CHAPTER 6

1903 Words
Audrey UWIAN na naman at kasalukuyang naglalakad na kami nina Chona at Mimi palabas ng gate, nang makita namin na nasa likuran namin ang grupo nina Liam. Mas lalo naming binilisan ang paglalakad dahil maging ang dalawa kong kaibigan ay asar din sa mga ito. “Excuse us, sandali lang mga girls!” hinarang kami ng kanilang grupo. “Ano na naman ba?” inis na tumingin ako kay Liam. Wala akong pakialam kung umaali-aligid ang kanyang bodyguard. “Ang sungit mo naman, yayayain lang kitang sumabay sa kotse ko para hindi ka na mapagod sa paglalakad,” napangisi ito. Pero tiningnan ko lang siya habang nakahalukipkip. “Ano ako uto-uto, na kapag sinabi mong sumakay ay sasakay agad sa kotse mo? Mas gugustuhin ko pang sumakay sa kalabaw kesa d’yan sa magara mong kotse!” inirapan ko siya. “Teka, ikaw ba ang leader sa inyong tatlo?” tanong niya. “Walang leader-leader sa’min, hindi kami kagaya ng grupo niyo! Alam ko naman na sasabihin mong ikaw ang leader, ikaw ang bida, ikaw ang guwapo at…” Nakangiti siya sa mga sinasabi ko pero sinadya ko talaga iyon para ipahiya siya. “At ikaw rin ang pinaka…pinakamayabang!” pinagdiinan kong sabi sa kanya. Nakita ko ang pamumula ng kanyang mukha sa sinabi ko. Napatingin sa amin ang bodyguard niya. Napangiti lang si Liam nang sarkastiko. Mabuti nga, siguro naman ay titigil na siya sa pang-aasar sa’min. “Pasalamat ka babae ka, kundi…” “Kundi ano?” “Ang hirap sa’yo ikaw na nga ang inaalok ng tulong ikaw pa nagmamalaki,” sabi niya. “Puwes! Hindi ko kailangan ng tulong mo kaya kong maglakad at kailanman hinding-hindi ko pinangarap na sumakay diyan sa kotse mo! Tara na nga,” agad kong niyaya sina Mimi at Chona na natutulala lang sa pagtataray ko kay Liam. “Oo. Nakalimutan ko palang kayang-kaya mong maglakad dahil sanay na sanay ka sa bundok!” pahabol na sabi niya sa akin. Lilingon pa sana ako pero hinila na ako ng dalawa. “Gurl, wala tayong laban sa mga ‘yan. Sa dinami-dami nang aawayin mo si Liam pa talaga?” saway sa akin ni Chona. “Hindi ako nang-aaway siya ang nauna, Chona. Teka, takot ba kayo? Hindi naman tayo papatulan niyan takot lang niya masira pangalan ng Daddy niya nang dahil sa mga pambu-bully niya,” sabi ko. “For your information, Audrey, parang ikaw na ang nambu-bully sa kanya, eh, di sana hinayaan mo na lang. Paano kung sabihin niya kay Mayor na palayasin tayo sa eskwelahang ito? Sige nga?” Tila natauhan ako sa sinabi ni Chona. Oo nga pala kapatid ni Mayor ang may-ari ng eskwelahan at dahil patay na ito malamang ay si Mayor na ang mamamahala o magmamay-ari ng eskwelahang ito. “Oo nga, Audrey, tama na, ‘wag mo na silang patulan, ‘tsaka ayaw naming madamay. Baka mamaya ay ipatawag na tayo sa principal’s office niyan,” sabi naman ni Mimi. Napagtanto ko ang mga sinabi ng dalawa kaya nanahimik na lang ako. “Pasensya na kayo, ha, hindi ko naman intensiyon na mandamay. Kapag nakita niyong nagsusungit na ako ay lumayo na agad kayo. Basta ako, mangangatuwiran ako kapag alam kong tama ako kahit kay Liam pa,” turan ko. “Titigil din naman ang mga ‘yan. Teka, hindi kaya crush ka niya?” sabi ni Mimi. “Ano?” biglang namilog ang mga mata ko sa narinig sabay napatingin sa kanya. Alam kong crush ko dati si Liam pero kung si Liam ang magkaka-crush sa akin ay malabo yata mangyari iyon. “Imposible ‘yan, Mimi, masama lang talaga ang ugali niya. Kung crush niya ako di sana mabait siya sa’kin, ‘di ba?” sabi ko. Nakita naming lumampas na sa amin ang sasakyan nina Liam. Napairap ako nang makita ko pa siyang nagbukas ng bintana at kumindat sa akin. “Bastos!” usal ko. “Confirmed!” bulalas ni Chona. “Anong confirmed?” tanong ko naman. “Bakit nga ba hindi ko naisip iyon noong una. Tama si Mimi, Audrey, baka nga may gusto sa’yo si Liam. Hindi lang niya maamin kasi nga mayabang siya, ‘di ba? So kaya binabaliktad ka niya para bumigay ka.” “Puwes! Hindi ko siya magugustuhan, ngayon pang kilalang-kilala ko na ang ugali niya,” tugon ko. “Asus! ‘wag ka ngang nagsasalita ng tapos d’yan, Audrey, baka mamaya malaman namin na kayo na pala ni Liam.” “Hinding-hindi, ‘noh!” sagot ko. Tiningnan ko silang dalawa pero mukhang hindi sila naniniwala sa akin. “Paano kung bumait ‘yong tao?” tanong ni Chona. “Eh, di mabuti, siya aani no’n,” balewalang sabi ko. Nagpatuloy kami sa paglalakad hanggang sa maghiwa-hiwalay na kami. Sina Chona at Mimi ay sumakay na ng tricycle samantalang ako ay maglalakad pa papunta sa bahay nina Tito. Hindi naman iyon kalayuan sa eskwelahan, napakalapit lang noon para sa akin kumpara sa nilalakad ko sa baryo namin. Kaya hindi sa akin uubra ang pagyayabang ni Liam. Ang totoo, niyayabangan lang siguro niya ako ng kanyang kotse. At kapag pumayag akong sumakay ay mayroon na naman silang bagong pagtatawanan kinabukasan. SUMAPIT na ang araw ng foundation anniversary ng academy at siyempre may program. Kinakabahan ako dahil kahit saulado ko na ang tula pero kapos ako sa kumpiyansa na baka makalimutan ko iyon pagdating sa stage. Sa totoo lang mas gusto ko na lang rumampa kaysa tumula sa entablado na maraming makakapanood. Idagdag pa na hindi siguro maganda ang pagkagawa ko ng tula. Pinagpuyatan ko rin iyon, mabuti na lang at may napiga ako sa aking utak. Hinihintay ko sina Mimi at Chona sa program hall dumarami na kasi ang tao at napupuno na ito. Ang mga kaklase ko ay kanya-kanyang grupo. Wala akong panahong makipag-tsismisan dahil nagsasaulo pa rin ako ng mga sasabihin ko para hindi ko makalimutan pagdating sa stage. Mayamaya pa ay nakita ko na sina Mimi at Chona. “Bakit ang tagal n’yo?” tanong ko. Si Mimi kasi ay kasama sa parada kaya malamang ay nagpalit pa ito ng damit. Si Chona naman ay hindi ko mahagilap kanina. “Eh, alam mo na, tinulungan ko si Mimi magdala ng mga gamit niya. Oh, handa ka na ba sa tula mo mamaya?” tanong ni Chona. Huminga ako ng malalim at pilit na kinakalma ang sarili. “Ready na at sana mag-umpisa na para matapos na,” tugon ko. Umupo kami sa gawing unahan na malapit sa stage. Hindi nga nagbibiro si Miss Arellano dahil kanina lang ay tinanong pa niya ako kung handa na ako. Kaya naman mas lalo akong kinakabahan ngayon. Sina Mimi at Chona naman ay todo suporta sa akin. Gayunman, hindi pa rin naalis ang kaba ko. Nagpalakpakan ang mga tao nang tinawag ang pangalan ni Liam. Nagkatinginan kami nina Chona at Mimi. “Ano’ng gagawin niya?” tanong ko habang pinagmamasdan siya sa entablado. Kinuha niya ang isang mikropono at bumati. Tila malalaglag ang panga ko nang i-anunsiyo niyang siya ang co-host ng nasabing program. “Patay na,” usal ko. Siniko naman ako ng dalawa na nakatunghay kay Liam. Guwapong-guwapo ito kahit nakauniporme lang naman, naiba lang ang awra nito dahil naka-brush up ang buhok nito ngayon na bihirang gawin sa mga ordinaryong araw. Nasa kalagitnaan na ng programa nang i-anunsiyo ng dalawang host na mayroon daw magbibigay ng special number. “Ladies and gentlemen! Let’s give a round of applause to Miss Audrey Villaluna!” anunsiyo ni Liam. “Uy, ikaw na gurl!” kalabit sa akin ni Mimi. “Maririnig ko na rin ang ginawa mo sa wakas,” excited na sabi ni Chona. Sa totoo lang si KJ ang naging inspirasyon ko habang ginagawa ko iyon. “Wish me luck mga, friendship,” sabi ko. Iyon ang tawagan naming magkakaibigan. Umakyat na ako sa stage at inabot sa akin ni Liam ang isang mikropono at nag-thumbs up pa siya sa akin. Medyo nahihiya lang ako baka pagkatapos nito ay asarin na naman niya ako. Ngayon ay tila napakabait niya sa akin at seryoso ito sa kanyang pagho-host. Mahusay naman talaga si Liam sa lahat ng bagay iyon nga lang hindi nawawala sa kaniya ang kayabangan. Nagpalakpakan ang mga nasa ibaba ng stage. Huminga ako nang malalim at bahagyang yumuko. “Unang Pag-ibig ni Audrey Villaluna Simula pa lamang nang kita’y makita Sa isipan ko’y laging ikaw ang gunita Pinilit ko sana ang limutin ka Subalit mukha mo ang lagi kong nakikita. Nakilala kita at naging kaibigan Malambing, kung ika’y ilarawan Hindi ko inakala na ika’y magugustuhan Nitong puso ko na nagugulumihanan. Ang makausap ka’t makasama Dulot saakin ay libo-libong saya Maghirap man ako’y tila ‘di alintana Basta’t ikaw ang kasama sa tuwi-tuwina. Nang sabihin sa akin tunay mong damdamin ‘Di makapaniwala na seryoso ka sa akin Sapagkat pangamba’y mahirap alisin Takot sa pag-ibig sa isip ko’t damdamin. Ngunit mahal kita ang sigaw ng puso Wala ng pakialam kahit na mabigo Gusto ko na tanggapin ang pag-ibig mo Kahit dumating man ang libo-libong tukso. Ngunit isang araw bigla ka na lang umalis Mga ngiti sa labi ko’y biglang napalis Sana lang ay nagpaalam ka sa akin Upang nasabi ko ang totoo kong damdamin.” Bahagya akong yumuko nang matapos ko ang tula. Sana lang hindi mahalata ng mga kaibigan na para kay KJ iyon. Kahit na hindi naman talaga nanligaw sa akin si KJ pero siya talaga ang pinangarap ko at hinangaan nang husto kaya naman kahit sa tula ay sinabi kong nagpahayag na siya ng pag-ibig sa akin. Ilusyunada na kung matatawag pero kung hindi naman dahil kay KJ hindi ko magagawa ang tula. Kaya nagpapasalamat pa rin ako sa kanya. “Thank you, Miss Villaluna. Palagay mo, Liam, para kanino naman kaya iyon?” tanong ng co-host ni Liam. “Ah, parang kilala ko na. Pero alam mo, napakaganda talaga ng tula ni Miss Villaluna. Minsan kasi kailangan natin idaan sa tula ang mga bagay na hindi natin nasasabi ng personal sa isang tao, or minsan ang tula ay parang fairy tales na sa tula lang talaga nangyayari,” sabi pa ni Liam. Parang nasapol siya roon sa sinabi ni Liam. Kinabahan siya mukhang alam yata nito na si KJ ang tinutukoy niya sa tula. “You mean, imagination lang?” “Yah,” tugon ni Liam. Natawa lang ang co-host nitong si Ashley. “Grabe ka naman, Liam. I believe may inspirasyon si Miss Villaluna sa kanyang tula, and thanks for her inspiration, ‘di ba?” Bumaba na ako ng entablado at dali-daling tinungo ang upuan kung saan nakaupo nina Chona at Mimi. Hindi magkamayaw ang mga nanonood sa kasisigaw at palakpakan. “Uy! Para kanino ‘yon? Galing mo, ah!” sabi ni Chona. “Oo nga. Akala ko ba hindi ka marunong gumawa ng tula?” sabi pa ni Mimi. “Siyempre inspired by…hmm...mukhang kilala ko na kung sino ‘yon. Teka, ilusyunada ka gurl, ha. Aminin hindi naman talaga naging kayo,” tudyo ni Chona. Sinasabi ko na nga bang aasarin din nila ako. Ayos lang kung sina Chona at Mimi ang nakahalata pero kay Liam ako mas nahiya dahil pinapalabas nitong nananaginip ako ng gising sa pinsan nitong si KJ. “Magsitigil nga kayo. Wala lang ‘yon gusto ko lang mairaos ang tula kaya ayon ‘tsaka hirap kaya gumawa ng linya,” palusot ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD