Kabanata 2

1975 Words
ISANG linggo na ang lumipas mula nang makausap ni Violet si Brylle tungkol sa engagement ni Dashiel. Hindi niya alam kung maniniwala ba siya sa sinasabi ng kaibigan na labag sa kalooban ng kapatid nito ang pagpapakasal kay Catalina. At kung totoo na may ibang nagugustuhan si Dashiel, dapat yata ay mas sumakit ang ulo niya sa pag-iisip dahil hindi niya alam kung sino iyon. Hindi naman kasi niya laging nakikita kung sino ang mga nakakasalamuha ng binata. Empleyado ba nito at naroon din sa opisina? Sino ang tinutukoy ni Brylle? “Baka naman ikaw din ‘yon, Violet?” Natigilan siya at napalingon. “H-ha? Anong ako?” gulat na tanong niya. Naririnig ba ni Dollie ang mga pagtatalo sa isip niya? “’Kako, baka ikaw din ‘yong sinasabi ni Madam Shiela na papalit sa assistant ng Events Manager ng hotel and resort nila? Hindi ba magsisimula ka ng training mo sa hotel sa isang buwan? E, ‘di ibig sabihin kasama ka sa mga mag-aayos para sa engagement party ni Senyorito Dashiel. Biruin mo, first project mo party ng mga Carrillo!” Hindi siya nakasagot. Wala pang sinasabi sa kaniya si Madam Shiela, pero kung anoman ang trabahong ititiwala ng ginang sa kaniya ay gagawin niya. Kahit pa ang engagement ni Dashiel. “Hindi ba pang-bangko ang kurso mo? Bakit sa hotel ka magtatrabaho? Parang ang layo naman ng magiging trabaho mo sa inaaral mo ngayon.” “Pansimula lang naman. Kukuha ng experience, gano’n. Hindi pa rin naman ako graduate kaya ayos lang din. Mabuti nga at si Madam Shiela na ang nag-offer.” Maya-maya lang ay iniwan na niya si Dollie. Tumungo siya sa lanai dahil nag-text si Brylle at sinabing hinihintay siya nito roon. Nasalubong niya ang isa pang kasambahay na si Wynwyn. Hinatiran nito ng meryenda si Brylle at naabutan nga niya ang binata na kumakain. Tumayo si Brylle nang makita siya. "Violet, halika! Saluhan mo'ko!" Umiling siya. "Salamat. Pero marami akong nakain sa almusal kanina kaya busog pa ako." Kahit kaibigan niya si Brylle, hindi pa niya nagawang sumabay rito sa pagkain. Nahihiya siya. Baka makita sila ng mga magulang nito o kaya naman ay ng iba pang kasama sa bahay. Inilulugar lang niya ang sarili. "Bakit mo pala ako pinapunta? May iuutos ka ba?" "Meron," sagot ni Brylle. Dinampot nito ang iilang long envelop sa mesa at inabot sa kaniya. "Naiwan ang mga ito ni Dashiel kanina. Ako na sana ang maghahatid, pero may usapan pala kami ngayon ni Mama at paalis na rin kami maya-maya." "Ah, okay! Tatawagin ko si Kuya Jerry para maihatid niya." "No, Violet. Importante kasi ang mga papeles na 'to kaya hindi ko maipagkatiwala basta sa iba. Hindi ko naman ma-contact si Dashiel para sana mag-utos siya roon ng pwedeng kumuha. Okay lang ba kung ikaw na ang maghatid sa office niya?" Hindi siya agad nakasagot. Pero wala siyang nagawa nang isalin ni Brylle sa mga kamay niya ang folders. Napilitan siyang tumango. "S-sige, ako na nga lang." "Good. Nagbilin na rin pala ako kay Wynwyn na sabihan si Jerry na ipag-drive ka." Pinisil siya nito sa ilong. "Thank you, Violet. Paano? Pupuntahan ko na si Mama. Ikaw na ang bahala sa mga 'yan, okay?" Tipid siyang ngumiti. "Okay." Nagpalit lang si Violet ng pantalon at blouse. Sa mga paa niya ay puting flats. Sinuklay muna niya nang mabuti ang mahabang buhok at pagkatapos ay niyaya na niya ang driver na si Kuya Jerry paalis. Hindi nagtagal ay bumibiyahe na sila. Isang mahabang kalsada na sa magkabila ay hile-hilera ng mga punong mangga ang kanilang dinadaanan. Paglampas sa mga mangga ay taniman naman ng iba't ibang kulay ng mga rosas ang bubusog sa mga mata niya bago ang malapad na kalsadang patungo sa building kung saan ang opisina ni Dashiel. Bukod sa hotel and resorts, may malaking food manufacturing business din ang mga Carrillo na ang mga planta ay nasa dulong bahagi ng isla. Bahagi ng lupaing pag-aari ng pamilya ang kinatatayuan ng mga planta. Hindi naman kalayuan doon ang main office. Katunayan ay mas unang madadaanan ang twenty-storey building na pag-aari rin ng mga Carrillo bago ang pabrika. May ilang beses nang nakapunta si Violet sa gusali kapag may iuutos ang mag-asawa, pero ni isang beses ay hindi pa niya napasok ang opisina ni Dashiel. Natatanaw pa lang niya ang building ay kabado na agad si Violet. Mas tumatagal, mas pinahihirapan siya ng nararamdaman. Ano kaya kung hindi siya nagkagusto kay Dashiel? Siguro ay hindi siya ganoon kaaligaga sa tuwing nagkikita sila nito sa mansion. Siguro ay tahimik ang isip niya at hindi rin nasasaktan sa katotohanang wala siyang pag-asa sa pag-ibig ng binata. Love is supposed to give person positive feelings. Ilang beses na rin niyang pinayuhan ang sarili na dapat ay maging masaya na lang siya para kay Dashiel. Pero ewan ba niya. Habang papalapit ang kasal nito kay Catalina, parang gusto rin niyang iumpog ang ulo at baka sakaling makalimutan niya ang nararamdaman para rito? Nang huminto ang sasakyan ay nilingon siya ni Kuya Jerry. “Babalikan kita rito, ‘Let. May inuutos pa kasi si Senyorito Brylle.” “Ha? Anong inuutos? Saan ka pupunta?” “Dederecho ako sa planta. May kukunin daw ako ro’n.” “E ‘di sasama na ako sa’yo, Kuya. Iaakyat ko lang naman ang mga ‘to," tukoy niya sa yakap-yakap na folders. "Hintayin mo na’ko rito, bababa ako agad.” “O, siya sige! Bilisan mo lang.” Nagmamadaling bumaba ng kotse si Violet at pumasok ng gusali. Nagsabi muna siya sa reception na may ihahatid lang siya sa office ng Vice President. Palibhasa ay kilala na siya ng ilang empleyado roon, pinadirecho na siya nito sa elevator. Habang paakyat ay pina-practice na niya ang sasabihin kay Dashiel. Naiwan mo raw ang mga 'to, Warden, kaya ipinasunod sa akin ni Brylle. Tinatawagan ka raw ng kapatid mo, pero hindi ka ma-contact kaya ako na ang naghatid. Napabuga siya ng hangin sa kaba. Hindi niya alam kung bakit kailangan pa niyang magpaliwanag gayong mahahalagang papeles ang dala niya. "Iwan ko na lang kaya sa secretary niya?" "Bullet?" Nagitla si Violet. Hindi niya alam kung nakatulog ba siya o ano, pero nang bumalik ang isip niya sa kasalukuyan ay natanto niyang nasa tamang palapag na siya at sa labas mismo ng elevator ay naroon at nakatayo si Dashiel. Pormal na pormal sa tindig at bihis. Very executive. Ilang beses na rin naman niyang nakita si Dashiel sa ganoong attire, pero hanggang sa sandaling iyon ay hindi niya matukoy kung saang imahe mas gwapo ang binata. Kahit anong isuot nito ay hindi nakakaapekto sa mga katangiang pisikal. He's big, tall, sexy and achingly gorgeous. Pero hindi lang ang physical attributes ni Dashiel ang mapapansin dito. People also notice the way he talks and the way he walks. Bawat kilos nito ay nagpapakita ng kapangyarihan. Ng impluwensiya. Ng kontrol. Ng magnetismo. Mga bagay na nararapat para sa magiging susunod na Presidente ng kompaniya ng mga Carrillo. "Yes, Bullet?" Bahagyang nakakunot ang noo ni Dashiel nang muling magsalita. Larawan ito ng kalituhan. "Anong ginagawa mo rito?" Hindi na niya matandaan ang eksaktong isinagot kay Dashiel bago siya nito pasunurin sa office. Naiinis si Violet sa sarili. Nagsanay-sanay pa siya ng maayos na paliwanag, pero ang naaalala naman niya na sinabi ay sa kaniya lang nagtitiwala si Brylle kaya siya ang pinagdala ng mga papeles. As if importanteng mabanggit niya ang tungkol doon! Baka isipin pa ni Dashiel ay may iba siyang ipinupunto. "Hindi ka na dapat nag-abala," wika ni Dashiel pagkatapos silipin ang laman ng mga folders at ipatong iyon sa ibabaw ng office desk nito. "Mamayang gabi ko pa naman kailangan ang mga 'yan. Actually, inuwi ko ang mga dokumento para sa bahay na lang i-review." Natigilan siya at napaawang ang bibig. "H-ha?" Napangiti si Dashiel. Hindi na kailangan pang ulitin ang sinabi nito. Nilamon na agad siya ng matinding hiya. Nag-iinit ang mukha niya at abot hanggang sa may batok. Hindi makatulong sa kaniya ang sobrang lamig ng opisina dahil para nga siyang maiihi. Gusto na niyang bumalikwas ng tayo sabay karipas ng takbo palabas kung hindi lang siya lalong magmumukhang tanga. "H-hindi ko alam..." Halos hindi lumabas sa lalamunan niya ang mga salita. "Obviously. It's alright, Bullet. H'wag mo nang alalahanin. Ako na lang din ang mag-uuwi mamaya." Hilaw na ngumiti si Violet. "A-aalis na rin ako," paalam na lang niya at itinayo na ang sarili mula sa malambot na sofa. Hiyang-hiya pa rin siya sa kagagahan. Tumango si Dashiel. Tinawag nito ang secretary at inutusang ihatid siya hanggang elevator. "Thank you for the short visit. Hindi man lang tayo nakapagkwentuhan." "O-okay lang, Warden. Alam ko rin namang busy ka. Sige. Mauna na ako." "Alright. Take care, Bullet." Saka lang nakahinga nang normal si Violet nang nasa lobby na ng gusali. Malapit-lapit na niyang madagukan ang sarili. Limang taon na. Hindi pa rin ba siya masasanay sa isang Dashiel Ward Gamboa? Dapat nga ay tinuturuan na niya ang sarili na tingnan ito ng kagaya ng tingin niya kay Brylle. Senyorito. Isang lalake na mula sa isang mayamang angkan. Kumaway muna si Violet sa nakatalaga sa front desk bago tuluyang lumabas ng building. Hinanap niya agad si Kuya Jerry, pero wala ang kotse sa harapan. Bumaba siya ng hagdan at sinilip ang magkabilang drive way. Tinanaw niya ang parking lot. Nagitla siya nang tumunog ang cellphone. Hinugot niya iyon sa bulsa ng pantalon at nakitang si Kuya Jerry ang natawag. "Hello? Nasa'n ka, Kuya? Nandito na'ko sa baba." "Nakaalis na ako, 'Let." "P-po?" gulat na sambit niya. "Sabi ko pahintay ako, Kuya. Wala pa nga akong limang minuto sa itaas." "Tinawagan kasi ako ni Senyorito Brylle at minamadali akong makapunta sa planta. Naroon na raw 'yong tauhan niya. Balikan na lang daw kita riyan pagkatapos ko roon." "Malayo ka na ba? Wala kasi akong dalang pera na pamasahe kung magko-commute ako pauwi." "Hintayin mo na ako, 'Let. H'wag kang mag-alala at babalikan naman kita." Hindi na siya sumagot. Dismayado at naiinis niyang pinatay ang tawag saka tumingin sa paligid. Wala siyang choice kundi ang maghintay. At dahil ayaw na niyang bumalik sa loob, nagtiyaga siyang maupo sa makitid na sementong bumabakod sa mga naroong halaman. Maya-maya ay natanaw niya ang pagparada ng isang pamilyar na sasakyan. Napatayo siya sa kinauupuan. Lumabas ang driver ni Dashiel at namataan siya nito sa isang tabi. "Violet, anong ginagawa mo riyan?" takang-tanong ni Tatay Mario. Lima ang driver ng mga Carrillo at ito ang pinaka-may edad sa lahat. Hindi niya alam kung paanong ngiti ang gagawin. Naiinis pa rin kasi siya dahil iniwan ni Kuya Jerry. Nilapitan siya ng matandang driver. Paglapit nito ay lumampas din agad ang tingin niya sa may hagdan ng gusali. Natulala na naman siya. Nakalingon sa direksiyon nila si Dashiel. "Bakit naririto ka?" tanong ulit ng driver, pero napansin marahil na wala ang atensiyon niya rito kaya pumaling sa may likuran. Napapalatak ang driver sabay nagmamadaling lumapit sa amo. "Senyorito, aalis na po ba tayo?" "Sandali lang." Narinig niya ang sagot ng binata bago ito tuluyang bumaba ng hagdan at lumapit sa kinaroroonan niya. Hayun na naman ang nakakatarantang yanig sa loob dibdib ni Violet. "Akala ko umuwi ka na? Anong ginagawa mo rito?" bungad ni Dashiel. Hindi niya alam kung anong hitsura ng ngiti niya sa harapan nito. "Dumirecho pa kasi sa planta si Kuya Jerry. Babalikan na lang daw ako." Tumango si Dashiel. Itinaas nito nang bahagya ang kaliwang braso at hinawi ang sleeve ng suot na coat para silipin ang relo. Tiningnan siya nito pagkatapos. "Baka maghintay ka nang matagal dito. Sumama ka na lang sa'kin." Nag-panic at animo siya nabingi. "H-ha? A-ano?" "Let's go." At wala nang nagawa si Violet nang hawakan siya ni Dashiel sa braso, hilahin at igiya papasok sa backseat ng sasakyan nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD