KJ NADISMAYA ako dahil wala na naman sa garahe ang paborito kong sports car. Mula nang dumating si Liam ay siya na lang halos ang gumagamit niyon. Ang dating ay parang ako pa ang nanghihiram. Hindi naman ako maramot kung hihiram lang siya pero mukhang inangkin na niya nang tuluyan. Kaya ko namang bumili ng bagong kotse kaya lang may sentimental value iyon sa akin dahil binili iyon ni Daddy bago siya namatay. Sabi ni Ninong Jess ay regalo dapat iyon ni Daddy sa birthday ko, pero hindi na nga siya umabot. Napalingon ako nang lumabas si Tito Rafael, akala ko kasi ay nakaalis na siya kanina pa. “Tito, punta po ba kayo sa City Global?” tanong ko. Si Ninong na ang presidente ng nasabing kompanya. Noon pa man ay si Daddy na ang major stockholder niyon. “Oo, marami kasing problema ngayon ang k