"MAGANDANG umaga. Mabuti pala at gising ka na," bungad ni Manay Sylvia sa dalaga pagpasok nito sa kwarto.
Lumapit ang babae sa mga bintana at hinawi ang makakapal na kurtina roon. Nasilaw si Violet sa nagpasukang liwanag mula sa pang-umagang araw. Inalis niya ang kumot sa katawan at tuluyan nang bumangon sa kama.
"Ihahanda ko muna ang paligo mo at bihisan," wika ng may-edad na babae bago dumiretso sa banyo. Ilang minuto lang sigurong nawala ang babae sa paningin niya bago ito muling lumabas. Nilapitan naman siya nito at inalis ang pagkakakadena ng kaniyang paa. Sa tingin niya ay nagmamadali ang babae sa ginagawa.
"M-may almusal na po ba, Manay?" Hindi na siya nahiyang magtanong. Ine-expect na rin kasi niya na may dalang pagkain si Manay Sylvia. "Sorry po. Kanina pa po kasi ako nagugutom," paliwanag pa niya.
"Ayos lang. Mabuti nga na nagsasabi ka kung anong kailangan mo."
Maya-maya pa ay nakawala na ang paa niya sa kadena. Ibinulsa ulit ni Manay Sylvia ang ginamit na susi.
"Kumilos ka na para makapaligo at makapagbihis. May kalahating oras lang ako para igayak ka at ihatid sa komedor. Hinihintay ka roon ni Sir Dashiel. Sasabayan mo siya sa pagkain ng almusal."
Napaawang ang mga labi ng dalaga at hindi nakuhang kumibo.
"Pumasok ka na sa banyo at maligo. H'wag mo lang masyadong tagalan dahil tumatakbo ang oras."
Tumayo si Violet upang sundin ang sinabi ni Manay Sylvia. Hinubad niya ang damit na ipinasuot sa kaniya kahapon. Habang naliligo ay inalala niya ang mga sinabi ni Dashiel kagabi. Bilanggo na raw siya nito. Hindi niya alam kung anong nagtutulak kay Dashiel para gawin iyon, pero halatang malalim ang pinagmumulan ng galit ng binata. Hindi siya naniniwala na dahil lang iyon sa pag-alis niya.
Naka-bathrobe na si Violet paglabas ng banyo. Naroon pa rin sa kwarto si Manay Sylvia. Tinulungan siya nito sa pagtutuyo ng buhok niya gamit ang air blower. Sinuklayan at nilagyan siya nito ng malalaking kulot at pagkatapos ay inayusan nang kaunti ang kaniyang mukha. Isang halter neck floral maxi dress na kulay champagne ang ipinasuot sa kaniya nito pagkatapos siyang ayusan. Para sa paa naman niya ay isang pares ng beige na sandals na sigurado siyang mamahalin at bago.
Nang matapos ay humarap siya sa malapad na salamin at tiningnan ang sarili. Ang alam ng dalaga ay mag-aalmusal lang sila ni Dashiel, pero animo siya dadalo ng party sa hitsura at gayak. Nahagip naman ng mga mata niya ang magandang ngiti ni Manay Sylvia na nasa gilid lang niya at nakatingin din sa kaniyang repleksiyon.
"Magugustuhan na siguro iyan ni Sir Dashiel. Halika na at ihahatid na kita sa dining."
Kaagad kumabog ang puso ni Violet. Makikita niya ngayon sa liwanag si Dashiel. Masisilayan na niya ulit ang mukha nito. Malaki ang ipinagbago nito sa pakikitungo sa kaniya, pero sa hitsura kaya ay may nagbago kay Dashiel? After five years, hindi niya inakala na magkakaroon siya ng pagkakataong makita ulit ang binata.
Natigilan siya sandali. Binata? Binata pa kaya ito?
Hindi siya sigurado. Nang umalis siya ng isla ay hindi na niya alam kung anong sumunod na nangyari sa taong iniwan niya roon. Malamang na natuloy na rin ang kasal ni Dashiel kay Catalina. Iyon naman ang rason kaya siya napilitang umalis at iwan ito. Nasasaktan man siya, pero kailangan niya iyong gawin alang-alang sa kaligtasan ni Dashiel. Isa pa ay para rin sa kaniyang Lola Trinity na nagsimulang magkasakit mula nang magkahiwalay sila. Kinailangan niyang mamili- ang manatali siya sa isla para pakasalan si Dashiel o iwan ito na ang kapalit naman ay kaligtasan nito mula sa panganib at pagkakataon para maipagamot niya si Lola Trinity. Pinili niya ang huli. Pinili niya ang buhay at kapakanan ng mga taong mahal niya.
Namangha si Violet paglabas. Hindi niya akalain na isang maluwang at mas magandang tanawin pala ang nasa labas ng kaniyang kwarto. Sa TV at lifetstyle magazines lang siya nakakakita nang ganoong klaseng lugar. Malapad ang mga hallway na nilalakaran nila. Matataas ang mga kisame na.kinasasabitan ng hindi ordinaryong mga ilaw.
"Manay.... bahay po ba ito ni War- ni Dashiel?" di-napigilang tanong niya sa babae habang nililinga ang paligid. Nakita na niya kung gaano kamoderno ang silid na pinagkulungan sa kaniya ng mga tauhan ni Dashiel. Mula sa pinto at mga bintana, maging sa sahig, sa mga furnitures at hanggang sa banyo nito ay halatang mamahalin at hindi basta-basta ang mga ginamit na materyales sa paggagawa. Kung hindi nga lang sa sitwasyon niya ay ma-a-appreciate niya siguro ang kwarto dahil sadyang napakaganda noon.
"Rest house niya lang ito, Violet. Sa pagkakaalam ko ay may mga bahay siya sa siyudad sa Maynila."
Napalunok siya. Naalala niya bigla ang rest house nito sa isla. Naroon pa kaya iyon?
Mas lalo pang namangha si Violet. Alam niyang nasa mataas na lugar ang silid na pinagdalhan sa kaniya. Pero imbes na hagdan ay sumakay sila ni Manay Sylvia sa elevator para bumaba sa dining. Gusto niyang magduda. Rest house lang ba iyon o isang mamahaling hotel?
Iilang segundo lang yata ang lumipas at nakarating na sila sa tamang palapag. Isang malaking dining room ang bumulaga sa kaniya pagbukas ng pinto ng elevator. Napalinga ulit si Violet. Dining room, pero mukhang sakop na noon ang buong palapag. Sumunod siya kay Manay Sylvia. Sa bandang kaliwa sa dulo ng mahabang mesa ay natanaw niya ang malaking taong nakatayo. May kausap ito sa cellphone at mukhang hindi pansin ang pagpasok nila ni Manay Sylvia sa dining room. Nakatayo naman malapit sa mesa ang tauhan nito. Hindi nagsalita si Manay Sylvia. Nanatili ring tahimik si Violet. Nang matapos makipag-usap si Dashiel ay lumingon ito sa gawi niya. Their eyes automatically met. Lalong lumakas ang kabog ng puso niya.
"Sit down."
Ramdam niya ang bahagyang pagkataranta ni Manay Sylvia nang kumilos para ipaghila siya ng silya. Iginiya siya nito paupo. Tahimik naman na sumunod si Violet. Komportable sa lambot ang inuupuan niya. Malambot din at mataas ang sandalan. Nakakatakam naman ang pagkaing nakahain sa mesa. Amoy pa lang ay nakakaligalig na ng tiyan. Isang bandehado ng hindi ordinaryong fried rice ang nasa harapan niya. Mayro'ng bacon, may iba't ibang klase ng sausages, malalaking hiwa ng ham, fried egg, daing na isda at daing na pusit. Sa gilid ay isa pang pinggan ng sliced papaya at watermelon. Animo isang malaking pamilya ang kakain sa nakahandang almusal.
"You may leave us alone."
Natigilan siya. Ayaw man ng dalaga na umalis si Manay Sylvia, alam niyang wala siyang karapatang tutulan ang utos ni Dashiel. Tumalima ang dalawang tauhan nito at iniwan sila.
"How's your sleep?"
Dumako ang mga mata niya sa katapat. It was a twelve-seater table. Magkabilang dulo ang inuupuan nila, pero sa uri ng titig sa kaniya ni Dashiel, pakiwari ni Violet ay nasa mismong harapan lang niya ito. Gustong magtayuan ng mga balahibo niya sa katawan.
"O-okay lang."
"Nakatulog ka ba agad pag-alis ko?"
Pasimple siyang lumunok. "O-oo."
Tumango ito. "Let's eat."
Hindi na umangal ang dalaga. Bukod kasi sa lalo siyang ginutom ng nakahaing pagkain, walang mangyayari kung tatanggihan niya si Dashiel. Pagmamay-ari nito ang lugar na kinaroroonan niya. Lahat ng mga tao roon ay sunud-sunuran sa sinasabi nito kaya isang kahangalan kung tatayo siya sa mesa at iiwan itong mag-isa.
Nagsisimula na silang kumain nang may mapansin si Violet. Maiintindihan niya na magkabukod sila ng mga serving plate dahil dulo at dulo ang mga pwesto nila sa mesa. Wala namang ibang naroon para pagsilbihan silang dalawa at weird lang kung patayo-tayo pa sila kapag aabot ng pagkain. Ang kakat'wa ay iba ang pagkain ni Dashiel sa pagkain niya. Isang basket ng loaf bread ang nasa gilid ng mesa nito. Sa malaking serving plate naman ay nasilip niya ang iba't ibang klase ng side dishes gaya ng green and black olives, sliced tomatoes, sliced cucumbers, at mga prutas. May sliced boiled egg na binudburan ng tila dahon ng sibuyas. Hindi nga lang niya matukoy kung anong meron sa eleganteng sauce pan, pero sa kanan ay naroon ang isang silver teapot na magkapatong. Hindi siya sigurado kung lahing Arabo ba o Indian ang may gano'ng klase ng table setting, pero ang sigurado siya ay hindi pang-Pinoy ang almusal ng binata.
"Don't you like your food?"
Nag-angat siya bigla ng tingin nang marinig ang tanong ni Dashiel. He was sipping from his cup. Kahit ang iniinuman nito ng tsaa ay hindi rin pangkaraniwang uri ng baso.
"Alin diyan ang hindi mo gusto para maipaalis ko?
"W-wala..." iling niya. "Masarap lahat. Gusto ko lahat."
Tumango ito. "Eat."
Iniwan niya ang pag-uusisa sa kinakain ng binata at inatupag na ang sariling pagkain. Ang importante naman ay hindi exotic ang almusal nito at lalong hindi dugo at karne ng tao. Baka magtatakbo na siya palabas kung ganoon. Weird na kung weird ang iniisip niya, pero sa sitwasyon kasi niya at sa kakaibang 'Dashiel' na kaniyang kaharap, natural na pagdudadahan niya ito.
Palihim niya ulit tiningnan ang kasama sa hapag. Misteryoso. Gano'n na si Dashiel sa paningin ni Violet.ngayon. Wala man siyang makitang pagbabago sa pisikal nitong anyo, masasabi niyang malaki pa rin ang ipinagkaiba nito sa dating Dashiel na kilala niya. Parang naging ibang tao ito. Parang noon lang niya ito nakilala samantalang bata pa siya ay nakakasalamuha na niya si Dashiel kaya natitiyak niyang may nagbago sa pagkatao nito. Hindi niya tuloy mapigilang pagtakhan kung anong nangyari rito sa loob ng limang taon. Kung ang pag-alis niya ang ikinagagalit nito, hindi ba't parang late reaction na? Hindi naman siya lubos na nagtago. Umalis lang siya ng Isla Panorama, pero kung ginusto ni Dashiel na sundan siya ay nagawa na dapat nito noon pa. Bakit ngayon lang?
Tapos nang kumain si Dashiel ay kumakain pa rin si Violet. Napangalahati na niya ang fried rice. Sanay naman ang tiyan niyang malamnan nang marami lalo na sa umaga. Iyon kasi ang source ng energy niya sa buong maghapong trabaho bagaman masigla pa rin ang gana niya pagdating ng tanghalian. Ilan sa mga naging kasamahan niya sa dating trabaho ang nagtataka kung bakit sa kabila ng hilig niya sa pagkain ay hindi siya tumataba nang husto. Malaman ang parteng dibdib at puwitan niya. Mabilog din ang kaniyang mga balakang habang ang tiyan niya ay nananatiling impis at wala ni katiting na bilbil. Kaya naman kahit kapos siya sa height ay marami pa ring naiinggit sa hubog ng kaniyang katawan.
Sa pagkakatanda ni Violet, hindi naman siya ganoon kagana sa pagkain dati. Nagsimula lang iyon nang mapatira siya sa bahay ng tatay niya kasama ang lehitimo nitong pamilya- ang asawa nito at isang anak na lalake na walang kapanga-pangarap sa buhay. Sa mga unang buwan niya kasama ang mag-ina, at sa tuwing wala ang tatay niya at nasa trabaho, madalas siyang ubusan o kaya ay pagtaguan ng pagkain ng mga ito. Tuwing umaga lang siya nakakakain nang maayos na baka imposible kung kukupad-kupad siya sa paggising. Pero palibhasa'y sanay siyang maagang bumabangon, nakakatulong siya sa pagluluto ng almusal at nakakasabay sa pagkain sa mga ito. Pero pagdating ng tanghali ay madalas na lutong-ulam na binibili lang sa karinderyang malapit sa kanila ang kinakain ng mag-ina. At kapag may ginagawa siya at hindi niya alam na nanananghali na ang dalawa, tira-tirang kanin na lang ang naaabutan niya at iyong libreng sabaw mula sa karinderya. Sa hapunan ay madalas na ganoon din ang senaryo. Kapag male-late ng uwi ang tatay niya ay bibili lang ang madrasta niya ng lutong pagkain. Makikiramdam muna ang mga ito kung anong oras siya papasok ng kwarto at saka lang kakain. At dahil alam naman niyang sinasadya ng mga ito na pagdamutan siya, hindi na siya nagtatanong o naghahanap ng pagkain sa hapunan. Tinitiis na lang niya ang gutom hanggang sa makatulog at saka na lang siya babawi ng kain sa umaga kapag naroon ang kaniyang ama. Kakain siya nang marami na parang nag-iimbak para sa maghapon dahil wala siyang pera na pambili ng kahit anong kailangan niya.
Ang perang naipon niya kasi mula sa allowance na binibigay noon ng kaniyang Lola Trinity ay naubos sa pagtunton niya sa bagong address ng ama. Wala ring natira sa binigay sa kaniya ni Senyor Jose. Ginamit niya ang perang galing dito sa pagpapagamot sa kaniyang Lola Trinity. Kalaunan naman ay hindi rin kinaya ng lola niya ang mga kumplikasyon sa sakit na siyang naging sanhi ng malungkot nitong pagkamatay. Ang tanging naiwan sa dalaga ay ang lumang papel na inabot sa kaniya ng matanda noong bago ito lubusang manghina. Nakasulat doon ang pangalan at ang dating address ng kaniyang tunay na ama. Nang mamatay ang lola niya ay tinunton niya ang address, pero sa kasamaang palad ay lumipat na sa ibang lugar ang tatay niya. Nagpatuloy siya sa paghahanap hanggang sa matagpuan ito. Hindi siya nahirapang magpakilala rito kung sino siya. Alam ng tatay niya na may anak ito sa iba at hinihintay nga lang daw nito na lumutang siya.
Subalit paglipas ng ilang buwang pagtira niya kasama ang pamilya ng ama ay nagsimula ring magsisi si Violet. Sana pala ay nagtiis na lang siya na mamuhay mag-isa. Sana ay hindi na lang niya hinanap ang ama. May pera pa siguro siya. Hindi rin siguro niya dinanas ang pagdamutan ng asawa at anak ng tatay niya. Kaya naman nang makakuha siya ng trabaho ay natuto siyang magtabi para sa sarili. Natutunan niyang unahing gastusan ang pangangailangan. Gayunman, hindi lubos na sinosolo ng dalaga ang kita dahil bumibili rin siya ng supplies sa bahay. Hindi pa siya nakuntento sa trabaho at nagtinda rin si Violet ng kung ano-ano pagdagdag kita. Unti-unting nagbago ang pakikitungo sa kaniya ng asawa ng ama. Nakapagsimula na rin siyang mag-ipon. Sabihin na kasing nagbago ng trato sa kaniya ang madrasta, plano na ni Violet na magsarili ng bahay at mamuhay nang mag-isa. Hanggang sa makakita nga siya ng vacancy sa isang maliit na bangko at nag-apply ng trabaho roon. Natanggap naman siya at may isang linggo na ngang pumapasok sa bangko, pero dinukot naman siya ng mga tauhan ni Dashiel. Nauwi rin sa wala ang mga plano ng dalaga.
Busog na busog na siya nang huminto sa pagkain. Uminom naman siya ng tubig dahil naubos na niya kanina ang isang baso ng fresh orange juice. Hindi niya pinigilan ang pagdighay. Pasimple siyang tumingin sa nasa kabilang dulo ng mesa na mukhang hindi naman apektado sa pinaalpasan niyang tunog. Kunsabagay. Sa layo ba naman ng pagitan nila, baka hindi iyon umabot sa pandinig ni Dashiel.
"T-tapos na'ko..."
Hindi sumagot si Dashiel. Tumayo ito at lumapit sa isang haligi at may pinindot sa nakakabit na device roon.
"Sir?" anang boses na alam ni Violet na kay Manay Sylvia.
"Sunduin mo na ang alaga mo rito. Tapos na siyang kumain."
"Yes, Sir."
Iniwan ni Dashiel ang device at humarap sa kaniya. Napamata rito ang dalaga. Kasinggwapo pa rin ito ng dati. Naalala niya tuloy kung gaano siya kahumaling kay Dashiel. Isang pangyayari rin sa rest house nito sa isla ang muling sumagi sa kaniyang memorya. Hindi niya kailanman malilimutan ang unang halik na iginawad sa kaniya ni Dashiel. Nasundan pa iyon, subalit ang siya na ring huli dahil kinabukasan ay umalis na siya sa rest house at iniwan ang buhay sa isla.
"Buong maghapon ulit akong mawawala. Stay in your room. Kapag may kailangan ka, sabihin mo lang sa alalay mo."
Huminga siya nang malalim. Lakas-loob na tumayo si Violet at sinagot ang lalake. "Ganito ba ang magiging klase ng buhay ko rito? Isang bilanggo na hindi alam kung anong kasalanan niya? Ano ba talagang balak mong gawin sa'kin, Warden?"
He stared at her face. "You'll see," maiksing sagot nito na ikinaawang ng bibig niya.
Bumukas ang pinto ng elevator. Pumasok si Manay Sylvia kasunod si Morgan.
"Ibalik n'yo na si Bullet sa kwarto niya. Tiyakin n'yong hindi siya makakalabas o makakasilip man lang sa pinto at mga binata. Kapag nalaman kong sinuway niya ako, kayong dalawa ang mananagot sa'kin."
Namilog ang mga mata ng dalaga. Kasalanan niya, pero si Manay ang mananagot? Napaka-unfair naman.
Bumaling sa kaniya si Dashiel. "Aalis na'ko. Sila na ang bahala sa'yo."