CHAPTER 9

2160 Words
Audrey ABOT tanaw ko na ang bahay namin. Agad na nagtahulan ang mga aso kaya natakot ang dalawang kasama ni Liam. Dali-daling bumaba ang mga ito sa karosa at kumubli sa akin. Naging abala ako sa pagsaway sa mga aso hanggang sa nakalimutan kong nakasakay pa pala si Liam sa kalabaw. Siya naman ngayon ang pinupuntirya ng mga aso. Hanggang sa puntong itinaas na nito ang mga paa para hindi maabot ng mga aso. Dahil sa patuloy na pagkahol ng mga aso, naging malikot si Liam sa ibabaw ng kalabaw kung kaya’t itinakbo siya nito. Napasigaw ako dahil sa takot na baka mahulog si Liam at makagat ng aso. Mabuti na lang at papunta sa may maraming puno ang kalabaw kaya mabilis siyang nakakapit sa sanga. Nakalambitin at hindi nito magawang bumitiw dahil binabantayan ito ng mga aso. “Sir, ayos ka lang?” tanong ng isang bodyguard. “Mukha ba akong ayos?” asar na sabi ni Liam. “Audrey, itaboy mo na ang mga aso, bilis! Kaunti na lang bibigay na ‘tong sanga!” sigaw niya. “Ito na nga tinataboy ko na, basta kapit ka lang d’yan!” tarantang sabi ako. Mabuti na lamang at agad ko namang naitaboy ang mga aso. Bumigay na ang sanga kung saan nakalambitin si Liam. Mabuti na lang at hindi naman iyon mataas kaya balanse pa rin siyang bumagsak sa lupa. Nakakatawa kung iisipin ang eksena pero hindi ako natawa bagkus ay natakot ako sa maaring mangyari kay Liam. Naisip ko agad na magagalit sa amin ang daddy niya kapag nagkataon. “Ayos ka lang?” agad akong lumapit sa kanya. “Muntik na ako ro’n, ah. Napakatapang naman ng mga aso niyo parang ngayon lang nakakita ng guwapo. Mabuti na lang at magaling akong kumapit.” “Naku! Mabuti na lang talaga at hindi ka nahulog sa kalabaw. Hindi talaga sanay makakita ng dumadalaw na tao ang mga asong iyan,” sabi ko. “Para ka ngang si Spiderman, Sir,” natatawang sabi ni William. Agad tinapunan ni Liam nang matalim na tingin ang dalawang kasama. “Ah, hindi pala sanay sa tao ang mga aso. Kaya pala hindi kayo hinabol,” anito sa dalawang kasama. “Mga wala talaga kayong silbi!” asar na sabi ni Liam sa dalawa. “Teka, may galos ka,” pansin ko. “Wala ‘to, lalagyan ko na lang ng betadine, meron ba kayo?” tanong niya. “Ha? Eh, wala kami no’n, eh. Kasi ‘pag ganyang sugat, bayabas lang inilalagay namin diyan,” sabi ko. Napakunot siya ng noo habang pinupunasan ang dumudugong braso gamit ang kaniyang panyo. “Bayabas? Aanhin ang bayabas?” tanong niya. “Akala ko ba marami kang alam. Hindi mo ba alam na may taglay na gamot din ‘yang dahon ng bayabas, ngunguyain mo tapos itatapal mo lang diyan sa sugat. Ganoon ginagawa ko,” ang sabi ko. “Totoo ba ‘yon?” “Oo naman.” “Hindi ka lang pala aswang doktor kwak-kwak ka rin,” natatawang sabi nito. “Tse!” inirapan ko siya. “Sige nga ikuha niyo ako no’n,” utos nito sa kasama. Agad namang sumunod ang dalawang kasama at nag-unahan pa ito sa pagbigay sa amo. “Gusto mo ako na ngumuya, Sir?” “Huwag na! Baka imbes na gumaling ma-tetanu pa sugat ko!” padabog na kinuha nito ang dahon. Ako naman ay pinipigil ko ang pagtawa baka maasar din siya sa akin. Nginuya niya ang talbos ng bayabas at sinunod naman ang sinabi ko. Pagkatapos ay tinulungan ko siyang talian ng panyo ang kaniyang braso para matigil na ang pagdurugo. Hindi naman ganoon kalaki ang sugat kaya lang medyo malalim. Malamang ay natusok iyon ng matutulis na sanga na nadaanan niya kanina. “Magandang umaga po,” bati ng mga ito kay Inay nang makarating kami sa bahay. “Anak may bisita pala tayo. Sino sila?” tanong ni Inay. Nagtaka si Inay kung sino ang mga kasama ko. “’Nay, si Liam po anak ni Mayor Almeda at sila naman po ang mga bodyguards niya,” pakilala ko kay Liam at sa dalawang kasama. “Ha? A-anak ni..ni Mayor kamo?” gulat na tanong ni Inay. “Opo.” “Naku! Bakit, anak, may nagawa ka bang kasalanan?” Napangiti si Liam. “Ay! Hindi po, ‘Nay, napadalaw lang po kay Audrey. Nakita po namin siya kanina sa baryo kaya sumama kami rito paakyat,” sabat naman ni Liam. Napatingin ako kay Liam, kung makatawag kasi kay Inay ay parang close na close na sila. Napangiti si Inay na halatang kinabahan kanina. “Ah, ganun po ba? Akala ko po may ginawang kalokohan itong anak ko.” “’Nay talaga, ‘wag niyo na po akong pinopo kasi magkasing edad lang po kami ni Audrey. ‘Tsaka hindi naman po ako si Mayor. Isa pa, hindi na po si Daddy ang nakaupong mayor ngayon,” dagdag pa ni Liam. Mayamaya ay dumating na si Kian kung kaya’t inutusan ko siya na ikuha ng buko ang mga bisita. Agad namang kumuha si Kian. Si Inay naman ay agad na naghanda ng nilagang hinog na saging. Inilapag ni Inay ang mga nilutong saging sa maliit na mesa sa gitna ng kubo. Napangiwi ako baka kasi hindi kainin ni Liam iyon. Kasalukuyan kaming nakaupo at nagpapahinga sa kubo na yari sa kawayan. Dito talaga ang tambayan namin kapag may bisita dahil bukod sa presko ay masarap umupo dahil abot tanaw lang dito ang mga pananim naming mga bulaklak. “Sir, palagay mo kung dito ka tumira mabubuhay ka ba rito?” tanong ni William. “Ano ba naman ‘yang tanong mo, William, malamang siyempre. Eh, kung sila nga nabuhay rito, ako pa,” tugon nito. Sa totoo lang nagulat ako sa sinagot ni Liam. Madalas kasi kontra siya sa akin pero ngayon ay tila kakampi ko na siya. Siguro nahiya lang baka marinig ni Inay. “Kumakain ka niyan?” tanong ko sa kanya nang kumuha ito ng nilagang saging. “Oo naman. Ano naman ang palagay mo sa’kin hindi marunong kumilala sa nilagang saging porke’t sa bayan ako nakatira? Paborito kaya ‘to ni Dad.” “Talaga? Ikaw ba paborito mo rin ‘yan? Akala ko kasi ‘pag mayayaman hindi kumakain ng mga pagkain ng mahihirap.” Umarko lang ang isang sulok ng mga labi nito, “Hindi ako mayaman, mayabang puwede pa.” “Ay, joke ba ‘yon?” tanong ko. “Hindi.” “Ah, kala ko joke, mukha kasing totoo, eh,” napangiti ako alam ko kasing hindi siya makakapang-asar sa’kin dahil siya namang pagdating ni Inay. Natahimik na lamang siya at nagpatuloy sa pagkain. “Sir, kumain ka pa nito,” inabot ni William ang buko. “Oo, kakain talaga ako para worth it. Biruin mo sa kagustuhan kong makakain ng buko na ‘yan dito kina Audrey ay muntik nang malagay sa peligro buhay ko,” natatawang sabi nito. Humagalpak na rin ako ng tawa dahil naalala ko ang itsura niya kanina habang nakalambitin pati ang dalawang bodyguards niya ay tawa na rin ng tawa. “Sige lang, tumawa pa kayo,” sabi nitong natatawa na rin. PAGKATAPOS namin kumain ay naglibot-libot sila sa paligid ng bakuran namin. Pinadalhan ng nanay ko ng maraming santol at bayabas si Liam. At siyempre ang alalay nito ang tagabitbit. “Naku! Nag-abala pa po kayo, ‘Nay. Pero salamat po sa meryenda at dito,” tumingin ito sa bitbit na mga santol at bayabas. “Wala iyon, nakakahiya nga at iyan lang ang maipadadala ko kay Mayor.” “Naku! ‘Nay, ayos na ayos po ito. Malaking bagay na po ito sa amin, kaya maraming salamat po,” sabi nito. Parang ibang Liam talaga ang kaharap ko ngayon. Bakit parang ang bait-bait yata niya? Sana ay ganiyan lang siya palagi. Nag-iiba kasi ugali niya kapag ang mga kasama niya ay iyong mga barkada. Kapag ang mga bodyguards naman ang kasama niya ay nagmumukha silang grupo ng mga clowns. Lihim akong napapangiti. “Teka, anak, ‘di ba Lunes na bukas? Sumabay ka na kaya ngayon sa kanila papuntang bayan para may kasama silang naglalakad sa daan. Baka mamaya ay maligaw pa sila,” sabi naman ni Inay. “Bukas na lang po ako luluwas, Inay, napagod po kasi ako,” tugon ko. “Oo nga naman, Audrey, para hindi ka ma-late bukas,” suhestiyon naman ni Liam. Wala akong nagawa kundi sundin si Inay. Sa totoo lang araw ng Linggo talaga ako lumuluwas dahil ayokong ma-late kinabukasan. Pero dahil kasabay ko sina Liam ay parang nag-alangan na ako baka bigla nila akong asarin sa daan ‘andami ko pa namang atraso sa kanya ngayon. Kunsabagay, hindi ko naman kasalanan na nagalusan siya, kagustuhan niya rin iyon. Binalaan ko naman sila na huwag nang pumunta rito sa bahay pero tumuloy pa rin sila. Habang naglalakad na kami ay napansin niya ang nakasukbit kong backpack. “Mabigat siguro ‘yang bag mo, Audrey. Ako na magdadala,” sabi nitong agad na kinuha ang sukbit kong backpack. “Huwag na, kayang-kaya ko naman, eh,” tanggi ko. “Puwede ba huwag ka na ngang mag-inarte, ako na sabi ang magdadala, eh,” pagpupumilit nito. “O sige, bahala ka nga mapilit ka, eh.” Ibinigay ko sa kaniya iyon. “Teka, ano ba laman nito bakit napakabigat naman yata?” kunot-noo na tanong niya habang isinusukbit iyon sa likuran niya. “Oh, ngayon nagrereklamo ka?” napangiti ako. Kinapa niya ang loob ng bag, “Kaya naman pala, eh. May bigas ka palang dala.” “Nagdadala talaga ako ng bigas kasi nakakahiya naman kina Tito nakikituloy na nga ako nakikikain pa.” “Sa amin ka tumuloy libre lahat,” sabi niya. Tinaasan ko siya ng kilay, “Sus! ‘Di mo naman pag-aari iyon, pag-aari iyon ng mga magulang mo. Bakit mo naman ako patutuluyin doon?” “Sabi ko nga, joke lang naman. Baka palayasin ako ni Mayor kung makitang may dala akong babae,” sabay tawa niya. Napuno ng tawanan sa daan habang naglalakad kami dahil palabiro din ang dalawa niyang kasama. Pagdating namin sa Ubu Falls ay naroon pa rin naghihintay ang kanyang mga barkada. Naliligo ang mga ito sa talon at malakas ang tawanan ng mga ito. Nakita na nila kami kaya kinantiyawan nito si Liam na maligo na rin. Pero tumanggi si Liam dahil wala raw siyang dalang damit. “Sige, mauna na ako sa inyo,” paalam ko kay Liam. “Saan ka pupunta?” tanong niya. “Eh, ‘di sasakay na ako sa habal-habal pababa ng baryo,” sabi ko. “Sasakay ka sa habal-habal? Mas gusto mo pang umangkas sa kung sinu-sino lang kaysa sa akin na kakilala mo?” “Ibig sabihin aangkas ulit ako sa’yo? “Oo. Ano naman?” “Ang bilis mo kasing magpatakbo, eh, nakakadala,” sabi ko. Napangiti na lang ito, “Okay sige, this time hindi na tayo makikipag-karera.” “Uyy! Mukhang may nabubuong nang pag-ibig, ah!” kantiyaw ng mga barkada. Napakamot lang sa ulo si Liam. Himala yatang hindi siya pumatol sa mga biruan ng barkada. Pakiramdam ko tuloy nagpaka-gentleman siya sa unang pagkakataon. “O sakay na,” sabi niyang sumakay na sa kaniyang mamahaling motorsiklo. Hindi na ako nag-atubili pa na umangkas. Mas maganda nga at nakatipid ulit ako, pang meryenda ko na rin iyon. Banayad lang ang pagpapatakbo ni Liam kaya hindi na ako natakot. “Sa’n ba bahay ng Tito mo?” mayamaya ay tanong niya nang malapit na kami. “D’yan sa kanto pero dito na lang ako bababa,” sabi ko. “Bakit?” “Basta,” tugon ko. Masyado kasing conservative sina Tito kaya ayokong makita nilang nakaangkas ako kay Liam, baka kung anu-anong isipin ng mga iyon. Inihinto na niya ang motorsiklo at nagtanggal ng helmet. “Sigurado ka dito na lang?” “Oo nga. Kasi sina Tito baka makita ka,” sabi ko. “Ano naman kung makita ako? Nakita na nga ako ni Nanay, eh.” “Nanay ka d’yan.” Napaismid ako. Pero parang lihim akong nakaramdam ng tuwa dahil sa pagtawag niyang Nanay kay Inay. Pakiramdam ko tuloy ay para siyang nanliligaw. Teka, bakit ko ba naiisip iyon? Dapat hindi ko iniisip iyon dahil baka bukas sa eskwelahan ay umpisa na naman ang kalbaryo ko sa mga pambu-bully nila. Hindi ako dapat umaasa. Nakakailang pa dahil pinagtitinginan kami ng mga tao, kilala kasi si Liam na anak ng mayor, palagi kasing nakabuntot sa kanya ang dalawang bodyguards niya. “O sige na, dumarami na naman kasi ang fans mo,” sabi ko. “Teka, alin ba bahay ng Tito mo diyan?” “’Yong may pinturang berde na mataas, iyon ang bahay ng Tito ko,” turo ko. Tumango-tango na siya at nagpaalam na. Nagpasalamat naman ako sa paghatid niya dahil nakalibre ako ng pamasahe.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD