Chelsea's POV
NAUPO ako sa upuan ng matapos ang performance namin. Nakailang kanta rin kami kaya namaos ang boses ko, sabayan pa ang pagkulo ng tiyan ko. Kanina pa kasi ako kumain kaya nagugutom na naman ako.
Natutuwa naman ako dahil maganda ang pakikitungo sa amin ni Sir Larius. Bukod sa mabait- napaka-guwapo pa niya.
Hindi ko maiwasang magkaroon ng paghanga kahit na alam kong mayroon na itong nobya. Well, paghanga lang naman, wala naman masama roon.
Natuwa kami nang magustuhan niya ang naging performance namin sa unang araw namin. Although kabado kami, ginawa namin ang lahat para maging maganda ang kinalabasan.
"Hoy, mga tol ini-invite tayo ni Sir Larius. Ililibre daw tayo ng pagkain." Sabi ni Emil.
Napaangat ako ng tingin ng marinig ang libre at pagkain . Tamang-tama nagugutom na ako. Narinig ko lang kasi ang pagkain nagwala na ang tiyan ko.
"Talaga, sige larga na tayo nagugutom na itong mga bulate ko." Ani ko at saka hinimas ang aking tiyan. Kanina pa ito walang tigil sa pagkulo.
Pumunta kami agad sa VIP room na sinabi ni Emilio. Naroon na daw sila Sir Larius at si ate Candice.
Napanganga kami nang makapasok sa loob. Malawak at mukhang kaming nasa isang bahay lang. Kumpleto ang mga gamit, may mini sala rin at dining area.
Hindi ko maiwasang tapunan ng tingin ang lamesa na may mga pagkain. Parang gusto ko nang lantakan ang mga pagkain. Mas lalong nagwala ang mga bituka ko ng maamoy ko ang mabangong amoy ng mga pagkain.
Napansin ko na may sumusunod kila Sir Larius at ate Candice na bodyguard. Baka siguro sa proteksyon nila. Nasa dining area na sila Sir Larius at ate Candice.
"Oh, hello there, come on over here and join us. These are our rewards for your outstanding performance. You guys did an excellent job!" ani ni Sir Larius. Kahit nahihiya kami umupo na kami.
"Sure, Sir Larius, hindi po kami tumatanggi sa grasya." Wika ni Apol na kanina pa naglalaway sa pagkain na nakahain sa mesa. Siniko ko siya ng mapansin kong hindi man lang tumingin kila Sir Larius bagkus sa pagkain nakatuon ang mga mata nito.
"Hoy, magtino-tino ka wala tayo sa atin." Bulong ko kay Apol.
Nakakahiya naman kung mukha kaming patay gutom. Kahit naman ganito kami may hiya naman kami sa katawan. Napakamot sa leeg si Apol dahil sa sinabi ko. Ako naman ay hindi maiwasang mapalunok sa mga pagkain.
Hindi ko inaasahan nang biglang kumulo ang tiyan ko. Dahil tahimik ang paligid at kulob pa ang lugar kung kaya rinig na rinig ang pagtunog ng tiyan kong nag-aalburuto na. Napasulyap sila sa akin.
Napangiti ako ng alanganin at napakamot sa ulo ko. Nakakahiya ka Chelsea. Natawa ang mga kaibigan ko.
"Akala ko ba kami ang gutom? Ikaw naman pala ang gutom." Natatawang wika ni Diego. Kinurot ko ang braso niya kaya napahiyaw ito sa sakit. Sinamaan ko siya ng tingin at pagkatapos sinuntok ko ng palihim ang tiyan niya. Napahiyaw na naman ito sa sakit dahil sa ginawa ko.
"Grabe ka, Chels." Reklamong bulong ni Diego habang hawak ang tiyan nito. Napatingin kami sa tumawa, si Sir Larius at si ate Candice. Nahihiyang napangiti ako sa kanila.
"Nakakatuwa naman kayo, I remember my friends on you guys. I missed them. May kanya-kanya na kasing pamilya kaya medyo madalang ng magkita kagaya sa ganitong mga pagkakataon." Saad ni Sir Larius.
"Oh, sige, kain na tayo baka lumamig na ang food." Turan ni ate Candice na nakangiti kaya mas lalo siyang gumanda.
NAG-leave ang yaya ni Lilly ang kapatid ng kaibigan kong si Anna kung kaya ako muna ang kinuha niyang maghahatid sa school ng kapatid nito pansamantala.
May kaya sa buhay ang kaibigan ko. Gayon pa man naging mabuti siyang kaibigan sa akin.
Naging kaibigan ko ang katukayo kong bata na classmate ni Lilly. Mabait naman ang bata, hindi siya maarte kagaya ng Nanay niyang masungit at mukhang matapobre. Minsan ko na ring nakita ang Nanay ng bata. Sobrang sungit at mukhang walang pakialam sa anak.
"Ate Chels, alam mo bestfriend na kami ni Chelsea. She's mabait tapos palagi niya akong binibigyan ng baon niyang cookies. Super sarap." Nakangiting kuwento ni Lilly sa akin.
Nandito ako ngayon sa bahay nila para sunduin muli siya. Hindi ko na naabutan si Anna dahil pumasok na sa school. Naiinggit nga ako sa kaibigan ko na iyon, dahil nag-aaral siya. Samantalang ako hanggang high school lang. Pangarap kong makatapos ng kolehiyo pero kailangan kong kumayod para sa mga kapatid ko. Ganito talaga siguro ang kapalaran ko kailangan kong tumulong.
"Good, meron ka ng best friend sa school. Tama ‘yan para hindi ka malungkot habang nasa school." Wika ko. Hinaplos ko ang ibabaw ng ulo niya. Nilahad ko ang isang kamay ko para hawakan niya.
Nang marating namin ang school pumasok na kami sa gate. Napakunot ang noo ko ng makita ko si baby Chelsea na nakaupo sa may waiting area at parang umiiyak. Pinuntahan namin kaagad ni Lilly ang kaibigan.
"Beshy, why are you crying?" tanong ni Lilly kay Chelsea nang tumabi ito sa kanya. Napaangat ang mukha nito. Kita ang pamumula ng pisngi at mga mata nito. Umiling lang siya.
"Sabihin mo kung sinong nang-away sa iyo?" tanong ko habang hinahaplos ang likod niya. Umiling lang muli ang bata. Wala yata itong balak sabihin sa amin ang nangyari. Wala akong nagawa kundi huwag na lang pilitin. Hinawakan ko ang kanyang kamay.
“Pasok na tayo sa room niyo?" sabi ko kaya sumunod naman ang dalawa. Tahimik lang itong naglakad katabi namin. Ano kayang nangyari sa kanya?
Naghintay ako ng ilang oras. Nang makita kong lumabas ang dalawa sa classroom sinalubong ko sila kaagad. Napangiti ako nang makita kong nakangiti na ang katukayo kong si baby Chelsea. Mukhang nawala na ang lungkot ng bata.
Ngunit hindi ko pa rin maiwasan mag-aalala para sa bata. Baka naman sinasaktan na siya ng Nanay nito?
Gustuhin ko man magtanong sa bata kung ano ang nangyayari sa bahay nila ayoko namang pakialaman. Baka mapasama pa ako sa Nanay nito.
"Tayo na guys!" aya ko sa kanila. Hinawakan ko ang mga kamay nila. Napapagitnaan nila ako.
"Baby, gusto mo samahan ka muna namin hintayin ang sundo mo?" suggestion ko. Napaangat ng tingin si katukayong Chelsea. Napanguso ang bata at parang may gustong sabihin.
"I don't want to go home." Diretsahan na wika nito.
Nagtataka kong tiningnan ang bata. Huminto ako mula sa paglalakad. Hinila ko sila upang umupo sa waiting area. Hinarap ko siya.
"Hindi puwede iyon, baby. Baka mag-alala ang parents mo." Sagot ko. Inayos ko ang bangs niyang tumabing sa mata nito. Napayuko at napanguso ang bata.
"Ayokong umuwi sa house namin wala naman akong kasama doon. My daddy is always at work. He was always forget about me. Kaya nagtatampo na ako sa kanya." Malungkot na saad nito. Napatitig ako sa mukha ng bata. Nakakaawa naman ang batang ito. Sa kabila ng marangyang pamumuhay ngunit malungkot naman pala ang bata. Bakit ganoon naman ang magulang niya, hindi man lang nila inisip na may anak silang nangungulila sa kanila.
Nakaramdam ako ng awa para sa kanya. Pareho kami ng sitwasyon ng batang ito. Ang kaibhan lang, ako ay itinapon samantalang siya naroon nga ang mga magulang ngunit parang wala naman sila doon.
"Ganito na lang ihahatid ka na lang namin ni Lilly para hindi ka na malungkot. Ayos ba iyon?" nagthumbs up ako para kompirmahin na ayos lang ba sa kanya. Umaliwalas ang mukha nito. Tumango ito.
Pumara agad ako ng taxi upang ihatid si katukayong Chelsea sa bahay nito.
"Baby, ano pala ang address niyo?" tanong ko.
May pinakita siyang ID na nakasabit sa bag nito. May pangalang nakalagaya roon pati na ang address at telephone number. Nakalagay rin ang pangalan ng Tatay- Nikolas Salvatore. Sinabi ko sa driver ang address na pupuntahan namin.
Pangalan pa lang mukhang istrikto na. Kaya ganito kalungkot ang bata parang wala naman silang pakialam sa bata. Tapos ang Nanay parang walang pagmamahal sa anak.
Huminto ang taxi sa tapat ng malaking bahay. Nagbayad na ako sa taxi driver. Nabawasan ang pera ko pero ayos lang basta makita ko lang masaya si baby Chelsea. Bumaba kami agad pagkatapos pumasok kami sa loob ng kanilang bakuran. Ang laki naman ng bahay nila. Dito pala nakatira si baby Chelsea. Mayaman ang batang ito.
Napatingin ako sa bermuda grass na pantay ang pagkakagupit. May mga halaman sa gilid ng dinadaanan namin.
"Come on ate and Lilly." Pag-anyaya niya sa amin papasok sa loob ng bahay nila. Habang naglalakad napapalingon kami ni Lilly. Napakalawak ng bakuran nila at mukhang alaga ang mga damo at mga halaman. Nang makapasok na kami sa loob sinalubong kami ng isang matandang babae.
"Diyos ko naman, Chelsea, akala namin nawawala ka na! Wala ka daw doon sa school niyo sabi ni Herbert," mukhang nag-alala ang matanda. Niyakap niya agad si baby Chelsea. Napasulyap ang matanda sa amin nang kumawala mula sa pagkakayakap.
"Hi, po, good afternoon," bati ko.
"Salamat sa paghatid ninyo sa alaga ko. Kaibigan ba siya ng anak mo?" napatingin ang matanda kay Lilly.
"Hindi siya ang Mommy ko po. She's my yaya po." Sagot ni Lilly.
Napangiti ako ng alanganin. Diyos ko napagkamalan pa may anak na ako. My god 20 palang ako.
"Naku, iha, pasensya ka na. Halina muna kayo at magmeryenda." Pag-anyaya niya sa amin.
Napalunok ako ng laway dahil sa nakita naming meryendang sinasabi ng yaya ni Chelsea.
"Kumain na kayo at huwag mahihiya. Maiiwan ko muna kayo tatawagan ko si Herbert para umuwi na." Wika ng yaya.
Iniwan niya kami sa may hapag kainan. Kung sana puwede magtake-out kaso nakakahiya naman magsabi. Ibibigay ko sana sa mga kapatid ko.
"Let's eat na, ate Chels, Lilly," sabi sa amin ni katukayong Chelsea.
Umupo kami at tahimik na kumain. Halos maubos namin ni Lilly ang nasa plato namin.
Napakasarap ng meryenda. Hindi ko nga alam kung ano’ng tawag sa kinain namin. May cheese at may cream, parang spaghetti macaroni-masarap ang lasa.
Tapos may pizza pa na sobrang laki ng size. May panulak pang masarap at malamig na orange juice. Sabay-sabay kaming tatlong napadighay kaya nagtawanan kami.
"Good afternoon!" sabay-sabay kaming napatingin sa bumati.
Biglang bumaba sa upuan si baby Chelsea at sinalubong ang lalaking bumati sa amin.
"Thank you for coming home early, Daddy." Ito pala ang Tatay ni baby Chelsea. Hinaplos nito ang pisngi ng kanyang anak.
"You’re welcome, baby," anito at napasulyap sa amin.
“Are they your friends?” tanong niya sa anak na tinutukoy ay kaming dalawa ni Lilly.
"Yes, Daddy," hinila nito ang ama at mukhang pupunta sa kinaroroonan namin. Bigla akong nakaramdam ng pagkaasiwa dahil sa uri ng tinging pinupukol niya sa akin. Napakunot ang noo ko dahil para siyang nakakita ng multo nang matitigan niya ako.