look at me like that. I always sleep without clothes."
Lalo siyang nakadama ng hiya. Sinagot na lang niya ang tanong ni Dashiel. “H-hindi ko rin alam kung bakit ako nakahubad, pero... walang nangyari, Warden. Ma… mararamdaman ko naman siguro kung meron.”
“Anong nangyari pag-alis ko? May sinabi ba ako sa’yo bago ako umalis na hindi ko maalala? Hindi ko kasi maisip kung paanong nakarating ka rito sa kwarto ko?”
Umiling siya. “Nagpaalam ka lang na matutulog,” sagot niya at mahigpit na lumunok. “W-Warden, maniwala ka, hindi ko ‘to sinadya. Nagulat din ako na makitang nandito ako sa kwarto mo. ”
Hindi kumibo si Dashiel. Nakatuon lang ang tingin nito sa kaniya na animo pinag-aaralan ang kaniyang sagot. Alam niyang mahirap paniwalaan, pero wala rin siyang maalala maliban sa inihatid siya ni Brylle sa tulugan nila. Sigurado rin siya na pinto ng kwarto nila ang kaniyang nakita bago siya nakatulog nang tuluyan.
Hindi na niya alam kung paano pa kukumbinsihin ang binata.
“K-kailangan ko nang lumabas, Warden. Baka may makakita pa sa’kin dito.”
“Will you tell about this to others?”
Natigilan siya at napatingin kay Dashiel. Nasa mga mata nito ang pag-aalala. Hindi niya sigurado kung may pandidiri rin sa titig nito, pero parang tinutusok na ang puso niya.
Umiling siya. “H'wag kang mag-alala, Warden. Hindi makakalabas ang tungkol dito. Walang nangyari sa'tin at sigurado ako ro'n. Ipapahamak ko lang ang sarili ko kapag may ibang nakaalam.”
Walang nakakita sa kaniya nang lumabas siya ng kwarto ni Dashiel. Wala ring tao sa living room nang dahan-dahan siyang bumaba ng hagdan. Napansin lang siya ni Ate Beth nang papasok na siya sa kwarto nila ni Lola Trinity kaya nagtanong ito, pero sinabi niyang maaga siyang nagising at babalik lang sa kwarto para maligo. Mukhang naniwala naman ang cook.
Nang araw na iyon ay pinag-isipan niya kung paano kakausapin si Brylle. Ayaw niyang may makaalam ng tungkol sa kanila ni Dashiel. Ang totoo ay gusto na lang niyang kalimutan ang nangyari, pero hindi siya mapakali at marami rin siyang tanong na baka si Brylle ang makakasagot.
"Bry, mag-usap muna tayo."
Nilingon siya ng kaibigan. Nasa labas sila ng mansion at alam niyang paalis na ang binata patungo sa planta kung saan ito naka-aasign. Sinadya niyang abangan ito para kumpirmahin ang hinala. Wala kasi siyang mahanap na kasagutan maliban sa 'napagtripan' siya ni Brylle. Ito ang huli niyang kasama bago siya nagising sa kwarto ni Dashiel.
"What about? May hihingin kang pabor?"
Nagusot ang noo niya. "Kailan ako humingi ng pabor sa'yo, Bry? Ang gusto kong itanong ay kung saan mo ako dinala kagabi pagkatapos tayong iwan ni Dashiel."
Natigilan saglit si Brylle. Maya-maya ay napangiti ito. Tumingin muna ito sa may entrada ng mansion bago lumapit nang bahagya pa sa kaniya. "Saan ka ba nagising kaninang umaga?"
Napaawang ang mga labi niya. Sa tanong nito ay parang sinagot na rin ni Brylle ang malaking katanungan sa isip.
"S-sinadya mong patulugin ako sa kwarto ni Dashiel?" di-makapaniwalang tanong niya. "I-ikaw rin ang naghubad sa'kin?" Hindi niya lubos maisip kung paano iyon nagawa ng kaibigan.
"You were covered when I took off your dress," kalmadong sagot nito. "Isa pa, hindi mo kailangang mag-alala dahil wala akong malisya sa'yo."
"Baliw ka ba, Bry?" Halos maiyak siya. Pinipilit lang niyang kalmahan ang boses dahil baka mamaya ay may tao sa malapit at marinig ang pinag-uusapan nila ng kaibigan. "Alam mo ba ang ginawa mo? Ipinahamak mo'ko! Nakita ako ni Dashiel at takang-taka siya kung paanong nagising kami na magkatabi sa iisang kama."
"It's alright. Kilala ko si Dashiel. Hindi siya tumatakas sa responsibilidad kaya siguradong pananagutan ka niya."
"A-ano?" Gusto niyang matawa sa narinig. "Anong pananagutan ang sinasabi mo, walang nangyari sa'min!"
Natigilan ulit si Brylle. Pagkatapos ay muli na namang ngumiti. "But he wouldn't be able to confirm it, right? Besides, kahit walang nangyari, imposibleng hindi ka man lang niya nahawakan sa buong magdamag at 'yon mismo ang gugulo sa isip ni Dash."
Nagulat talaga si Violet sa sagot ng kaibigan. Hindi siya makapaniwala sa lumalabas sa bibig nito. "Nasisiraan ka na ba, Bry? Ano ba kasing ginawa mo?"
"Violet, enough for hypocrisy. Gusto mo si Dashiel. Nasasaktan ka sa tuwing mababanggit ang magiging kasal nila ni Catalina. Tinulungan lang kita para mapansin ka naman ng kapatid ko."
"Hindi ko kailangan ang tulong mo at lalong hindi ko hiniling na tulungan mo ako kay Dashiel," mariing sabi niya. "Wala akong intensiyon na manggulo sa taong ikakasal na. At hindi ko gugustohing masira ang tiwala ng mga magulang mo sa'kin."
"Nangyari na ang lahat," kaswal na tugon ni Brylle. Parang balewala lang talaga rito ang ginawa. "Tingnan na lang natin ang susunod na gagawin ni Dash. Ang payo ko sa'yo, samantalahin mo ang pagkakataong nakapasok ka sa isip niya. You will benefit from it, Violet. Baka nga magpasalamat ka pa sa'kin oras na alukin ka ng kasal ni Dash."
"Hindi iiwan ni Dashiel si Catalina. Kahit ano pang nangyari, matutuloy ang kasal nila."
Nagkibit ito ng balikat. "Who knows? I know my brother better than anyone else. Siguradong hindi na 'yon mapakali sa kakaisip ng nagawa niya sa'yo at hindi niya iyon tatakasan kahit pa sabihing may Catalina na siya."
"Bakit mo ba ginagawa 'to, Bry? Ano ba talagang gusto mong mangyari?"
"Wala. I only did it because I believe you deserve him. Kaibigan kita. Mabuti kang tao. Kung may gusto man akong babae para sa kapatid ko, ikaw 'yon. Kaya maniwala ka man o hindi, I'm just a helping you out. You are dear to me, Violet. Nasasaktan din ako kapag nakikita kong nasasaktan ka."
Isang linggo ang dumaan. Kabaligtaran sa inaakala ni Brylle, masakit ang naging epekto ng nangyari sa kanila ni Dashiel. Hindi na ulit siya kinausap ng binata. Napansin niya ang pagbabago nito. Ramdam din ni Violet na iniiwasan na siya ni Dashiel. Halos hindi ito tumitigil sa mansion kapag alam na naroon siya. Sa tuwing hapunan ng pamilya ay hindi rin siya nito matapunan ni isang sulyap. Ibang-iba sa dati na parati siyang napapansin ng binata at hindi pwedeng wala itong sasabihin o itatanong sa kaniya.
Nasasaktan man siya ay walang magawa si Violet. Wala siyang maitulong sa sarili maliban sa payuhan na kalimutan na ang nangyari at patayin na ang damdamin na meron siya para rito. Hindi naman niya masisisi ang binata. Mabuting tao at mahinahon si Dashiel kaya hindi nagpakita ng galit sa kaniya noong umagang magising na katabi siya, pero marahil ay pinagdududahan na siya nito. Matalino si Dashiel. Baka nakakutob na rin ang binata na ito ang tinutukoy ni Brylle na crush niya at marahil ay iniisip na sinadya niyang matulog sa tabi nito. Baka iniisip rin nito na mababang uri siya ng babae na basta na lang itatapon ang sarili sa tabi ng isang lalake.
Para mabawasan ang ikinasasama ng loob, umiwas na lang din si Violet kay Dashiel. Baka sakaling mabura sa isip ng binata ang nangyari sa kwarto nito kapag hindi na siya nakita nang matagal. Nagawa naman niya dahil nagkataong sumabay ang pagsisimula niya ng trabaho sa hotel ng mga Carrillo. Mas maaga siyang umaalis ng bahay. Gabi na rin siya dumadating. At sa bawat araw na dumadaan ay tinitiyak talaga niya na hindi masasalubong ang binata sa tuwing naroon siya sa mansion. Ang hindi lang napaghandaan ni Violet, sa ikalimang araw niya sa training ay makakaharap naman niya ang nobya ni Dashiel na si Catalina Zaldua. Ang Events Manager na si Miss Yuki ang pakay nito at bilang bagong assistant ay naroon din siya sa opisina. Narinig niya ang lahat ng pinag-usapan ng dalawa pati na ang tungkol sa suggestion ni Catalina para sa gaganaping engagement party.
"Out of town trips, travel abroad, charity events and social gatherings," wika ni Catalina. "I want all of those pictures to be shown in a big screen. Importanteng makita iyon ng lahat ng mga bisita para mamatay sa isip nila na isang kasunduan lang ang magiging kasal namin ni Dash."
Ngumiti si Miss Yuki. "I understand, Miss Zaldua. Don't worry. Ako na ang bahala tungkol sa bagay na 'yan."
Hindi na nagtagal pa si Catalina at umalis na rin ito kasunod ang isang alalay at isang bodyguard. Pinagtinginan ulit ito ng mga taong nadadaanan at nakakasalubong.
"Gosh! Narinig mo ba 'yon Violet?" tanong sa kaniya ni Miss Yuki. "Hindi raw kasunduan ang kasal nila ni Mr. Gamboa! Sinong niloloko niya?"
"Baka po. Kasi parang... totoo naman na mahal nila ang isa't isa."
"Oh, whatever! Basta hindi ko gusto ang asta niya! Hindi pa opisyal na Mrs. Gamboa 'yan, ha, pero akala mo na kung sinong reyna nitong hotel!"
Hindi na siya umimik. Kahit ilang tao pa ang may ayaw sa ugali ni Catalina, hindi pa rin noon magbabago ang katotohanang ito ang napiling pakasalan ni Dashiel.
Lumipas pa ang mga araw at dumating ang gabi na pinakahihintay ng pamilya Carrillo at Zaldua. Gusto ni Madam Shiela na naroon din sa party silang mga kasama sa bahay, pero nakiusap si Lola Trinity sa babaeng amo na kung maaaring magpaiwan na lang ito tutal ay matanda na at hindi sanay sa mga ganoong pagtitipon. Humiling ding magpaiwan ang cook na si Ate Beth para may makasama raw ang lola niya. Pumayag si Madam Shiela. Bukod sa dalawa, maiiwan din sa mansion ang isa pang driver. May mga panggabing gwardiya naman kaya kahit paano ay kampante si Violet. Gustuhin man kasi niya na magpaiwan na lang din para samahan si Lola Trinity, siya ang pinakaobligado na pumunta dahil sa trabaho. Assistant siya ng Events Manager at ang departamento nila ang magiging pinakaabala para maisegurong maayos at successful ang party.
Apat na driver ang on duty at tatlo sa mga ito ang maghahatid sa mga amo nila patungong venue. Ang isa naman ay naatasang magmaneho para sa kanila.
Hindi naitago ang excitement nina Wynwyn, Dollie at maging ang personal assistant ni Madam Shiela na si Honey. Kay aagang nagsipaghanda ng mga ito. Si Madam Shiela rin ang nag-provide ng stylist at makeup artist para sa kanila kaya naman lalong natuwa ang kaniyang mga kasama.
"Bakit naman gano'n? Kay Violet ang pinakasimpleng ayos ng buhok at makeup, pero siya pa rin ang pinakamaganda sa ating apat?"
Napatawa si Honey sa sinabi ni Dollie. Bahagya namang nakunot ang noo ni Violet dahil sa totoo lang, hindi siya sanay na naka-makeup. Nabibigatan nga siya sa inilagay na pekeng pilikmata ng artist ni Madam Shiela.
"Wala na tayong magagawa, Dolores! Hayaan mo na at kahit paano naman ay lumutang ang beauty nating tatlo. Itong si Violet kasi, kahit walang makeup maganda na."
"Naku, tamang-tama ang okasyon!" singit ni Wynwyn. "Siguradong puno ng mayayaman at mga sosyal ang party. Baka may magkagusto kay Violet sa mga lalakeng bisita."
"Hindi malabong mangyari 'yan," segunda naman ni Honey at pinagmasdan siya. "Baka itong gabi na'to ang swerte mo, 'Let! H'wag mo kaming kakalimutan kapag nakapag-asawa ka ng mayaman, ha?"
"Tumigil nga kayo," saway niya sa mga ito. "Hindi tayo dadalo sa party para makabingwit ng mayaman. At saka magtatrabaho ako ro'n. Kanina pa nga dapat ako nasa hotel kung hindi lang naghabilin si Madam Shiela kay Miss Yuki na sasabay na lang ako sa inyo."
Isang luxury van ang sasakyan nila papunta sa party. Pinapauna na nga sila ni Madam Shiela sa venue. Pinansin at pinuri ni Brylle ang bihis at ayos niya, pero dahil sa ginawa ng kaibigan ay hindi niya makuhang magpasalamat ni ngumiti man lang dito. Tinalikuran na ni Violet ang binata kaya nahuli pa niya ang tinginan ng mga kasama bago siya ang pinakahuling pumasok sa sasakyan.
"Mukhang hindi naman kailangang makakilala ng iba si Violet sa party dahil nakareserba na siya."
Napailing na lang siya sa sinabi ni Honey at hindi na nagbigay ng komento. Hindi naman iyon ang unang beses na tinukso siya ng mga kasama kay Brylle. Kaya kahit hindi magsalita si Violet, alam niyang alam ng mga ito na walang malisya ang closeness nila ng binata.
Hindi nagtagal ay umandar na rin ang van. Parang may guwang sa loob ng tiyan ni Violet habang nasa biyahe. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong masilayan man lang si Dashiel bago ang event. Sana ay nakita man lang niya kung anong suot ng binata, kung anong kulay at kung gaano ito kagwapo sa gabing iyon. Gusto niyang malaman kung gaano nito pinaghandaan ang sariling engagement party. Tutal ay tinanggap na talaga niya na wala na siyang pag-asa. Kailangan na rin niyang masanay na makita lagi si Dashiel na nag-e-effort para sa babaeng mapapangasawa.
"Violet!"
Isang oras na mula nang magsimula ang party. Dumating ang lahat ng bisitang inaasahan kaya halos puno ng tao sa venue at lahat ay nagkakasayahan. Kanina pa inanunsiyo ang official engagement nina Dashiel at Catalina. Kitang-kita sa mukha ng dalawa ang kaligayahan habang binabati ng mga tao.
Nasa isang sulok ng venue si Violet. Tahimik at nakatuon ang tingin sa malaking screen na nasa bandang itaas ng ginawang stage sa function room ng hotel kaya hindi niya napansin ang pagtawag sa kaniya ng kasama. Kasalukuyang ipinalalabas ang mga larawan nina Dashiel at Catalina. Hindi niya alam kung paano natatagalan ang mga tanawin kanina pa, pero nagpapasalamat siya na nakaya niya dahil sa ginagampanang trabaho.
Napalingon siya nang may tumapik sa balikat niya. Si Wynwyn.
"Violet, bingi ka na ba? Kanina pa kita tinatawag!"
Hindi siya nakasagot. Namataan nga niya ito kanina na kausap si Brylle. Tinawag siya nito, pero dahil kasama si Brylle ay nagkunwari siyang abala at inuutusan ni Miss Yuki.
"Bakit mo ba'ko hinahanap? May sasabihin ka ba?"
"Meron. Inuutusan kasi ako ni Senyorito Brylle na umuwi at kunin ang gamot niya sa allergies dahil may nakain daw siyang bawal. Ang sabi, isama kita dahil ikaw raw ang mas nakakaalam no'n."
Napaismid si Violet. "Bakit naman pati ako? Marunong kang bumasa kaya malalaman mo kung alin doon ang gamot niya. Isa pa, nagtatrabaho ako kaya hindi ako pwedeng umalis basta."
"Sinabi ko na 'yan, pero ang sabi niya siya na ang bahalang magpaalam sa boss mo. Halika na kasi! Samahan mo na'ko para makabalik agad tayo! Sayang kasi 'yong gwapong bisita na nagpakilala sa'kin. Baka mamaya hindi ko na maabutan."
Hindi na nagpapilit pa si Violet. Si Jerry ang inatasan na mag-drive para sa kanila ni Wynwyn. Hindi naman nagtagal ang biyahe pauwi ng mansion at pagdating nga roon ay agad nilang hinanap ang gamot ni Brylle. Siya rin ang unang nakakita sa gamot.
"'Yan! Halika na!" tuwang-tuwang yaya sa kaniya ni Wynwyn dahil gusto na agad makabalik sa party.
Ilang sandali pa ay nasa daan na ulit sila pabalik ng hotel. Bigla namang kinabahan si Violet at hindi niya mawari kung bakit. Hindi na lang niya iyon pinansin hanggang sa makasapit na ulit sa venue. Si Wynwyn na ang nagdala ng gamot ni Brylle.
"Bullet."
Automatic na naestatwa si Violet nang pagpihit ay makita si Dashiel. Mag-isa lang ito at walang 'Catalina' na nakakapit sa braso. Hindi siya makapaniwala na ito ang tumawag sa kaniya. Hindi siya makapaniwala na kaharap niya ito ngayon pagkatapos nilang hindi mag-usap ng ilang linggo.
"W-Warden..." aniya at pilit na ngumiti nang natural. "C-Congratulations..." bati niya. Pakiramdam ni Violet ay hinahampas ng maso ang dibdib dahil sa sobrang kaba.
Hindi sumagot si Dashiel. Sa paligid ay naririnig ni Violet ang kakaibang ingay ng mga tao, pero hindi naman niya magawang lumingon para tingnan kung anong meron. Ayaw niyang iwan ang mga matang nakatunghay sa kaniya. Mga matang inasam niya na tingnan siya gaya ng tingin nito sa nobya.
"M-May... iuutos ka ba, Warden?"
"I want to talk to you, Bullet. May gusto akong linawin sa nangyari sa'tin."
Kinabahan siya nang husto. "A-anong lilinawin mo?"
"Gamboa!"
Saka lang napalingon si Violet dahil sa malakas na sigaw ng ama ni Catalina. Nakita agad niya ang galit sa mukha nito habang pasugod sa kinaroroonan nila.
"You bastard!" Isang suntok ang mabilis na tumama ang sa mukha ni Dashiel. Nagulat at natakot si Violet, pero mas nangibabaw ang pag-aalala niya para sa binata.
"How did you do this to my princess?! I trusted you, sonofabitch?!" galit na sigaw ni Mr. Zaldua bago nito muling sinuntok si Dashiel.
Hindi malaman ni Violet ang gagawin. Hindi niya alam kung bakit nagalit ang tatay ni Catalina at kung bakit nagkakagulo ang mga tao sa venue. Nasalubong din niya ang ilang mga matang nakatuon naman sa kaniya. Nabalot siya ng pagtataka na may halong takot dahil ang iba sa mga ito ay tila galit at gusto siyang sunggaban.
"Violet!"
Narinig niyang may tumawag, pero hindi niya iyon pinansin. Sa pag-angat kasi ng tingin niya ay isang picture na ipinakikita sa big screen ang umagaw sa kaniyang atensiyon. Nalaglag ang mga panga niya nang makilala ang sarili.
"Violet, halika na!"
Isang kamay ang biglang humatak sa kaniya palabas ng venue. Hindi na niya nagawang tingnan kung sino iyon. Tila napagkit na lang ang mga mata niya sa larawan sa itaas ng stage kung saan makikitang magkatabing magkayakap silang dalawa ni Dashiel at kapwa walang saplot.