Kabanata 3

2466 Words
PIRMI sa bahagyang pagkakayuko ang tahimik na si Violet habang nakikinig sa usapan ng mga naroon sa mahabang dining table ng mansion. Kasalukuyang naghahapunan ang buong pamilya at kasalo ng mga ito ang mag-asawang Zaldua at ang napakagandang si Catalina. Tatlo naman sila nina Dollie at Wynwyn na naatasang mag-antabay malapit sa mga ito, pero bilang mga alila, hindi nila pwedeng idirekta ang tingin sa mga nasa mesa at gawing panoorin ang mga bisita. Bahagya silang nakayuko at nakatuon ang tingin sa marmol na sahig, ngunit kailangang handa at alerto ang mga pandinig. Mahigit isang oras na nga yata sila sa kinatatayuan at medyo nangangawit na rin ang batok. Pero naisip ni Violet na ayos lang din na nakaganito ang pwesto nila. Maiiwasan niyang makita ang lambingan nina Dashiel at Catalina na alam niyang magkatabing nakaupo sa magarbong mesa. Hindi naman na bago kay Violet ang mga ganoong tagpo ng dalawa, pero hindi niya mapigilang malungkot at mainis sa sarili. Ang saya-saya pa naman niya kahapon nang isama ni Dashiel sa luncheon meeting nito sa isang mamahaling restaurant na nagre-require ng dress code. Pero nang sabihin ni Dashiel na kasama siya nito ay hinayaan siyang makapasok sa kainan. Iyon ang unang beses na nakasalo niya sa pagkain ang binata. Pakiramdam niya ay iyon din ang first date nila. Minsan na namang nahulog ang puso niya para kay Dashiel. Lalo na nang pagdating ng mga ka-meeting nito ay ipinakilala siya bilang kaibigan at hindi bilang kasambahay o empleyado. “If it's not for my father’s wish, ang kasal na sana ng dalawa ang gusto kong pag-usapan natin ngayon, pero alam n’yo naman na nais ng matanda na gawing pormal at opisyal ang engagement.” Ang mestisuhing ama ni Catalina ang nagsabi noon. Hindi man siya nakatingin, kahit paano ay kabisado na ni Violet ang malamyos na boses ng matandang lalake. Ito at si Senyor Jose ang pinakamadalas niyang naririnig. Siyempre pa ay tampok sa usapan ng dalawang pamilya ang nalalapit na engagement party ng mga anak. “Walang kaso ‘yon, Kumpadre!” masayang sagot ni Senyor Jose. “‘Yon din naman ang gusto namin at nang maisapubliko ang tungkol sa ating mga anak. Bukod doon, isang buwan lang naman ang hihintayin natin at ang kasalan na ng mga bata ang susunod. Every thing will be according to our plans.” "Tama ka, Kumpadre!" Pagkalipas ng kulang-kulang dalawang oras ay natapos din sa wakas ang mga nasa mesa. Isa-isang nagsitayuan ang mga ito upang tumungo naman sa maluwang na living room ng mansion. Doon ay pagsisilbihan ang mag-anak at ang mga bisita ng wine. Sanay na naman si Violet sa mga ganoong ganap sa mansion kapag may espesyal na okasyon o kaya ay kapag may mga malalaking tao na bisita ang mga Carrillo. Salamat na lang at hindi na siya kasali sa mga magsisilbi sa living room. Sila na rin kasi nina Dollie ang naka-assign sa pagliligpit ng ginamit na kasangkapan ng mga bisita. "Ayos ka lang?" siko sa kaniya ni Dollie. Napansin marahil nito na sambakol ang mukha niya. Napilitan siyang ngumiti at tumango kahit ang totoo ay bagsak na bagsak ang pakiramdam niya. Hindi niya mapigilan. Sa tuwing naroon ang mga Zaldua ay mas lalo niyang nararamdaman ang pagiging hampaslupa. Halata kasi na sambang-samba ang pamilya ng mag-asawang Carrillo lalo na ni Senyor Jose. Hindi rin matapos-tapos ang mga papuri ng mga ito para sa mamanugangin. Ayaw man ni Violet na makaramdan ng gano'n, hindi niya mapigilang magtanong sa isip. Kung ipinanganak ba siyang mayaman ay mapapansin siya ng mga magulang ni Dashiel? Pipiliin din kaya siya ng mga ito para maging asawa ng anak? Pero alam ni Violet na hindi lang kayamanan ang mayroon si Catalina. Napakaganda rin nito. Aari ngang tititigan lang niya ang mukha nito sa maghapon at hindi siya magsasawa. At marahil ay iyon din ang nararamdaman ni Dashiel sa tuwing kasama nito ang nobya. Bagaman ang dami nilang nagtulong-tulong sa mga trabaho, pagod na pagod pa rin ang pakiramdam ni Violet. Paano'y hindi naman ang katawan lang niya ang gumagana kanina. Pagod na rin ang isip niya sa kapapayo at katuturo sa puso na kalimutan na ang nararamdaman para kay Dashiel. Mali na rin namang panatilihin pa niya ang nararamdaman dahil mag-aasawa na nga ang binata. Sinasabi rin ng isip niya na baka matinding paghanga lang ang meron siya kay Dashiel na bagaman taon na ang binilang. wala naman siyang nagustuhan na ibang lalake kaya akala niya ay in love nga siya rito. Hindi siya gaanong nakakain sa hapunan dahil ang gusto ni Violet ay magpahinga na lang. Pagkalinis nga ng katawan at pagkapalit ng pantulog ay nahiga na siya. Pero nabulabog naman siya ng text message na galing kay Brylle. Magkukunwari na lang sana siya na tulog na, pero bigla naman itong tumawag at aksidenteng napindot niya ang 'answer'. Wala na siyang choice kundi ang sagutin si Brylle. "Hello." "I know you're still awake. Labas ka. Join us." "A-ano? Anong meron?" "Wala naman. Nagkukwentuhan lang kami ni Dashiel." Kumalabog ang puso niya nang marinig ang pangalang binanggit. "O-oh, e, anong gagawin ko?" "Samahan mo lang kami para may pakinabang ka naman." Alam naman niyang nagbibiro si Brylle, pero hindi pa rin niya napigilang mainis. "Kung magsalita ka, Bry, parang wala akong ginagawa rito sa mansion n'yo. Baka nalilimutan mong katulong nga ako rito?" Tumawa ito. "Just kidding! Hindi na kasi kita nahagilap kanina pagkaalis nina Catalina. Tinataguan mo siguro ako, ano? Halika rito. Kahit maupo ka lang at maging tagapakinig sa amin ni Dash. Sige na, Violet. Please?" Nagpalit muli si Violet sa pambahay na damit bago lumabas. Hindi na nga siya nakapagpaalam kay Lola Trinity dahil natutulog na ang matanda at ayaw naman niyang abalahin pa ito. Isa pa, hindi naman siya lalabas ng mansion. Nasa balkonahe raw kasi sina Brylle. Ayaw nga niyang pumunta dahil naroon si Dashiel, pero ang hirap tanggihan ng pakiusap ng kaibigan. Isa pa, mas parang nag-uutos naman ito kaysa nakikisuyo at bilang isa sa kaniyang mga amo, wala siyang pwedeng idahilan kay Brylle. “Finally!” sambit ni Brylle nang makita siya nitong lumabas sa may balkonahe. Kay Dashiel siya unang napatingin, pero agad din niyang ibinaling ang pansin sa kaibigan. Gabing-gabi na, pero akala mo mag-o-opisina pa ang magkapatid. Hindi pa rin nagbibihis kahit kanina pa tapos ang dinner kasama ang mga Zaldua. Mabuti na nga lang at pareho nang nagtanggal ng coat. “Come here, Violet! Maupo ka.” Hindi na siya nakapalag nang hilahin siya ng kaibigan sa bilog na mesa. Sa bakanteng silya pa sa gitna nito at ni Dashiel siya pinaupo ni Brylle. Hindi niya alam ang ibabati sa binata. Alanganin pa ang ngiti niya at palihim na tinitingnan nang masama ang kaibigan. “Ikaw talaga, Bry. Inabala mo pa si Bullet. She should be resting by this time.” “Ayos lang ‘yan, Dash. Walang kaso kay Violet. Isa pa, may mga kwento itong si Violet na sobrang nakakatawa. Kapag nga nag-iisa ako at naaalala ko, natatawa pa rin ako. You wanna hear them?” Napangiti si Dashiel sabay tingin sa kaniya. “Tungkol saan ang mga kwento mo?” Imbes na sumagot ay nilingon niya si Brylle. Naiinis siya rito. Totoo na may mga nakakatawang kwento siya, pero para ibahagi iyon kay Dashiel? Gusto niyang singhalan si Brylle. Palihim na lang niya itong sinimangutan bago bumaling sa nagtanong. “Marami, e. Kaya lang wala ako sa mood magkwento. Pasensiya na.” “That’s fine. Anyway, nakausap ka na ba ni Mama tungkol sa magiging trabaho mo sa hotel?” Tumango siya. “Kahapon pagdating ko ipinatawag niya ako sa office niya. Actually, si Senyor Jose ang kumausap sa akin tungkol do’n.” “Bakit nga pala ang tagal mong nakabalik kahapon?" tanong ni Brylle. "Ang sabi pa ni Jerry, wala ka raw doon sa main office pagbalik niya.” Nagkatinginan sila ni Dashiel. Bago pa man siya makasagot ay naunahan na siya ng binata. “Isinama ko si Bullet sa meeting ko. Doon na rin kami kumain ng lunch. Si Mang Mario na rin ang ipinaghatid ko sa kaniya pauwi.” “Oh? Mabuti naman kung gano'n. Akala ko kasi nainis na sa’kin ang isang ‘to dahil lagi kong inuutusan," pabirong hirit ni Brylle. Napasimangot si Violet. “Bakit naman ako maiinis? Trabaho ko ang sumunod sa inyo.” Natahimik sandali ang paligid bago iyon binasag ng isang tikhim ni Dashiel. “Pero kapag hindi mo kaya ang ipinagagawa sa’yo rito sa mansion, h’wag kang magdadalawang-isip na tumanggi. Is that clear, Bullet?” Mas naunang ngumiti ang puso niya kaysa mga labi. Tumango siya. Mula pa noon, makatao na lagi ang pagtrato ni Dashiel sa kaniya at sa lahat ng tauhan sa mansion. "Pero siguro naman kaya mong magtimpla ng kape para sa ating tatlo?" hirit na naman ni Brylle bilang pang-aasar sa kaniya. "Kape? Ang dami mong request, Bry," komento ni Dashiel. "No, Bullet. It's okay. Don't bother." "Come on, Dash! Minsan lang mangyari 'tong nagkaharap-harap tayong tatlo. Kailangan naman natin ng kape para hindi tayo antukin." Binalingan siya ni Brylle. "Kapag hindi ka nagtimpla ng kape natin, ibubuking ko kay Dashiel kung sino ang crush mo." Natilihan siya at agad nag-init ang mukha niya sa nagbabantang tono ni Brylle. "A-anong s-sinasabi mo r-riyan?" Kandautal siya sa biglang pagsipa ng kaba. Malapit na talagang maubos ang pasensiya niya. Ewan ba niya, pero sobra ang kakulitan ni Brylle ngayong gabi. Wine lang naman ang ininom ng mga ito at wala rin siyang nakikitang iba pang bote ng alak sa mesa. "May crush ka na, Bullet? Sino?" inosenteng tanong ni Dashiel na lalong nagpanginig sa kaniya. Tumawa si Brylle. "Hindi mo kilala, Dash? Holycow! Manhid ka ba?" Lalo pa siyang nangatal sa tugon ni Brylle. Kunot-noong tumingin sa kaniya si Dashiel. At para ibaling na ang usapan sa iba ay tumayo na siya para sundin ang utos ng kaibigan. "Sige na, heto na. Magtitimpla na ako ng kape," aniya at sapilitang tumingin kay Dashiel. "Warden, h'wag kang makikinig d'yan sa kapatid mo. Wala kaming pinag-uusapan tungkol sa bagay na 'yan kaya kung may crush man akong tao, hindi niya kilala kung sino." At palihim muna niyang inirapan si Brylle bago lumabas upang bumaba ng kusina. Dalawang kape lang ang tinimpla niya dahil hindi naman niya ugaling magkape bago matulog. Kung antok lang din ay paano ba siya aantukin sa harapan ni Dashiel? "Ang tagal naman niyan..." Muntikan siyang mapalundag nang marinig si Brylle. Sinundan pala siya nito sa kusina. Pinandilatan niya ito. "Ikaw, ha! Ang kulit mo! Hindi por que amo kita, hindi ako pwedeng mainis sa'yo. Kung ano-ano pang pinagsasabi mo sa kapatid mo?" Ngumisi si Brylle. "Kasalanan mo dahil nagpapahalata ka. Sino ba kasing tao rito sa mansion ang natitigilan kapag kaharap si Dashiel kundi ikaw lang?" Hindi siya nakasagot. Nakikita ba iyon ni Brylle sa kaniya? Wala siyang kaalam-alam. Iyon ba ang basehan nito sa paniniwalang may gusto siya kay Dashiel? Sobrang talas naman ni Brylle kung gano'n? Pero hindi siya pwedeng magpahalata. "Natatakot lang ako sa kapatid mo kaya gano'n ang nakikita mo. Hindi naman kasi siya kagaya mo na close sa'kin at nakakabiruan ko." Nagkibit ng balikat si Brylle at lumapit sa mga kapeng tinimpla niya. "Bakit dalawa lang? Nasa'n ang akin?" "Para sa inyong dalawa 'yan. Ayokong magkape kapag matutulog." Dismayadong tiningnan siya ni Brylle. "Gatas. Siguro naman umiinom ka ng gatas bago matulog?" Ang kulit lang talaga ni Brylle. Parang tuloy ito ang mas bata gayong limang taon ang tanda nito sa kaniya. Limang taon naman ang agwat ng edad nito at ni Dashiel. Kaya sumatotal ay sampung taon ang pagitan ng edad nila ng binata. Nauna nang umakyat sa balkonahe si Brylle dala ang dalawang tasa ng kape. Dala naman niya ang gatas na tinimpla sa mug bago sumunod doon. Nasa cellphone nito si Dashiel nang lumabas siya. Hindi niya alam kung sino ang kausap sa gano'ng oras, pero maya-maya lang din ay ibinaba na nito ang aparato. Nagkatinginan sila. Napansin agad nito ang hawak niya. "Baby's milk." Sumilay ang natutuwang ngiti sa mapupulang labi ng binata bago muling umupo sa silya. Hindi niya alam kung nang-iinis si Dashiel o ano. Baby's milk. Anong baby's milk e, pang-adult lang ang gatas na meron sa mansion? Naupo na rin siya nang tawagin ni Brylle. Nagsimula nang uminom ng kape ang dalawa kaya sinimsim na rin niya ang mainit na gatas. Nagkwento si Brylle tungkol sa isang tauhan nito na nabuking daw ng asawa na may ibang babae. "Anong ginawa mo? Did you fire him?" "Actually, gusto kong alisin siya sa trabaho dahil 'yon ang gusto ng misis niya. Pero nanghihinayang ako. Mahusay ang taong 'yon." Tagapakinig. Iyon lang halos ang naging role ni Violet sa kwentuhan ng dalawa maliban nang utusan siya ni Brylle na kunin ang laptop nito sa kwarto dahil may ipapakita sa kapatid. Sinaway na nga ito ni Dashiel at sinabihang ito na ang kumuha, pero nagkusa na rin siyang tumayo dahil mas ayaw niyang maiwan sila roon ng binata. Ang huling naaalala ni Violet ay pinilit niyang ubusin ang gatas kahit antok na antok na. Nauna na kasing natulog si Dashiel at sa tanda niya ay nabanggit pa ng binata na nahihilo ito. Liyong-liyo na rin siya sa antok nang tumayo. Siguro ay dahil pagod talaga siya at hindi naman sanay magpuyat. Tinulungan pa nga siya ni Brylle na bumalik sa kwarto nila, pero nang magising siya kinaumagahan ay ibang kwarto ang natagpuan ng nanlalabo pa niyang mga mata. Napamulagat siya sa labis na pagtataka at napabalikwas na rin ng bangon. At saka lang niya nabatid na hindi siya nag-iisa dahil isang mainit na braso ang nakayakap sa kaniya at isang pares ng magagandang mata ang unti-unting nagmumulat senyales na gising na rin gaya niya. Inakala pa niyang nananaginip siya, pero hindi. Dahil totoo at ramdam niya ang mainit na katawan ni Dashiel. Napanganga si Violet kasabay ng matinding pagyanig ng dibdib. Pakiwari niya ay tinakasan siya ng sariling kaluluwa lalo nang ma-realize na hubo't hubad siya sa ilalim ng gray na kumot. Nagising nang tuluyan si Dashiel. Ilang sandali pa nga ay nasalubong na niya ang mga mata nito. Hindi siya makapagsalita. Para siyang naestatwa dahil gustuhin man niyang tumayo at tumakbo ay hindi niya nagawa. Dahan-dahang bumangon si Dashiel suot ang nagtatakang mukha at nagtatanong na tingin. Namimilog naman ang mga mata ni Violet. Hindi niya lubos-maisip kung bakit at kung paano nangyari na nasa iisang higaan sila. Nasa kwarto pa siya mismo ni Dashiel. Paano siya nakarating doon? "Bullet?" sambit ni Dashiel na halatang gulat at nalilito. "W-what's this?" Hindi niya alam ang isasagot. Nakamata lang siya rito. Kaya kitang-kita ni Violet kung paanong ang pagtataka sa mukha ng binata ay unti-unting napalitan ng magkahalong takot, galit at pagdududa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD