Kabanata 7

2508 Words
KATATAPOS lang maghain ng almusal ni Violet nang marinig niya ang boses ni Dashiel. Inagahan talaga niya ang paggising para makapagluto ng kakainin nila sa umaga. Ayaw naman niya na ang binata pa ang mag-iintindi noon gayong binigyan na nga siya nito ng matutuluyan. Kahit pa sabihing magpapakasal sila, hindi niya pwedeng i-assume na magiging asawa talaga siya ni Dashiel sa totoong salita. Mas gusto niyang isipin na isang kawanggawa ang lahat kaya gagantihan na lang din niya ng pag-aasikaso sa mga kailangan ng binata. "Are you sure?" Nakita niya ang pagpasok ni Dashiel sa dining area. Tama nga siya na may kausap ito sa cellphone. "Sige. Tatawagan na lang ulit kita." Pagkababa ng cellphone ay tumingin ito sa kaniya. "G-good morning," bati niya. "Kumain ka muna bago ka umalis papuntang opisina." Pinaraanan lang ng tingin ni Dashiel ang mesa bago muling tumunghay kay Violet. "Alam ko na kung nasa'n si Mama. Pupuntahan ko siya. Aalamin ko kung kasama nga niya ang lola mo." "S-sasama 'ko sa'yo," agad na prisinta niya. Kagabi pa siya nag-iisip sa Lola Trinity niya at salamat naman na may balita na agad kung nasaan si Madam Shiela. Sigurado siyang kasama ng ginang ang lola niya. Iyon ang sabi ni Dollie. Ilang sandaling nag-isip si Dashiel bago tumango. "Sige. Aalis tayo pagkakain. Maupo ka na." Hinugasan lang ni Violet ang mga pinagkainan nila ni Dashiel at pagkatapos ay naligo na agad siya. Excited siya na makita at maiuwi roon ang lola niya, pero hindi pa rin niya maalis ang kaba dahil baka hindi maging madali ang lahat. Galit pa naman si Madam Shiela sa kaniya. Maong na pantalon, V-neck shirt at flat na sandals ang isinuot ng dalaga. Nasa living room na si Dashiel nang bumaba siya. Kamisetang puti, pantalong maong at top sider ang suot nito. Nang makita siya ng binata ay agad na siya nitong niyayang umalis. Palibahasa ay madilim na nang dalhin siya ni Dashiel sa rest house kahapon kaya noon lang nasilayan ni Violet ang kagandahan ng mga dinaanan nila. Hindi kataka-takang malamig sa rest house dahil nasa mataas na lugar iyon. Tanaw nga nila ang asul na asul na dagat at maberde ang kagubatan sa gilid ng mga bangin. Mahigit isang oras ang ibiniyahe nila at nakasapit na rin sila sa bagong developed na hotel and resort ng mga Carrillo. Mas malaki nang 'di hamak ang hotel kung saan siya nagte-train, pero hindi naman papatalo sa ganda ang lugar. "Nandito si Lola?" tanong niya sa binata na nag-aalis na ng seatbelt nito. "We will see." Dali-dali na rin siyang nagtanggal ng seatbelt at sumunod sa binata sa pagbaba. Hinintay siya ni Dashiel na makalapit. Natigilan siya sandali nang kunin nito ang kamay niya at saka siya inakay papasok ng hotel. Agaw-pansin ang presensiya nila. Lahat ng makasalubong nila, guests man o empleyado ng hotel, pati na ang mga taong nakatigil lang sa lobby at reception area ay napapatingin sa kanilang dalawa partikular sa binata. Of course. Kilala si Dashiel ng mga tao ng Isla Panorama. Pero sigurado siyang iisa ang nasa isip ng mga ito habang pinapanood silang hawak-kamay na naglalakad. "W-Warden... dapat yata naghintay na lang ako sa'yo sa kotse." "H'wag mo silang intindihin. We're here for your grandmother. Aalis din tayo agad." Hindi siya nakakibo. May punto si Dashiel. Sadya lang naiilang siya sa mga tingin ng mga taong siguradong alam ang nangyaring eskandalo sa engagement party ng kaniyang kasama. Malamang na iniisip ng mga ito na may relasyon nga sila at niloko ni Dashiel si Catalina. Lalong sumama ang imahe ng binata dahil sa pagsama niya rito. "It's him!" "Si Mr. Gamboa nga! Jackpot! Bilisan mo!" Agad napalingon si Violet sa mga boses. Sinalakay siya ng takot at pag-aalala nang makitang humahabol sa kanila ang sa palagay niya ay reporter dahil may kasunod itong camera man. Nahagip din ng tingin niya ang pagtakbo ng lalakeng kasama noon ni Dashiel nang kunin siya nito sa bahay na pinagdalhan sa kaniya ni Brylle. "W-Warden..." Kalmado lang si Dashiel. Kinabig siya nito sa baywang, sinakop ng kabilang palad nito ang ulo niya at itinago ang kaniyang mukha. Saktong-saktong ang mukha niya sa dibdib ng binata dahil malaking tao nga ito. Hindi na nakita pa ni Violet ang mga nangyari sa humahabol dahil nakasubsob siya sa katawan ni Dashiel. Diretso sila sa paglalakad. Hindi lang matigas, pero mabango rin ang dibdib ni Dashiel. Natuon doon ang isip niya, subalit hindi nakatakas sa sa pandinig niya ay ang mga boses ng humahabol na pinapaulanan ng mga tanong ang kaniyang kasama. Pagliko nila sa hallway ay binitiwan na siya ni Dashiel. Huminto sila sa tapat ng isang malapad na pinto. Binuksan ni Dashiel ang pinto pagkatapos ng dalawang katok. Pumasok sila at agad natawag ang atensiyon ng babeng nakaupo sa likod ng malapad din na mesa. "Hijo?" Si Madam Shiela na bahagya nang nagulat, pero nang makita siya sa tabi ng anak ay agad natigilan. Mabilis ding nag-iba ang reaksiyon nito nang tumayo. Nabantuan ng galit ang mga tingin nito sa dalaga. "So it's true. Kasama mo ang babaeng 'yan." Nagyuko ng ulo si Violet. Wala man siyang kasalanan, hindi pa rin niya mapigilang makaramdam ng hiya dahil parang inamin na rin niya ang ibinibintang ng mga ito nang tanggapin ang alok na kasal ni Dashiel. "We're sorry for bothering you, 'Ma. Hinahanap lang ni Bullet ang Lola Trinity niya. May nakapagsabing kasama mo ang matanda. Nasa'n siya?" "Well, you're late," sagot ni Madam Shiela. "Ipinasundo na ulit ng Papa mo si Trinity. Papunta na ulit ngayon sa mansion ang matanda." Bumaling sa kaniya ang ginang. "But I doubt kung mabibisita man lang siya ng kasama mo dahil pinagbawalan na nga siyang makapasok doon." Gumuho ang pag-asa ni Violet sa narinig na sagot ng ginang. Nagsusumamo ang tingin niya nang lingunin ang kasama. Madilim ang anyo ni Dashiel habang nakatingin sa ina. "Are you intentionally doing this? Dahil ba alam n'yong hindi matatahimik si Bullet hangga't hindi niya nakikita ang lola niya?" "And why would I do that? Tauhan sa mansion si Trinity at hindi kataka-takang isinasama ko siya sa mga lakad ko. Hindi ko na problema kung hindi matahimik 'yang kasama mo. It's her fault after all!" "Do me a favor, 'Ma. Tawagan mo si Papa at sabihing ibalik dito si Manang ngayon. Maghihintay kami ni Bullet sa lobby." "Are you crazy, Dashiel?" iritadong wika ng ginang. "Alam mo ba kung anong inuutos mo sa'kin?" Si Dashiel pa rin ang sumagot. "I'm just asking a little help from you. Gusto ni Bullet na isama na ang lola niya. Matanda na rin naman si Manang kaya panahon na rin siguro para magpahinga siya sa paninilbihan sa mansion." "At sa tingin mo ba ay papayag ang Papa mo kapag nalamang isasama n'yo ang matagal nang kawaksi ng pamilya niya? Sa palagay n'yo rin ba ay iiwan kami ni Trinity dahil lang 'yon ang gusto ng ampon niya?" Pagdiriin ng ginang sa mga huling salita. Ilang sandaling katahimikan ang naghari sa loob ng opisina ni Madam Shiela. Nakita ni Violet ang pagtango ni Dashiel. "Alright. Hindi naman ako mamimilit. Ang totoo, nagbakasakali lang ako na matutulungan mo kami. Gagawa na lang siguro ako ng paraan para makapasok sa mansion si Bullet." Bumaling sa kaniya ang binata at hinawakan ulit siya sa kamay. "Let's go." "Hijo, please, come back home to us!" Pareho silang napahinto sa paglabas. Naunang lumingon si Violet. Nakita niyang umalis sa likod ng mesa si Madam Shiela at naglakad patungo sa kanila. "Please, Hijo, tigilan mo na ito. We are already in mess! H'wag mo nang palalain ang problema ng pamilya natin! Bumalik ka na sa atin. I promise you, we will fix everything with the Zalduas. Malilimutan ng mga tao ang nangyari sa engagement party. Maibabalik natin sa dati ang lahat." Lumingon na rin si Dashiel sa ina. "I already made my decision regarding that. Nasabi ko na 'yan kay Papa kaya wala nang dahilan para ituloy pa ang engagement namin ni Catalina." "May kasunduan sila ni Mr. Zaldua! And you know that it's for the benefit of our family." "'Ma, believe me. Hindi na natin kailangan makipagkasundo ulit sa mga Zaldua. Inaayos ko na ang lahat." "Really? And this is your idea of fixing the problem?" nang-uuyam na tanong ng ginang. "Magpapakasal ka sa babaeng 'yan? Bakit ka biglang nagkaganiyan, Hijo? Parati mo naman kaming sinusunod, pero dahil lang sa isang 'yan, sumusuway ka na ngayon?" "I don't mean to disobey you. Let's just say that I realized one thing after what happened in the party." "What do you mean?" "That I was just trying hard to be accepted by this family that I would never be part of that's why I was willing to do everything you and your husband say." "H-hindi 'yan totoo, Hijo." "It is. Mula pa pagkabata, sinisikap ko nang maging mabuti sa pamilya mo. Bilang pagtanaw na rin ng utang na loob, sinunod ko ang lahat ng gusto ng asawa mo. Ibinigay ko ang makakapagpasaya sa kaniya, but what did I get after that? Isang eskandalo lang pala ang sisira sa tiwala niya sa'kin. Fortunately, I have all the capabilities that your husband benefits from. He cannot just kick me out of the company. Alam n'yo na mapipilayan ang kompaniya oras na mawala ako." "That's not true! Malaki pa rin ang tiwala ng Papa mo sa'yo and that's the only reason why he's trying to convince the Zalduas to fix everything between you and their daughter." "Ginagawa niya 'yon para ibangon ang pangalan niya. Ang pakinabang ng pamilya ang rason kung bakit gusto niyang maayos ang problema at hindi dahil may tiwala pa siya sa akin." "Well, you can't blame your father! Kung hindi mo ginawa ang bagay na 'yon, hindi siya magkukumahog na makipagkasundo ulit sa mga Zaldua!" "See? Iniisip n'yo talaga na kasalanan ko ang lahat. You didn't even give me the benefit of the doubt. Naniwala na agad kayo sa mga kumalat na pictures at pati si Bullet na walang kasalanan, pinaparusahan n'yo." "K-kung gano'n at totoong wala kayong relasyon, bakit mo siya pakakasalan? Hijo... this is the right time to prove to your father that you didn't destroy his trust. That you didn't mar our reputation. Iwan mo na ang babaeng 'yan at bumalik ka na sa mansion. Sigurado akong kapag nalaman ni Catalina na umuwi ka, papayag ulit 'yon na ituloy ang kasal n 'yo." "No, 'Ma. As I've said there will be no second chance for me and your dream daughter-in-law. And my decision is final." Hindi napigilan ni Violet na mapaiyak paglabas nila ng opisina ni Madam Shiela. Lalo siyang nakadama ng pag-aalala sa lola niya. "Bullet," tawag ni Dashiel na huminto sa paglalakad at hinarap siya. Hiwakanan siya nito sa mukha. "H'wag kang umiyak. Wala ka namang dapat ipag-alala sa lola mo dahil hindi siya mapaaano sa mansion. Everyone in the house loves her. May mag-aalaga sa kaniya habang wala ka." Nakalma siya kahit paano sa sinabi ni Dashiel. Alam din niya na hindi pababayaan ni Dollie ang Lola Trinity niya. Nami-miss lang niya nang sobra ang matanda kaya hindi niya mapigilang malungkot. Pagkagaling sa hotel ay bumiyahe na ulit sila ni Dashiel pabalik sa rest house nito. Pagod na pagod si Violet pagdating nila, pero sinikap pa rin niya na kumilos sa kusina. Nagsalang muna siya ng sinaing sa rice cooker bago gumawa ng kape nila ng binata. Simple man ang yari ng bahay, kumpleto naman at moderno ang mga kasangkapan lalo na sa kusina kaya hindi mahirap kumilos. Parang nasa kusina lang din siya ng mansion ng mga Carrillo. Maya-maya pa ay dala na ni Violet ang dalawang tasa ng kape sa wooden tray. Abala sa cellphone nito si Dashiel, pero nakuha niya ang pansin nito nang pumasok siya sa living room. Inilapag niya ang tray sa ibabaw ng mesita. "May request ka bang ulam sa tanghalian para maihanda ko na." Hindi sumagot ang binata. Nag-angat ito ng mukha at pinagmasdan siya. Kasabay ng pagsipa ng puso, nagtatakang tingin ang ibinigay ng dalaga rito. "B-bakit?" Bumaba ang tingin nito sa kamay niya. "Hindi pala kita nabigyan ng singsing." "H-ha? Hindi naman kailangan..." "Paano kung hindi natin makuha ang lola mo? Sasama ka pa rin ba sa'kin?" "Anong ibig mong sabihin, Warden?" "Naisip kong mag-resign sa kompaniya ni Papa pagkatapos ng kasal natin at lumipat tayo ng lugar. Hindi dito sa isla." "M-malabo bang maisama natin si Lola Trinity?" "Hindi ko kayang mangako sa'yo, Bullet. Baka mabigo lang kita. Kaya gusto kong alamin kung sasama ka pa rin ba sa'kin kahit wala ang lola mo." Hindi alam ng dalaga ang isasagot. Sa puso niya, sasama siya kay Dashiel kahit saan ito magpunta. Pero akay ng utang na loob at pagmamahal sa matandang nag-aruga sa kanila ng nanay niya, parang hindi niya kayang umalis basta ng isla. "It's okay if you can't answer me, Bullet. Mabuti kang apo. Alam kong hindi mo matitiis na hindi makita ang lola mo. Hindi ako nangangako, pero gagawin ko ang kaya ko para magkasama ulit kayo." Napangiti siya. 'Yong sinabi lang na 'yon ni Dashiel, sapat na para maniwala si Violet na makakasama ulit niya ang kaniyang lola. "Thank you, Warden. Salamat sa pang-unawa mo." Kahit paano ay payapa ang isip ni Violet nang mahiga na kinagabihan. Magkatabi lang ang mga silid nila ni Dashiel. At dahil kahoy lang ang dingding na nakapagitan sa kanila, naramdaman niya ang pagpasok ng binata sa kwarto nito bago siya tuluyang nakatulog. Maaga ulit siyang bumangon kinaumagahan. Naligo at nagbihis dahil aalis sila ni Dashiel sa araw na iyon para mag-asikaso ng marriage license. Naihanda na niya kagabi pa ang mga kakailanganing dokumento. At habang nagsusuklay ng buhok ay hindi mapigilang mamangha ni Violet dahil hindi pa rin niya lubos-maisip na ikakasal siya sa lalakeng pangarap niya. Toasted bread, bacon at pritong itlog ang inihanda niya sa almusal. Sa palagay ni Violet ay may dati nang nagme-maintain ng rest house o 'di kaya ay roon tumigil si Dashiel pagkatapos ng eskandalo sa engagement party nito. Wala nga yata sa isip ng binata ang umuwi sa mansion kaya puno ng stocks ang refrigerator at pantry. Lumakad na sila pagkakain. Sa municipal hall ng Isla Panorama ang tungo nila. Hindi na nagulat si Violet nang makitang may naghihintay na mga reporter kay Dashiel. Naroon din ang tauhan ni Dashiel at sa wari ng dalaga ay sadyang nakaabang na roon ang lalake para tiyakin na walang manggugulo sa amo nito. "W-Warden..." "Sh*t." Ginapangan siya ng takot. Hindi sila makababa ng sasakyan. Pareho silang nakatanaw sa harapan ng munisipyo kaya pareho nilang nakita ang biglang pagdami ng mga tao. Ang ilan ay mga nag-uusisa lang, pero karamihan sa mga nakaabang ay mga taga-media. Pakiwari ni Violet ay gusto nang kuyugin ng mga ito ang sinasakyan nila. "Sinadya nila 'to. Alam nila na pupunta tayo rito," sambit ni Dashiel. Kinakabahang tumingin dito ang dalaga. "A-anong gagawin natin?" "Delikado para sa'yo. Hindi rin 'to kakayanin ni Arcilla. H'wag na tayong tumuloy. Ako na lang ang bahalang gumawa ng paraan."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD