Kabanata 1

2459 Words
BUMILIS ang t***k ng puso ng beinte anyos na si Violet nang maulinigan ang pamilyar na boses ng isang lalake. Hindi na yata siya masasanay. Fifteen pa lang ay nararamdaman na niya ang magkahalong kaba at tensiyon sa tuwing makikita si Dashiel, pero habang lumilipas ang panahon, parang lalo pa siyang nagiging tensiyonado at kabado marinig pa lamang niya ito. “Good morning.” Naglingunan ang mga unipormadong kasambahay sa entrada ng kusina at halos sabay-sabay na gumanti ng pagbati. Naramdaman naman niya ang pagdaan ng lalake sa kaniyang likuran. Malaking tao nga si Dashiel, pero parang sa pusa kung maglakad- hindi mo man lang maririnig ang mga yabag. Masyado lang talaga siyang conscious at kinakabahan kaya alam niya kapag naroon ang lalake. “Bullet,” tawag nito mula sa kaniyang gilid. Bahagya siyang nagulat. Napilitan siyang ngumiti nang lumingon dito. “G-good morning, Warden,” tugon niya gamit pa rin ang nakasanayang tawag sa binata. 'Ward' kasi ang apelyido nito sa ina at doon niya hinugot ang salita. Nagyuko na ulit siya ng ulo at itinuloy na kunwari ang ginagawa. Napansin na niya na hindi na siya makatagal nang mahigit dalawang segundo sa pagtitig dito. Hindi gaya ng dati na nagagawa niyang makipag-usap habang nakatuon ang tingin kay Dashiel, ngayon ay hindi na. Pakiramdam kasi niya, ibubuking siya ng sariling mga mata. Paglampas ni Dashiel ay sumunod din agad dito ang tingin niya. Tall, big, sexy and gorgeous. Ganiyan niya ilarawan si Dashiel. Half-American ang ina nitong si Madam Shiela. Isang Filipino businessman naman daw ang biological father nito ayon kay Lola Trinity. Ang stepfather ni Dashiel na si Senyor Jose Mari Carrillo ay may dugong Italyano at Espanyol at ang matandang lalake ang siyang pinakaamo nila sa mansion. May ama pa si Senyor Jose na kung tawagin nila ay Don Alberto, pero sa ibang bansa namamalagi ang matanda at minsan o dalawang beses lang sa isang taon kung bumisita sa anak at sa apo. Nag-iisang kapatid naman ni Dashiel si Brylle, ang kababata at siyang matalik na kaibigan ni Violet. "Sandali na lamang po ito, Senyorito, at ihahanda na namin ang mesa," sabi ni Lola Trinity na mayordoma ng mansion. "I'm okay, Manang. Paalis na rin naman ako kaya baka hindi na ako makasabay sa breakfast." Kumuha ng tubig na maiinom si Dashiel. Base sa pawisang damit at katawan, kagagaling lang nito sa sariling gym na nasa third floor ng mansion. Hindi nakakapagtaka na ang ganda ng katawan ng binata. Bukod kasi sa madalas na pagwo-workout, may iba pang physical sports si Dashiel na madalas gawin gaya ng swimming, motorcycling, boxing at Tae Kwon Do. Pero ang pinakapaborito niyang ginagawa nito ay ang pagsasanay na bumaril. May shooting range kasi ang pamilya na hindi kalayuan sa mansion kaya may pagkakataong nakakapunta siya roon at napapanood niya ang pagsasanay ng magkapatid. Bago tuluyang lumabas ng kusina ay nilapitan si Violet ni Dashiel. Halos mataranta siya kung paanong ayos sa pinggan ang gagawin sa kapiprito lang na ham at bacon. Mag-a-alas siete na kasi ng umaga kaya nagmamadali na rin sila sa paghahanda ng almusal ng pamilya. Alas siete y media ang oras ng umagahan sa mansion. "Nabanggit ni Bry na gusto mong matutong bumaril. Is that true?" tanong ni Dashiel. Isang nahihiyang ngiti ang gumuhit sa kaniyang mukha bago sumagot. "H-hindi! Wala akong sinabing gusto kong matuto. Ang sabi ko lang... parang ang sarap matutong humawak ng baril." "Kung gusto mo, patuturuan kita. Kahit mamayang hapon ka na magsimula." Todo iling agad siya. "Hindi, Warden. Wala talaga 'kong plano." "Sayang naman ang palayaw mo sa'kin tapos hindi ka marunong sa baril," komento nito. Sa totoo lang, ang binata lang naman ang tumatawag sa kaniya ng 'Bullet' na katunog ng first name niya. Kung may sariling palayaw siya rito ay ganoon din ito sa kaniya. "Senyorito, hayaan mo na si Violet. Alam n'yo naman na dalagang Filipina ang isang 'yan kaya hindi n'yo 'yan mapipilit na mag-aral ng pagbaril," wika ni Dollie, isa sa mga kasambahay ng mansion na pinaka-close niya dahil halos lumaki na ito sa piling ng Lola Trinity niya. "Kunsabagay. Pero kapag gusto mo, h'wag kang mahihiyang magsabi. Wala namang gender sa paghawak ng baril. Besides, makakatulong 'yon sa pagprotekta sa sarili ng taong gustong matuto sa baril." Bahagya nang ngumiti si Dashiel bago ito tumalikod at lumabas ng kusina. "Ang gwapo talaga ni Senyorito, ano? Mas gwapo siya kay Senyorito Bry." Hindi siya sumagot, pero sa isip niya, sumasang-ayon siya sa sinabi ni Dollie. "Sayang nga lang dahil may Catalina na siya. Bakit kasi si Senyor Jose pa ang masusunod sa pagpapakasal ng mga anak? Wala bang sariling isip ang mga 'yan para pati ang asawa, tatay nila ang magsasabi kung sino ang dapat?" "Tradisyon nga raw, hindi ba?" "Hmm? E, bakit si Madam Shiela, hindi naman siya ang pinili ni Don Alberto para sa anak?" Pinandilatan niya si Dollie. "Ang bibig mo! Baka marinig ka ng mga amo natin." Tumahimik naman agad si Dollie, pero naiwan sa isip ni Violet ang mga sinabi ng kaibigan. Tama ito. Ikakasal na si Dashiel sa babaeng pinili ng stepfather para maging asawa ng binata. Kaya kahit yata maghimala ang langit at matapunan siya ng pagtingin ni Dashiel, wala ring mangyayari dahil nakatakda na kung sino ang magiging kabiyak ng puso nito. Sa mas madaling salita, pangarap na lang para sa kaniya si Dashiel. Pangarap na nagsimula noong kinse anyos siya at na-realize niya na espesyal ang pagtingin na meron siya para sa binata. "Sa susunod na buwan na pala ang engagement party ni Senyorito Dash at ni Ma'am Catalina." Napatigil sa pagsubo si Violet nang marinig ang sinabi ng cook ng mansion na si Ate Beth. Kapag nakakarinig pa naman siya ng bad news habang kumakain ay nawawalan siya ng gana kahit gaano pa kasarap ang ulam. At para sa kaniya, masamang balita pa rin ang official engagement ni Dashiel sa ibang babae kahit matagal na niyang alam ang tungkol doon. "Ang gusto raw ni Madam Shiela ay nakabihis at nakaayos din tayong lahat at present sa party," balita ni Honey, personal assistant ni Madam Shiela. "Para raw masaksihan din natin ang engagement ng panganay niya." "Ang bait talaga ni Madam Shiela!" wika ni Ate Beth. "Kahit kailan hindi niya tayo itinuring na alila.". "Tama ka! Kaya maswerte na tayo dahil sa pamilyang ito tayo nagsisilbi." "Pero ang magiging biyenan at manugang ni Madam Shiela, parang may pagka-matapobre. Lalo na ang magiging asawa ni Senyorito!" komento naman ni Dollie. "Ikaw talaga, Dolores, kahit kailan ang ingay mo!" saway ni Lola Trinity dito. "Kung totoo mang gano'n ang ugali ng magiging paryentes ng mga amo natin, wala tayong magagawa. Saka sino ba ang makikisama sa mga taong 'yon kundi si Senyorito Dashiel?" Lalo nang hindi nakaimik si Violet. Gusto sana niyang tayuan na ang hapag, pero baka mahalata na naman siya ni Lola Trinity. Minsan na kasi siyang natanong ng matanda kung may pagtingin ba siya sa amo nila at hindi niya malaman kung paano sasagutin iyon. Wala naman siyang ideya kung paano naisip ng matanda na may nararamdaman siya kay Dashiel. Lihim na lihim ang pagtatangi niya sa binata. Wala siyang pinagsasabihan ni isa man kahit pa ang matalik na kaibigan na si Brylle. Hatinggabi. Tulog na tulog si Lola Trinity nang bumangon sa kama si Violet. Hindi siya makatulog sa kakaisip tungkol sa engagement ni Dashiel. May ilang buwan na mula nang malaman nila ang kasunduan ng dalawang pamilya, pero parang ngayon lang nagsi-sink in sa utak niya na mag-aasawa na ang lalakeng mahal niya. Ewan, pero parang hindi niya matanggap na hanggang doon na lang ang lahat. Ni hindi na malalaman ni Dashiel kung gaano ito kahalaga para sa kaniya at kung gaano niya hinahangaan ang pagiging mabait, maunawain at marespeto nito sa matatanda maging sa kanila na mga alila ng mansion. Napakasipag din nito sa trabahong iniatas ng ama-amahan. Supportive na kapatid kay Brylle at malambing na anak kay Madam Shiela. Lahat na nga ng magagandang katangian ay na kay Dashiel na kaya parang ang hirap bitiwan ng pangarap niya na mahalin din nito. Marahang nagbuga ng hangin si Violet. Noong una niyang marinig ang tungkol sa pagpapakasal ni Dashiel, naisip niyang magpaalam na lang at umalis ng mansion. May kaibigan kasi siya sa kolehiyo na humihimok sa kaniya na mag-apply ng trabaho sa Macau dahil malaki raw ang sweldo. Kaya lang ay hindi niya kayang iwan si Lola Trinity. Alam niyang maihahabilin niya ito kay Dollie, pero pakiramdam niya, tatalikuran niya basta ang matanda kapag iniwan niya ito. Nilingon niya ang natutulog na katabi. Hindi man niya kadugo ang matandang babae, parang apo na rin talaga ang turing nito sa kaniya dahil dito siya inihabilin ng namayapa niyang nanay. Mahal na mahal niya si Lola Trinity. Ito na ang tinuturing niyang kaisa-isang magulang. Ang tatay ni Violet ay hindi na niya nakilala, pero may nakapagsabi na tagaroon daw ito sa bayan Santa Fe, sa lalawigan na nasa bandang Norte sa Pilipinas. Ang nanay niya na taga-Mindanao ay nakasama lang sa ilang kadalagahang na-recruit na magtrabaho bilang kasambahay sa Maynila, pero pagdating doon ay wala namang trabahong naghihintay sa mga ito. Mabuti na nga lang at nakahanap ng ibang pwedeng mapasukan ang nanay niya. Sa isang palengke ito naging helper. Doon nakilala ng nanay at tatay niya ang isa't isa. Pero nang mabuntis ang nanay niya, hindi na raw nagpakita ulit ang tatay ni Violet. Pinalayas naman ng mga amo ang nanay niya nang malaman ang kalagayan nito kaya kung saan-saan napadpad sa Maynila para maghanap ng panibagong trabaho at matitirhan. Hanggang sa matagpuan ito ni Lola Trinity sa isang bangketa, nanlilimahid at ,medyo na malaki ang tiyan. Hindi nagdalawang-isip ang matanda at tinulungan nito ang nanay niya, kinupkop at pinatira sa maliit nitong barong-barong kung saan siya isinilang. Namamasukan na dati pa bilang kasambahay sa mayamang pamilya ng mga Carrillo si Lola Trinity. Walang ibang pamilya ang matandang babae. Nang mag-asawa si Senyor Jose kay Madam Shiela ay kinuha nito si Lola Trinity at isinama sa ibang bansa. Naiwan sila ng nanay niya sa Maynila, pero patuloy pa rin ang pagsuporta sa kanila ng matandang babae. Limang taon si Brylle nang magpasyang umuwi ng bansa ang mag-asawang Carrillo ayon na rin sa kwento ni Lola Trinity. Pero imbes na sa Maynila ay sa isang isla sa Kanlurang Luzon nanirahan ang mag-anak. Nang magkasakit ang nanay ni Violet, nakiusap si Lola Trinity sa mag-asawa na umuwi muna para alagaan silang mag-ina, pero hindi nagtagal ay namaalam din ang nanay niya. Walong taon siya nang isama ni Lola Trinity sa isla at doon na nga siya lumaki at nag-aral. Sa kasalukuyan, nasa huling taon na siya ng kolehiyo at ang mga magulang ni Dashiel ang sumusuporta sa kaniyang pag-aaral. Sa susunod na buwan na nga rin siya magsisimulang mag-training sa trabaho niya sa malaking hotel and resort na pag-aari ni Senyor Jose. Matagal na namang modernized ang isla kung saan sila naroon, pero nang dumating ang mga Carrillo, mas lalo pang umunlad ang lugar. May mga paaralan at kolehiyo, mga ospital, malls and casinos, at higit sa lahat ay sikat ang isla sa magagandang tourist spots nito. One-third nga noon ay pag-aari na ng mga Carrillo kaya talagang masasabi mong isa sa pinakamayayamang pamilya ang kinabibilangan ni Dashiel. Bagaman ang taglay nitong apelyido ay apelyido pa ng totoong ama, higit pa sa tunay na anak ang tingin dito ni Senyor Jose. Laging bukambibig ng matanda ang binata, ipinagmamalaki kahit kaninong prominenteng tao at pinagkakatiwalaan ng malalaking responsibilidad. "Ikaw ba ang midnight lifeguard?" Muntik na siyang mapasigaw nang may magsalita mula sa likuran niya. Paglingon ay nakilala agad niya ang kaibigan. "B-Bry! Nandiyan ka pala, tinakot mo naman ako!" "Kahit magaling kang lumangoy, mahihirapan kang sagipin si Dashiel." "Ano?" "Kanina ka pa kasi nakatanaw at nakabantay sa kaniya." Hindi siya nakaimik. Lumabas siya ng maid's quarter para magpahangin at magpaantok. Doon niya napiling tumambay sa may hardin, pero narinig niya ang mga pagtalsik ng tubig sa swimming pool senyales na may gumagamit noon. Hindi na niya napigilan ang kuryosidad at inalam kung sino ang lumalangoy. Nakilala agad niya si Dashiel. Alam naman nilang lahat na kahit hatinggabi ay lumalangoy ito kapag ginusto. Hindi lang niya akalain na sa gabing iyon ay makikita niya ang binata. "Nag-aalala ka ba na baka malunod ang kapatid ko? He's a good swimmer," sabi ni Brylle. "Alam ko 'yon. At hindi ako nakabantay sa kaniya. Nagpapahangin lang ako. Nagkataon lang na nariyan siya sa pool." "May gusto ka kay Dashiel." Natigilan siya sa una, pero mabilis ding bumawi at natatawang umiling. "Anong sinasabi mo? Ayos ka lang ba?" "Kaibigan kita, Violet, hindi mo maitatago sa'kin ang feelings mo para sa kapatid ko." "Kung ano-anong naiisip mo, Bry," aniya. "Hindi 'yan totoo. Isang mabait na amo ang tingin ko sa kapatid mo. At siguro kaibigan na rin dahil ganoon naman niya ituring kaming mga kasambahay n'yo." "I don't believe you." "Bahala ka. Pero baka inaantok ka lang, Bry, kaya mabuti siguro kung matulog ka na. Mauuna na rin ako sa'yo dahil baka magising si Lola at malaman na lumabas ako. Sige na. Good night." "Alam mo bang ayaw talaga ni Dashiel na makasal kay Catalina?" Napahinto siya sa paglakad at lumingon sa kaibigan. Naisip na niya iyon dahil nga ipinagkasundo lang ang dalawa. Pero sa tuwing makikita naman niya sina Dashiel at Catalina, mukhang mahal naman ng mga ito ang isa't isa. "Alam mo ba kung sinong gusto ni Dashiel?" Tumahip ang dibdib niya sa tanong nito. "S-sino? K-kilala mo?" Maliit na ngumiti si Brylle at nilapitan siya. "Hindi ako sigurado, pero may hinala ako kung sino siya." Nagusot ang noo ni Violet. "Hindi ka pala sigurado. Paano kung si Catalina naman talaga ng gusto ng kapatid mo? Hindi siya papakasal doon kung wala siyang nararamdaman sa babae." "Sina Lolo at Papa ang may gusto na pakasalan niya si Catalina. Hindi niya kayang sumuway sa gusto ni Papa." Bumaling si Brylle sa direksiyon ng swimming pool kung saan walang kamalay-malay ang binatang naroon na pinanonood nila ito. "Malaking responsibilidad ang inilagay nina Lolo at Papa sa balikat niya. Hindi niya kadugo ang dalawang matanda, pero sunod lang siya nang sunod sa mga 'to. Kahit ang pagpili ng makakasama sa buhay, hindi niya magawa para sa sarili. Malaking sakripisyo ang ginagawa ni Dashiel para sa pamilya namin." Hindi malaman ni Violet kung anong isasagot. Naisip na rin niya na baka gano'n nga ang sitwasyon, pero kung totoo man, hindi mahahalata kay Dashiel na tutol ito sa ginagawa. Masaya naman ito sa tuwing kasama si Catalina. "Naaawa ako sa kapatid ko. Gusto ko siyang tulungan." Nilingon niya si Brylle at pinagmasdan ang seryosong imahe nito habang nakatanaw sa kapatid. "T-tulong? A-anong balak mong gawin?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD