Kabanata 9

2102 Words
NAPAAWANG ang bibig ni Violet. Bahagyang nanginig ang mga labi niya nang subukang sambitin ang pangalang nakaukit na sa kaniyang isipan simula pa noong kinse anyos siya. “W-Warden…” Isa ulit nakakabinging katahimikan ang dumaan maliban sa wari’y tinatambol na dibdib ng dalaga. Parang gusto niyang bawiin ang sinabi. Tumututol ang isip niya. Ayaw niyang maniwala na si Dashiel ang lalake sa dilim dahil kung ito nga si Dashiel, bakit kailangan siya nitong ipadukot at gapusin. Imposible! Baka magkaboses lang. Marahil ay ginagaya lang nito kung paano siya tawagin ng binata, pero hindi ito si Dashiel. Nasa puntong kinukumbinsi pa rin ni Violet ang sarili nang marahang magsalita muli ang lalake. “Glad you still remember my voice, Bullet.” Sukat sa narinig ay namilog nang husto ang mga mata ni Violet. At sa gitna ng dilim ay naaninag niya nang mas malinaw ang matitigas na linya ng mukha ng lalake. Ang perpektong anggulo ng mga panga. Ang matangos na ilong. Ang saktong hubog ng mga buto nito sa magkabilang pisngi na siyang nagpapatingkad ng kagwapuhan ng lalake. Dashiel. Dahan-dahan siyang umiling. Tumatanggi ang kalooban ng dalaga. Ayaw niyang maniwala dahil na rin sa sitwasyon na kinaroroonan. Kung ito nga si Dashiel ay bakit siya nito kailangang ikulong? Hindi marahas na tao si Dashiel. Hindi gano’n ang pagkakakilala niya sa binata. “I disturbed your sleep. Go back to bed, now. Bukas na lang tayo mag-usap.” “S-sino ka ba?" habol niya bago pa man ito makaalis. Para ngang nakita ni Violet na natigilan ang lalake sa akmang pagtayo. Humarap itong mabuti sa kaniya. "S-sabihin mo muna kung sino ka. Magpakilala ka, parang awa mo na. H-h'wag mo'kong paglaruan... H-hindi ikaw si Warden... A-alam kong hindi ikaw si-" "And who do you think I am if not him?" Nabalot ng pagkasindak si Violet. Hindi lamang dahil sa galit na nahimigan niya sa boses ng lalake kundi dahil sa marahas na pagkabig nito sa kaniyang batok. Nasaktan siya sa ginawa nito. He apparently could see her in the dark dahil alam nito kung saan siya kakalawitin ng kamay. "As far as I can remember I'm the only one who calls you Bullet. O may iba nang tumatawag sa'yo sa gan'yang pangalan at hindi ko alam? Tell me. Ipapapatay ko siya ngayon din mismo!" Hindi siya nakasagot. Sakop na sakop ng malaking palad nito ang batok ng dalaga. Tumatahip ang dibdib niya sa pinagsamang takot at pagkalito. Itinaas niya ang mga kamay para alisin ang kamay ni Dashiel, pero lalo lang dumiin ang pagkakahawak nito sa kaniya. Nabawasan din ang distansiya ng mga mukha nila. Nararamdaman na niya ang mainit at mabangong hininga nito sa kaniyang mukha. "Natuwa pa man din ako dahil naaalala mo pa ang boses ko pagkatapos ay bigla mong pagdududahan kung ako nga ang taong tinukoy mo. How ironic!" "K-kung ikaw si Warden... b-bakit mo ginagawa ito? Ano bang kasalanan ko sa'yo?" "You don't know? Imposible! Sigurado ka bang hindi mo alam kung anong kasalanan mo sa'kin?" mariing wika nito na lalong nagdagdag ng takot sa dibdib niya. "Duda ka ba talaga na ako ito o hindi mo lang matanggap na pagkatapos ng limang taon ay matatagpuan pa rin kita? You obviously underestimated me, Bullet." "T-tama na... Bitiwan mo'ko-" "I don't forget," anito na pumutol sa pakiusap niya. Sumabay pa ang lalong pagdiin ng mga daliri nito sa batok niya kaya napadaing si Violet sa sakit. Tinangka ulit niyang baklasin ang kamay nito sa kaniyang batok, pero wala pa ring silbi. "It's not that easy to leave everything behind. Nakatatak na sa buo kong pagkatao ang resulta ng mga ginawa mo sa'kin, Bullet." Natigilan nang bahagya si Violet. Mas mababa na ang boses ni Dashiel. Nawala na rin ang diin, pero hindi ibig sabihin ay wala na siyang dapat ikabahala dahil ramdam naman niya ang pait sa bawat katagang binigkas nito. Pakiwari niya ay may matindi itong pinagdaanan na siyang pinagmumulan ng galit. Nanatiling walang imik si Violet at pinakinggan na lamang ang mga sumunod na sinabi nito. "Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan mo kaya tanggapin mo na ngayon pa lang ang magiging kapalaran mo. Akin ka lang mula ngayon, Bullet. Bilanggo na kita habangbuhay. At hinding-hindi ka makakaalis sa lugar na ito hangga't humihinga ako. Keep that in mind." At pagkasabi noon ay binitiwan na siya ni Dashiel. Marahas na tumayo ito at naglakad palayo. Narinig na lang niya ang padarag na pagsarado ng pinto tanda na nag-iisa na ulit siya sa madilim na kwartong iyon. Naglandas sa mga pisngi ng dalaga ang mga naipong luha. Ayaw man niyang paniwalaan, pero kailangan niyang tanggapin na si Dashiel nga ang taong nasa likod ng pagdukot sa kaniya. Nasasaktan ang kalooban niya. Bakit ginagawa iyon sa kaniya ng binata? Bakit parang ang laki ng galit nito? Dahil ba sa pag-alis niya sa isla? Pero limang taon na ang nakalipas. Bakit ngayon lang ito nagpakita ng gano'ng galit sa ginawa niya? Isa pa ay maayos naman siyang nagpaalam sa pamamagitan ng sulat na iniwan niya kay Dollie na para rito. Aminado siyang guilty sa paraang hindi niya kinausap nang personal si Dashiel, pero buo ang paniniwala niya na maiintindihan siya nito dahil malawak ang pang-unawa nito. Buhay ang nakataya sa naging desisyon niya. Kinailangan niyang mamili. Kinailangan niyang umalis at iwan ang Isla Panorama kasama ang kaniyang Lola Trinity... 5 Years Ago. HINDI malaman ni Violet kung paano babatiin ang matandang lalakeng nababaan niya sa rest house ni Dashiel. Hindi ito nag-iisa. Kasama nito ang ilang tauhan at body guards na nasa may pintuan at ang iba ay natatanaw niya sa labas. Hindi na rin siya nagtataka kung paano nito nalaman kung nasaan siya. Makapangyarihan ang mga Carrillo. Sa mga ito ang halos kalahati ng Isla Panorama. Humakbang si Senyor Jose patungo sa kinatatayuan niya. "Violet." Wala sa sariling napaatras ang dalaga. Kapag nakikita niya ang matandang lalake ay naaalala niya kung paano siya nito pinadapa sa sampal. Ang sabi ni Dashiel ay pasasamahan siya kapag umalis, pero mukhang wala pa roon ang tauhan nito. Kaya sa ayaw niya at sa gusto ay kailangan niyang harapin nang mag-isa si Senyor Jose. "Kumusta ka, Hija?" tanong ng kaharap. Huminto ito ilang talampakan mula sa kaniya. "A-ano pong ginagawa n'yo rito?" Ngumiti nang babahagya ang matandang lalake bago sinagot ang kaniyang tanong. "Narito ako dahil... gusto kong humingi ng paumanhin sa'yo, Hija. Paumanhin sa mga nagawa at nasabi ko sa'yo nitong mga nagdaang araw. Alam kong masama ang loob mo sa akin, pero hindi mo kami masisisi. Nasira ang pangalan namin dahil sa eskandalo. Maraming nadamay at napahamak. At marami pang mapapahamak kung hindi kita kakausapin ngayon kaya nagpasya akong sadyain ka na rito mismo." "A-ano pong pag-uusapan natin?" tanong ulit niya. Naisip na niyang tungkol iyon sa kasal nila ni Dashiel. Hindi naman madaling hulaan na tutol si Senyor na makasal siya sa stepson nito. "About Dashiel. Delikado ang lagay niya, Violet." Natigilan siya at agad tinubuan ng pag-aaalala. "D-dedlikado? A-ano pong ibig n'yong sabihin? N-nasa'n po si War- si Dashiel?" Akma siyang tatalikod para kunin ang cellphone at tawagan ang binata, pero napigil siya nang magsalita muli si Senyor Jose. "I'll be honest with you, Hija," anito. Muling humarap sa matandang lalake si Violet. Nakatuon sa kaniya ng paningin nito. "Ang totoo, gusto kong pakiusapan ka na umurong sa kasal ninyo ni Dashiel, pero hindi iyon dahil sa may iba akong gusto para sa anak ko. Maniwala ka, Violet, walang kinalaman ang estado ng buhay mo kaya kita inaayawan. Nasa amin ka na mula pa nang maliit ka. Nakita namin ni Shiela ang maayos na pagpapalaki sa'yo ni Trinity. Isa kang mabait at masunuring apo. Isa ka ring responsableng estudyante at maaasahang kaibigan. Kung tutuusin ay wala akong maipipintas sa'yo bilang babae, pero... hindi ikaw ang nararapat na pakasalan ni Dashiel kundi si Catalina." Nakagat niya ang loob ng pang-ibabang labi. Hindi siya nagkamali na iyon ang pakay ng matanda. At kahit ano pang papuri ang narinig niya mula rito, hindi niya maitanggi na nasasaktan siya. "B-bakit ako po ang kinakausap n'yo at hindi si Dashiel?" Tutol ang kalooban ng dalaga sa sinabi ni Senyor Jose. Oo, at hindi niya hiniling na pakasalan siya ng binata, pero ang puso niya nakatanaw na sa magiging kinabukasang kasama si Dashiel. "Dahil alam kong mas maiintindihan mo ako, Hija. Maniwala ka, kinausap na namin si Dashiel, pero walang nangyari. Pinanindigan niya ang mga lumabas na mga larawan nang hindi man lang isinasaalang-alang ang magiging kalagayan niya sa hinaharap. Violet... kilala ko ang ama ni Catalina. Isang traydor si Zaldua. Hindi niya palalampasin ang nangyaring ito. Alam kong igaganti niya ang inaakalang kaapihang ginawa ni Dashiel sa anak." Nagusot ang noo niya. "I-igaganti?" "Oo, Hija. Alam kong gaganti ang mga Zaldua kaya nasa panganib ngayon ang buhay ni Dashiel. Iyan ang dahilan kaya nagpupumilit akong matuloy ang kasal nila ni Catalina sa kabilang ng mga nangyari. Iyan ang dahilan kaya halos lumuhod na ako sa pamilya nila para patawarin nila si Dashiel at bumalik sa dati ang lahat. Ayaw kong mapahamak ang anak ko. Alam mo kung gaano kahalaga sa akin ang pamilya ko kaya nakikiusap ako, tulungan mo ako, Hija. Kumbinsihin mo si Dashiel na itigil na ito at bumalik na sa mansion. If you do that, you will save Dashiel's life. At tatanawin kong isang malaking utang na loob ang gagawin mo." Nabalot siya ng kalituhan at takot. Hindi niya rin gugustuhing mapahamak ito, pero para kayViolet, hindi ganoon kadali ang hinihingi ni Senyor Jose. Mahal na mahal niya si Dashiel. Anong gagawin niya? Dapat ay kausapin niya ito. Dapat ay kumbinsihin niya ito na umalis na lang sila ng isla. "Ikaw lang ang makakagawa ng paraan para makaligtas sa panganib si Dashiel but you won't be able to save him by telling him about our conversation and then ask him to leave the island," wika ni Senyor Jose na tila nababasa ang laman ng isip niya. Napatingin dito ang dalaga. "Mayaman ang mga Carrillo, Hija, pero hanggang sa Maynila ay makapangyarihan ang mga Zaldua. Kapag nalaman ni Dashiel na kinausap kita tungkol sa bagay na ito, lalo lang siyang magmamatigas sa amin. Lalo lang niyang ilalayo ang loob sa amin. At sa ginagawa niyang paglayo, hindi rin namin siya mapoprotektahan laban sa mga kaaway. He won't be able to escape the danger even if you decide to move to another place. Susundan siya kahit saan ng galit ni Zaldua." Humugot siya ng isang malalim na paghinga. Totoo ang sinabi ni Senyor Jose. Makapangyarihan ang mga Zaldua at kung pagbabasehan ang ginawang pananakit ng ama ni Catalina kay Dashiel, hindi imposibleng may gawin ito na mas malala. Hindi niya pwedeng balewalain ang sinasabi ng matanda. "Matanda na ako, Hija. Ginagawa ko rin ito para sa pamilya ko. Hindi lingid sa'yo ang mga responsibilidad ni Dashiel at kung may mangyayaring masama sa kaniya, paano na ang ina niya at kapatid? Kailangan namin siya, Hija. Kailangan namin siya nang buhay." Tutol man ang kalooban, mukhang kailangan ni Violet na gumawa ng paraan alang-alang sa kapakanan ni Dashiel. "P-paano ko siya makukumbinsing balikan si Catalina kung hindi ko babanggitin ang tungkol sa banta ni Mr. Zaldua? Anong sasabihin kong dahilan?" "Ikaw ang nakakaalam niyan, Hija. Sigurado akong magagawan mo 'yan ng paraan hindi lang dahil matalino ka kundi dahil mahal mo si Dashiel." Natigilan si Violet. Hindi niya inaasahan ang narinig. Tumango-tango si Senyor Jose na animo naiintindihan ang nararamdaman niya. "I understand that this may hurt you, Hija. But you may hurt yourself more if you choose to stay with my son. Hindi ka mahal ni Dashiel. Ikaw lang ang nagmamahal sa kaniya. He's just doing this to save you, pero alam naman nating lahat na wala talagang namamagitan sa inyo." Her heart sank. Hindi nagtagal ay nagsimulang magtubig ang mga mata ng dalaga na kaagad naging luha na unti-unting bumabasa magkabilang pisngi niya. "Life is often like this. Hija. We need to sacrifice something in order to make a better decision. We sometimes need to sacrifice our feelings for the sake of our loved ones. Pero h'wag kang mag-aalala, Hija, dahil may kapalit ang mga sakripisyo mo. Gagawin ko ang lahat para magkaroon kayo ng magandang buhay ng lola mo. Hindi na niya kailangang magsilbi pa sa mansion. Bibigyan kita ng sarili n'yong matitirhan na malayo sa mapanghusgang mata ng mga tao rito sa isla. I'll make sure that you'll have a stable job and income. Magiging maalwan kayo ng lola mo at magkakaroon ng tahimik na buhay. Pangako 'yan, Hija. Tulungan mo lamang akong mailigtas si Dashiel sa kamay ni Zaldua."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD