CHAPTER 7

2432 Words
Audrey Taong 1996 Amorsolo Foundation Academy Parang kailan lang high school pa lang ako, ngayon ay nasa second year college na ako. Business Administration major in Computer Science ang kinuha kong kurso. Ayon kasi sa mga nakakausap ko ay iyon daw ang in-demand kapag naghahanap ng trabaho sa Maynila. Pangarap ko talagang magtrabaho sa Maynila dahil nakikita ko ang mga kakilala ko na kapag galing ng Maynila ay gumaganda talaga sila at nakapagpapatayo pa ng bahay. Gusto ko ring magpagawa ng bahay sa bayan at pangarap kong maiahon ang mga magulang at kapatid ko sa hirap. Nagsasawa na kasi ako ng buhay sa bundok. Napatingin ako sa malaking puno ng Acasia na madalas pagtambayan nina Liam. Hindi nga ako nagkamali palagi siyang present at malakas ang halakhakan ng mga ito. Ano na naman kaya ang mga kalokohang ginagawa nila? Akala ko magiging maayos na ang buhay ko na walang mang-aasar sa akin noong naka-graduate na ako ng high school, dahil akala ko lilipat na si Liam sa Maynila. Nagtataka talaga ako kung bakit hindi pa siya sa Maynila mag-aral, mayaman naman sila. Kunsabagay, baka hindi na natuloy dahil katatapos lang ng termino ni Mayor. Isa pa, marami din silang pinagkakaabalahan dahil sila na ngayon ang namamahala sa academy. Biglang sumagi sa isipan ko si KJ. Kumusta na kaya siya ngayon? Bigla akong nakaramdam ng lungkot. Minsan tinatanong ko sa aking sarili kung first love ko ba si KJ kahit hindi naging kami. Nakayuko lang ako at nagmamadali nang mapadaan sa gawi nina Liam. “Audrey, nagmamadali ka ba?” tanong ng isa nilang kabarkada kaya napatingin ako sa kanila. “Oh, bakit?” tanong ko at saglit na tumigil. “Wala naman, napag-usapan lang namin na baka puwede ka naming kuning muse sa basketball. May laro kasi kami sa plaza nextweek.” Napaismid ako, “Ayoko nga!” Para kasing hindi na ako nagtitiwala sa kanila dahil tiyak may kalokohan na naman silang naiisip. “Sige na naman pumayag ka na,” segunda naman ni Liam. “At bakit? Ano’ng mapapala ko kung magiging muse ako, aber? Eh, alam ko namang walang bayad ‘yon, trophy lang. Makakain niyo ba ang trophy niyo?” “Hindi nga, pero makakakain pa rin tayo ng libre. May sponsor tayo as in libre lahat ng pagkain, mga gamit, tapos may outing pa. Sa’n ka pa?” sabi naman ng isa. Natigilan ako dahil sa totoo lang pangarap ko rin talaga na kunin akong muse sa basketball. Nakikita ko kasing libre talaga ang mga gamit ‘tsaka minsan kapag galante ang sponsor ay panay kain sa labas. Hindi lang iyon madalas din sila mag-outing. Napaisip ako. Parang kaunti na lang at papayag na ako. Kaya lang naiisip ko baka isa na naman ito sa mga prank na gagawin nila. “Ano na? Pumayag ka na kasi, full support tayo ng school natin,” sabi naman ni Liam. Mukha namang maayos na kausap itong si Liam ngayon. “Hmm…sige pag-iisipan ko pa,” tugon ko. “Huwag mo nang pag-isipan pumayag ka na ngayon na,” pangungulit niya. Napabuntong-hininga na lang ako. “Sige na nga, basta hindi ito prank, ha?” “I swear, hindi ‘to prank,” nakangiting sabi niya. AT sumapit na nga ang araw na maglalaro sila. Sa unang round ay nanalo sila pero noong dumating na ang championship ay mukhang minalas na kami. Kaya naman nanlumo ang team nina Liam nang matalo ito sa laro. Ngayon lang yata natalo sa laro sina Liam. Kung sa baseball ay lagi siyang suwerte sa basketball naman ay tila minalas sila. “Okay lang ‘yan, better luck next time,” sabi ko nang lumapit ako sa kanila. Kasama ko rin ang dalawang kaibigan ko na sina Chona at Mimi na disappointed din sa resulta ng laro. Ang ganda-ganda ko pa naman dahil ako ang muse ng team nila, nakasuot din ako ng kagaya ng uniporme nila. Napangiwi ako dahil ako yata ang nagdala ng malas sa kanilang team. “Mukhang wala sa mood,” bulong sa’kin ni Chona. “Ano bang next time ang sinasabi mo, Audrey? Wala nang next time, ‘noh,” sagot niya. Napakunot ako ng noo akala ko naman makapagbibigay ng comfort ang sinabi ko, iyon pala ay parang mas lalo siyang naasar. “Ano iyon porke’t natalo kayo ng isang beses ayaw mo agad maglaro? Siyempre hindi naman sa lahat ng pagkakataon kayo ang mananalo siyempre kasama sa laro ang matalo.” “Oo na nga talo na nga, eh. You’re not helping, kaya please manahimik ka na lang,” saad niya. Napabuga ako ng hangin, kung hindi lang talaga sa mga benefits na makukuha ko hindi na ako pumayag na maging muse nila. Ewan ko ba bakit napakamainitin ng ulo niya. Para laro lang naman akala mo naman iyon na ang katapusan ng lahat. Samantala ‘yong mga kaibigan nga niya ay nagtatawanan pa pero siya ay parang lugmok na lugmok ang mukha. “Haist, kainis!” usal ko na napairap. Bumaling na lang ako kay Chona at Mimi. “Asa ka pa, gurl, alam mo namang mainit ang ulo lalapit-lapit ka pa,” natatawang sabi ni Mimi. “Pa’no ba ‘yan, Liam, mukhang tuloy na tuloy na talaga ang plano,” sabi naman ng isa niyang barkada. “Mag-isa kayo! Ayoko na.” “Uy! Walang atrasan, ano.” “Nagbago na isip ko kaya kalimutan niyo na ang pinag-usapan natin,” sabi naman ni Liam sa kanila na halatang masama pa rin ang timpla. Napakunot ako ng noo dahil wala naman akong ideya kung ano ang kanilang pinag-uusapan. “Walang ganyanan, kapag nasabi mo na dapat tutuparin,” sabi naman ni Jorge na siyang pinakamalapit kay Liam. “Oo na! Sige na, matigil lang kayo,” ang tanging nasambit ni Liam dahil sa pangungulit ng mga barkada niya. Pagkatapos ng laro sa plaza ay dumeretso kami sa isang sikat na kainan sa bayan. Doon nanlibre ang sinasabing sponsor na kung tawagin nila ay Kuya Bogie. Nakasunod pa rin sa amin ang bodyguard ni Liam. Mukhang karugtong na yata ng pang-araw araw na routine ng buhay niya ang kanyang bodyguard. Nang matapos kaming kumain ay nagpaalam na kami nina Chona at Mimi sa team. Weekend kasi ngayon kaya uuwi pa ako sa amin. Pagkatapos ko makuha ang aking backpack kina Tito ay nagmadali na akong pumunta sa paradahan. Pero parang wala yata akong nakikitang mga dyip at tricycle kanina pa. Bigla na lang ay may huminto na motorsiklo sa harapan ko. Nang magtanggal ito ng helmet ay hindi ko inaasahang makita si Liam. Kasunod din nito ang isa pang motorsiklo kung saan nakasakay naman ang kanyang dalawang bodyguards. Binigay ni Liam sa akin ang isang helmet. “Ano’ng gagawin ko rito?” tanong ko. “Isuot mo at sumakay ka na,” sabi nito. “Ha? Ayoko nga. Takot ako sa motorsiklo,” dahilan ko. “Huwag ka nang mag-inarte d’yan. Anong takot? Panay nga ang sakay mo sa habal-habal. Kung tutuusin ‘di hamak na mas safe ito kaysa roon,” sabi niya. “Iyon kasi mga eksperto na sa pagmamaneho. Eh, ikaw baka kung saan lang tayo pulutin. Ayoko nga, mahal ko ang buhay ko, ano,” sabi kong nanatili sa kinatatayuan ko sabay napahalukipkip. Napaarko ang isang sulok ng mga labi nito na para bang naaasar at tila inoobliga ko siyang ihatid ako. “Ako, hindi eksperto? Sa ngayon hindi pa, pero baka magkandarapa kang sumakay sa akin kapag naging sikat na ako. Hindi mo ba alam na balak kong sumali sa motocross?” “Yabang mo talaga! At bakit naman ako magkakandarapa sa’yo? Ano naman ‘yong motocross na ‘yan?” Kahit kailan talaga ay umaapaw ang kayabangan nitong si Liam. Ewan ko ba, minsan parang normal na talaga sa kanya iyon kaya parang nasasanay na rin ako at minsan natatawa na lang sa kanya. “Hindi mo alam ang motocross?” tanong niya. “Hindi! At wala naman akong balak na alamin ang tungkol doon dahil hindi naman iyon makatutulong sa’kin,” tugon ko. “Alam mo minsan kasalanan din ‘yong hinahayaan mo ang sarili mong maging tanga,” sabay natawa ito. “Sinasabi mo bang tatanga-tanga ako, ha?” nakapameywang na ako at pinandilatan siya. “Hindi, ah. Sa bibig mo nanggaling, eh,” tuluyan nang lumapad ang mga ngiti nito. Hinampas ko siya sa braso, “Umalis ka na nga sa harap ko!” “Wala nang dyip. Alam mo bang may strike ngayon? ‘Di mo ba napapansin walang mga sasakyan? Sumakay ka na kung gusto mong makauwi sa inyo nang maaga,” dugtong nito na pumuwesto na ulit sa kanyang motor. Kaya pala walang mga dyip at kakaunti lang ang mga tricycle tapos pulos private pa at ayaw magpasakay. Nag-aalangan ako kasi siguradong hahawak ako sa kanya, nakakailang kaya iyon. “Eh, di hahawak ako sa'yo, gano’n ba?” parang tanga lang na tanong ko. “Puwede namang sa gulong ka humawak kung ayaw mo sa’kin,” sarkastiko niyang sabi. “Nakakainis ka talaga numero uno ka sa pamimilosopo,” sabi ko. Hindi ko na nakita ang reaksiyon ng mukha niya kasi nakasuot na siya ng helmet. “Ikaw kasi nagpapatawa ka. May nakita ka bang nakasakay sa motorsiklo na hindi nakahawak sa driver, sige nga?” “Oo na. Sasakay na ako mabuti na ‘to kaysa maglakad. Basta huwag ka masyadong mabilis magpatakbo, ah?” paalala ko. “Sasakay ka rin pala, eh, nagsusungit-sungitan ka pa.” Kinuha ko na ang helmet at wala na akong nagawa kundi ang sumakay. Sandali lang naman papunta sa paanan ng Ubu Falls, makakalibre pa ang pamasahe ko kaya hindi na masama. Mabilis ngunit napakabanayad niyang magpatakbo ng motorsiklo. Nakahawak lang ako sa kanya sa balikat pero nakalapat lang ang kamay ko. Ayaw ko talagang humawak sa kanya nang kapit na kapit dahil naiilang ako. Ewan ko kung bakit, parang hindi ko maintindihan kung ano ang nararamdaman ko na magkaangkas kami. Nakakakilig sana kung hindi siya mayabang. “Ay, Diyos ko po!” Biglang niyang binilisan ang pagpapaandar at nag-overtake pa siya sa isang bus. Kaya lalo akong napakapit sa kanya. Pihadong sinadya niya iyon para inisin ako. “Liam, baka madisgrasya tayo!” sigaw ko. Hindi ko narinig kong ano’ng sinabi niya o baka wala naman talaga siyang sinabi guni-guni ko lang iyon. “Kumapit kang mabuti uunahan natin sila,” sabi nito. “Ano?” “Sabi ko kumapit kang mabuti!” Ano raw kumapit akong mabuti? Bakit? “Ayy! Liam!” napatili ako nang mas binilisan niya ang pagpapatakbo na parang nakikipagkarera sa isang motosiklo kung saan nakasakay ang kanyang mga bodyguards. Palagi naman ako sumasakay sa habal-habal pero hindi ako kinabahan nang ganito. Humanda talaga siya sa akin ‘pag nakarating na kami. NANG makarating kami sa paanan ng Ubu Falls ay dali-dali akong bumaba at tinanggal ang helmet. “Salamat, ha, at muntik nang humiwalay ang kaluluwa ko sa katawan ko!” asar na sabi ko. Hinubad na rin niya ang kanyang helmet at humagalpak na siya ng tawa pati ang mga kasama nito. “Puwedeng-puwede ka na talaga sumali sa motocross, Sir. Partida may angkas ka pa niyan, ha,” natatawang sabi ng isa. Nagngitngit ako dahil nagpa-practice lang pala sila at isinama pa ako. “At talagang isinama mo pa ako sa pag-practice mo?” baling ko sa kanya. “Ano naman? May nangyari ba sa’yo, ‘di ba wala? Ikaw, napakasungit mo, imbes na magpasalamat ka at mabilis kang nakarating, eh.” “Alam ba ‘to ng daddy mo, ha? Tiyak ‘pag nalaman niya pagagalitan ka no’n.” Napaismid siya at biglang nawala ang ngiti sa mukha niya. “Eh, ‘di magsumbong ka. Tingnan ko lang kung pakinggan ka niya.” Nagtataka ako bakit noong binanggit ko daddy niya ay parang nainis siya. Siguro dahil palagi siyang pinagagalitan ng daddy niya. Matigas siguro ulo niya. Kunsabagay, kahit sinong magulang naman siguro kung may ganitong anak tiyak sasakit ang ulo. “Salamat sa paghatid, ha,” sabi ko. Kahit kinabahan ako kanina pero ligtas naman akong nakarating at ang bilis pa. “Ano’ng salamat may bayad ‘yon,” napangisi ito. “Bahala ka, ikaw nagpumilit na ihatid ako, eh,” saad ko. “Gustong-gusto mo naman,” napahagikhik ito. Tila namula ako sa sinabi niyang iyon kahit biro iyon pakiramdam ko ay may kung anong kiliti sa pakiramdam. Kinikilig ba ako, yuck! Hindi ko yata in-imagine na kikiligin ako sa taong ito. “O, sige na, una na ako, salamat ulit,” paalam ko. “Wait, Audrey!” tawag nito sa akin. Nilingon ko siya at nakita kong bumaba siya sa motorsiklo ibinigay niya ang helmet sa kasama at ang isa niyang bodyguard ay sumunod naman sa kanya. “Bakit?” tanong ko. “Ihahatid ka na namin, palubog na ang araw at baka matakot ka sa aswang sa daan.” “Ihahatid?” Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Iniisip kong nagbibiro lang siya pero nakasunod sila sa akin. “’Di ka ba nagbibiro? Ihahatid niyo ako?” ulit na tanong ko. “Oo nga.” “Naku, ah. Umuwi na kayo ayokong madamay sa galit ni Mayor baka mamaya malaman niyang hinatid niyo ako ipatawag ako ni Mayor,” sabi ko. Kahit hindi na si Mayor Almeda ang nakaupo sa puwesto ay nasanay na akong tawaging siyang Mayor. Natawa lang ang kasama nito. “Ayaw mo no’n sisikat ka na kapag pinatawag ka ni Mayor,” sabi ng kasama niya. Natawa lang si Liam. “Sige na bumalik na kayo. Hindi naman ako takot mag-isa dahil dito na ako lumaki. “Sus! Kunwari ka pang hindi takot. Kunwari ka pang matapang pero ang totoo kapag mag-isa ka na lang kumakaripas ka ng takbo, ano?” sabi nitong tatawa-tawa na sinegundahan naman ng dalawang mukhang clown na bodyguards niya. “Hindi ako takot. Baka kayo ang kainin ng aswang sa daan kasi hindi kayo kilala,” tugon ko. “Gano’n ba iyon? ‘Di nga? Seryoso, totoo bang may aswang?” tanong ni Liam. Bakas sa kanyang mukha ang takot halatang hindi sanay sa mabundok na lugar. Tanging malalakas na huni ng kuliglig lang kasi ang naririnig sa magubat na daan. “Sir, balik na kaya tayo,” suhestiyon ng kasama na tila takot na rin. Lihim akong napangiti naisip ko tuloy na takutin ang dalawa habang nakasunod sa akin. “Hindi huwag na kayong bumalik malayo-layo na rin ang nalakad niyo sayang naman,” nilingon ko ang mga ito at nginitian nang makahulugan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD