NAPUNO ng mga nahihintakutang iyak ang loob ng maliit na bangko. Lahat ng naroon - manager, mga empleyado at mga depositor- ay sindak at nagmamadaling dumapa at ipinaglalagay ang mga kamay at pinagsalikop ang mga daliri sa likod ng ulo bilang pagsunod sa utos ng isa sa mga armadong lalakeng bigla na lang pumasok sa gusali. Lahat sila ay nangasuot ng salaming itim. Aakalaing disente sa pananamit, pero mga holdaper pala.
“Walang kikilos ni isa man sa inyo! Babarilin ko ang sinomang makita kong magtataas man lang ng ulo! Walang mag-uusap at lalong walang gagamit ng telepono! Isa man sa inyo ang sumuway sa utos ko, lahat kayo sisiguraduhin kong patay paglabas namin dito!”
Wala ni isa mang nangahas na sumagot sa sinabi ng lalake. Maging siya na nasa ilalim ng mesa sa pinakalikod na kung susuriin ay hindi nga masyadong pansin mula sa harap ay hindi na halos humihinga sa takot.
“Simulan n'yo na ang trabaho! Isa-isahin n’yo ang lahat ng mga naririto!” mariing utos muli ng lider na para sa mga kasamahan.
Tahimik na nagdasal na lamang ang beinte cinco anyos na si Violet habang nakadapa. Pigilan man niya ay sadyang nanginginig ang kaniyang buong katawan sa takot. At sa kabila ng malamig na buga ng aircon ay pinagpapawisan siya nang malapot.
"Magmadali kayo sa pagkilos!"
Narinig niya ang sabi ng lider. Halos mapaiyak na si Violet. Gusto na niyang maniwala na ipinanganak nga siyang malas. Isang linggo pa lamang mula nang magsimula siyang magtrabaho sa maliit na bangkong iyon sa bayan ng Santa Fe ay may nangyari agad na gano'n. Mahoholdap pa agad ang bangko.
“Ikaw riyan! Tumayo ka!”
Halos mapalundag si Violet nang may magsalita sa tagiliran ng pinagtataguang mesa. Pero dahil sa banta ng lalake ay ni hindi niya magawang igalaw man lang ang mga mata para tingnan kung siya ba ang kinakausap noon.
“Patingin ng mukha mo! Bilisan mo kung ayaw mong barilin kita sa ulo!”
Dali-daling nagtaas ng mukha si Violet nang haklitin ng lalake ang isa niyang braso. Natatakpan man ng salamin ang mga mata nito, alam niyang natigilan ito nang makita siya. Pinagmasdan pa siya nitong mabuti.
“Boss! Dito, Boss!” tawag nito sa tila pinakalider ng grupo. Hindi naman nagtagal ay nakita ni Violet ang pagmartsa palapit ng ilang kalalakihan sa pwesto nila. Lalo siyang siniliban ng takot. Katapusan na ba niya?
“Anong nangyari?” tanong ng lider at nilingon siya. Gaya ng tauhan, mukhang natigilan din ito. “Dalhin n’yo na!” Pagkasabi noon ay tumalikod na agad ang lalake at iniwan siya kasama ng limang tauhan kabilang ang may tangan sa kaniya.
“Tulungan n’yo ‘ko rito!” utos ng nakakita sa kaniya sa mga kasama sabay hila sa braso ni Violet. Pumiglas siya ng isang beses, subalit naestatwa nang tutukan siya nito ng baril sa ulo. Hindi man lang ito nagsalita ng pananakot o ano. Hindi na rin siya nakaangal nang simulan na siyang ilabas sa likod ng mesa ng mga lalake.
“S-Saan n’yo po ako dadalhin? W-wala pong pera ang pamilya ko! Maawa na po kayo!”
Hindi siya pinakinggan ng mga ito. Nadaanan pa nila ng ilang mga kasamahan na nananatiling nakadapa at nakatago ang ulo. Ang dalawa nilang security guards ay parehong nakahadusay sa tabi ng pinto at hindi siya sigurado kung buhay pa ba o patay na.
“P-parang awa n’yo na! Pakawalan n’yo na ako!” pakiusap niya sa mga lalakeng nakapalibot at naglalabas sa kaniya. Isang itim na van ang natanaw niya sa labas mismo ng gusali at mukhang doon pa siya isasakay ng mga holdaper.
Holdaper? Hindi. Hindi isang grupo ng holdaper ang mga umatake sa bangko dahil kung pera ang habol ng mga ito, dapat ay nalimas na ang mga kaha at ang vault ng bangko. Ngunit halos hindi naman nagalaw ang mga gamit sa counter. Ang manager ng bangko ay nakadapa rin sa harap kasama ng ilang mga depositor nila.
Kung hindi holdaper, ano ang mga ito? Bakit kinukuha siya? Anong kasalanan niya? Wala siyang maalala na nagkaatraso sa ibang tao para ipakidnap siya.
"Bilisan n'yo riyan! Kailangang makaalis na agad tayo!" utos ng lider sa mga tauhan at nauna nang lumabas ng pinto at tinungo ang sasakyan. Halos kaladkarin na siya palabas ng mga lalakeng may hawak sa kaniya.
“Maawa na kayo! H-h’wag n’yo po akong dalhin! T-tulong-”
Hindi na niya naituloy ang sana’y pagsigaw. Isang panyo ang biglang tumakip sa ilong at bibig niya na may nakakahilong amoy.
"Hmmrrpp!"
Sadyang napakatalas ng amoy ng likido na ipinahid sa tela at kahit pigilan niya ang paghinga ay nanunulay pa maging sa lalamunan niya. Sinabayan niya ng piglas ang marahas na pagpaling ng mukha upang maalis ang nakatakip sa bibig, subalit wala pa ring nagawa ang lakas ng nag-iisang babae sa mga lalakeng nagtulong-tulong upang mailabas siya ng tuluyan ng bangko at maisakay sa naghihintay na van habang unti-unti siyang nawawalan ng malay.
Madilim ang silid na pinagdalhan kay Violet. Nagising siyang masasakit ang ilang bahagi ng katawan. Naalala agad niya ang nangyari. Sa tantiya niya, mahabang sandali ang ibiniyahe ng sasakyang pinaglagakan sa kaniya ng mga lalakeng umatake sa pinapasukang bangko. Nabalot na naman ang isip niya ng mga tanong. Bakit siya tinangay ng mga ito? Maliwanag na hindi holdap ang pakay ng mga lalake sa pamamasok sa bangko kundi siya talaga. Paano'y wala naman siyang ibang nakita na kinuha ng mga ito mula sa mga kasamahan maging sa mga depositor na naroon.
Unti-unti niyang ikinilos ang katawan upang makabangon. Sinikap din niyang makapag-adjust ang mga mata sa dilim at maya-maya nga ay nakakaaninag na siya kahit paano kaya naman natiyak niyang isang kwarto ang pinagdalhan sa kaniya at isang malapad na kama ang kinaroroonan niya.
Natigilan si Violet nang makadama ng bahagyang pagkaliyo sanhi ng pinaamoy sa kaniya, subalit ang pinakamasaklap sa kalagayan niya sa mga oras na iyon, hindi lang siya nasa isang madilim at mapanganib na lugar. Sadya pang walang puso at konsensya ang mga kumuha sa kaniya dahil nagisnan niya ang sariling nakatali ang kanang kamay at kaliwang paa sa kinauupuang kama.
Hindi na napigilang maiyak ni Violet. Naghalo-halo ang nararamdaman niya- takot, kalituhan, at galit sa sinumang gumawa noon.
Anong kasalanan niya sa mga taong 'yon? Anong ginawa niya para danasin ang gano'n?
"T-tulong!" Hindi na siya nagpaawat at sinimulang magsisigaw sa pag-asang may makakarinig. "Tulungan n'yo 'ko parang awa n'yo na! Saklolo! Tulungan n'yo po ako!"
Subalit tila wala ni isang nakakarinig kay Violet. Mas nilakasan pa niya ang pagsigaw ng tulong hanggang sa halos maubos na ang boses. Pagod na pagod at hirap na hirap na siya. Anumang hila ang gawin niya sa braso at paa na nakatali ay walang silbi. Pakiramdam nga niya ay sugat-sugat na ang pulsuhan at parang mapuputol na sa sakit. Bukod sa takot ay nililigalig na rin siya ng gutom. Hindi gaanong mainit sa kinaroroonan niyang kwarto, pero pinagpapawisan siya.
"Saklolo! Tulungan n'yo po ako!" Isa pa ulit sigaw niya bago tuluyang bumigay at napahagulgol na lang. Ayaw man niyang mawalan ng pag-asa, pero hindi siya pwedeng sumuko. Hangga't buhay siya ay ilalaban niya ang kaligtasan at ang buhay.
"Huh!"
Napaigtad siya sa pagkakaupo nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto. Pumasok ang liwanag hanggang sa kinaroroonan niya at doon niya nakita kung gaano kaawa-awa ang lagay. Pulang-pula na ang bahagi ng braso at binti niya na nakakadena.
"Kumain ka," wika ng lalakeng pumasok. Ito marahil ang lider ng grupong kumuha sa kaniya dahil kaboses nito.
Lumakad ito patungo sa kaniya. Umatras si Violet sa takot. Ipinatong nito ang tray sa kama sa kaniyang harapan. Dahil nakatalikod ito sa pinagmumulan ng liwanag ay hirap siyang mabistahan ang mukha nito.
"Pagkatapos mo riyan, pupuntahan ka rito ni Manay Sylvia para paliguan at bihisan. Bilisan mo na riyan."
"Sino ka? A-anong kasalanan ko sa'yo at bakit mo'ko kinukulong?"
"Hindi mo na kailangang malaman kung sino ako. Napag-utusan lang ako. Sa'kin wala kang atraso, pero sa boss ko, malaki. Maiwan na kita para makakain ka."
Hindi siya nakaimik. Boss?
Tumalikod ang lalake, pero bigla ulit itong lumingon. Sa paglingon ay namasdan kahit paano ni Violet ang histura nito. Maputi ang lalake at makinis ang mukha.
"Gusto ko lang ipaalam na sayang ang boses mo. Walang makakarinig sa'yo kahit sumigaw ka magdamag dahil nasa liblib na lugar tayo at malayo ang susunod na kapitbahay. Kung ako sa'yo, magpapahinga na lang ako at maghihintay sa pagdating ng boss ko."
"S-sino'ng boss mo?! Wala akong natatandaang atraso kahit kanino!" Hindi na niya mapigilang langkapan ng galit ang boses, pero hindi man lang siya sinagot ng lalake. Tumalikod na ulit ito. Bago tuluyang lumabas ay binuhay nito ang ilaw sa silid at iniwan siyang naluluha sa pinaghalo-halong galit, kalituhan, takot at sama ng loob.
Nang makalma ay nagpasyang kumain ni Violet. Kailangan niya ng lakas para makatakas at mabuhay. Sa dami ng pagkaing ibinigay ng lalake ay wala halos natira dahil sa sobrang gutom niya. Inubos din niya ang malaking baso ng tubig at nang mabusog ay saka lang siya ulit nakapag-isip nang ayos. Sumandal siya sa malapad na headboard ng kama upang ipahinga ang nananakit na katawan.
Iginala niya ang tingin sa kwarto. Kanina pa bukas ang ilaw, pero ngayon lang niya napansin na panlalake ang silid na kinaroroonan. Makintab na gray ang kulay ng mga dingding. Light brown ang kisame na may matingkad na linya ng asul sa gilid at isang hugis diamond na chandelier sa pinakagitna. Light brown din ang sahig. Itim ang kama at maging ang mga punda ng unan. Floor-to-ceiling ang makakapal na kurtina sa bintana na mas matingkad lang nang kaunti ang kulay sa dingding. Isang malaking painting naman ang nakadisplay sa mapalad na dingding sa harapan niya. May maliit na tokador sa sulok, bilog na mesita at dalawang silya at dalawang nakasaradong pinto ang nasa bandang kaliwa. Air-conditioned din ang silid, pero babahagya lang ang lamig na nararamdaman niya.
Halatang maykaya ang may-ari ng bahay na iyon. Kung sinoman iyon, sigurado si Violet na hindi niya ito kilala at hindi rin siya nito kilala. Nakakasalamuha siya dati ng mayayaman, pero matagal na panahon na at malayong-malayo na siya sa mga taong 'yon. Kakausapin niya kung sino man ang boss na tinutukoy ng lalakeng kumuha sa kaniya. Nagkakamali lang kasi ang mga ito at napagkamalan lang siyang ibang tao.
Ilang oras ang lumipas at natatandaan ni Violet na nakaidlip siya kahit paano. Maya-maya ay isang babae ang pumasok sa kwarto. Ito na siguro ang sinasabing Manay Sylvia ng lalake. Sa tantiya niya ay nasa singkwenta ang edad ng babae. Maliit lamang ito, pero hindi kapayatan.
"A-Ate, ikaw ba si Manay Sylvia?" tanong niya.
"Manay na lang. 'Yon ang tawag sa'kin ng lahat ng narito." Lumapit ang babae sa mga bintana at hinawi ang makakapal na kurtina noon. Base sa liwanag na natanaw niya sa labas ay nagsisimula nang lumubog ang araw. At dahil tuktok na ng mga punongkahoy ang nasilip, ibig sabihin ay nasa mataas na bahagi ang silid na kinaroroonan niya.
"Ihahanda ko ang paligo mo at ang bihisan."
"M-Manay... p-pwede mo ba akong tulungan?" pagbabakasali niya. "Hindi ko sila kilala. W-wala akong alam sa sinasabi nilang atraso ko. Naipagkamali lang nila ako sa ibang tao. Sigurado ako, hindi ako ang kailangan nila. Napagbintangan lang ako, Manay."
"Hindi kita matutulungan, Violet."
Nagulat at natigilan siya sa narinig. Alam nito ang pangalan niya?
"Hindi ako ang masusunod sa mangyayari sa'yo rito kaya h'wag ka nang magsayang ng panahon sa pagkausap sa'kin. Wala akong maitutulong sa'yo. Narito lang ako para pagsilbihan ka at alalayan sa mga gagawin mo."
"P-pa'no n'yo... nalaman ang pangalan ko?"
Hindi siya sinagot ng babae. "Pagkatapos kong ihanda ang banyo at ang mga gagamitin mo, aalisin ko muna ang kadena sa kamay at paa mo para makakilos ka nang maayos. Pero tandaan mo, Violet, h'wag na h'wag mong tatangkaing tumakas. Gawin mo man 'yan ay maraming mga tauhan na nagbabantay sa labas. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Palaisipan pa sa kaniya kung bakit siya kilala ng babae, pero mukhang walang balak magpaliwanag nito kaya tumango na lang siya.
Guminhawa nang husto ang pakiramdam niya nang makapaligo at makapagpalit ng damit. Mga bagong panloob at isang sundress na kulay mint green ang ipinasuot sa kaniya ni Manay Sylvia. Saktong-sakto naman sa balingkinitang katawan niya ang damit. Tinulungan siya ng babae na tuyuin sa blower ang mahaba niyang buhok. Ginamot din nito ang mga sugat sa pulsuhan at bukung-bukong niya, pero pagkatapos noon ay muli na naman siyang ikinadena.
"H-hindi naman po ako tatakas," ani Violet. "Hindi ba, sabi n'yo maraming nagbabantay sa labas kaya bakit ikakadena n'yo pa ako?"
"Ito ang bilin ng amo ko kaya magtiis ka na muna. H'wag mo kasing piliting makawala para hindi na ulit magasgas at magsugat ang balat mo."
Hindi na siya nangatwiran pa. Mukha ngang hindi niya ito makukumbinsi dahil sunud-sunuran lang ito sa kung sinumang amo.
Nang matapos ay tinipon na ni Manay Sylvia ang first aid kit at ang uniporme ng bangko na siyang suot niya kanina.
"Babalikan kita bukas ng umaga. Si Morgan ulit ang maghahatid ng hapunan mo. Magpahinga ka. Iiwan na muna kita."
Gaya ng sabi ni Manay Sylvia, ang kaparehong lalake pa rin ang nagdala sa kaniya ng pagkain. Gabi na ayon sa dilim na natatanaw niya sa bintana, pero dahil buhay ang mga ilaw sa kwarto, nabistahan niya nang husto ang mukha ng lalake.
"Kumain ka na. Dito lang ako at hihintayin kitang matapos."
Tumalima agad siya at hinila ang tray papalapit. Vegetable salad at isang malaking steak ang nasa pinggan niya. Gusto sana niyang mag-request ng kanin, pero nagbago ang isip niya. Siguro ay ganito ang karaniwang hapunan ng may-ari ng bahay. Kumain na lang siya nang tahimik. Wala naman siyang masabi dahil hindi talaga basta-basta ang ipinakakain sa kaniya roon.
Habang kumakain ay tiningnan niya ang lalake. Nakaupo ito sa isang silya malapit sa pinto. Naalala niya na Morgan ang pangalan nito dahil binanggit iyon ni Manay Sylvia. Gusto sana niyang kausapin, pero nagdalawang-isip siya. Maamo sana ang mukha ni Morgan sa mapungay na mga mata at makinis na balat, pero dahil ito ang lider ng grupong kumuha sa kaniya, para kay Violet ay hindi ito mapagkakatiwalaan. Hindi talaga makikita sa anyo o pisikal na katangian ng isang tao kung mabuti ito o masama.
Tumayo si Morgan nang maubos na niya ang pagkain. Habang umiinom ng tubig ay lumapit ang lalake sa mga bintana at isinara ang mga kurtina. Pagkatapos ay kinuha nito ang tray, pero bago ito tuluyang umalis ay nakiusap siya. Dadaan kasi ang magdamag at inaalala niya ang pagbabanyo. Mahaba naman ang kadenang nakakabit sa kamay at paa niya, pero sa tantiya niya ay hanggang sa pinto lang ng CR siya makakaabot.
"H-hindi naman ako tatakas. Imposible rin akong makaalis dahil hindi ko nga alam kung nasaan ako ngayon."
Hindi ito sumagot. Ibinaba nito ang tray at may dinukot sa bulsa. Lumapit ito sa kama hawak ang susi at inalis ang kadena sa kamay niya.
"'Yan na lang. Mas mahaba ang kadena sa paa mo at siguradong aabot ka na sa banyo. H'wag kang gagawa ng hindi ko gusto."
Parang robot na tumango si Violet habang himas-himas ang pala-pulsuhan.
"Matulog ka na," utos pa ni Morgan bago siya nito tinalikuran. Dinampot nito ang tray at saka lumabas ng kwarto.
Ang naaalala ni Violet, natulog siyang bukas ang mga ilaw sa kwarto. Subalit nagising siya sa kalagitnaan ng gabi na walang maaninag ni katiting na liwanag. Ginapangan siya ng takot hindi dahil sa kadiliman kundi dahil ramdam niya na mayroon siyang kasama sa silid. Iyon din marahil ang dahilan kaya siya nagising. Dahil bukod sa nararamdaman niya ang presensiya ng isa pang nilalang, hindi rin nakatakas sa pang-amoy niya ang panlalakeng pabango na gamit nito. Amoy mamahalin at amoy mapanganib.
Napalunok si Violet, pero hindi agad kumilos sa pagkakahiga. Kung ganito kadilim at hindi niya maaninag ang taong iyon, siguradong hindi rin siya nakikita nito. Baka akala nito ay tulog pa siya. Ikinalma niya ang sarili, pero animo umuugoy ang kama dahil sa lakas ng t***k ng puso niya. Hindi niya alam kung anong mas nakakatakot- ang tutukan siya ng baril ng mga taong nagdala sa kaniya roon o ang may makasama sa silid na hindi niya alam kung sino at ano ang hitsura.
Pinapawisan na siya nang malagkit. Nagsisimula na rin siyang mangawit sa pagkakatagilid ng higa. Hindi na siya nakatiis. Bumalikwas siya ng bangon at humarap sa dako kung saan niya ramdam na ramdam ang presensiya ng taong iyon.
"S-sino ka?!" May takot sa boses niya. "Sino ka at anong kailangan mo sa'kin?"
Walang tugon na narinig si Violet. Sunod-sunod ang paglunok niya. At habang tumatagal ay mas tumitindi pa ang kaba niya.
"A-alam kong nariyan ka..." ani Violet. "K-kung sino ka man, pakawalan mo na ako. Wala akong kasalanan sa'yo."
Muling tumahimik sa silid. Parang walang balak na sumagot ang taong naroon. Ayaw siyang kausapin. Ayaw linawin kung anong kailangan sa kaniya.
Napaatras si Violet. Naramdaman kasi niya ang pagkilos na galing sa nilalang na naroon sa kwarto. Alam niya, patungo ito sa kaniya.
"M-magpakita ka!" Kinakabahan man ay nilakasan ni Violet ang loob at galit na kinausap ang naroon. "H'wag kang nagtatago sa dilim! Pa'no ko malilinawanagan kung anong kailangan mo sa'kin kung hindi ka magpapakita? Tao ka ba? Sino ka ba talaga?!"
Lumundo ang kama sa harapan niya. Muling napaatras si Violet hanggang sa sumagad na ang ulo at likod sa headboard. Sa dilim ay naaninag niya ang isang malaking bulto na nakaupo sa kaniyang harapan. Kinilabutan siya at napalunok sa takot. Malaking tao ito kung hindi man isang halimaw.
"A-anong kailangan mo?" biglang bumaba ang tono niya sa pag-aalala na bigla siyang sakmalin ng kaharap. Hindi na rin niya napigilan ang pagbukal ng luha. Iniisip na niya ang pinakamalalang pwedeng mangyari. Papatayin siya nito. Hindi siya nito patatakasin dahil para ano? Para makapagsumbong siya sa mga awtoridad? Mamamatay siya na hindi man lang nalalaman kung anong kasalanan ang nagawa niya.
Tumulo ang luha niya. "H-h'wag mo'kong sasaktan. Wala akong ginagawang masama."
Natigilan siya at hindi nakakilos nang itaas ng lalake ang isang kamay at abutin ang kaniyang mukha. Para bang nakikita nito ang pagdaloy ng mga luha niya, pinahid nito ang kaniyang pisngi.
Napaawang ang bibig ni Violet. Biglang nagtayuan ang mga balahibo niya, pero hindi sa pandidiri o takot.
Pamilyar. Pamilyar ang gaspang ng palad na humahaplos sa pisngi niya.
Huminto ang lalake sa ginagawa at binawi ang kamay. Hindi siya nagsalita. Pinigilan niya ang sarili na magbukas ng bibig. Pinakiramdaman niya ang sunod na gagawin ng lalake, pero mukhang wala itong balak na magsalita man lang. Hanggang sa marinig niya ang mararahang pagbuga nito ng hangin.
"It's been a while."
Natulos siya. Pamilyar din ang boses nito. Ilang tao lang ba ang kilala niya na may ganoong kalalim na boses? Namilog ang mga mata ni Violet sa naisip. Sa dilim ay sinukat niya ang hugis at laki ng bulto ng kaharap. Isang pangalan ang nais pumasok sa utak niya, pero napaka-imposible naman.
"Kumusta ka na, Bullet?"