CHAPTER 8

2281 Words
Audrey NAKITA ko ang pamimilog nang mga mata ni Liam nang lumingon ako habang nakangisi ako. “A-audrey, may..may aswang ba talaga rito sa lugar niyo?” tanong niya. Saglit akong tumigil at yumuko na parang nasusuka. “Audrey ba’t ka tumigil? A-anong nangyayari sa’yo?” parang natatarantang tanong niya. “Sir, ganyan ‘yong sinasapian ng pagka-aswang,” narinig kong bulong ng bodyguard niya. “Ano’ng sinasapian?” bulong din ni Liam. “Sir, baka hanapin na tayo ni Mayor. Tara na, balik na tayo kayang-kaya naman ni Audrey mag-isa pauwi sanay na siya rito, eh,” sabi ng kasama niya na nahihimigan ko ang takot sa tinig nito. Lalo akong natuwa. “Audrey? Ano’ng nangyayari sa’yo, ha?” tanong ulit ni Liam. Nilingon ko sila at sakto namang nagulo ang buhok ko dahil sa pagkakayuko ko kanina. Sinadya ko talaga iyon para takutin sila. Tumawa ako at agad na sinugod sila hinawakan ko siya sa braso at kunyari ay sasakmalin ko siya. “Aswang!” napasigaw ang kasama niya at kumaripas nang takbo pabalik. “A-audrey, maawa ka!” sambit ni Liam habang nakasangga ang dalawang kamay. Natigilan ako at humagalpak sa tawa nang makita ko ang reaksiyon niya. Mayamaya ay tumingin siya sa akin ng deretso, “Gaga ka ba? Upakan na sana kita akala ko tuloy aswang ka talaga!” Tawa pa rin ako nang tawa pero siya naman ay naiinis na. “Bakit may aswang bang ganito kaganda?” sabi ko. Hindi ko talaga mapigilan ang pagtawa pati siya ay nakitawa na rin dahil naalala niya ang kaniyang reaksiyon. Samantalang hindi na namin nakita ang kasama niya at tuluyan nang nawala sa paningin namin. “Walang kuwenta ang bodyguard ko. Hindi pala ako matutulungan sa oras ng kagipitan. Buwisit! Nauna pang tumakbo sa’kin.” “Hay, naku! Ikaw kasi tinatakot mo ako, akala mo naman kasi matatakot mo ako,” sabi ko. “Loko ka, Audrey, ‘wag mo nang uulitin iyon, ha. Mabuti hindi kita nasuntok. Pero galing mo umarte, ha, akala ko nag-transformed ka na talaga sa pagka-aswang. Puwede ka maging artista, pang horror,” sabi niyang tawa pa rin nang tawa. Umupo muna kami sa damuhan at masayang nagkuwentuhan. Mayamaya ay narinig namin ang mga kalalakihang palapit. “Hala! Sino’ng mga ‘yan?” tanong ko. “Tara! Tago tayo, dali!” sabi niya. Hinila niya ako sa makapal na halamanan at kumubli kami sa malaking puno. Bumalik pala ang bodyguard niya at may mga kasama na. “Dito ko lang iniwan si Sir kanina,” sabi ng bodyguard niya kasama nito ang mga barangay tanod ng barangay. “Sigurado ka?” “Oo.” Natawa si Liam nang mapakla. “At nagtawag pa ng mga tanod ang loko,” usal ni Liam habang nakatingin kami sa kanila. “Sir! Na’san ka? Sir!” tawag ng mga ito. “Lumabas na kaya tayo,” bulong ko. “Shhh…mamaya na, hayaan muna natin silang maghanap,” sabi niya. Tumingin siya sa akin at napakalapit na pala ng mukha namin sa isa’t-isa. “Huwag mong ilapit ang mukha mo sa’kin baka maisalin ko sa’yo pagka-aswang ko,” napahagikhik ako. “Ang ganda mong aswang. Sige, payag na akong kagatin mo,” tugon niyang napahagikhik na rin. Hinampas ko siya sa balikat hindi ko akalain na sasakyan niya biro ko. “Lumabas na kasi tayo hinahanap ka na nila, mamaya pumunta ang mga ‘yan sa bahay namin lagot ako kay Tatay, dahil sa kalokohan mo.” “Anong kalokohan ko? Baka kalokohan mo. Ikaw ‘tong nagpanggap na aswang, eh.” “Nagbibiro lang naman ako, kung ‘di mo ako tinakot ‘di ko naman maiisip iyon,” sabi ko. Napapalakas na pala ang boses ko kaya nakita nila kami sa pinagkukublian namin. “Ayon si Sir, nilalapa ng aswang! Bilis hulihin niyo ang aswang!” sabi ng kaniyang bodyguard. “Liam, tulungan mo ako!” sambit ko. Agad na yumakap ako sa katawan ni Liam at sumiksik kasi nakita kong may mga dala silang pamalo. “Sandali lang!” Lumabas na kami ni Liam sa pinagkukublian namin samantalang ako ay nakayakap lang sa kanyang katawan habang nakapikit. “H-hindi aswang si Audrey,” paliwanag niya. Unti-unti akong dumilat at nakita ko ang mga kalalakihang may mga dala na pamalo. Nakatingin sa amin. Hiyang-hiya tuloy ako dahil natatawa ang ilan sa kanila. Nag-alala ako baka marumi ang iniisip nila. Kaya agad akong kumalas kay Liam. “Ano’ng ginawa mo kay Sir?” tanong ng bodyguard niya. “Wala, ah. W-wala kaming ginagawa…” napakagat labi ako. Nagsisisi na ako kung bakit sumama pa ako sa kanya na kumubli sa puno akala tuloy nila may ginagawa kaming hindi maganda. “Sir, ayos lang po ba kayo?” tanong ng isang barangay tanod. “Oo, ayos na ayos lang ako,” tugon ni Liam. Kaya lang naman ako napayakap sa kanya dahil natakot ako na kuyugin ng mga taong bayan. Mabuti at hindi umandar ang pagiging loko-loko ni Liam at hindi ako ipinagkanulo at sinabing aswang nga ako. Siguro naman hindi niya gagawin iyon dahil hindi na biro iyon. “Salamat naman, Sir, at buhay ka. Akala ko kinain ka na ng aswang,” nakangising sabi ng bodyguard. “Ikaw ang patay sa’kin mamaya isusumbong kita kay Daddy,”sabi nito sa bodyguard. “Sir, huwag naman. Nabigla lang talaga ako. Galing kasi umarte nitong si Audrey, eh. Pero binalikan naman kita, Sir, ah.” “Walanghiya ka, bumalik ka pa. Siguro kung totoong aswang si Audrey baka ubos na ako sa tagal mo!” inis na sabi ni Liam sa kanyang bodyguard. Tila nakonsensiya ako dahil naabala ko pa tuloy ang mga tanod. “Pasensiya na po, binibiro ko lang naman sila kanina na aswang ako tapos bigla siyang tumakbo at iniwan niya si Liam,” paliwanag ko sa kanila. “Mas makabubuti siguro, Sir, kung bumalik na lang kayo. Huwag niyo nang ihatid ‘yang si Audrey sanay na sanay naman ‘yan dito sa lugar namin. Baka madamay pa kami kapag nalaman ni Mayor na pumunta kayo rito sa bundok,” sabi naman ng isang tanod. “Oo nga po, Sir,” sabat naman ng isa. “Sige na, Liam, sabi ko naman sa’yo ‘wag mo na akong ihatid. Sige, mauna na ako habang maliwanag pa. Bumalik na kayo sa baba. Bye!” paalam ko at sabay talikod na. “S-sige, ingat ka, Audrey!” sabi niya. Nginitian ko lang siya at kumaway ako. Himala yatang mabait siya at tila may concern sa tinig. Maganda pala ang epekto ng pagkakatakot ko sa kanya dahil parang bumait siya sa akin. Napapapangiti ako habang naglalakad pauwi. LUMABAS ako ng bahay dahil narinig kong tinatawag ako ni Itay. “Bakit po, ‘Tay?” “Audrey, samahan mo ako pababa ng Ubu Falls dadalhin ko na kasi ang mga kopra sa bayan.” “Po?” “Magmadali, ka aalis na tayo.” Napakamot ako sa aking ulo. “’Tay, si Kian na lang po pasamahin niyo,” tanggi ko. Alam ko na kasi kung bakit niya ako pinapasama. Wala kasing magdadala ng kalabaw at karosa pabalik dahil deretso na siya ng bayan. “May inutos ako sa kapatid mo kaya baka mamaya pa iyon makabalik,” sabi ng tatay. Napangiwi na lang ako. “Bakit? Hindi naman mabigat na trabaho iyan, ah. Sasamahan mo lang ang kalabaw pabalik, hindi mo naman bubuhatin.” Napakamot ako sa ulo. Parang nakikita ko na ang mga kabinataan sa baryo siyempre sa akin na naman nakatingin ang mga iyon. “Si Itay talaga, kadalaga ko pong tao pahihilahin niyo ako ng kalabaw,” sabi kong napabusangot. “Wala namang masama at nakakahiya sa gagawin mo. Ang nakakahiya ‘yong magnakaw ka. Sige na, aalis na tayo,” sabi ng Itay. Agad akong nagsuot ng sombrero at pinuntahan si Anna sa likod ng bahay. Hindi talaga ako makatanggi dahil magagalit lang si Itay. “Samahan mo nga ako,” sabi ko kay Anna. “Saan, Ate?” “Sa baryo, aalis daw si Itay dadalhin ang kopra sa bayan, eh, walang kasama ang kalabaw pabalik, kaya tayo na lang.” “Makababalik naman ‘yang kalabaw mag-isa,” sabi ni Anna. “Sabihin mo kaya ‘yan kay Itay nang mapingot ‘yang tenga mo,” saad ko. “Bakit, nasaan ba si Kuya?” “Wala Kuya Kian mo, inutusan daw ni Itay,” tugon ko. Isa pa itong si Anna napakareklamador, onse pa lang pero nahihiya na sa mga kabinataan paano pa kaya ako, eh, disiotso na ako. Wala akong nagawa kundi ang sumunod kay Itay. Sa totoo lang hindi naman talaga mabigat na trabaho iyon. Nahihiya lang talaga ako dahil siyempre bibihira naman sa dalaga ang gumagawa noon. Tinanggal ko na lang ang hiya ko kahit na pinagtitinginan ako ng mga kalalakihan sa baryo. Nang maibaba ni Itay ang mga karga na kopra mula sa karosa ay isinakay naman niya iyon sa tricycle na siyang naghihintay papuntang bayan. “Balik na po kami, Itay,” sabi ko. “O siya, sige, anak. Ilagay niyo na lang ‘yang kalabaw doon sa may lilim at sariwang damuhan, ha?” bilin ni Itay. “Opo, ‘Tay,” tugon ko. Napadaan kami sa Ubu Falls nang may tumawag sa aking pangalan. Nilingon ko ito at nakita ko si Liam kasama ng dalawang barkada niya at siyempre ‘yong dalawang mukhang clown na bodyguards niya. Nakasakay ang mga ito sa motorsiklo. Bigla yata ako pinamulahan nang mukha dahil nahiya ako sa itsura ko. Lumapit si Liam sa akin. “Oh, sa’n ang punta n’yo?” tanong niya. Wala na akong kawala pihadong kantiyaw na naman ang aabutin ko sa barkada nila. “Pauwi na, hinatid lang namin si Itay may dala kasing kopra kaya kami na lang ang magdadala nitong kalabaw at karosa pauwi.” “Ayos ah, dalagang Pilipina,” sabi niya sabay napatango-tango. Inaasahan ko nang kasunod niyon ay ang pagtawa niya. “Libre lang tumawa kaya huwag mong pigilan,” sabi ko, “Sige alis na kami.” “Wait, sama ako,” sabi niya. Himala yatang hindi siya tumawa at tila hindi niya masyadong pinansin ang dala-dala naming kalabaw. “Seryoso ka?” “Oo naman. Hindi na ako takot sa aswang kasi maliwanag pa, ‘tsaka puwede kong gawing pain ‘tong dalawa kong kasama kung sakali,” baling nito sa dalawang bodyguards niya. “Huwag na. Ano naman ang gagawin mo sa bahay namin. Pangit bahay namin,” sabi ko. “Hindi naman ‘yong bahay niyo ang bibisitahin ko kundi ikaw ‘tsaka makikikain kami ng buko,” sabi niya. “Iyon talaga pinunta niyo, buko lang? Eh, andami namang tinitinda sa bayan hindi ka pa mapapagod.” “Sige na, ‘pag ‘di mo kami sinama isusumbong kita kay Mayor sabihin ko ipapatag niya itong bundok niyo,” sabi niya. “Aba! Eh, di mas maigi nang hindi na kami akyat nang akyat,” sabi ko. Kinuha sa akin ni Anna ang kalabaw at nauna na silang naglakad. Sumusunod pa rin sina Liam sa akin kasama ang dalawang bodyguards niya. Ang dalawang barkada naman niya ay nagpa-iwan sa paanan ng bundok sa may Ubu Falls. Mayamaya ay nakita ko siyang hinihingal na palibhasa ay hindi sana’y umakyat ng bundok. “Malayo pa ba, Audrey?” “Malapit na.” “Teka, kanina ko pa naririnig ‘yang malapit na ‘yan. Gaano ba kalayo ‘yong malapit sa’yo?” “Mga limang kilometro pa,” tugon ko. “Ano? Akala ko naman sabi mo malapit lang.” Natawa ako dahil halos kinakapos na siya nang paghinga dahil sa pagod. “Oo malapit lang sa’kin ‘yon. Sinabi ko naman kasi sa inyo na huwag nang pumunta, kulit mo, eh.” “Di ko naman akalain na malayo pa galing Ubu Falls,” sagot nito. “Sige, kung pagod ka na puwede ka naman sumakay sa kalabaw,” suhestiyon ko. “Puwede ba?” “Oo, puwede.” “Sige, subukan ko nga,” sabi niya. Pinahinto ko ang kalabaw at pinasakay siya. Inalalayan pa siya ng kasama para makaakyat sa kalabaw. “Yuck! Ba’t andami niyang putik sa likod ‘di ba siya pinaliliguan?” reklamo ni Liam. Napabuga ako ng hangin, “Huwag ka ngang maarte diyan baka sipain ka niyan marunong kayang umintindi ‘yang kalabaw.” “Ay, talaga? Sorry na kalabaw. Huwag kang tatakbo, ha. Hindi ako sanay sa kalabaw kabayo lang,” narinig kong sabi niya. Parang matatawa ako dahil ganito pala ang mayaman nagmumukhang ignorante pagdating sa baryo. “Niyayabangan mo pa ang kalabaw, ha. Huwag mo nga siyang ikumpara sa kabayo,” sabi ko. Ako ang nauuna dahil ako ang naghihila sa kalabaw. Si Anna naman ay nasa unahan ko rin. Nang tumingin ako sa likuran nakita ko ang dalawang bodyguards na nakasakay na rin sa karosa. “Okay, ah, pasarap kayo,” pansin ko sa dalawa. “Hindi rin kami sanay, Audrey,” nagtawanan ang dalawa. “Basta hindi ko sagutin kay Mayor ‘tong amo niyo, ha, hindi ko kayo pinilit sumama sa’kin.” “Huwag kang mag-alala, Audrey, may basbas kami kay Mayor na pupunta kami, iyon nga lang hanggang Ubu Falls lang dapat. Itong si Sir kasi mapilit din, eh,” dahilan ng isa. “Basta wala nang aswang, ha,” sabi ni William. “Wala namang aswang, pero bakit nandito ka pa? Akala ko ba sisisantihin mo na ‘tong bodyguard mo, Liam?” saad ko. “Partner ko ang mga ‘yan basta ‘di nila ako sinumbong ‘di ko rin sila isusumbong,” nagtawanan sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD