Kabanata 8

2627 Words
INILAPAG ni Dashiel ang cellphone sa mesita nang maupo ito sa tabi niya. Pagdating pa lang nila ay wala nang tigil ang binata sa pagtawag sa ilang mga pangalan. Iba talaga kapag mayaman at kilala. Maraming koneksiyon na makakapangyarihan sa lipunan. "Sa isang araw ang dating ni Judge Gabino. Get ready. Pupunta tayo sa bahay niya. Kailangan ang personal appearance nating dalawa bago ang mismong kasal." Parang may mga dagang naghabulan sa dibdib ni Violet dahil sa sinabi ni Dashiel. "S-sige. Pero... p-paano ang mga papeles natin?" "May nakausap na'ko na tutulong sa'tin sa pag-asikaso ng mga requirements. Magkikita kami bukas. Hindi na kita isasama dahil delikado para sa'yo. Pasasamahan na lang kita rito bukas kay Arcilla." Tumango si Violet. Bagaman mas gusto niyang sumama kay Dashiel, baka nga mas makakabuti kung maiwan na lang siya sa rest house. Nasa bahay lang sila ni Dashiel sa buong maghapon. Sinubukan niyang tawagan si Dollie para kumustahin si Lola Trinity, pero hindi na niya ito ma-contact sa dating number. Nasabi nga noon ni Dollie na binabawalan ang mga ito nina Senyor Jose na makipag-usap sa kaniya kaya may palagay siya na inutusan ang mga kasambahay na magpalit ng numero. Isa lang talaga ang pag-asa niya para makausap at makita ang kaniyang lola- ang sinabi ni Dashiel na gagawa ito ng paraan. Lumabas siya ng kwarto para uminom ng tubig. Nakita niya si Dashiel sa living room, tutok ang atensiyon sa laptop kaya malamang na trabaho ang inaatupag nito. Mula nga nang dumating siya sa rest house ay hindi niya nakitang pumasok sa opisina ang binata. Mukhang kahit nasa bahay naman ay nakakapagtrabaho pa rin ito. Isa pa, kay Dashiel na rin nanggaling, hindi ito basta maaalis sa posisyon sa kompaniya ng mga Carrillo. He was surely an asset. Alam nga ni Violet ang tungkol sa ilang proyektong napatapos ng binata at hindi iilang investor ang naipasok nito sa kompaniya. Dumiretso na siya sa kusina. Maaga silang nag-lunch kanina kaya malamang na gutom na rin si Dashiel gaya niya. Naisip ni Violet na magluto ng meryenda para sa kanila. Hindi nga nagtagal ay isinasalin na niya sa mangkok ang umuusok na sopas. Malamig talaga sa rest house. Masarap ang mainit na pagkain kaya may sabaw ang iniluto niya para sa meryenda. "Chicken macaroni soup. Kumain ka muna," ani Violet habang inilalapag ang mangkok sa mesita. Naagaw niya ang atensiyon ng binata. Dumako ang tingin nito sa nakahain. "Thank you, Bullet." Inusod nito ang laptop, maingat na hinila palapit ang pinggan na pinagpapatungan ng mangkok at dinampot ang kubyertos. "Kapag naubos mo at gusto mo pa, tawagin mo lang ako. Nasa kusina lang ako." "Bakit? Hindi ka ba kakain?" "Kakain din. Do'n sa kusina." "Dito ka na para may kasabay ako." Nag-alangan siya nang bahagya. "Baka makaabala ako sa'yo." Nagusot ang noo ng binata. "I'm just going to eat. Iimbitahin ba kita kung makakaabala ka sa pagkain ko?" Hindi na nakakibo si Violet. Ang totoo, gusto nga niya na laging kasabay sa pagkain ang binata kahit madalas ay nako-concious siya kapag tinitingnan siya nito. Kailangan na pati niyang masanay. Oras na makasal sila ay lagi na silang magkakasabay sa pagkain. Nagsisimula nang kumain si Dashiel nang bumalik si Violet dala ang mangkok niya ng sopas. Naupo siya sa dulo ng mahabang upuang kahoy at nagsimula na ring kumain. Paminsan-minsan ay nagkakatinginan sila ng binata. Gusto niyang malula minsan kapag naiisip na ikakasal siya kay Dashiel. Paano kaya ang magiging sitwasyon nila? Ituturing ba siya ni Dashiel na totoong asawa at hindi lang sa papel? Tanggap naman kasi niya na pakakasalan siya ni Dashiel para iligtas sa panghuhusga ng mga tao. "W-Warden... may tanong ako..." Nag-angat ng tingin ang binata sa kaniya, pero hindi nagsalita. "Bakit.... gusto mong mag-resign kung alam mong malaki ang magiging epekto ng pagkawala mo sa kompaniya n'yo?" Nagkibit ito ng balikat. "Nasa plano pa lang naman 'yon. Pero kapag hindi nangyari ang inaasahan ko, malamang na gano'n nga ang gawin ko. Iiwan ko ang lahat ng nandito at hahanap tayo ng ibang lugar na matitirhan." "Ano bang inaasahan mo na mangyayari?" "Kapag tumigil na ang mga usap-usapan ng mga tao tungkol sa'yo," sagot ng binata. "Kapag natanggap na ng pamilya ko ang kasal natin at kapag natiyak kong tahimik ang magiging buhay nating dalawa rito sa isla." Marahang tumango si Violet. 'Yon din ang gusto niya- ang tahimik na buhay kasama si Dashiel. "Warden... alam kong natanong mo na ako at nasagot na rin kita. Pero sigurado ka na ba talaga sa desisyon mo? Hindi biro ang kasal, Warden. Itatali mo ang sarili mo sa isang panghabangbuhay na kasunduan. Samakatuwid, itatali mo ang sarili mo sa'kin." Pinagmasdan siya ng binata. "Nagdududa ka ba sa motibo ko, Bullet?" Natigilan siya nang ilang sandali. "Hindi sa gano'n," sagot niya. "Ayaw ko lang na magsisi ka sa bandang huli. Hindi tayo magkauri, Warden. Malayong-malayo ang mga katangian ko kay Catalina. Alam mo ang pagkatao ko. Alam mong wala akong pamilyang maituturing maliban kay Lola Trinity. At kung hindi sa suporta ng mga magulang mo, hindi siguro ako nakapagtapos ng pag-aaral." "Ang dami mong sinabi. Sa tingin mo ba, importante sa akin ang mga 'yan?" Nahimigan niya ang iritasyon sa boses ng binata. Nakadama naman siya ng hiya at guilt. "Pasensiya ka na. Hindi naman sa nagmamalaki ako dahil ang totoo, nahihiya ako sa malaking perwisyo na dala ko sa buhay mo." "It's not your fault. Wala kang dapat ikahiya kahit kanino." Hindi siya kumibo. Kahit sabihin ni Dashiel na wala siyang dapat ikahiya, hindi 'yon madali para sa dalaga. "Do you trust me, Bullet?" Ilang sandali ang lumipas bago niya nasagot ang tanong ni Dashiel. Tumango siya. "Kung may isang tao akong pinagtitiwalaan , ikaw 'yon, Warden. Naniniwala ako sa'yo. At ngayon pa lang, tinatanaw ko nang malaking utang na loob ang ginagawa mo para sa'kin. Sana lang... masuklian ko ang lahat." "You surely can." Tipid siyang napangiti. "Tama. Ipagluluto kita lagi ng gusto mong pagkain. Aasikasuhin kita sa lahat ng bagay. Kahit ano, gagawin ko, para magantihan ko ang pagsasakripisyo mo. Dahil para sa'kin sakripisyo ang ginagawa mong ito." "Bullet, gusto ko lang linawin na hindi kita pakakasalan para gawing alila," wika ng binata. "You're going to be my wife. My wife." Mistulang nayanig si Violet at hindi nakapagsalita. Nagpatuloy na sa pagkain ng sopas si Dashiel. Habang siya ay sinisikap pa ring makabawi dahil wari niya ay malulunod ang puso niya sa saya. Hanggang sa paghiga niya kinagabihan ay paulit-ulit sa isip ng dalaga ang mga sinabi ni Dashiel. Asawa. Totoong asawa ang magiging papel niya sa buhay nito. Hindi alam ni Violet kung anong unang dapat na maramdaman. Masaya siya kung sa masaya, pero hindi niya maitatanggi ang nararamdamang takot. Takot na may halong pananabik. Asawa ni Dashiel Gamboa. Ibig sabihin ay hindi lang sa papel ang kasal nila. Hindi lang para ibangon ang dangal niya. Ibig sabihin ay magtatabi rin sila sa pagtulog nito. Hindi siya nito gagawing utusan o tagasilbi lang. Magiging kabiyak at katuwang siya ni Dashiel sa pagbuo ng pamilya. Ilan kaya ang magiging anak nila kung sakali? Lalong nabalisa ang dalaga sa layo ng itinatakbo ng kaniyang isip. Nakalipas na ang isang oras, pero dilat na dilat pa rin siya. Para siyang naiinip na mag-umaga. Gusto na niyang bumangon at nang sa gano'n ay maipagluto ng almusal ang kaniyang magiging asawa. Dashiel. Hindi niya alam kung dapat ipagpasalamat ang ginawa ni Brylle. Dahil doon, matutupad ang pangarap niyang makasal sa lalakeng itinatangi ng puso. Naalala niya tuloy noong magdiwang siya ng eighteenth birthday. Wala ngang ganap dahil bukod sa final exams nila sa academic semester, isang ordinaryong araw na lang talaga iyon para kay Violet. Pero naging espesyal ang labingwalong taong kaarawan niya dahil kay Dashiel... "W-Warden? A-anong ginagawa mo rito?" "Ano pa ba? Gusto kong batiin ka sa birthday mo. Happy eighteenth birthday, Bullet! Parang kailan lang. Ngayon masasabi kong dalaga ka na na nga." Napangiti siya, malalakas ang sipa ng puso niya. "S-salamat. Dumaan ka pa talaga rito para riyan? Pwede mo naman akong i-text na lang." "Actually, hindi ako dumaan lang. Tapos na exams n'yo, 'di ba? Sinusundo na kita ngayon. Kakain tayo sa paborito mong kainan." Hindi lang doon natapos ang sorpresa ni Dashiel. Pag-uwi niya ay may nakaabang na maliit na kainan sa mansion na pinagplanuhan pala nito at ni Brylle sa tulong ng Lola Trinity at mga kasamahan nila. May regalo ring laptop sa kaniya si Dashiel na nagagamit pa niya hanggang sa ngayon. Kalahating oras pa ang dumaan at mukhang walang balak dapuan ng antok ang dalaga. Kapag hindi pa siya nakatulog, siguradong magmumukha siyang zombie sa paningin ni Dashiel bukas kaya naisipan niyang lumabas at bumaba sa kusina. Bumangon siya. Tiniyak niyang hindi makakagawa ng ingay para hindi magambala ang natutulog sa kabilang dingding, pero paglabas niya ay nakita niyang lumabas din ng kwarto nito si Dashiel. Parang minamartilyo ang dibdib niya nang magkakatitigan sila nito. Mukhang pareho nga silang nagulat dahil hind agad nakapagsalita ang binata. "B-Bullet." "W-Warden... gising ka pa?" Napakurap-kurap ito. "Ikaw rin. Hindi ka ba makatulog?" Hindi siya nakasagot. Natuon na kasi ang pansin niya sa katawan ng binata. Madilim sa papuntang hagdan hanggang sa ibaba, pero bukas ang ilaw sa may dulo ng pasilyo at umaabot ang liwanag sa kinaroroonan nila kaya kita niya na wala itong suot pang-itaas. Napalunok ang dalaga. Matagal na niyang alam kung gaano kagwapo si Dashiel. Napakarami rin nitong magagandang katangian bukod pa sa matalino at maabilidad kaya hindi nakakapagtakang malaki ang nagawa nito sa mas mabilis na paglago ng kompaniya ng mga Carrillo. Pero bukod sa perpektong mukha at mabuting ugali, hindi maisasantabi ang pagkakaroon nito ng magandang pangangatawan. Hindi lang basta matangkad, pero malaking tao si Dashiel. Nasa tamang lugar ang matitigas na tipak ng kalamnan at walang sobrang taba kahit saang parte maging sa tiyan. Minsan na ngang napatunayan ng dalaga kung gaano katigas ang katawan nito nang magising siya na yakap ng binata. Hindi tuloy napigilan ni Violet ang pag-andar ng imahinasyon. Paano kaya kapag nagtabi na sila sa kama? Kakayanin kaya niya ang laki ng magiging asawa? "Bullet?" Napaigtad si Violet. Hindi lang dahil sa pagtawag ng binata kundi dahil naramdaman niya ang paglapat ng kamay nito sa kaniyang balikat. Hindi niya napigilang tingnan iyon. "Bakit lumabas ka? Saan ka pupunta?" Ibinalik niya ang mga mata kay Dashiel, pero isang bahagi ng isip niya ang naiwan sa kamay nitong nasa kaniyang balikat. Dahil siguro malamig sa rest house kaya ramdam niyang tumatagos ang init ng palad ng binata sa tela ng kaniyang pantulog. "N-nauuhaw..." Wala siya sa sarili nang sumagot. Para siyang natalimuanan nang makita ang pagsasalubong ng mga kilay nito. "A-ako. Nauuhaw ako. Iinom lang sana..." "H'wag ka nang bumaba. Meron akong tubig sa kwarto. Naghahanda talaga ako bago matulog." Hindi alam ng dalaga kung anong isasagot. Pero hindi rin naman siya nakakibo nang lumipat ang kamay ni Dashiel sa kaniyang likod at igiya siya papasok sa kwarto nito. Kailangan nga niya ng tubig. Bigla kasing nanuyo ang lalamunan niya. Iniwan siya ni Dashiel malapit sa pintuan. Nakasunod ang tingin niya rito. Kinuha ng binata ang isang makitid na babasaging pitsel na puno ng tubig at isang baso at saka siya binalikan. Nagsalin ito ng tubig. "S-sa kusina na lang ako kukuha. Sa'yo 'yan, eh." Hindi siya pinansin ng binata. Iinabot nito sa kaniya ang baso. Wala nang nagawa si Violet kundi tanggapin iyon at inumin. Uhaw nga siguro siya kaya halos maubos niya ang isang basong puno. Tumingin siya sa binata pagkatapos. "S-salamat. Papalitan ko na lang itong ginamit kong baso." Parang wala na namang narinig si Dashiel. Dinampot nito ang hawak niya at ibinalik ang pitsel at baso sa pinagpapatungan. Pumatlang ang katahimikan. Ang dapat ay lumabas na siya at iwan ang binata sa kwarto nito, pero hindi naman kumikilos ang kaniyang mga paa. Katunayan ay nasa harapan na niya ulit si Dashiel, pero naroon pa rin ang dalaga. Naghagilap siya ng sasabihin. "G-good night." "Okay. Good night." Alanganin siyang ngumiti. Tatalikod na sana siya nang humakbang naman ang binata palapit. Natigilan siya. Nasa mismong harapan na niya si Dashiel. At dahil hanggang kili-kili lang siya nito ay nakatingala si Violet sa binata habang abot-abot ang pagtahip ng dibdib. Seryoso naman ang mukha ni Dashiel kaya hindi niya mapigilang mag-alala at matakot dahil hindi niya mabasa ang iniisip nito. Bumilang ng ilang segundo. Wala siyang narinig na anuman mula kay Dashiel. Naramdaman na lang ni Violet ang mga kamay nito- ang isa sa kaniyang baywang at isa sa kaniyang likod. Isang kabig lang sa kaniya ni Dashiel, nagdikit ang mga katawan nila nito. Kusang umangat ang mga kamay ng dalaga at tumuon sa hubad na tiyan ng binata. Malaking tao na ay parang bato pa ang katawan. Tantiya ng dalaga ay kaya nitong durugin ang mga buto niya oras na yakapin siya. At ganoon nga ang sumunod na nangyari. Nabalot siya ng mga braso ni Dashiel. Niyakap siya nang husto, pero hindi man lang siya nasaktan. He was perfectly gentle. Walang nadurog ni isang himaymay ng buto sa kaniya. She actually felt so safe and secured. Masarap din ang init na nararamdaman niya mula sa katawan ng binata dahil malamig nga sa rest house. "I promised myself that I won't touch you until we get married." Napalunok ang dalaga sa narinig. Nayayanig ang pakiwari niya sa kinatatayuan. Paano ba niya susundan ang sinabi nito? Ano bang dapat isagot doon? Humugot ng malalim na paghinga si Dashiel. "But here I am. Hugging you." Bumaha ng protesta sa sistema ng dalaga nang bitiwan na siya ng binata. Matinding pagpipigil ang ginawa niya sa sarili na gustong yumakap at magpakulong ulit sa mga bisig nito. "Is it okay if I kiss you before we go back to each other's bed?" Napaawang ang bibig niya. Ramdam niya ang pangangatal ng mga labi. Mahirap na ngang sundan ang sinabi nito kanina, tapos ay mas mahirap pa pala ang tanong. Sana ay hindi na lang nagtanong si Dashiel. Sana ay kung paano siya nito niyakap kanina, ganoon na lang din siya nito halikan- 'yong hindi na kailangang magtanong at hindi na kailangang magpaalam. "Bullet?" Kailangan niya talagang sumagot kung ayaw niyang ma-misunderstood ni Dashiel ang kaniyang pananahimik. Ramdam ng dalaga ang pag-iinit ng buong mukha nang dahan-dahang tumango. Hinawakan siya ni Dashiel sa panga at bahagyang pinatingala. Bumaba ang mukha ng binata. Mistulang nanigas si Violet sa pag-apaw ng antisipasyon. Imbes na pumikit, pinanatili rin niyang bukas ang mga mata kaya kitang-kita niya ang pagdidikit ng mga mukha nila ng binata. Pagkatapos, naramdaman naman niya ang paglalapat ng mga labi nila. Wari niya ay huminto ang oras nang damhin na nila ang mga labi ng isa't isa. At nang matapos ang halik ay nag-iwan iyon sa kaniya ng nakakaliyong pakiramdam. Sunod-sunod ang paglunok niya nang tingnan si Dashiel. "I'll take you to your room. Matulog ka na. Darating nang maaga rito si Arcilla. Maaga rin ang alis ko bukas." Tuluyan na yata siyang napipi. Nakamata lang siya kay Dashiel at hindi pa rin alam ang sasabihin kaya tumango na lang siya. Parang galing siya sa isang magandang panaginip. Sobrang saya ng puso niya nang bumalik sa silid at mahiga. Hindi nagtagal, nakatulog si Violet na si Dashiel ang huling iniisip. Ang binata rin ang una sa alaala niya nang magising kinaumagahan, pero laking pagsisisi niya nang makitang tanghali na. Maliwanag na sa kwarto niya at sa orasan ay alas nueve pasado na ng umaga. Dali-dali siyang bumangon at lumabas ng kwarto. Patakbo niyang binaba ang hagdan sa pag-asang maabutan pa ang pag-alis ni Dashiel, pero hindi ang binata ang nadatnan niya sa living room. Sinalakay siyang takot nang magtama ang tingin nila ng hindi inaasahang bisita. Napaawang ang bibig niya. "S-Senyor... J-Jose..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD